panimula |  apolohetiko |  panalangin |  links 





Masama bang tawaging "ama" ang Santo Papa, ang mga Obispo, at ang mga pari?


Ang Santo Papa ("Holy Father") ay tinatawag nating "papa" sapagkat bilang Pinunong "Kumakatawan kay Kristo", siya ang tumatayong pinakaama ng Simbahan (Mateo 16:18-19; Isaias 22:20-22). Ang mga Obispo naman at ang mga pari (Presbitero o "Matatanda") ay tinatawag din nating "ama", "padre", o "father" sapagkat sa bisa ng kanilang ordinasyon, sila ang itinalaga ng Diyos na mamahala sa Simbahan, ang sambahayan ng Diyos. Sila ang may pananagutang magbantay sa atin, at tayo'y nagpapasakop sa kanila (Hebreo 13:17). Sila ang ating mga "espiritwal na ama" na nagtuturo sa atin ng Ebanghelyo at pinangangalagaan tayo sa loob ng Simbahan ni Cristo. Magmula pa noong mga kapanahunan ng mga apostol gayon na ang naging Tradisyon sa Simbahan, na ipinagpapatuloy naman natin magpasa-hanggang ngayon.

Subalit tinututulan ito ng mga Protestante. Sabi daw sa Biblia, ipinagbabawal daw ni Cristo ang pagtawag ng "ama" sa mga ministro ng Simbahan. Kaya nga't sa Protestantismo, mapapansing ang tawag nila sa kanilang mga ministro ay "pastor", "brother", atbp. Ang pinagbabatayan nila dito ay ang mga sinabi ng Panginoong Jesus sa Ebanghelyo ni Mateo:

"Ang mga eskriba at ang mga Pariseo ang kinikilalang tagapagpaliwanag ng Kautusan ni Moises. Kaya't gawin ninyo ang itinuturo nila at sundin ang kanilang iniuutos. Ngunit huwag ninyong tularan ang kanilang gawa, sapagkat hindi nila isinasagawa ang kanilang ipinangangaral. Nagbibigkis sila ng mabibigat na dalahin at ipinapasan sa mga tao; ngunit ni daliri ay ayaw nilang igalaw upang tumulong sa pagdadala ng mga iyon. Pawang pakitang-tao ang kanilang mga gawa. Nilalaparan nila ang kanilang mga pilakterya at hinahabaan ang palawit sa laylayan ng kanilang mga damit. Ang ibig nila'y pagpugayan sila sa mga liwasang-bayan at tawaging guro. Ngunit kayo--huwag kayong patawag na guro, sapagkat iisa ang inyong Guro, at kayong lahat ay magkakapatid. At huwag ninyong tawaging ama ang sinumang tao sa lupa, sapagkat iisa ang inyong Ama, ang Amang nasa langit. Huwag kayong patawag na tagapagturo, sapagkat iisa ang inyong Tagapagturo, ang Mesias. Ang pinakadakila sa inyo ay dapat maging lingkod ninyo. Ang nagpapakataas ay ibababa, at ang nagpapakababa ay itataas."
Mateo 23:2-12

Maliwanag ang ibig ituro ng Panginoong Jesus: ang mga apostol, sampu ng mga itinalagang mangasiwa sa Simbahan, ay dapat maging mapagpakumbaba. Hindi nila dapat hanapin ang pansariling kapurihan, bagkus katulad ni Cristo, ang hanapin nila'y ang kapurihan ng nagsugo sa kanila, ang Diyos. Hindi sila mga "panginoon" ng Simbahan, kundi mga Ministro na naglilingkod sa Diyos at sa Simbahan. Ang mga sinabi ng Panginoong Jesus na "huwag patawag na ama, guro, at tagapagturo" ay isa lamang iperbole--isang matalinghagang pananalita kung saan gumagamit ng mga pagmamalabis upang bigyang diin ang isang mahalagang aral. HINDI ITO TUNGKOL SA MGA IPINAGBABAWAL NA TITULO, bagkus ay isang malalim na pagtuturo ni Jesus tungkol sa pagpapakumbabang dapat taglayin ng mga inatasang pamahalaan ang Sambahayan ng Diyos. Binibigyang diin lamang ni Jesus na walang sinumang ministro ng Simbahan ang maaaring ipantay ang kanyang sarili sa Diyos.

