panimula |  apolohetiko |  panalangin |  links 





ANG TUNAY NA SIMBAHAN AY KATOLIKO


Ang Simbahang Katoliko ay Katoliko. Ang pagiging "katoliko" ng Simbahan ay hindi tumutukoy sa kanyang pangalan na "Simbahang Katoliko", sapagkat tinatawag lang siyang gayon dahil katoliko siya. Ang pagka-Katoliko ng Simbahan ay tumutukoy sa kanyang natatanging katangian kung paanong ang Presensya ng Panginoong Jesu-Cristo ay sumasalahat, itinuturo niya ang lahat ng mga ipinahayag ng Diyos sa pamamagitan ng Panginoong Jesu-Cristo at ng kanyang mga apostol, nasa kanya ang lahat ng kaparaaanan upang matamo ng mga Cristiano ang Kaligtasan, at siya'y isang Simbahan na para sa lahat ng tao sa lahat ng panahon. Ang salitang "katoliko" ay hango sa salitang Latin na "catholicus" na hango sa salitang Griego na "katholikos" na ang ibig sabihin ay "panlahat".

Ang isang Katoliko ay hindi kailanman nag-iisa sapagkat palagi niyang kasama ang Diyos. "Ipinailalim ng Diyos sa kapangyarihan ni Cristo ang lahat ng bagay, at siya ang ginawang ulo ng iglesya. Ito ang katawan ni Cristo, ang kapuspusan niya na pumupuspos sa lahat-lahat." (Efeso 1:22-23). Kasama natin si Jesus hanggang sa wakas ng panahon (Mateo 28:20), at tayo'y ginagabayan ng Espiritu Santo magpakailanman upang maunawaan natin ang buong katotohanan. (Juan 14:16-17).

Ang Simbahang Katoliko ay para sa lahat ng panahon. Nang itinatag ng Panginoong Jesus ang Simbahan noong 33 AD, siya ay nanatili at nagpapatuloy hanggang sa kasalukuyan. Mula nang siya'y maitatag, walang panahon na siya'y "pansamantalang naglaho". Kasama niya palagi ang Panginoong Jesus at hindi siya pinababayaan, sapagkat "Si Jesu-Cristo noong nakaraan ay siya rin sa kasalukuyan at siya rin magpakailanman." (Hebreo 13:8). Mahal ni Jesus ang Simbahan kaya't patuloy niya itong inaalagaan (Efeso 5:29). Ang bawat denominasyong Cristianong di-Katoliko ay talagang hindi Katoliko sapagkat nagsimula lamang sila noong 1500's at noong mga sumunod na henerasyon. Ang "Orthodox Church" ay nagsimula lamang noong 1054. Ang "Lutheran Church" noon lamang 1522. Ang mga "Baptist" noong lamang 1609... Para lang masabi na sila ang "tunay na relihiyon", winawalang-halaga nila ang pagiging "katoliko" ng Simbahang itinatag ng Panginoong Jesus, at ipinipilit nila na ang Simbaha'y natalikod sa katotohanan noong unang panahon at ang mga "iglesiang" itinatag ng mga "Repormista" ay pawang "pagtatama" lang sa mga umano'y pagkakamali daw ng Simbahan. Winawalang-halaga nila ang sinasabi sa Biblia na sa pamamagitan ni Jesu-Cristo at ng kanyang Simbahan nabibigyang-karangalan ang Diyos magpakailanman. (Efeso 3:20-21) Walang katuturan na sabihing napararangalan ang Diyos sa pamamagitan ng Simbahan magpakailanman kung may panahong "natalikod" ito sa Katotohanan.

