panimula |  apolohetiko |  panalangin |  links 





Maluwalhating Pag-aakyat sa Langit


Ang Kaban ng Tipan ay isang "kaban" (kahon) na ipinagawa ng Diyos kay Moises (basahin ang Exodo 25:10-22). Yari ito sa kahoy na akasya at nababalot ng lantay na ginto sa loob at labas. Sa ibabaw nito nakapatong ang Luklukan ng Awa kung saan naman pumapanaog ang Kaningningan/Kaluwalhatian ni Yawheh. Sa loob ng kaban nakalagay ang ginintuang mangkok na may lamang manna (ang "manna" ang tinapay na mula sa langit: basahin ang Exodo 4:1-31), ang tungkod ni Aaron na tanda ng kanyang pagka-Dakilang Saserdote (basahin ang Bilang 17:1-13), at ang mga tapyas ng bato na kinatititikan ng Tipan (Hebreo 9:4).

NAPAKASAGRADO NG KABAN NG TIPAN. Ang kinalalagakan nito sa Toldang Tipanan at Templo ng Diyos ay tinatawag na "Dakong Kabanal-banalan" (Holy of Holies). Walang sinuman ang maaaring humipo nito, kaya't pinapasan ito sa pamamagitan ng mga pulong nababalot ng lantay na ginto na nakasuot sa mga argolya ng kaban na nababalot din ng ginto. Tanging ang mga Levita ang maaaring magpasan sa Kaban, at kailangan pa nilang "magpakabanal" o maglinis ng sarili ayon sa tuntunin ng Kautusan (1 Cronica 15:12-15). Ang sinomang humawak sa Kaban ay agad pinarurusahan ng Diyos at namamatay (2 Samuel 6:6-7).

Ang Kaban ng Tipan ang nagsisilbing presensya ng Diyos sa bayan ng Israel. Ito rin ang naging PINAKAMABISANG SANDATA nila tuwing may digmaan o sa tuwing may pananakop silang gagawin: "Tuwing ilalakad ang Kaban ng Tipan, ito ang sinasabi ni Moises: 'Pangunahan mo kami, Yahweh, at itaboy mo ang kaaway at magsisitakas ang lahat ng napopoot sa iyo!' " (Bilang 10:35). Nagawang sakupin ng mga Israelita ang bayan ng Jerico sa pamamagitan ng Kaban ng Tipan (basahin ang Josue 6:1-27; iniligid nila ang Kaban sa palibot ng Jerico, at ang mga muog ng bayan ay bumagsak!)

Ano ang kinalaman nito kay Maria?

Kung ang Kaban ng Tipan ay nababalot ng lantay na ginto at napakasagrado, si Maria naman ay napupuno ng grasya (Lucas 1:28) at ginawan ng Diyos ng mga dakilang bagay (Lucas 1:49). Kung sa Kaban ng Tipan pumapanaog ang Kaluwalhatian ni Yahweh, kay Maria naman bumaba ang Espiritu Santo at lumilim ang kapangyarihan ng Kataas-taasan (Lucas 1:35). Kung sa Kaban ng Tipan nakalagay ang manna, tungkod ni Aaron, at mga tapyas ng bato ng Tipan, dinala naman ni Maria sa kanyang sinapupunan ang tinapay ng buhay (Juan 6:49-51), ang Dakilang Saserdote magpakailanman (Hebreo 7:26), at ang mismong Salita ng Diyos (Juan 1:1, 14).

Pansinin din ang mga magkakatulad na kaganapan at reaksyon sa 2 Samuel 6 at Lucas 1:39-56, at kung paanong nagkakahalintulad ang Kaban ng Tipan at si Maria.

2 Samuel 6 [KABAN NG TIPAN]
Lucas 1:38-58 [SANTA MARIA]
bumangon at nagtungo sa kaburulan ng Juda (6:2-3) nagtindig at nagtungo sa kaburulan ng Juda (1:39)
"Paanong madadala rito ang kaban ng Panginoon sa akin?" (6:9) "At ano't nangyari sa akin, na ang ina ng Panginoon ay pumarito sa akin?" (1:43)
hiyawan, tugtugan, pakakak, atbp (6:5,15) sumigaw nang malakas na tinig (1:42)
nagsayaw (6:14) lumukso (1:41)
bahay ni Obed-edom (6:10) bahay ni Zacarias (1:40)
tatlong buwan nanatili ang Kaban (6:11) tatlong buwan nanatili si Maria (1:56)
pinagpala ang sangbahayang tinigilan ng Kaban (6:11) pinagpala ang sangbahayang tinigilan ni Maria (1:58)

Sa ganyang paraan inihalintulad ni San Lucas ang Kaban ng Tipan kay Santa Maria.

