panimula |  apolohetiko |  panalangin |  links 





Inang Reyna ng Sangnilikha


Sa mga sinaunang kaharian, maging sa Kaharian ni David, partikular sa paghahari ni Haring Solomon, ang nagiging Reyna ng Kaharian ay ang INA NG HARI, hindi ang asawa ng Hari (1 Hari 15:10,13; 2 Hari 21:1,19, 22:1, 18:2; Nehemiah 2:6; Daniel 5:10). Siya'y tinatawag na gebira, salitang Hebreo na ang ibig sabihin ay "dakilang ginang". Ang Inang Reyna ang may kapamahalaang pangalawa lamang sa kanyang anak na Hari. Siya'y napuputungan din ng korona, tanda ng kanyang kapangyarihan (Jeremias 13:18) at naluluklok din sa isang trono na nasa kanan ng trono ng Hari (1 Hari 2:19).

Ang Panginoong Jesu-Cristo ay "Hari ng mga hari" (Pahayag 1:5, 17:14). Sa kanya ipinagkaloob ng Diyos ang trono ni David (Lucas 1:32). "Maghahari siya sa angkan ni Jacob magpakailanman, at ang kanyang paghahari ay walang hanggan." (Lucas 1:33). Kaya't kung ang ina ng Hari ang Reyna sa Kaharian ni David, at si Jesus ang nagmana sa Kaharian ni David, at si Maria ang ina ni Jesus (Mateo 1:16), samakatwid, si Maria ang Inang Reyna ni Jesus. Nang dinalaw ni Maria si Elisabet, sinabi nito sa kanya: "Sino ako upang dalawin ng ina ng aking Panginoon?" (Lucas 1:43). Si Elisabet ay nagpakumbaba sa harap ni Maria. Bukod pa rito, ang mga Hari sa Kaharian ni David ay tinatawag na "aking panginoon" (2 Samuel 24:21 Ang Biblia), kaya't ang pagtawag kay Maria nang "ina ng aking Panginoon" ay pagkilala kay Maria bilang Inang Reyna ng Haring si Jesu-Cristo. Sang-ayon mismo kay Maria, siya'y isang "abang alipin" na nilingap ng Diyos (Lucas 1:38, 48). "Ibinagsak niya ang mga hari mula sa kanilang trono, at itinaas ang mga nasa abang kalagayan." (Lucas 1:52).

Sang-ayon sa Hebreo 1:8-9, ang Panginoong Jesu-Cristo ang katuparan ng Awit 45:6-7. Subalit sa pagpapatuloy ng naturang awit hanggang sa bersikulo 9 binabanggit din ang Inang Reyna na nakatayo sa kanan ng Hari: "Samantalang sa kanan mo, nakatayo yaong reyna, palamuti'y gintong lantay sa damit na suot niya." Kung si Jesus ang katuparan ng Hari sa Awit 45:6-7, si Maria naman ang naging katuparan ng Awit 45:9, lalo na kung ipagsasaalang-alang natin na si Maria ang BAGONG EVA na nagsilang sa BAGONG ADAN.

Sa Pahayag 12:1, ipinakita ng Diyos kay Apostol San Juan si Maria na puspos ng kadakilaan bilang Inang Reyna ng Kaharian ng Diyos: "...isang babaing nararamtan ng araw at nakatuntong sa buwan; ang ulo niya'y may koronang binubuo ng labindalawang bituin." Sa Biblia, ang mga araw, buwan, at bituin ay simbolo ng regalya o makaharing katayuan ("royalty"). Halimbawa, bago naging Tagapamahala ng Egipto ang patriarkang si Jose, nakita niya sa panaginip ang araw, buwan, at bituin na yumukod sa harap niya (Genesis 37:9). Ang korona ng labindalawang bituin ni Maria ay sumasagisag sa Kaharian kung saan siya naging Reyna: Ang labindalawang lipi ng Israel o ang Kaharian ni David, at ang labindalawang apostol ni Jesu-Cristo o ang mga haligi/saligan ng Kaharian ng Diyos. Kung si Maria ang Inang Reyna ng Kaharian ni David at ng Kaharian ng Diyos, samakatwid ang kanyang Anak na si Jesus ang siyang "itinakdang maghahari sa lahat ng bansa sa pamamagitan ng kamay na bakal" (Pahayag 12:5). Binibigyang-diin ng pagka-Reyna ni Maria ang katotohanang kay Jesus ipinagkaloob ang lahat ng kapamahalaan sa langit at sa lupa (Mateo 28:18).

