WEBMASTER: McJeff O. Frondozo  EMAIL: [email protected]
sign my guestbook   view my guestbook

"At sinasabi ko naman sa iyo: ikaw ay Pedro, at sa ibabaw ng batong ito itatayo ko ang aking Iglesia, at hindi makapananaig sa kanya kahit ang kapangyarihan ng kamatayan..." -- Mateo 16:18
PANIMULA
APOLOHETIKO
PANALANGIN
LINKS

"Huwag kayong magsasawa sa pananalangin. Gawin ninyo itong mataimtim at may pasasalamat."

Colosas 4:2

Magandang Balita Biblia



Tanda ng Krus

Sa ngalan ng Ama, at ng Anak, at ng Espiritu Santo. Amen.

Ama Namin

Ama namin sumasalangit ka. Sambahin ang ngalan mo. Mapasaamin ang Kaharian mo. Sundin ang loob mo dito sa lupa tulad ng sa Langit.
Bigyan mo kami ngayon ng aming kakanin sa araw-araw. Patawarin mo kami sa aming mga sala, tulad ng pagpapatawad namin sa mga nagkakasala sa amin. At huwag mo kaming ipahintulot sa tukso, at iadya mo kami sa lahat ng Masama. Amen.

Aba Ginoong Maria

Aba Ginoong Maria, napupuno ka ng Grasya! Ang Panginoong Diyos ay sumasaiyo. Bukod kang pinagpala sa babaeng lahat at pinagpala din naman ang iyong Anak na si Jesus.
Santa Maria, Ina ng Diyos, ipanalangin mo kaming makasalanan ngayon at kung kami ay mamamatay. Amen.

Luwalhati

Luwalhati sa Ama, at sa Anak, at sa Espiritu Santo! Kapara noong una, ngayon, at magpasawalang-hanggan. Amen.

Kredo ng mga Apostol

Sumasampalataya ako sa Diyos Amang makapangyarihan sa lahat na may gawa ng langit at ng lupa. Sumasampalataya naman ako kay Jesu-Cristong iisang Anak ng Diyos, Panginoon nating lahat. Nagkatawang-tao siya lalang ng Espiritu Santo, ipinanganak ni Santa Mariang Birhen, pinagpakasakit ni Poncio Pilato, ipinako sa krus, namatay, inilibing, nanaog sa kinaroroonan ng mga yumao, nang may ikatlong araw ay nabuhay magmuli, umakyat sa Langit, naluluklok sa kanan ng Diyos Amang makapangyarihan sa Lahat. Doon siya magmumulang paririto at siyang huhukom sa nabubuhay at nangamatay na tao. Sumasampalataya naman ako sa Diyos Espiritu Santo, sa Banal na Simbahang Katolika, sa kasamahan ng mga banal, sa kapatawaran ng mga kasalanan, sa pagkabuhay na maguli ng mga nangamatay na tao, at sa buhay na walang hanggan. Amen.

Pananalig

O Diyos ko, ako'y walang pag-aalinlangang naniniwala sa mga banal na katotohanang itinuturo at sinusunod ng iyong Simbahang Katolika sapagkat ikaw ang nagturo at wala kaming pag-aalinlangan kaunti man. Amen.

Pag-asa

O Diyos ko, umaasa ako sa iyong walang katapusang awa at mga pangako, at inaasahan ko ang kapatawaran sa aking mga kasalanan, ang iyong mga biyaya at ang buhay na walang hanggan, sa pamamagitan ni Hesu-Kristong aming Panginoon at Mananakop. Amen.

Pag-ibig

O Diyos ko, iniibig kita nang higit sa lahat ng bagay nang buong puso at kaluluwa sapagkat lubos ang iyong kabutihan na dapat ibigin ng lahat. Iniibig ko rin ang aking kapwa katulad ng pag-ibig ko sa sarili dahil sa pag-ibig ko sa iyo. Pinatatawad ko ang lahat na nagkasala sa akin, at humihingi ako ng tawad sa lahat ng aking nagawang kasalanan. Amen.

Halina Espiritu Santo

Halina Espiritu Santo, punuin mo ang mga puso ng iyong binyagan, at papagningasin sa kanila ang apoy ng iyong mabathalang pag-ibig.
Ipadala mo ang iyong Espiritu at sila'y malilikha. At mababago mo ang lupang ibabaw.
O Diyos na humubog sa puso ng mga binyagan sa pamamagitan ng karunungan ng Espiritu Santo, ipagkaloob mo, sa tulong ng Espiritung ito, na aming malasap ang tamis ng kabutihan at magtamasa magpakailanman ng kanyang mabathalang pag-aaruga, sa pamamagitan ni Kristong aming Panginoon. Amen.

