panimula |  apolohetiko |  panalangin |  links 





ANG TUNAY NA SIMBAHAN AY BANAL


Ang Simbahang Katoliko ay banal. Ang "kabanalan" ng Simbahan ay hindi tumutukoy sa pagpapakabait (sapagkat ang kabaitan ay bunga lang ng kabanalan) at hindi masusukat sa dami ng mga "mababait na Katoliko". Hindi rin ito pinasusubalian ng pagkakaroon ng mga makasalanang miyembro, lalo na sa hanay ng Kaparian. Sapagkat ang Diyos ay Banal, ang kabanalan ng Simbahan ay tumutukoy sa kanyang matalik na kaugnayan sa Diyos. Anumang ginagawa, itinuturo, at pinanghahawakan ng Simbahang Katoliko ay palaging may kaugnayan sa Diyos, nakatuon sa pagtalima sa kalooban ng Diyos, at hinahanap ang lalong ikadadakila ng Diyos. Ang mismong literal na kahulugan ng salitang "Simbahan" ay "anumang nauukol sa Diyos". Ang lahat-lahat sa Simbahang Katoliko ay palaging may kinalaman sa Diyos.

Ang nagtatag ng Simbahang Katoliko ay ang Diyos, ang Panginoong Jesu-Cristo mismo. Sinabi niya: "itatayo ko ang aking iglesya" (Mateo 16:18). Subalit ang bawat denominasyong Protestante, "Evangelical", at "Pundamentalista" ay itinatag lamang ng mga kung sinu-sinong tao sa kasaysayan. Kahit na itanggi pa nila ang bagay na ito, maliwanag na pinatutunayan sa kasaysayan na ang kanilang mga denominasyon ay pinasimulan lang ng kanilang kauna-unahang "pastor", "ministro", at kung ano pa man. Halimbawa, ang "Iglesia ni Cristo" ay pinasimulan lamang ni Felix Manalo Ysagun noong 1914. Ang "Dating Daan" ("Iglesia ni YHWH at YHWSA HMSYH"/The Church of God International) ay pinasimulan lamang ni Eliseo Soriano noong 1976. Ang kauna-unahang denominasyong Protestante, ang Lutheran Church, ay itinatag lamang ni Martin Luther noong 1522. Subalit ang Simbahang Katoliko ay hindi isang bagong Simbahan na itinatag o pinasimulan ng kung sinong tao, kundi isa lamang pagpapatuloy ng orihinal na Simbahan na ang kasulukuyang namumuno, ang Santo Papang si Benedict XVI, ay derektang kahalili ni Apostol San Pedro, na tumanggap ng pangkalahatang kapamahalaan sa Iglesia mula sa Panginoong Jesu-Cristo mismo (Mateo 16:18-19).

Ang mga katuruan ng Simbahang Katoliko hinggil sa Pananampalataya at Moral ay palaging nakasalig sa Salita ng Diyos, nakatuon sa pagsunod sa kalooban ng Diyos, at hinahanap ang lalong ikadadakila ng Diyos, hindi nakasalig sa mga laganap na opinyon ng nakararami, ni alang-alang sa "ikagiginhawa" ng nakararami. Tinututulan ng Simbahan ang paggamit ng artipisyal na pagpipigil sa pagbubuntis ("artificial contraception"), paghihiwalay o diborsyo, pagpapakasal ng mga homosekswal, ordinasyon ng mga babaeng ministro, ordinasyon ng mga homosekswal na ministro, at marami pang iba sapagkat batid niyang ang mga ito'y tumataliwas sa kalooban ng Diyos. Subalit ang mga denominasyong Cristianong di-Katoliko ay mas binibigyang-halaga ang kalooban ng nakararaming tao. Dati-rati, tinututulan din ng LAHAT ng mga denominasyong Protestante ang paggamit ng "artificial contraceptive", subalit sa kalauna'y unti-unti silang nagpahinuhod sa pangangatuwiran ng madla at tinatanggap na nila ito ngayon. Nang lumaganap ang Feminist Movement at mga tagapagtaguyod ng "Gay Rights", unti-unting naging katanggap-tanggap sa mga Protestante ang pagkakaroon ng mga babae at homosekswal na "ministro", "pastora", atbp. Mayroon na ring mga denominasyong Protestante ang kumikilala sa pagpapakasal ng mga homosekswal.