Sa katunayan, sa mga kasulatan pa lang ng Bagong Tipan, mahigit sa 100 beses1 ginamit ang taguring "ama" sa tao, at hindi pa doon kasama ang mga pagkakataong binabanggit ang pangalan ni Abraham (sapagkat ang literal na kahulugan ng "Abraham" ay ama ng maraming bansa). Sa Sulat ni Apostol San Juan, tinawag niyang "mga ama" ang mga nakatatanda sa Simbahan (1 Juan 2:13-14). Itinuro din ni Apostol San Pablo ang pagiging espiritwal na ama ng mga nangangasiwa sa Simbahan: "Tulad ng alam ninyo, kami'y naging parang ama ng bawat isa sa inyo." (1 tesalonica 2:11). Kung talagang literal na ipinagbabawal ni Jesus ang paggamit ng mga titulong "ama", "guro", at "tagapagturo", bakit tahasang inangkin ni Apostol San Pablo ang mga naturang titulo? Sinabi ni Apostol San Pablo: "Ako'y hinirang na mangangaral, apostol, at tagapagturo ng pananampalataya." (1 Timoteo 2:7). Sinabi pa niya: "Ako'y ginawang apostol at guro" (2 Timoteo 1:11). Tahasang itinuro ni Apostol San Pablo na siya ang espiritwal na ama ng Simbahan sa Corinto: "Maging 10,000 man ang inyong guro tungkol sa pamumuhay Cristiano, iisa lamang ang inyong ama. Sapagkat kayo'y naging anak ko sa pananampalataya kay Cristo Jesus sa pamamagitan ng Mabuting Balitang ipinangaral ko sa inyo." (1 Corinto 4:15). Habang ang Santo Papa, ang mga Obispo, at ang mga pari ay tumatayong mga espiritwal na ama ng Simbahan, hindi nila dapat kalimutan na ang Diyos Ama ang "siyang pinagtutularan ng pagkaama sa bawat sambahayan sa langit at sa lupa" (Efeso 3:15). Tulad nga ng sinabi ni Jesus, mayroon tayong iisang Ama, Guro, at Tagapagturo, at tayong lahat ay magkakapatid. Ang Santo Papa, mga obispo't kaparian ay mga "ama" ayon sa pagkakatalaga sa kanila ng Diyos bilang mga tagapamahala ng Simbahan; subalit bilang mga Cristiano, kapatid pa rin natin sila.

Hindi rin masama na igalang, parangalan, at ipagpugayan ang mga ministro ng Simbahan. Itinuro lamang ni Jesus na ang mga ministro ng Simbahan ay may tungkuling dapat gampanan, at hindi sila inordinahan para lang maitaas ang kanilang mga sarili sa ibang tao. Sa katunayan, itinuturo pa nga sa Biblia na karapat-dapat sa ibayong kapurihan ang mga nangangasiwa sa Simbahan na tapat sa kanilang tungkulin: "Ang mga matanda na nagsisipamahalang mabuti ay ariing may karapatan sa ibayong kapurihan, lalung-lalo na ang mga nagpapagal sa salita at sa pagtuturo." (1 Timoteo 5:17 Ang Biblia). Bilang mga Cristiano, dapat nating igalang at mahalin ang mga nangangasiwa sa atin: "Ipinamamanhik namin, mga kapatid, na igalang ninyo ang mga nagpapagal para sa inyo, ang mga pinili ng Diyos upang mamahala at magturo sa inyo. Pag-ukulan ninyo sila ng lubos na paggalang at pag-ibig, dahil sa kanilang gawain. Magsama-sama kayong mapayapa." (1 Tesalonica 5:12-13).

Tinututulan ng mga Protestante ang mga sari-saring paraan ng pagbibigay-galang natin sa mga ministro ng Simbahan, lalo na sa Santo Papa, sapagkat anila, iyon daw ay "kalabisan na". Subalit kahit ang pinakasimpleng paraan ng pagbibigay-galang ay nagiging "kalabisan" lang kung ipinapantay na natin ang mga ministro ng Simbahan sa Diyos. Halimbawa, nang nagpatirapa si Cornelio sa paanan ni Apostol San Pedro upang sumamba, sinaway niya nito at sinabi: "Tumindig kayo. Ako'y tao ring tulad ninyo." (Gawa 10:26). Nang ang mga taga-Listra'y nag-handog sa mga apostol ng mga torong may kwintas na bulaklak sapagkat anila, "Nanaog sa atin ang mga diyos sa anyong tao!" (Gawa 14:11), sinaway sila ni Apostol San Pablo at sinabi: "Mga ginoo, huwag ninyong gawin iyan. Mga tao rin kaming tulad ninyo!" (Gawa 14:15). SUBALIT HINDI KAILANMAN SINAWAY NG MGA APOSTOL ANG MGA LEHITIMONG PAGPAPARANGAL SA KANILA, AT IKINATUTUWA PA NGA NILA ITO. Sinabi ni San Lucas: "Pinarangalan nila kami sa iba't ibang paraan at binigyan ng lahat ng kailangan sa paglalakbay nang kami'y papaalis na." (Gawa 28:10). Hindi sinaway nina Apostol San Pablo at Silas ang bantay-bilangguan na nagpatirapa sa kanila sapagkat iyon ay lehitimong pagbibigay-galang (Gawa 16:29). Ikinatuwa pa nga ni Apostol San Pablo nang siya'y tinanggap ng mga taga-Galacia na parang "anghel ng Diyos" at parang si "Cristo Jesus" (Galacia 4:14). Walang masama na tanggapin natin ang mga ministro ng Simbahan nang may "takot at panginginig" (2 Corinto 7:15 Ang Biblia), gaya ng pagtanggap natin sa Diyos nang may takot at panginginig (Hebreo 12:28), hangga't hindi natin kinaliligtaan na ang mga ministro ng Simbahan ay mga lingkod ng Diyos, at hindi "mga diyos" (1 Corinto 3:21-23, 4:1).