Ang Kaban ng Tipan ay itinago ni Propeta Jeremias sa isang yungib sa Bundok ng Nebo kung saan nagtungo si Moises upang tanawin ang lupang pangako bago ito pumanaw (2 Macabeo 2:4-5). Kung paanong walang nakakaalam ng pinaglibingan kay Moises (Deuteronomio 34:6), wala ring nakakaalam ng pinagtaguan sa Kaban ng Tipan (2 Macabeo 2:6-8). Subalit sang-ayon sa Pahayag 11:19, ito'y naroroon na pala sa Templo ng Diyos sa langit.

Subalit ang Kaban ba ng Lumang Tipan na yari sa kahoy ang dinala ng Diyos sa Langit, o ang Kaban ng Bagong Tipan na si Maria?

Ang mga sistema ng pagsamba at mga kasangkapang sagrado sa Lumang Tipan ay anino lamang ng Cristianismo: "Anino lamang ang mga iyon at ang ipinahihiwatig nila'y ang kasalukuyan" (Hebreo 9:9). Si Jesus ay "naglilingkod doon sa sambahang lalong dakila" (Hebreo 9:11), samakatwid baga'y sa Templo ng Diyos sa Langit. Kaya't kung ang Kaban ng Tipan noon ay anino lamang ng mas lalong dakilang "Kaban" na si Maria, lumalabas na ang Kaban ng Diyos na iniakyat sa Templo ng Diyos sa Langit ay walang iba kundi si Santa Maria. Kung paanong ang Kaban ng Tipan ay "iniahon" ni David upang dalhin sa Jerusalem (2 Samuel 6:15), si Maria nama'y "iniahon" din ni Jesus upang dalhin sa Jerusalem sa Langit (Hebreo 12:22; Pahayag 11:19). "Sa iyong tahanan, Yahweh, pumasok ka kasama ang kaban, ang kabang sagisag ng kapangyarihan." (Awit 132:8).

Si Maria ay iniakyat ng Diyos sa Langit (Asunsyon); hindi siya umakyat sa Diyos sa Langit (Asensyon). Nang matapos na ang kanyang panahon dito sa daigdig (namatay man siya o hindi ay hindi natin tiyak; subalit posibleng namatay muna siya katulad ni Jesus), siya'y may katawan at kaluluwang kinuha ng Diyos at dinala sa kaluwalhatian ng Langit. Ito ang dogma ng Asunsyon ni Maria na itinaguyod ni Pope Pius XII noong November 1, 1950 sa kanyang papal bull na Munificentissimus Deus.

Iniakyat si Maria sa Langit upang malubos ang pagtatagumpay ni Jesus sa Diyablo bilang Bagong Adan na dumurog sa ulo ni Satanas. Walang katuturan na sabihing nagtagumpay ang Bagong Adan kung napasailalim naman sa kapangyarihan ng kamatayan ang Bagong Eva. Dahil sa Imakulada Konsepsyon ni Maria, wala siyang kailangang pagbayaran: "Sapagkat Kamatayan ang kabayaran ng kasalanan" (Roma 6:23). Si Maria ay hindi kailanman napailalim sa kapangyarihan ng Diyablo at hindi kailanman nasadlak sa kapangyarihan ng Kamatayan.

