panimula |  apolohetiko |  panalangin |  links 





ANG TUNAY NA SIMBAHAN AY APOSTOLIKO


Ang Simbahang Katoliko ay Apostoliko. Hindi ito isang simpleng pag-aangkin na ang Pananampalatayang Katoliko ay ang pananampalataya din ng mga apostol ng Panginoong Jesus. Bagkus, ang pagka-apostoliko ng Simbahan ay nangangahulugang siya'y patuloy na ginagabayan ng mga apostol sa pamamagitan ng kanilang mga kahalili. Ang kanyang mga Obispo, Presbitero ("pari"), at mga Diakono ay may kapangyarihang nag-uugat sa mga apostol sa bisa ng Sakramento ng Banal na Orden. Sila'y lehitimong inordinahan at hindi nagsariling-halal o tumanggap ng mga "personal na pangitain" o "personal na pagkakasugo" na imposibleng mapatunayan. Sa Simbahang Katoliko, ang kanyang mga Ministro ay sinugo ng Diyos at hindi nagsariling-sugo. At ang mga kapangyarihan at kapamahalaan nila ay hindi nagbubuhat sa mga tao o sa kapasyahan ng nakararami, bagkus ay nagbubuhat sa Diyos at naipagkakaloob sa pamamagitan ng lehitimong ordinasyon.

Hindi tayo "pantay-pantay" sa Simbahan, bagkus ay mayroong umiiral na isang Herarkiya o Bahagdan na nakatuon sa ikauunlad ng buong Simbahan. Maliwanag na sinasabi sa Biblia: "Hindi lahat ay apostol, propeta, o guro..." (1 Corinto 12:29). May mga natatanging Ministeryo (Paglilingkod) na inilagay ng Diyos sa Simbahan upang ang bawat Cristiano'y magkaisa sa pananampalataya kay Jesu-Cristo (Efeso 4:12-13). Ang mga apostol ay pinagkalooban ng kapangyarihan at kapamahalaan sa Simbahan (Mateo 10:1, 40-42; Lucas 10:16; Juan 20:21-23). Sinabi sa kanila ni Jesus, "Anumang ipagbawal ninyo sa lupa ay ipagbabawal sa langit, at anumang ipahintulot ninyo sa lupa ay ipahihintulot sa langit." (Mateo 18:18). Ipinagpapatuloy ng mga apostol ang Ministeryo ni Jesus nang siya'y maging tao. Sinabi ni Jesus sa kanila: "Kung paanong sinugo ako ng Ama, gayon din naman, sinusugo ko kayo" (Juan 20:21). Sila'y tumatayong "kinatawan ng Panginoong Jesus", at ang pagtalima sa kanila'y katumbas ng pagtalima kay Jesus (Mateo 10:40; Juan 13:20).

Ang mga kapangyarihan at kapamahalaan ba ng mga apostol ay naglaho nang sila'y namatay? Hindi. Maliwanag na itinuturo sa Biblia na kailangang may humalili sa mga apostol (Gawa 1:20-26). Nagtalaga sila ng mga taong magpapatuloy ng kanilang Ministeryo hanggang sa wakas ng panahon. Sila'y ang mga Obispo, Presbitero ("pari"), at mga Diakono (Filipos 1:1; 1 Timoteo 3:2,8, 5:17; Tito 1:5-9, Gawa 14:22; atbp). Hindi sila naluklok sa mga naturang tungkulin sa pamamagitan ng "napagkaisahang kapasyahan ng nakararami", bagkus ang kanilang kapangyarihan at kapamahalaan ay tinanggap nila sa pamamagitan ng lehitimong ordinasyon: sa pamamagitan ng Sakramento ng Banal na Orden o "pagpapatong ng kamay" na iginagawad ng mga lehitimong Obispo, ang mga kahalili ng mga apostol (Gawa 6:6, 13:3, 14:22-23; 1 Timoteo 4:14, 5:22; 2 Timoteo 1:6-7). Sapagkat may Grasya ng Diyos na ipinagkakaloob sa mga taong inoordinahan upang magampanan nila ang kanilang tungkulin, kaya't ang ordinasyon ay itinuturing na isang Sakramento. Ang mga inordinahang Obispo't kaparian sa Simbahang Katoliko ang itinalaga ng Diyos na pangalagaan ang Simbahan (Gawa 20:28; 1 Pedro 5:1-4), kaya't dapat natin silang igalang at sundin (Hebreo 13:7,17; Galacia 6:6). Ang mga namumuno o nangangasiwa sa mga denominasyong Protestante (na tinatawag nilang "pastor", "brother", "ministro", at kung anu-ano pa) ay hindi tumanggap ng lehitimong ordinasyon at sa gayo'y hindi mga lehitimong mangangaral na isinugo ng Diyos. Sinabi ni Apostol San Pablo: "Paanong makapangangaral ang sinuman kung hindi siya sinugo?" (Roma 10:15). Sinabi mismo ng Diyos: "Ako'y laban sa mga propetang gumagamit ng salita ng ibang propeta upang palabasing pinagpahayagan ko sila. Ako'y laban sa mga propetang kumakatha ng sariling pangitain saka sasabihing iyon ang sabi ni Yahweh. Ako'y laban sa mga propetang nagsasalaysay ng kasinungalingan upang dayain ang aking bayan. Hindi ko sila sinugo at wala silang kabutihang idudulot sa bayang ito." (Jeremias 23:30-32).

Si Pope Benedict XVI ay ang ika-265 na kahalili ni Apostol San Pedro, at kung tutuntunin ang pinag-ugatan ng ordinasyon ng kahit isang diakono sa Simbahang Katoliko, ang kanilang ordinasyon ay mag-uugat sa mga mismong apostol ng Panginoong Jesu-Cristo. Subalit ang "ordinasyon" (kung minsan, may mga Protestanteng di-naniniwala sa ordinasyon) na nagaganap sa mga denominasyong Protestante ay nag-uugat hindi sa mga apostol kundi sa mga naging tagapagtatag ng denominasyon nila. At mayroon ding ilan sa kanila na nag-aangkin ng "derektang pagkakasugo" mula sa Diyos, at nagtatatag ng sarili niyang "iglesia".

Maraming Protestante na pilit winawalang-halaga at binibigyan ng maling pakahulugan ang pagiging Apostoliko ng Simbahan, sapagkat batid nilang hindi nila taglay ang katangiang ito. Sinasabi nilang hindi na daw kailangan pa ng mga Herarkiya sa Simbahan dahil alam nilang hindi lehitimong mangangaral ang mga nangangasiwa sa kanila. Ang hindi maiiwasang resulta ng kanilang pagrerebelde sa lehitimong kapamahalaan ng Simbahang Katoliko ay ang patuloy na pagsulpot ng mga nagmamarunong na Cristiano at nagsasariling-halal na tagapangaral, na nagtatayo ng kanya-kanyang iglesia at lalong sumisira sa pagkakaisa ng mga Cristiano.

pahina  1  2  3  4 



bumalik sa pahina ng Apolohetiko




Hosted by www.Geocities.ws

1