panimula |  apolohetiko |  panalangin |  links 





Santa Maria: Kalinis-linisang Paglilihi


Nang si Santa Maria ay ipinaglihi sa sinapupunan ng kanyang ina, siya'y ipinaglihing walang bahid ng Salang Orihinal. Sa kauna-unahang yugto ng pag-iral ni Maria, hindi na itinulot ng Diyos na siya'y mapasa-alipin ng kasalanan. Ito'y sapagkat siya ang magiging ina ng Tagapagligtas nating si Jesu-Cristo. Maaga niyang tinanggap ang Grasya ng Diyos na magmumula sa Sakripisyo ni Jesus. Iyan ang doktrina ng Imakulada Konsepsyon (literal: "kalinis-linisang paglilihi") na idineklarang dogma ng Pananampalatayang Katoliko noong December 8, 1854 sa pangunguna ni Pope Pius IX. Iniligtas siya ng Diyos mula sa kasalanan sa pamamagitan pa rin ni Jesus (Lucas 1:47), subalit sa mas dakilang kaparaanan. Kung tayo ay hinugasan mula sa kasalanan, si Maria naman ay pinigilang mabahiran ng kasalanan. Nang sinabi sa Biblia na ang "lahat ng tao ay nagkasala" (Roma 3:23), tumutukoy ito sa makasalanang kalagayan ng tao na minana natin kina Adan at Eba: Ang SALANG ORIHINAL. Saklaw pa rin nito si Maria, hindi bilang isang kalagayang kinasadlakan din niya, kundi isang kalagayang naiwasan niya dahil sa Grasya ng Diyos na pumuspos sa kanya nang siya'y ipinaglihi. Si Maria ay tinagurian ni anghel Gabriel na "Napupuno ng Grasya" (Lucas 1:28), at sang-ayon mismo kay Maria, siya'y ginawan ng Diyos "ng mga dakilang bagay" (Lucas 1:49), mga maliwanag na indikasyon na siya'y pinuspos ng Grasya ng Diyos bilang paghahanda sa napakahalagang misyon na gagampanan niya. Si Maria ay hindi kung sinong babae lang na pinagbuntis ng Diyos; siya'y talagang bahagi sa plano ng Diyos sa simula pa: "Ngunit nang dumating ang takdang panahon, sinugo ng Diyos ang kanyang Anak. Isinilang siya ng babae, at namuhay sa ilalim ng Kautusan upang palayain ang mga nasa ilalim ng Kautusan. Sa gayon, tayo'y mabibilang na mga anak ng Diyos." (Galacia 4:4-5)

Ang Panginoong Jesu-Cristo ang Bagong Adan sapagkat nang siya'y maging tao, itinama niya ang lahat ng mga pagkakamali ng unang Adan: "Kaya't kung paanong nagbunga ng kaparusahan sa lahat ang kasalanan ng isang tao, ang pagkamatuwid naman ng isang tao ay nagdulot ng kapatawaran at buhay sa lahat. Sapagkat sa pagsuway ng isang tao ay marami ang naging makasalanan, gayon din naman, marami ang pawawalang-sala dahil sa pagsunod ng isang tao." (Roma 5:18-19). Kung paanong mamamatay ang lahat dahil sa kanilang kaugnayan kay Adan, mabubuhay naman ang lahat dahil sa kanilang kaugnayan kay Jesus (1 Corinto 15:22). Siya ang huling Adan na Espiritung nagbibigay-buhay (1 Corinto 15:45).

Subalit ang unang nadaya ni Satanas at sumuway sa utos ng Diyos ay si Eva (2 Corinto 11:3; 1 Timoteo 2:14). Ang hindi pananalig ni Eva ang nagbunsod para magkasala sila ni Adan.

Nang araw na magkasala sina Adan at Eva dahil sa pandaraya ni Satanas, sinabi ng Diyos kay Satanas:

"At papagaalitin ko ikaw at ang babae, at
ang iyong binhi at ang kanyang binhi.
Ito ang dudurog ng iyong ulo, at ikaw
ang dudurog ng kanyang sakong."
Genesis 3:15 Ang Biblia

Ito ang kauna-unahang pagpapahayag ng Diyos tungkol sa Mabuting Balita ng Kaligtasan: ang labanan sa pagitan ng "babae" at ng "ahas", at ang labanan sa pagitan ng "binhi ng babae" at ng "binhi ng ahas", at kung paanong magtatagumpay ang babae sa pamamagitan ng kanyang anak. "Papagaalitin" -- ibig sabihin, mag-aaway, maglalaban, magtutunggali, hindi magkakasundo, hindi magkakasang-ayon, masusuklam sa isa't isa.

"Dito makikilala kung sino ang mga anak ng Diyos, at kung sino ang mga anak ng diyablo: ang sinumang hindi gumagawa ng matuwid at hindi umiibig sa kanyang kapatid ay hindi anak ng Diyos." (1 Juan 3:10). "Ang diyablo ang inyong ama, at kung ano ang gusto niya, iyon ang inyong ginagawa." (Juan 8:44). ANG SINOMANG NAMUMUHAY SA KASALANAN AY NASA PANIG NI SATANAS, kaya't imposibleng ang "babae at ang kanyang binhi" na makikipaglaban sa "ahas at sa mga binhi ng ahas" ay mapasa-alipin ng kasalanan. Ang babae at ang kanyang anak ay walang bahid ng kasalanan. Kung papaanong ang "ahas" ay hindi maaaring maging banal, gayon din naman, ang "babae" ay hindi maaaring maging makasalanan. Hindi sila kailanman maaaring magkasundo.

