WEBMASTER: McJeff O. Frondozo  EMAIL: [email protected]
sign my guestbook   view my guestbook

"At sinasabi ko naman sa iyo: ikaw ay Pedro, at sa ibabaw ng batong ito itatayo ko ang aking Iglesia, at hindi makapananaig sa kanya kahit ang kapangyarihan ng kamatayan..." -- Mateo 16:18
PANIMULA
APOLOHETIKO
PANALANGIN
LINKS

"Ipinapahayag ko na ako'y isang Katoliko, at sa relihiyong ito kung saan ako
ipinanganak at naturuan, ibig kong mabuhay at mamatay."

Dr. Jose P. Rizal

Pambansang Bayani ng Pilipinas


Panimula

Maraming salamat po sa pagbisita sa aking website! Ano ba ang "apolohetiko"? Ang apolohetiko ay ang "maayos at teolohikal na pagpapaliwanag tungkol sa pagiging makatuwiran ng doktrinang Katoliko bilang pagtatanggol sa iba't ibang pagtuligsa. "Ang website na ito na pinamagatang "SA IBABAW NG BATO: Apolohetiko para sa mga Filipinong Katoliko" ay naglalayong ipaliwanag at ipagtanggol ang mga doktrina ng Simbahang Katoliko, at sagutin ang mga karaniwang panunuligsa ng mga anti-Katolikong Protestante at mga "di-Katolikong Cristiano", upang maliwanagan ang mga Katolikong naliligalig nang dahil sa kanila. Ito po ay sadyang ginawa para sa mga Pilipinong Katoliko kaya't hindi na ipinaliliwanag nang husto ang mga aspeto ng Katolisismo na alam na ng isang tipikal na Katoliko. May pagkakataon ding ipinakikita na lamang ang eksaktong pagtuturo ng Simbahan na nasusulat sa Katesismo, sapagkat maliwanag naman nitong naituturo ang isang doktrina nang hindi na nangangailangan pa ng pinanibagong pagpapaliwanag. Subalit pinaaalalahanan po ang lahat na ito'y hindi opisyal na website ng Simbahang Katoliko kaya't maaaring magtaglay ito ng mga pagkakamali nang hindi ko po sinasadya. Maging mapanuri po tayo sa lahat ng pagkakataon at ugaliing sumangguni sa mga mas siguradong reperensyang Katoliko, katulad ng librong Catechism of the Catholic Church at ng ating pambansang katesismo, ang "Katesismo para sa mga Pilipinong Katoliko."

Ang Biblia na ginamit ko po sa website na ito ay ang Magandang Balita Biblia Tagalog Popular Version na may Deuterocanonico. May mga pagkakataon na gumamit din ako ng ibang bersyon ng Biblia at ito'y babanggitin ko sa mga naturang pagkakataon. Ang paggamit ko po ng anumang bersyon ng Biblia ay hindi nagpapakahulugan na itinataguyod ko ang mga naturang bersyon.

Hindi po ito isang kumpletong paglalahad ng Pananampalatayang Katolika, bagkus nakatuon lamang ito sa mga piling paksa na madalas pagmulan ng mga usapin. Hindi po masasalamin sa website na ito ang lahat-lahat sa Katolisismo. Hanggang sa abot ng aking makakaya'y sinikap ko pong gawing simple, prangka, at higit sa lahat, Biblikal ang aking mga pagpapaliwanag upang ito'y madaling maunawaan ng mga Pilipinong Katoliko. Umaasa po ako na sa pamamagitan ng website na ito ay maging malinaw sa lahat na ang Katolisismo ay Biblikal, makatwiran, makatotohanan, at maka-Diyos.

Wala po akong mataas na katungkulan sa Simbahan, at wala ring mataas na pinag-aralan sa larangan ng Teyolohiya. Isa lamang po akong layko na naglalaan ng panahon na pag-aralan ang Pananampalataya at ibinabahagi sa inyo ang anumang natututunan ko. At hindi ko po ginawa ang website na ito upang ipakilala ang aking sarili na "mas-banal-kaysa-iba", bagkus tinutupad ko lang po ang OBLIGASYON ng bawat binyagang Katoliko na ibahagi't ipalaganap ang Mabuting Balita sa paraang maaari kong gawin.

Maliban sa pamagat na larawan at banner na "Sa Ibabaw ng Bato", pati na rin ang mga larawan at disenyong ginamit sa layout, hindi ko po inaangkin ang karapatan sa mga larawang ginamit sa website na ito.

Para po sa inyong mga katanungan, reaksyon, mungkahi, o mahalagang mensahe, magtext sa numerong 0915-9070243 o di kaya'y magemail sa [email protected]. Ang anumang walang pakundangang pagpupumilit ng opinyon at di-makataong mensahe ay hindi bibigyang pansin, kahit pa ito'y pumapanig sa Katolisismo. Ang website na ito ay ginawa para sa mga Katolikong mambabasa na may pagpapahalaga sa mga bagay na banal, at may respeto sa kapwa tao. Hindi po pinipilit ang sinoman na bumisita't sumang-ayon sa website na ito.

Ginawa ko ang website na ito sa computer na may browser na Microsoft Internet Explorer version 6.0, sa resolution na 1024x768 32 bits. Ang mga ito'y marapat ipagsaalang-alang para sa maayos na pag-browse ng site na ito.


 


PATALASTAS:
Dahil sa nakatakdang pagsasara ng Yahoo! Geocities sa ika-26 ng Oktubre, ang web site na ito ay lilipat na sa http://saibabawngbato.20m.com. Para sa inyong mga katanungan hinggil sa paglilipat na ito, magtext na lang kayo sa akin sa 09159070243. Maraming salamat po.

- McJeff


Hosted by www.Geocities.ws

1