Memorare

Alalahanin mo, O pinagpalang Birheng Maria na di kailanman nangyari sa sino mang dumulog sa iyong pagkalinga, humingi ng iyong tulong, o nanalangin sa pamamagitan mo na hindi pinakinggan. Buo sa ganitong pagtitiwala, tumatakbo akong patungo sa iyo, O Birhen ng mga birhen, aking Ina. Lalapit sa iyo, tatayo sa harapan mo, akong makasalanan at puno ng pighati. O Ina ng Salitang nagkatawang-tao, huwag mong hamakin ang aking pagsamo, ngunit sa iyong awa, dinggin mo at tugunin ako. Amen.

Pagsisisi

Diyos ko, ako'y nagsisisi nang buong puso dahil sa aking mga kasalanan sa paggawa ng masama at pagkukulang sa paggawa ng kabutihan. Nagkasala ako laban sa iyo na dapat kong mahalin nang higit sa lahat. Sa tulong mo, sisikapin kong magbabago at iiwasan ang anumang naghahatid sa akin sa kasalanan. Amen.

Anghel ng Diyos

Anghel ng Diyos, tagatanod kong mahal, na sa pag-ibig niya ako sa iyo'y ipinaubaya. Sa araw na ito, sa piling ko'y huwag lumisan. Ako'y tanglawan, ingatan, at alalayan. Amen.

Angelus

N: Binati ng anghel si Ginoong Santa Maria...
L: at siya'y naglihi lalang ng Espiritu Santo.
Aba Ginoong Maria...
N: Narito ang alipin ng Panginoon...
L: maganap nawa sa akin ang ayon sa iyong sinabi.
Aba Ginoong Maria...
N: At ang Verbo ay nagkatawang-tao...
L: at nakipamuhay sa atin.
Aba Ginoong Maria...,
N: Ipanalangin mo kami, Santang Ina ng Diyos.
L: Nang kami'y maging dapat makinabang sa mga pangako ni Kristo.

manalangin tayo...

L: Panginoon naming Diyos kasihan mo nawa ang aming mga kaluluwa ng iyong mahal na Grasya at yayamang dahilan sa pamamalita ng anghel ay nakilala namin ang pagkakatawang-tao ni Jesu-Kristong Anak mo, pakundangan sa mahal na sakit at pagkamatay niya sa krus ay papakinabangin mo kami ng kanyang pagkabuhay na maguli sa kadakilaan sa Langit, Sa pamamagitan ni Jesu-Kristong aming Panginoon. Amen.

Luwalhati... (tatlong ulit)

Regina Coeli

N: Reyna ng Langit matuwa ka! Aleluya!
L: Sapagkat ang sanggol na ikaw ay karapat-dapat na magdala.. aleluya!

N: Ay nabuhay na mag-uli ayon sa kanyang sinabi.. Aleluya!
L: Ipanalangin mo kami sa Diyos.. Aleluya!

N: Magalak ka at matuwa, O Birheng Maria.. Aleluya!
L: Sapagkat ang Panginoon ay tunay na nabuhay na mag-uli.. Aleluya!

N: Manalangin tayo..
L: O Diyos, na dahil sa pagkabuhay na mag-uli ng iyong Anak na si Jesu-Kristong aming Panginoon, ay minarapat mong bigyan ng kagalakan ang buong daigdig. Ipagkaloob mo sa amin, hinihiling namin sa iyo alang-alang kay Birheng Maria na kanyang Ina ay makamtan namin ang kasiyahan ng buhay na walang hanggan, sa pamamagitan na rin ni Kristong aming Panginoon. Amen.

Luwalhati... (tatlong ulit)

Panalangin ukol sa Kapayapaan

Panginoon, gawin mo akong kasangkapan ng iyong kapayapaan. Papaghasikin mo ako ng kapayapaan saan man may alitan; ng pananampalataya saan man may alinlangan; ng pag-asa saan man may walang pag-asa; ng liwanag saan man may kadiliman; at ng tuwa saan man may kalungkutan.
O Diyos na Panginoon, ipagkaloob mong higit kong hangarin ang makaaliw kaysa aliwin; ang makaunawa kaysa unawain; ang magmahal kaysa mahalin: sapagkat nasa pagbibigay ang pagtanggap; nasa pagpapatawad ang pagkakamit ng patawad; at nasa pagkamatay ang ating pagsilang sa buhay na walang hanggan. Amen.