Ang Genesis 3:15 ay sinundan pa ng maraming mga propesiya sa Biblia:

  • "Maglilihi ang isang dalaga at manganganak ng lalaki at ito'y tatawaging Emmanuel." (Isaias 7:14).
  • "Panginoon, naririto akong inyong abang lingkod, katulad ng aking ina, maglilingkod akong lubos." (Awit 116:16).
  • "Sapagkat ang Panginoon ay lumikha ng bagong bagay sa lupa, ang babae ay siyang mananaig sa lalake." (Jeremias 31:22 Ang Biblia).
  • "Kaya nga, ang bayan ni Yahweh ay ibibigay niya sa kamay ng mga kaaway hanggang sa isilang ng babae ang sanggol na maghahari." (Mikas 5:3)

Ang mga ito ay nagkaroon na nga ng katuparan, sang-ayon sa Galacia 4:4-5. Ang "babae" ay walang iba kundi si Santa Maria, at ang "binhi ng babae" ay walang iba kundi si Jesus! Si Maria ang bagong Eva na nagsilang sa bagong Adan na si Jesu-Cristo!

Ang unang Eva ay dinaya ng isang tuso at suwail na anghel (Genesis 3:1; Pahayag 12:9), habang ang bagong Eva ay pinagpahayagan ng Mabuting Balita ng isang anghel na naglilingkod sa harapan ng Diyos (Lucas 1:19, 26-28). Ang unang Eva ay nawalan ng pananalig sa Diyos at sumuway (Genesis 3:6; 1 Timoteo 2:14), habang ang bagong Eva ay nanalig sa Diyos at tumalima (Lucas 1:38). Ang unang Eva ang naging sanhi ng pagkakasala nila ni Adan at sa gayo'y pumasok nga sa mundo ang kasalanan at kamatayan, subalit ang pananalig at pagtalima ng bagong Eva ang nagpapasok sa mundong ito ng Kaligtasan at Buhay na walang hanggan na walang iba kundi si Jesu-Cristong Panginoon! "Mapalad ka sapagkat nanalig kang matutupad ang ipinasabi sa iyo ng Panginoon!" (Lucas 1:45)

Nang dinalaw ni Santa Maria si Santa Elisabet, sinabi ni Elisabet sa kanya: "Pinagpala ka sa mga babae, at pinagpala rin ang dinadala mo sa iyong sinapupunan!" (Lucas 1:42). Sa Matandang Tipan, mayroong dalawang babae na pinagpahayagan din nang gayon:

  • Si Jael: "Pagpalain sa lahat ng babae si Jael, ang asawa ni Heber na Cineo, pagpalain siya sa lahat ng babae sa tolda." (Hukom 5:24)
  • Si Judith: "At sinabi ni Uzias kay Judith, 'Anak, sumasaiyo ang pagpapala ng Diyos na Kataas-taasan. Higit kang pinagpala kaysa lahat ng babae sa lupa.' " (Judith 13:18)

Sina Jael at Judith ay "pinagpala sa mga babae" dahil sila ang pumaslang sa mga pinunong kaaway ng Israel sa kanilang kapanahunan! Sila'y mga magigiting na babae na buong tapang na "dinurog ang ulo" ng mga pangunahing kaaway ng kanilang bayan, na nagdulot ng tagumpay sa bayan ng Israel. Si Jael ang pumukpok sa ulo ni Sisara, ang punong kawal ni Haring Jabin na lumupig sa mga Israelita, habang si Judith naman ang pumugot sa ulo ni Holofornes, ang pangkalahatang tagapamuno ng hukbo ni Haring Nabucodonosor na umapi sa bayan ng Israel (Hukom 5:25-27; Judith 13:18).

Kaya naman, nang si Maria'y pinagpahayagan ni Elisabet--sa udyok ng Espiritu Santo (Lucas 1:41-42)--na siya'y "pinagpala sa mga babae", may nagawa si Maria na inihahalintulad sa nagawa nina Jael at Judith. Katulad nila, napagtagumpayan ni Maria ang pinunong Kaaway ng sangkatauhan: si Satanas. TALAGANG SI MARIA ANG BABAENG KAAWAY NI SATANAS, AT SI JESU-CRISTONG ANAK NI MARIA ANG SIYANG DUMUROG SA ULO NI SATANAS.

Kung si Maria ang bagong Eva, hindi siya nagmana ng Salang Orihinal, at hindi rin siya kailanman nagkasala sa buong buhay niya. Siya'y mayroon nang alitan kay Satanas mula pa nang siya'y ipinaglihi: siya'y hindi kailanman nabahiran ng kasalanan. si Santa Maria ang Imakulada Konsepsyon.

Sinabi ni St. Iranaeus: "Kaya nga, ang tanikala ng pagsuway ni Eva ay kinalag ng pagtalima ni Maria. Ang iginapos ng kawalang pananalig ng birheng si Eva, ay pinalaya naman ni birheng Maria sa pamamagitan ng kanyang pananampalataya." (hango sa Adversus Haereses - 180 AD).

pahina 1  2  3  4  5 



bumalik sa pahina ng Apolohetiko




Hosted by www.Geocities.ws

1