Sa lahat ng pagkakataon, ang Simbahang Katoliko ang nag-iisang Simbahan na naninindigan sa wastong moralidad at wastong Pananampalataya, kahit na marami pa sa kanyang mga miyembro ang nagrereklamo at ayaw sumunod, at kahit na nagmumukha pa siyang "tanga" sa gitna ng nagmamagaling na lipunan. Siya'y naninindigan sapagkat ang misyon niya sa mundo'y sundin at ipatupad ang kalooban ng Diyos, hindi ang kalooban ng mga tao. Sinabi nga ni Jesus: "Kung napopoot sa inyo ang sanlibutan, dapat ninyong malamang napoot na ito sa akin bago sa inyo. Kung kayo nga'y sa sanlibutan, iibigin kayo nito bilang kanya. Ngunit yamang hindi kayo sa sanlibutan, kundi pinili ko kayo mula rito, ito'y napopoot sa inyo. Alalahanin ninyo ang sinabi ko sa inyo: walang aliping higit kaysa kanyang panginoon. Kung ako'y inusig nila, uusigin din nila kayo; kung tinupad nila ang aking salita, tutuparin din nila ang salita ninyo." (Juan 15:18-20).

Bagamat may mga "makasalanan" at "imoral" na nagiging miyembro ng Simbahang Katoliko, ang kanilang mga personal na kasamaan ay hindi bunga ng pagiging tapat at masunuring Katoliko, bagkus ay bunga ng pagiging di-tapat at suwail na Katoliko. Hindi maiiwasan ang ganitong mga sitwasyon sapagkat ang Simbahan ay hindi pamayanan ng mga "perpekto" at "naligtas na", kundi pamayanan ng mga nanampalataya kay Cristo na patuloy na nakikipagbuno sa makasalanang takbo ng sanlibutan. Sa Kaharian ng Diyos, magkasamang napapabilang ang mga mabubuti at masasama, mga "trigo" at "masasamang damo", mga "tupa" at mga "kambing", mga "mabubuting isda" at mga "walang pakinabang na isda" (Mateo 13:24-29, 36-43; 13:47-50; 25:31-46). Gayunman ang Simbahan ay nananatiling banal (Efeso 5:27), at hindi mapananaigan kahit pa ng mga "Pintuan ng Impyerno" (Mateo 16:18).

Sa Simbahang Katoliko ay maraming kinikilalang "Santo", hindi dahil sa sila lang ang "banal"; sa katunayan, lahat tayong mga Katoliko ay mga santo rin dahil sa ating pakikiisa kay Jesu-Cristo. May mga Katolikong tinatawag nating "Santo" sapagkat nagpakita sila ng masidhing pagmamahal kay Jesu-Cristo at sa kanilang kapwa, na higit pa sa ginagawa ng mga nakararami. Iniukol nila ang kanilang buhay sa pagkakawanggawa at ganap na pagtatalaga ng sarili sa Diyos. Hindi sila mga perpektong Cristiano na di-nagkakasala at di-natutukso, bagkus namuhay sila sa ilalim ng Grasya ng Diyos at hindi sa sariling kakayahang "magpakabait" o "magpakabanal". Karamihan sa mga Santo ay nagbuwis ng kanilang buhay alang-alang sa Pananampalataya at tinatawag natin silang mga "Martir". Tanging ang Simbahang Katoliko ang pinagmumulan ng napakaraming Santo, at patuloy silang nadadagdagan sa pagdaan ng panahon. Bagama't maraming "mababait" at "kapita-pitagang" mga miyembro ang iba't ibang mga denominasyong Protestante, hindi sila maipapantay sa kabanalang taglay ng mga Santo sa Simbahang Katoliko. Maraming Protestante ngayon ang inaakusahan ang Simbahang Katoliko na "masama" at "diyaboliko", subalit kung totoo ang bintang nila, paanong magkakaroon ng mga Santo sa Simbahang Katoliko? Sinabi ng Panginoong Jesus: "Nagbubunga ng mabuti ang bawat mabuting punongkahoy, subalit nagbubunga ng masama ang masamang punongkahoy. Hindi maaaring magbunga ng masama ang mabuting punongkahoy, ni ng mabuti ang masamang punongkahoy." (Mateo 7:17-18).

pahina  1  2  3  4 



bumalik sa pahina ng Apolohetiko




Hosted by www.Geocities.ws

1