Hindi naman natin maikakaila na may mga Santo Papa noong unang panahon na naging imoral at iresponsable, at maging sa ating kapanahunan ay may ilang mga paring nang-aabuso ng kanilang posisyon sa Simbahan. Mayroon ding labis na nakikialam sa pulitika habang pinababayaan ang kanilang responsibilidad. Tunay ngang napakahirap igalang ni tawaging "ama" ang gayong klaseng mga tao, subalit alang-alang sa kanilang banal na tungkulin, iginagalang pa rin natin sila. Kung paanong pinagmamalasakitan natin ang ating mga magulang sa kabila ng kanilang mga pagkukulang sa atin, gayon din naman ay dapat din nating pagmalasakitan ang ating mga espiritwal na magulang. Dapat natin silang ipanalangin sa Diyos araw-araw, at tulungan sa anumang paraan na maaari nating gawin. Oo nga't bilang mga ministro'y may pananagutan sila sa atin, subalit bilang mga magkakapatid sa Pananampalataya, may pananagutan din tayo sa kanila. Dapat tayong magmahalan sa Simbahan, sapagkat ang Simbahang Katoliko ay isang pamilya: tayong lahat ay inampon ng Diyos upang mapabilang sa Kanyang Sambahayan. Huwag nating tularan si Cain na nagsabing: "Ako ba'y tagapag-alaga ng aking kapatid?" (Genesis 4:9); bagkus, "alagaan" natin ang isa't isa, pati na rin ang ating mga espiritwal na magulang.


footnotes:
1. Ang mga numerong nakapaloob sa mga panaklong ay tumutukoy sa kung ilang beses binanggit ang titulong "ama". Ang mga may asterisk naman (*) ay tumutukoy sa mga bersikulong nagpapakita ng "maka-amang" ugnayan. Hindi po ito isang perpektong listahan at maaari pa ring magkulang. [Mateo 1:1-16 (20), 4:21-22 (2), 8:21 (1), 10:35-37 (2), 15:4-6 (4), 19:5 (1), 19:19 (1), 21:30-31 (2); Marcos 1:20 (1), 5:40 (1), 7:10-12 (4), 9:21-24 (2), 10:7 (1), 10:19 (1), 10:29 (1), 13:12 (1), 15:21 (1); Lucas 1:17 (1), 1:55 (1), 1:59-62 (2), 1:72 (1), 2:33 (1), 2:48 (1), 9:42 (1), 9:59 (1), 12:53 (2), 14:26 (1), 15:11-31 (12), 16:19-31 (3), 18:20 (1); Juan 4:20 (1), 4:53 (1); Gawa 7:2-4 (2), 7:14 (1), 7:20 (1), 16:1-3 (2); Roma 4:1 (1), 4:11-12 (2), 4:16-18 (4), 9:10 (1); 1 Corinto 4:14-15 (1)*; 2 Corinto 6:13*, 12:14-15*; Galacia 3:7*, 4:2 (1), 4:19*; Efeso 3:14-15*, 5:31 (1), 6:2-4 (2); 1 Timoteo 1:2*, 5:1 (1)*, 1:18*; 2 Timoteo 1:2*, 2:1*; Filipos 2:22 (1)*; Filemon 10*; 1 Tesalonica 2:11 (1)*; Tito 1:4*; Hebreo 12:7 (1); Santiago 2:21 (1); 1 Pedro 5:13*; 1 Juan 2:1*, 2:12*, 2:13-14 (2)*, 2:13*, 2:18*, 2:28*, 3:7*, 4:4*, 5:21*; 3 Juan 4*].

umakyat



bumalik sa pahina ng Apolohetiko




Hosted by www.Geocities.ws

1