panimula |  apolohetiko |  panalangin |  links 





Ano ba talaga ang purgatoryo? (unang bahagi)


Ang salitang "purgatoryo" ay hango sa salitang Pranses na purgatoire na hango naman sa salitang Latin na purgare na ang ibig sabihin ay "pagdadalisay" o "paglilinis". Bagamat wala sa Biblia ang mismong salitang "purgatoryo", ang doktrina naman nito'y nasa Biblia. At bagamat hindi tahasan ang pagtuturo ng Biblia tungkol sa purgatoryo, ito nama'y maliwanag na naituro sa Simbahan sa pamamagitan ng Tradisyon. Unti-unting nilinang ng Simbahan ang doktrina ng purgatoryo sa mga Konsilyo Ecumenico ng Lyons II (1274), Florence (1439-45), at Trent (1545-63), at mga ilang daang taon din bago ang mga konsilyong ito, ang purgatoryo ay itinuturo na ng mga Church Fathers katulad nina Clement of Alexandria (202 AD), Tertullian (210 AD), Origen (244 AD), St. Cyprian of Carthage (251 AD), St. Augustine (395 AD), St. John Chrysostom (404 AD), at Pope St. Gregory the Great (593 AD). Walang katuturan na sabihing "inimbento" lang ng Simbahan ang doktrina ng purgatoryo dahil lang sa ang salitang "purgatoryo" ay wala sa Biblia. Kahit ang mga salitang "Santisima Trinidad", "Biblia", "Pagkakatawang-tao" (Incarnation), "Cristianismo", "Pantanging Paghuhukom" (Particular Judgment), "Salang Orihinal", "Pagkapanganak sa Birhen" (Virgin Birth), at marami pang iba ay wala rin naman sa Biblia subalit tinatanggap din naman ng mga Protestante at ng mga di-Katolikong Cristiano.

Ano ba talaga ang itinuturo ng Simbahan tungkol sa purgatoryo? Ayon sa Katesismo para sa mga Pilipinong Katoliko:

Nakabatay ang doktrina ng Simbahan sa purgatoryo na "isang kalagayan ng pangkatapusang paglilinis," higit sa lahat, sa matandang kaugalian ng pag-aalay ng panalangin para sa mga yumao (Tingnan Catechism of the Catholic Church, 1030-32). Isinasagawa ito upang dalisayin sila at tanggapin sa langit. May sinasabi ang Banal na Kasulatan hinggil sa mga nabanggit na panalangin para sa mga yumao: "Ginawa niya ang paghahandog na iyon upang ang pagkakasala ng mga namatay na ito ay patawarin" (2 Macabeo 12:45). Gayundin, hinggil sa apoy na nakapagpapadalisay, nasasaad sa Kasulatan: "maliligtas siya, lamang ay parang nagdaan sa apoy" (1 Cor 3:15. Tingnan 1 Pedro 1:7). Parehong pinahihinahon at pinalalakas ng doktrinang ito tungkol sa purgatoryo ang turong ipinahayag ng mga Konsilyo ng Simbahan (Tingnan Trent; ND, 2310) tungkol sa partikular na paghuhukom. Pinahihinahon ito sa pamamagitan ng pagpapayapa sa labis na pangamba sa mga tilamsik ng kasakiman at kasalanan, kahit sa buhay ng mga taong bukas-palad at mapagmahal.
Subalit pinatitibay din ng turo tungkol sa purgatoryo ang diin ng partikular na paghuhukom sa radikal na hinihingi ng kaligtasan. Hindi ito isang usapin tungkol sa pagkakamit ng pinakamababang "pasadong marka" sa Diyos na di-pumapansin sa mga nalalabing mumunting kamalian. Sa halip, nararapat dalisayin maging ang mga mumunting pagkamakasalanan upang makamtan ng mga pinagpala ang buhay na walang-hanggan at mapuspos sila ng liwanag at pag-ibig ng Panginoon. Hindi natin nalalaman kung sa loob ng proseso ng kamatayan mismo o sa ibang paraan nagaganap ang proseso ng paglilinis na ito, sapagkat parehong ang mga proseso ng kamatayan at paglilinis ay kubli sa ating makalupang paningin.
Katesismo para sa mga Pilipinong Katoliko talata:2072

Ano ang kahulugan ng "Purgatoryo" sa turo ng Simbahan?
Ang kahulugan ng Purgatoryo ay "ang kalagayan ng huling pag-lilinis." Dito maaaring linisin ang mga namatay na nasa kalagayan ng grasya subalit nabibigatan dahil sa bahid ng kasakiman at kasalanan, upang sa gayon ay makapasok sila sa walang-hanggang kaluwalhatian kasama ng Panginoon.
Katesismo para sa mga Pilipinong Katoliko talata:2104

Hindi kailanman itinuro ng Simbahan na ang purgatoryo ay isang "ikalawang pagkakataon" ng kaligtasan para sa mga taong nagpakasama, o para sa mga Cristianong hindi nagseryoso sa kanilang pananalig kay Jesus. Hindi rin ito isang proseso para hanguin ang mga kaluluwang nasa impyerno. Ang purgatoryo ay panghuling paglilinis para sa mga Cristianong nasa kalagayan ng grasya--mga taong pinananahanan ng Diyos at nakikibahagi sa Kanyang banal na buhay (Juan 14:23; Roma 8:11; 1 Corinto 3:16)--subalit may mga bahid ng kasalanan at kasakiman na bagama't hindi humahantong sa kamatayang espiritwal (1 Juan 5:16-17) ay kinakailangan pa ring linisin, sapagkat sa Kaharian ng Diyos sa Langit, "hindi makapapasok doon ang anumang bagay na marumi sa paningin ng Diyos" (Pahayag 21:27). Kaya nga't sinabi ng Panginoong Jesu-Cristo: "Mapapalad ang naglilinis ng kanilang kasuutan sapagkat bibigyan sila ng karapatang pumasok sa lunsod at kumain ng bunga ng punongkahoy na nagbibigay-buhay." (Pahayag 22:14).

pahina 1  2  3



bumalik sa pahina ng Apolohetiko




Hosted by www.Geocities.ws

1