Si Maria ang ating Inang Reyna, ang Pinakamamahal na Ina ng bawat Cristianong minamahal ng Panginoon (Juan 19:26-27). Si Maria ang ginawang nanay ng mga taong "sumusunod sa utos ng Diyos at nananatiling tapat sa katotohanang inihayag ni Jesus" (Pahayag 12:17). Sinabi nga ni Jesus: "Narito ang iyong ina!" (Juan 19:26-27).

Tinutulan ba ni Jesus ang mga pagpaparangal na ibinibigay sa kanyang ina? Hindi, bagkus itinuturo niya sa atin na ang karangalan ni Maria ay hindi nagmula sa makalamang ugnayan nito sa kanya. Si Maria ay "mapalad" dahil sa mga dakilang bagay na ginawa ng Diyos sa kanya (Lucas 1:48-49), at dahil sa kanyang napakalaking pananampalataya at taus-pusong pagtalima sa kalooban ng Diyos (Lucas 1:45; 2:19,51). Si Maria ay hindi naging dakila dahil lang sa siya ang "naglihi" at "nagpasuso" kay Jesus (Lucas 11:27-28), at itinuturing siyang ina ni Jesus hindi lang dahil sa "magkamag-anak" sila dito sa lupa, kundi dahil sa kanyang pananampalataya (Mateo 12:46-50; Marcos 3:31-35; Lucas 8:19-21). Sabi nga mismo ni Jesus: "Sapagkat ang sinumang tumatalima sa kalooban ng Diyos, ay siya kong ina at mga kapatid." (Marcos 3:35).

Subalit kung talagang si Maria ang Inang Reyna ng Simbahan, bakit sinabi ni Jesus kay Maria: "Babae, anong pakialam ko sa iyo? Ang aking oras ay hindi pa dumarating." (Juan 2:4 Ang Biblia)? Nangyari ito nang minsang dumalo sa isang kasalan sa Cana si Maria, kasama si Jesus at ang kanyang mga alagad. Nang magkulang ng alak sa kasalan, lumapit si Maria kay Jesus at sinabi niyang "Naubusan sila ng alak" (Juan 2:3), at saka naman sinabi ni Jesus kay Maria na "anong pakialam ko sa iyo". Para sa mga Protestante, ito daw ay pagsaway ni Jesus kay Maria. Subalit kung talagang "sinaway" ni Jesus si Maria, bakit pa rin niya tinupad ang kahilingan nito? Mababasa natin sa mga sumunod na bersikulo na natupad ang kahilingan ni Maria kay Jesus, at sa gayo'y nahayag ang kaluwalhatian ni Jesus at sumampalataya sa kanya ang kanyang mga alagad (Juan 2:11). Hindi rin kumilos si Maria na tulad ng isang "sinaway", bagkus kumilos siya na wari ba'y alam na alam na niya ang mga susunod na gagawin ni Jesus. Kaya't sinabi ni Maria sa mga katulong ng kasalan: "Gawin ninyo ang anumang sabihin niya sa inyo." (Juan 2:5). Kung susuriing mabuti, hindi talaga si Maria ang tinanong ni Jesus nang sinabi niyang "Babae, anong pakialam ko sa iyo?", kundi ang kanyang mga alagad. Sa pamamagitan ng mga nangyaring ito itinuro ni Jesus sa kanyang mga alagad na kahit hindi pa dumarating ang kanyang "oras", may pakialam pa rin siya sa anumang hilingin ni Maria. At sa tuwing natutupad ang mga kahilingan ni Maria, nahahayag ang karangalan ni Jesus at sa gayo'y nananalig tayo sa kanya. Sa Juan 2:1-11, itinuro ni Jesus sa pamamagitan ng maka-propetang pagkilos1 na si Maria ang kanyang inang reyna na hindi niya mapahihindian. "Mahal kong ina, sabihin ninyo! Alam ninyong hindi ko kayo matatanggihan!" (1 Hari 2:20).

pahina 1  2  3  4  5 

1. "maka-propetang pagkilos" = tumutukoy ito sa mga kakaibang ginagawa o pagkilos ng mga Propeta na sumasagisag sa isang mahalagang mensahe na ibig ipaunawa ng Diyos sa mga tao. Halimbawa ng mga ito: Jeremias 13:1-11; Oseas 1:1-11; 2:1-23; 3:1-5).



bumalik sa pahina ng Apolohetiko




Hosted by www.Geocities.ws

1