Salve Regina

Salve Reg�na; mater miseric�rdi�; vita dulc�do et spes nostra salve. Ad te clam�mus, �xsules f�lii Ev�. Ad te suspir�mus, gem�ntes et flentes in hac lacrimarum valle. Eja ergo, advoc�ta nostra, illos tuos miseric�rdes �culos ad nos conv�rte. Et Jesum, bened�ctum fructum ventris tui, nobis post hoc exs�lium ost�nde. O clemens, O pia, O dulcis Virgo Maria.

Aba po Santa Mariang Reyna, Ina ng Awa. Ikaw ang kabuhayan at katamisan; Aba pinananaligan ka namin. Ikaw nga ang tinatawagan namin, pinapanaw na taong anak ni Eba. Ikaw rin ang pinagbubuntuhang hininga namin ng aming pagtangis dini sa lupang bayang kahapis-hapis. Ay Aba pintakasi ka namin, ilingon mo sa amin ang mga mata mong maawain, at saka kung matapos yaring pagpanaw sa amin, ipakita mo sa amin ang iyong Anak na si Hesus. Santa Maria, Ina ng Diyos, maawain, maalam, at matamis na Birhen.

Panalangin sa Umaga

Panginoong Diyos, maraming salamat sa araw na ito na muli mong ipinagkaloob sa akin. Iniaalay ko sa iyo ang lahat ng aking gagawin, iisipin, at aasalin sa araw na ito. Sapagkat iniibig kita nang higit sa lahat, sisikapin kong maging kaaya-aya sa iyo.
Sisikapin kong harapin ang lahat ng mga bagay na nararapat gawin, maging ang mga pagtitiis. Turuan mo akong maging mabuti sa lahat ng tao na aking makakasalamuha ngayon.
Ngunit higit sa lahat, isugo mo sa akin ang iyong Espiritu at gawaran mo ako ng biyayang kinakailangan ko upang maging daan ako ng iyong pag-ibig, ng pagtitimpi sa gitna ng hindi kanais-nais na pangyayari, ng katotohanan, ng katarungan, at ng kapayapaan. Amen.
Aking Mahal na Ina, gabayan nawa ako ng iyong maka-Inang pagmamahal upang ang araw na ito'y mairaos nang ligtas at payapa.

Panalangin sa Gabi

Panginoong Diyos, nagpapasalamat ako ngayon sa maghapong nagdaan, sa mga taong aking nakasalamuha, sa mga bagay-bagay na aking natanggap, at sa buhay na iyong ipinagkaloob sa akin.
Ngunit talos ko ang aking mga kahinaan sa maghapong ito. Humihingi ako sa iyo ng iyong patawad dahil sa aking mga kasalanang nagawa at pagkukulang sa paggawa nang mabuti.
Pagpalain mo nawa ang mga taong mahal sa akin, ang mga namumuno sa aming bansa, ang aming simbahan at parokya, ang mga nagugutom at nauuhaw, ang mga maysakit at nahihirapan, at ang nawawalan ng pag-asa at pananampalataya.
At higit sa lahat ay pinupuri kita, O Mapagmahal naming Diyos. Maghari nawang lagi ang iyong kalooban sa buong daigdig at sa aming buhay. Sa iyo ko ipinagkakatiwala ang aking kaligtasan ngayong gabi sa aking paghimlay. Nawa'y sa paggising ko'y muli kang makapiling upang harapin ang bukas nang may katatagan. Ikaw ang aming Panginoon, ngayon at magpasawalang hanggan. Amen.
O Mahal na Birheng Maria, kalingain mo nawa kami bilang iyong anak. Ipinagkaloob ka sa amin ni Hesus upang aming maging Ina. Ilapit mo kami sa iyong Anak na si Hesus.
Anghel ng Diyos, tagatanod kong mahal, na sa pag-ibig niya ako sa iyo'y ipinaubaya. Sa araw na ito, sa piling ko'y huwag lumisan. Ako'y tanglawan, ingatan, at alalayan. Amen.

Panalangin Bago Kumain

Basbasan mo kami, O Panginoon, gayon din ang mga pagkaing handog na ito na ngayon ay aming tatanggapin sa iyong kagandahang-loob, sa pamamagitan ni Kristong aming Panginoon. Amen.

Panalangin Matapos Kumain

Nagpapasalamat kami sa iyo, O Diyos na makapangyarihan, sa lahat ng iyong biyayang aming tinanggap sa iyong kagandahang-loob, sa pamamagitan ni Kristong aming Panginoon. Amen.

Sub Tuum Pr�sidium

Sa iyong pagkalinga kami'y mananahan, O Ina ng Diyos, bunying kabanalan. Aming panalangin huwag mong tanggihan, O tagapagtanggol ng nangangailangan sa lahat ng panganib, ikaw ang kaligtasan O Birheng Maria pinagpalang kariktan.



 



Hosted by www.Geocities.ws

1