panimula |  apolohetiko |  panalangin |  links 





ANG TUNAY NA SIMBAHAN AY IISA


Ang Simbahang Katoliko ay iisa; hindi siya kalipunan ng mga sari-sari't magkakaibang denominasyon na nagkakanya-kanya. Bagama't hindi maiiwasan na magkaroon ng mga "di-pagkakaunawaan" at "alitan" sa ilang mga kaanib ng Simbahan, mayroong umiiral na malinaw at konkretong bigkis ng pagkakaisa na siyang batayan kaya natin nasasabi na ang "Katolisismo" ay iisang Simbahan lang. Ang mga bigkis ng ating pagkakaisa ay tatlo: 1)kaisahan sa pananampalataya, 2)kaisahan sa pagsamba, at 3)kaisahan sa pamunuan.

Ang Simbahang Katoliko ay may kaisahan sa Pananampalataya sapagkat iisa lang ang pananampalatayang kanyang ipinapahayag. Walang umiiral na magkakaiba't magkakasalungatang doktrina na tinatanggap ng mga Katoliko; mayroong opisyal, malinaw, at konkretong kalipunan ng doktrina na dapat sampalatayanan ng buong Simbahan, anupat hindi maaaring ipangahas ng sinoman na siya'y isa pa ring "Katoliko" kung itinatakwil naman niya ang kahit isa man sa mga kaliit-liitang doktrina ng Simbahan. Ang ganitong pagkakaisa sa pananampalataya ay wala sa Protestantismo. Ang Protestantismo ay nagkakawatak-watak sa mahigit 30,000 na denominasyong may magkakaibang paniniwala. Upang mapagtakpan ito, pilit inaangkin ng ilang mga Protestante na mayroon din daw silang pagkakaisa pagdating sa mga "pangunahing doktrina" ng Cristianismo; subalit paano naman sa mga hindi "pangunahing doktrina"? Bukod pa rito, hindi lahat ng mga sinasabi nilang "pangunahing doktrina" ng Protestantismo ay tinatanggap ng lahat ng mga denominasyong Protestante.

Ang Simbahang Katoliko ay may kaisahan sa pagsamba sapagkat sa buong mundo kung saan naroon ang Simbahang Katoliko, magkaparehong mga Sakramento lang ang ipinagdiriwang niya, magkaparehong mga kapistahan ang ginugunita niya, at magkaparehong mga gawaing pang-relihiyon ang ginagawa niya, at ang lahat ay alinsunod sa panuntunang itinakda ng iisang pamunuan. Ang isang binyagang Katoliko sa Pilipinas ay maaaring magpa-kumpil sa Brazil, mangomunyon sa Espanya, mangumpisal sa South Korea, magpakasal sa Roma, at tumanggap ng Cristianong libing sa Iceland (Siyempre, kakailanganin mong ipakita ang mga mahahalagang dokumento tulad ng "Baptismal Certificate", atbp upang patunayang Katoliko ka talaga). Ang ganitong pagkakaisa sa pagsamba ay wala sa alinmang denominasyong Protestante. Halimbawa, ang "Separate Baptists in Christ" ay walang kinalaman at walang pakialam sa mga ginagawang pagsamba ng "United Free Will Baptists", sapagkat ang "Baptist Church" ay hindi naman iisang denominasyon, kundi kalipunan ng mga nagkakanya-kanyang denominasyon na may sari-sariling pamamaraan ng pagsamba.

Ang Simbahang Katoliko ay may kaisahan sa pamunuan sapagkat mayroon tayong kinikilalang pinaka-pangulo, ang Santo Papa ng Roma na kahalili ni apostol San Pedro at kinatawan ng Panginoong Jesu-Cristo. Ang Simbahan ay nahahati sa mga diyosesis na pinamumunuan ng Obispo, at ang mga diyosesis ay nahahati sa mga parokya na pinamumunuan ng mga kura-paroko (Presbitero o "pari"). Subalit ang lahat ng ito ay nasa pamumuno ng Santo Papa. Isa sa mga pinaka-malinaw na batayan ng pagiging Katoliko ay ang pagtalima sa mga namumuno ng Simbahan, lalo na sa Santo Papa. Ang ganitong kaisahan sa pamunuan ay wala sa lahat ng mga denominasyong Cristianong di-Katoliko. Ang bawat denominasyong Protestante'y nagkakanya-kanya, at walang iisang Awtoridad o Maykapangyarihan na nagbibigkis sa kanila. Pilit nilang inaangkin na si Jesus ang nag-iisang "pangulo" nila, subalit sa kabila nito'y nananatili silang watak-watak. Ang sinomang kumikilala kay Jesus bilang kanyang "Pangulo" ay dapat ding kumilala sa kinatawan ni Jesus sa daigdig; kaya't ang Simbahang Katoliko ang tanging Simbahan na totoong kumikilala kay Jesus bilang kanyang nag-iisang pangulo, at iyan ang dahilan kung bakit ang Simbahang Katoliko ay may totoo at nakikitang kaisahan sa pamunuan.