Sa kabanata 12 ng Aklat ng Pahayag (Apocalipsis) binabanggit ang isang kagila-gilalas na babae na nagsilang sa isang sanggol na "itinakdang maghahari sa lahat ng bansa sa pamamagitan ng kamay na bakal" (12:5). Lumitaw din ang isang pulang dragon na galit sa babae at sa kanyang anak (12:4-5, 13-17). Sinasabi na ang dragon na iyon ay ang "matandang ahas na ang pangala'y Diyablo o Satanas" (12:9). Kung ihahambing ito sa mga nabanggit na nating propesiya tungkol sa Bagong Eva na makikipaglaban sa Ahas at siyang nagsilang sa Bagong Adan na dumurog sa ulo ng Ahas (Genesis 3:15; Isaias 7:14; Awit 116:16; Jeremias 31:22; Mikas 5:3), at kung paanong si Maria at si Jesus ang naging katuparan ng mga hulang ito (Galacia 4:4-5; Mateo 1:16, 20-25; Lucas 1:26-45), lumalabas na ang kagila-gilalas na babae sa langit (Pahayag 12:1 = "isang babaeng nararamtan ng araw at nakatuntong sa buwan; ang ulo niya'y may koronang binubuo ng labindalawang bituin") ay walang iba kundi si Maria, habang ang sanggol na lalaki na isinilang niya ay walang iba kundi si Jesus! Sa buong kabanata 12 ng Pahayag, ang tanging sinasabing pinalayas sa Langit ay si Satanas at ang kanyang mga kampon (12:8-9). Ang babae ay hindi pinalayas sa Langit: ipinahihiwatig nito na si Maria ay karapat-dapat sa Kaharian ng Diyos sa Langit. Ipinakita sa mga sumunod na bersikulo kung paanong tinugis ni Satanas ang babae (12:13-16) subalit hindi siya nagtagumpay. Sang-ayon sa Biblia, Kamatayan ang kahihinatnan ng mga napailalim sa kapangyarihan ng diyablo (Karunungan 2:24), kaya't kung si Maria ay hindi napailalim sa kapangyarihan ni Satanas, hindi rin siya mapasasailalim sa kapangyarihan ng Kamatayan. Mananatili siyang karapat-dapat sa kaharian ng Diyos sa Langit. Hindi man tahasang binanggit sa Biblia, ipinahihiwatig naman nito na si Maria ay talagang iniakyat ng Diyos sa Langit.

Isa pa, hindi lang naman Biblia ang batayan ng mga katotohanang dapat nating sampalatayanan. Bagamat hindi binabanggit nang tahasan sa Biblia, ang doktrina ng Asunsyon ni Maria ay maliwanag na itinuturo sa TRADISYONG APOSTOLICO. Matagal na itong bahagi ng Pananampalatayang Katolika. Ang ginawang pagsasa-dogma nito noong 1950 ay pagtataguyod lamang nito upang mas lalong mapagtibay ang pananampalataya ng mga Cristiano hinggil dito. Bago pa man ito naging dogma sa Simbahan, ang kapistahan ng Asunsyon ay matagal nang ipinagdiriwang ng BUONG SIMBAHAN noon pa mang ika-pitong siglo. Pinatototohanan na ito ng mga obispo, santo, at ilang mga Church Father noong ikatlo't ikaapat na siglo, at ang pinakamatandang kasulatan na nagsasaysay ng tungkol dito ay nagmula pa noong mga 200 AD! Kahit ang mga "Simbahang Ortodox" sa Silangan ay naniniwala din sa doktrina ng Asunsyon, gayong hindi naman nila kinikilala ang kapamahalaan ng Santo Papa: isang malinaw na katibayang ang doktrina ng Asunsyon ay hindi inimbento ng Simbahang Katoliko.

May dalawang libingan na matatagpuan sa Jerusalem at Efeso na pinaniniwalaang pinaglibingan daw kay Maria, subalit pareho itong walang laman. Walang natatala sa kasaysayan ng unang sanglibong taon ng Cristianismo tungkol sa mga labi o bangkay ni Maria, at walang matinong Cristiano (at kahit mga erehe) na naghanap ng mga ito sapagkat alam ng lahat na ang bangkay ni Maria ay wala na sa daigdig na ito kundi nasa Langit na. Kaya lang ito kinukwestyon ng mga Protestante ay dahil sa Sola Scriptura, ang paniniwalang "Biblia lang" ang batayan. Dahil hindi nila makita sa Biblia ang Asunsyon ni Maria, nagmarunong na kaagad sila sa pagsasabing hindi ito totoo.

Sinabi ni St. Ignatius: "...kay Mariang ina ni Jesus ay may mala-anghel na kadalisayang nakaugnay sa kanyang pagka-tao..." (hango sa "Sulat ni San Ignatio kay Apostol San Juan" - 105 AD).

pahina 1  2  3  4  5 



bumalik sa pahina ng Apolohetiko




Hosted by www.Geocities.ws

1