WEBMASTER: McJeff O. Frondozo  EMAIL: [email protected]
sign my guestbook   view my guestbook

"At sinasabi ko naman sa iyo: ikaw ay Pedro, at sa ibabaw ng batong ito itatayo ko ang aking Iglesia, at hindi makapananaig sa kanya kahit ang kapangyarihan ng kamatayan..." -- Mateo 16:18
PANIMULA
APOLOHETIKO
PANALANGIN
LINKS

"Idambana ninyo sa inyong puso si Cristong Panginoon. Humanda kayong lagi na magpaliwanag sa sinumang magtatanong sa inyo tungkol sa inyong pag-asa. Ngunit maging mahinahon at mapitagan kayo sa inyong pagpapaliwanag.
Panatilihin ninyong malinis ang inyong budhi upang mapahiya ang mga umaalipusta at tumutuya sa inyong magandang asal bilang mga lingkod ni Cristo."

1 Pedro 3:15-16

Magandang Balita Biblia



Apolohetiko

"Wala sa Biblia iyan!" ang palaging bukambibig ng mga anti-Katoliko sa atin sa tuwing tinutuligsa nila ang mga doktrina ng Simbahan. Subalit hinahamon natin sila: "Wala nga ba talaga sa Biblia, o hindi mo lang makita sa Biblia?" Ang Katotohanan ay nananatiling KATOTOHANAN nakikita man ito o hindi ng isang nagmamagaling na anti-Katoliko. Maraming bagay sa mundong ito na bagamat hindi natin nakikita ay umiiral. At maraming bagay na palagi nating nakikita subalit hindi natin naiintindihan dahil hindi natin tinitingnan nang maayos. At marami ding bagay sa mundo na bagamat halata namang totoo, ay pilit pa ring pinasusubalian dahil hindi nila matanggap ang katotohanan.

Nagsisimula ang pagkatuto kung tatanggapin mo ang sarili mong kahinaan. Kailangan mong tanggapin na marami ka pang kailangang matutunan. Kailangan mong tanggapin ang iyong mga naging pagkakamali, at sikaping itama ang mga ito. Sarili mo lang ang niloloko mo kung patuloy kang magmamagaling, at ipagpipilitan ang sarili mong paniniwala.

Maraming Katoliko ang umaalis sa Simbahan upang umanib sa ibang relihiyon, subalit karamihan sa kanila ay hindi naiintindihan kung ano ba ang relihiyong iniwan nila. Maraming anti-Katoliko na tinutuligsa ang mga doktrina ng Simbahan, kahit na hindi naman nila naiintindihan kung ano ba ang mga sinisita nila. At marami ding tao na sadya lang talagang mapanlait sa kapwa dahil naniniwala silang sa pagsita nila sa mga inaakala nilang "mali" sa ibang tao, ay wala nang maaari pang sitahin sa sarili nila. At mayroon din naman na walang pakealam sa Diyos, at nililibak ang Simbahan dahil "trip lang" nila. Gustong-gusto nila na sila'y nakakalamang sa iba, at buhay na buhay ang kanilang mga dugo sa tuwing mayroon silang mga Katolikong naipapahiya. Ang Biblia ay nagsilbing kasangkapan ng kanilang mga pagmamapuri at pagbubuhat ng sariling bangko. Wala talaga silang intensyon na "itama" ang inaakala nilang "mali" sa atin. Ang tanging gusto lang nila'y tapak-tapakan ang ating pagka-Katoliko hanggang sa malagay tayo sa matinding kahihiyan at tuluyang iwan ang Simbahan.

May mga tao na kinakasangkapan lang ang mga usaping pangrelihiyon upang mapagtakpan ang mga personal na problema at kasiraan. Mayroon ding ilang mga "Cristiano" na walang nagagawang magaling sa kanilang relihiyon, kaya't itinutuon nalang ang panahon sa pagtuligsa sa Simbahang Katoliko at paghahanap ng lahat ng posibleng kapintasan sa mga pari, sa pagaakalang ang paninita sa pagkakamali ng iba ay maaaring ipampalit sa sariling responsibilidad na magpakabanal. Sila ang mga taong tuwang-tuwa sa pagsasangkalan sa kanilang mga "sakripisyo" at "pagsisikap" na agawin ang mga umano'y "Katolikong bihag ni Satanas". Sila ang mga "Cristiano" na naghahanap ng batong ipupukpok sa sariling ulo, na matapos mamerwisyo sa mga Katolikong naubusan na ng pasensya sa kanila, ay sasabihin pang "Inuusig kami ng mga Katoliko!"

Ang website na ito ay resulta ng mahaba-habang panahong ginugol ko (at patuloy na ginugugol) para ipagsanggalang ang aking pamilya, ang aking mga kaibigan, at ang aking sarili mula sa mga sari-saring tumutuligsa sa Simbahang kinaaaniban nating mga Katoliko. Hindi mo kailangang uminom ng lason para masigurong malusog ang sikmura mo. Hindi mo kailangang iumpog ang ulo mo sa pader para patunayang matibay ang bungo mo. Hindi mo kailangang tumingin sa mga malalaswang larawan para masubukan kung malinaw nga ang mga mata mo. Hindi mo kailangang "magsuri" sa mga sari-saring denominasyong "Cristiano" na naglipana sa daigdig (na pawang resulta lang ng Protestant Reformation noong ika-16 na siglo) para lang makatiyak na ang Simbahang Katoliko ay tama. Maikli lang ang buhay ng tao, at may hangganan ang kakayahang makapag-isip nang maayos. Sa halip na lasunin natin ang ating isipan sa mga ipinagpipilitang opinyon ng mga anti-Katoliko, makinig tayo sa itinuturo ng Simbahang Katoliko, ang ORIHINAL na Iglesia na itinatag ni Jesus noong 33 AD sa Jerusalem. Ito ang Simbahang "HALIGI AT SALIGAN NG KATOTOHANAN" (1 timoteo 3:15). Ito ang Simbahang nakatayo "SA IBABAW NG BATO" (Mateo 16:18). Hinahamon tayo ngayon ni Jesus: "Ibig din ba ninyong umalis?" (Juan 6:67). Kaisa ni Apostol San Pedro--ang unang papa, sana'y masabi rin natin sa Panginoon: "Panginoon, kanino po kami pupunta? Nasa inyo ang mga salitang nagbibigay ng buhay na walang hanggan!" (Juan 6:68).


Ang Ating Panginoong Jesu-Cristo: Taong Totoo at Diyos na Totoo

Deuterocanonico
Biblia Lamang?
Tradisyon at Mahisteryo
Ang Santo Papa
Ang tunay na Simbahan ay Iisa
Ang tunay na Simbahan ay Banal
Ang tunay na Simbahan ay Katoliko
Ang tunay na Simbahan ay Apostoliko
Hindi Nagkakamali ang Simbahan
Bakit hindi nagaasawa ang mga pari?
Ipinagbawal ang taguring "ama"?
Makapagliligtas ba ang pananampalataya lamang?
Sakramento ng Binyag at Kumpil
Sakramento ng Pakikipagkasundo
Sakramento ng Banal na Eukaristiya
Ano ba talaga ang Purgatoryo?
Pamimintuho sa mga Santo
Sagradong Imahen
Ina ng Diyos
Birhen Magpakailanman
Imakulada Konsepsyon
Pag-aakyat sa Langit kay Maria
Inang Reyna ng Sangnilikha
Ang turo ng Simbahan tungkol sa Indulhensya




 



Hosted by www.Geocities.ws

1