Ang Iglesia ang Katawang Mistiko ni Cristo: siya ang ulo at tayo'y bahagi ng kanyang katawan (Colosas 1:24; 1 Corinto 12:27). Iisa lamang ang katawan ng Panginoong Jesu-Cristo, hindi marami (Colosas 3:15). Bagamat binubuo ng maraming miyembro, ang lahat ay kumikilos para sa ikauunlad ng buong katawan (1 Corinto 12:12). "Iba't iba ang kaloob ngunit iisa lamang ang Espiritung nagkakaloob ng mga ito. Iba't iba ang paraan ng paglilingkod, ngunit iisa lamang ang Panginoong pinaglilingkuran. Iba't iba ang mga gawain ngunit iisa lamang ang Diyos na sumasalahat ng taong gumagawa ng mga iyon." (1 Corinto 12:4-6). Iisang katawan, iisang Espiritu, iisang pananampalataya, iisang bautismo (Efeso 4:5). Iisang pag-ibig, iisang puso't diwa (Filipos 2:2). Nakikibahagi sa iisang tinapay (1 Corinto 10:17); nagkakaisa sa pananalita, isipan, at layunin (1 Corinto 1:10). Ang mga lumilikha ng pagkakampi-kampi ay dapat itakwil at itiwalag sa Iglesia (Tito 3:10). Hindi kinalulugdan ng Diyos ang pagkakabaha-bahagi sa Iglesia (1 Corinto 1:10).

10% lang ng ating populasyon sa Pilipinas ang mga "di-Katolikong Cristiano" at mga Protestante, subalit nagkakabaha-bahagi sila sa mahigit 700 na magkakaiba at nagsasalungatang denominasyon. Wala pang limang daang taon ang lumilipas (1520-2007) mula nang pinasimulan ang Protestantismo, subalit ito'y nagkawatak-watak na sa mahigit 30000 na denominasyon, gayong 500 milyon lang naman ang bilang ng mga Protestante sa buong mundo. Kung ihahambing sa Simbahang Katoliko na halos 2000 taon nang umiiral sa daigdig at kinabibilangan ng mahigit 1 bilyong Cristiano, nagtataka tayo: bakit hindi magawang magkaisa ng mga Protestante sa iisang pananampalataya, gayong kakaunti lang naman sila? Hindi rin maikakaila ng bawat Pilipino na kaya naging matagumpay ang EDSA Revolution noong 1986 ay dahil sa pagkakaisa ng Simbahang Katoliko sa Pilipinas! Ang Pilipinas ay pinaghihiwalay ng 7,107 na isla, magkakaibang wika at kaugalian, at pati sa pulitika ay may magkakaibang pinapanigan, subalit halos lahat--85% ng populasyon--ay nagkakaisa sa iisang Simbahan, sa Simbahang Katoliko.

Sa mga Huling Araw lilitaw ang mga manlilibak at lumilikha ng pagkakampi-kampi. "Noon pa'y sinabi na nila sa inyo: 'Lilitaw sa huling panahon ang mga manlilibak, mga alipin ng kanilang masasamang pita.' Ito ang mga taong lumilikha ng pagkakabaha-bahagi, mga taong pinaghaharian ng kanilang mga pita at di pinananahanan ng Espiritu." (Judas v. 18-19). Sinabi rin ng Panginoong Jesus: "Ang hindi panig sa akin ay laban sa akin, at ang hindi tumutulong sa aking mag-ipon ay nagkakalat." (Mateo 12:30). Ang katuparan ng mga ito ay ang lahat ng mga denominasyong Cristianong di-Katoliko, na silang puno't dulo kaya nagkakabaha-bahagi ang Cristianismo sa napakaraming magkakaibang denominasyon.

pahina  1  2  3  4 



bumalik sa pahina ng Apolohetiko




Hosted by www.Geocities.ws

1