panimula |  apolohetiko |  panalangin |  links 





Santa Maria: Ina ng Diyos


Ang Katauhan o persona ng Panginoong Jesu-Cristo ay Diyos. Siya ang Anak ng Diyos na kaisa sa pagka-Diyos ng Diyos Ama at Diyos Espiritu Santo sa Santisima Trinidad (Mateo 28:19; 2 Corinto 13:13). Siya ang ating "dakilang Diyos at Tagapagligtas" (Tito 2:13; 2 Pedro 1:1). Siya ang ating Panginoon at Diyos (Juan 20:28; Judas 4).

Nang ang Panginoong Jesus ay nagkatawang-tao (Filipos 2:6-8; Juan 1:14), siya'y nagkaroon ng dalawang Kalikasan: pagka-Diyos at pagka-Tao. Subalit hindi ito nangangahulugan na nagkaroon din siya ng dalawang Katauhan. Siya'y may iisang Katauhan at iyon ay ang pagiging Diyos. Siya'y Diyos na totoo (Juan 1:1-5) at taong totoo (Hebreo 2:14) sa iisang Katauhan bilang Diyos Anak. "Ang buong kalikasan ng Diyos ay na kay Cristo nang siya'y maging tao" (Colosas 2:9).

Ito ang dahilan kung bakit nasasabi nating sa krus ng kalbaryo, "pinatay ang Lumikha ng Buhay" (Gawa 3:15 Ang Biblia) at "ipinako sa krus ang Panginoon ng Kaluwalhatian" (1 Corinto 2:8 Ang Biblia). Hindi lang ang kalikasang pagka-tao ng Panginoong Jesus kundi Siya mismo--ang Diyos--ang ipinako't namatay sa krus. Hindi tamang sabihin na mayroong dalawang Jesus: "Jesus-na-tao" at "Jesus-na-Diyos". Mayroon lamang iisang Panginoong Jesus, at siya'y may dalawang kalikasan: pagka-Diyos at pagka-tao.

Kaya naman, nang ang Diyos ay ipinaglihi't isinilang ng isang babae (Mateo 1:22-23; Galacia 4:4), ang buong katauhan ng Diyos Anak ay nasa loob ng sinapupunan ng babaeng iyon (Lucas 1:35; Mateo 1:18-25). Nang ang Panginoong Jesus ay naging "masunuring anak" sa mga taong naging magulang niya (Lucas 2:51), ang buong katauhan ng Diyos Anak ang naging masunuring anak sa mga taong iyon. Nang ang Mahal na Birheng Maria'y naging ina ni Jesus (Mateo 1:16, 2:11, 13, 14, 20, 21, 12:46, 13:55), siya'y naging ina ng buong katauhan ng Diyos Anak. Siya ay talagang naging "ina ng Panginoon" (Lucas 1:43). Siya'y talagang naging INA NG DIYOS.

Ganyan kahalaga ang titulo ni Santa Maria na "Ina ng Diyos". Ipinahihiwatig nito na ang Panginoong Jesus ay Diyos na totoo at taong totoo sa iisang katauhan/persona bilang Diyos. Kaya't noong 431 AD, sa Konsilyo Ecumenico ng Simbahang Katoliko sa Efeso, idineklarang dogma ng Pananampalataya na si Santa Mariang ina ni Jesus ay marapat tawaging Ina ng Diyos. Ang pagtanggi sa titulong ito ay pagtanggi na rin na si Jesu-Cristo'y hindi maaaring tawaging "Diyos", at sa gayo'y pagtanggi na rin na siya'y hindi talaga Diyos. At ang pagpupumilit na si Santa Maria'y ina lang ni "Jesus-na-tao" ay hindi Biblikal at nagtuturo ng maling doktrina na si Jesus ay may dalawang katauhan. Si Santa Maria'y ina ni Jesus ,  hindi "ina ni Jesus-na-tao". Hindi nito ginagawang "diyosa" si Santa Maria. Ipinahihiwatig lamang nito ang kanyang naging kaugnayan sa Diyos na nagkatawang-tao.

Sinabi ng Panginoong Jesus: "Ang sinumang sumusunod sa kalooban ng aking Amang nasa langit ang siya kong ina at mga kapatid." (Mateo 12:50). Kung tayong mga Cristiano ay nagiging kapatid ng Panginoong Jesus dahil sa ating pananampalataya sa kanya, anupa't tayo'y nagiging mga anak ng Diyos (1 Juan 3:1), ang isang Cristiano ay maaari ding maging ina ng Panginoong Jesus at sa gayo'y ina ng Diyos dahil sa kanyang pananampalataya. Sa katunayan, dahil sa kanyang pananalig kaya't si Santa Maria'y minarapat na maging Ina ng Diyos: "Sino ako upang dalawin ng ina ng aking Panginoon? Mapalad ka sapagkat nanalig kang matutupad ang ipinasabi sa iyo ng Panginoon!" (Lucas 1:43, 45).

Sino bang may sabi na si Santa Maria'y ginawa daw "diyosa" ng Simbahang Katoliko? Kahit ang mga pasimuno ng Protestantismo noong 1500's katulad nina Martin Luther, John Calvin at iba pa ay tinatawag si Santa Maria na Ina ng Diyos! Ang tanging nalilito sa titulong ito ay ang mga iresponsableng Katoliko na ayaw magsikap na pag-aralan ang Pananampalataya, at ang mga Protestanteng agad na hinuhusgahan ang Simbahan kahit hindi naman nila naiintindihan ang kanilang mga tinutuligsa.

Sinabi ni St. Ignatius: "At sino naman ang hindi magagalak na masilayan at mabati ang babaeng naglihi sa tunay na Diyos sa kanyang sinapupunan, lalo na't kung siya'y kaibigan ng ating Pananampalataya at Relihiyon?" (hango sa "Sulat ni San Ignatio kay Apostol San Juan" - 105 AD).

pahina 1  2  3  4  5 



bumalik sa pahina ng Apolohetiko




Hosted by www.Geocities.ws

1