Ang Simbahang Katoliko ay para sa lahat ng tao. Hindi lang siya para sa mga Pilipino o sa isang partikular na pangkat ng lipunan. Hindi lang siya para sa mga matatalino kundi para din sa mga hindi gaanong nakakaintindi. Hindi lang siya para sa mga nagbabasa ng Biblia kundi para din sa mga hindi marunong magbasa subalit handang tumalima kay Jesus. Hindi lang siya para sa mga mayayaman kundi para din sa mga mahihirap. Ang Simbahang Katoliko ay walang itinatangi at walang hinahamak na tao sapagkat ang Mabuting Balita ng Kaligtasan ay para sa lahat ng mga nilalang sa langit at sa lupa, at sa pamamagitan ng Simbahan, naipakikilala ng Diyos ang Kanyang walang hanggang karunungan sa lahat ng mga nilalang (Efeso 3:10).

Itinuturo at itinataguyod ng Simbahang Katoliko ang lahat ng mga itinuro at ipinahayag ng Diyos, nasusulat man sa Biblia o nasa Tradisyong Apostoliko. Hindi niya winawalang-halaga ang Tradisyon ng mga Apostol dahil lang sa hindi ito nasusulat sa Biblia, sapagkat batid niyang ang Simbahan ay hindi isang "relihiyon ng libro" kundi relihiyon ng Salita ng Diyos na buhay. Lahat ng mga itinuro at ginawa ng Panginoong Jesus ay mahalaga kaya't kahit ang mga ito'y hindi nasusulat (Juan 20:30, 21:25), ang mga ito'y ating pinahahalagahan at buong pagmamahal na iniingatan at itinuturo. Subalit noong 1517, nag-protesta si Martin Luther sa kapamahalaan ng Simbahang Katoliko at inimbento niya ang doktrina ng Sola Scriptura o "Biblia Lamang". Para sa mga Protestante, wala silang ibang pinagbabatayan ng mga doktrina kundi ang Biblia lang. Subalit ang mismong Biblia na ginagamit nila ay binawasan ng mga mahahalagang kasulatan--ang mga Deuterocanonico. At may mga bahagi pa ng Bagong Tipan na hindi nila lubusang tinatanggap, sapagkat ang bintang nila, "idinagdag" lang daw iyon ng Simbahang Katoliko. Bukod pa rito, may kanya-kanya silang interpretasyon ng mga "Biblia" nila, kaya't mas lalo lang gumulo at nagkawatak-watak ang Cristianismo. Pati ang mga Sakramentong itinatag ng Panginoong Jesus at inilagak sa pangangalaga ng Simbahan ay kanila ring pinakialaman, binago, binawasan, at may ilan pang lubusang itinakwil. Tanging ang Simbahang Katoliko ang patuloy na naninindigan sa kahalagahan ng Pitong Sakramento na itinatag ng Panginoong Jesu-Cristo.

Mula noong unang siglo hanggang sa kasalukuyan, naging "opisyal" na pangalan na ng Simbahan ang pangalang "Simbahang Katoliko" sapagkat ito lang ang pangalang hindi maaatim na angkinin ng alinmang nagpapanggap na "iglesia" o "simbahan". Naipakikilala ng pangalang ito ang lahat ng mga natatanging katangian ng Simbahang itinatag ng Panginoong Jesu-Cristo. Sinabi noon ni St.Ignatius, "Kung nasaan si Jesu-Cristo, naroon din ang Simbahang Katoliko." (Sulat ni San Ignatio sa mga taga-Smyrna 110 AD). Sa panahon natin ngayon maraming Protestante ang pilit winawalang-halaga ang pagiging "katoliko", at mayroon din namang ilan na nagsasabing "katoliko" din daw sila, kahit hindi nila kayang patunayan at panindigan ang implikasyon ng pangalang ito. Sa tanang kasaysayan, mayroon lang nag-iisang Simbahang Katoliko, at iyon ang Simbahang Katoliko na kinabibilangan ngayon ng mahigit 1 bilyong tao sa buong mundo.

pahina  1  2  3  4 



bumalik sa pahina ng Apolohetiko




Hosted by www.Geocities.ws

1