panimula |  apolohetiko |  panalangin |  links 





Ano ba talaga ang purgatoryo? (ikalawang bahagi)


Hindi lang ang Biblia ang batayan ng mga doktrinang dapat nating sampalatayanan bilang mga Cristiano, kaya't gaano pa man ang paghahamon ng mga Protestante sa atin kung nasaan sa Biblia ang purgatoryo, hindi tayo nagpapaapekto sa kanila. Batid nating ang Biblia at ang Tradisyon ng mga apostol ay umaagos mula sa iisang bukal, sa Salita ng Diyos na Buhay. At dahil maliwanag na itinuturo ng Tradisyon na mayroon talagang purgatoryo, tinatanggap natin ito nang walang anumang bahid ng pagaalinlangan. Gayunman, Biblikal naman talaga ang purgatoryo, at halos lahat ng itinuturo ng Simbahan tungkol sa purgatoryo ay hango sa itinuturo ng Biblia. Subalit ang pagka-biblikal nito'y hindi maipapakita sa pamamagitan ng basta-bastang pagsasangkalan ng mga kapitulo at bersikulo sa Biblia. Bagkus, kinakailangan ng maayos na interpretasyon alinsunod sa gabay ng Simbahan upang maunawaan natin ito nang mabuti.

Hindi pare-pareho ang bigat ng mga kasalanan. Minsan nga'y sinabi ng Panginoong Jesu-Cristo kay Poncio Pilato: "mas mabigat ang kasalanan ng nagdala sa akin dito." (Juan 19:11). Para sa ating mga Katoliko, may dalawang uri ng kasalanan batay sa antas: kasalanang mortal at kasalanang benyal. "Ang lahat ng gawaing di matuwid ay kasalanan, ngunit may kasalanang hindi hahantong sa kamatayang espirituwal." (1 Juan 5:17). "Natutukso ang tao kapag siya'y naakit at napatangay sa sariling pita. Kapag ang pita ay tumubo at nag-ugat, nagbubunga ito ng pagkakasala. Kapag lumala ang kasalanan, ito'y nagbubunga ng kamatayan." (Santiago 1:14-15) Nang tayo'y nanalig kay Jesus at nabinyagan, pinawi ng Diyos ang lahat ng mga kasalanan natin at muli tayong isinilang bilang mga anak ng Diyos na nakikibahagi sa kanyang buhay na banal. Ito ang buhay na nasa kalagayan ng grasya. Ang mga kasalanang mortal ay humahantong sa "kamatayang espirituwal" sapagkat pinapatay nito ang ating buhay na nasa kalagayan ng grasya (Lucas 15:24,32; Pahayag 3:1). Ang mga kasalanang benyal (hango sa salitang Latin na venia na ang ibig sabihi'y "pagpapatawad; maipapatawad") ay hindi humahantong sa kamatayang espirituwal, subalit pinahihina at unti-unting pinipinsala ang ating buhay na nasa kalagayan ng grasya. Ang lahat ng kasalanan--mortal man o benyal--ay maipapatawad sa atin ng Diyos sa pamamagitan ng Sakramento ng Kumpisal o di kaya'y sa pamamagitan ng GANAP NA PAGSISISI--ang lubusang pagtalikod sa kasalanan dahil sa pagmamahal sa Diyos, at hindi lang dahil sa takot sa parusa o pagkasuklam sa kapangitan ng kasalanan.

Ang bawat kasalanan--mortal man o benyal--ay nagdudulot ng PINSALA sa ating sarili, sa ating kapaligiran, sa ating kapwa, sa lipunan, sa Simbahan, at higit sa lahat sa mapagmahal na ugnayan natin sa Panginoong Diyos. Kung gumagawa tayo ng kabutihan, nabibigyang karangalan ang Diyos (Mateo 5:16; 2 Tesalonica 1:11-12), subalit sa tuwing gumagawa tayo ng masama, nalalait ng mga masasamang tao ang pangalan ng Diyos (2 Samuel 12:14; Roma 2:24) at nasasaktan ang buong Simbahan (1 Corinto 12:26; 2 Corinto 2:5). Ito'y mga pinsalang hindi naglalaho o naisasaayos sa isang iglap kapag tayo'y nagsisi sa ating mga kasalanan at tumanggap ng kapatawaran. Kahit mapatawad na ang ating mga kasalanan, may mga pinsalang hindi babalik sa dati. Dahil dito, mayroon tayong pananagutan na pagbayaran ang ating mga kasalanan, at itama ang ating mga nagawang pagkakamali (1 Corinto 5:5; 2 Corinto 2:6). Ang pananagutan na ito ang tinatawag nating parusang makalupa o TEMPORAL NA PARUSA sa kasalanan.

Sa paanong paraan natin pinagbabayaran ang mga temporal na parusa sa kasalanan? Itinuturo ng Simbahan na may tatlong pangunahing paraan: pananalangin, pag-aayuno, at paglilimos (Mateo 6:1-17). Sa pamamagitan ng pananalangin, napagbabayaran natin ang mga panlalait sa pangalan ng Diyos; sa pamamagitan ng pagaayuno, napagbabayaran natin ang ating pagka-makamundo; sa pamamagitan ng paglilimos, napagbabayaran natin ang perhuwisyong naidulot natin sa lipunan. Ang pagsisisi sa kasalanan ay hindi lang pahapyaw na pagamin sa kasalanan. Sinabi ni San Juan Bautista: "Ipakilala ninyo sa pamamagitan ng inyong pamumuhay na kayo'y nagsisisi." (Mateo 3:8). Sinabi din ng Panginoong Jesus: "malaon na sanang nagdaramit ng sako at nauupo sa abo ang mga tagaroon upang ipakilalang sila'y nagsisisi." (Mateo 11:21). Sinabi pa ni Apostol San Santiago: "Linisin ninyo ang inyong mga kamay, kayong mga makasalanan! Linisin ninyo ang inyong mga puso, kayong pabagu-bago ang isip! Mamighati kayo, maghinagpis at tumangis! Palitan ninyo ng pagluha ang inyong halakhakan, at ng kapanglawan ang inyong kagalakan! Magpakababa kayo sa harapan ng Panginoon at itataas niya kayo." (Santiago 4:10). Ito ang mga pagbabata na sinasabing "kailangan pang gawin ni Cristo" na ipinagpapatuloy natin sa ating buhay (Colosas 1:24).

Ang mga paksang ito na tinalakay natin nang bahagya--kasalanang mortal at benyal, temporal na parusa sa kasalanan, at pagbabayad-sala--ay mga mahahalagang katotohanan ng Pananampalataya na hindi tinatanggap ng mga Protestante, at siyang dahilan sa kung bakit hindi nila matanggap na may purgatoryo. Mauunawaan lang natin ang katuturan ng pagkakaroon ng purgatoryo kung tatanggapin nating hindi lahat ng kasalanan ay magsasadlak sa tao sa impyerno (Lucas 12:47-48), na ang mga kasalanan ay may kaakibat na pananagutan (Lucas 23:41), at nang inialay ni Jesus ang kanyang buhay bilang handog sa ikapagpapatawad ng ating mga kasalanan, hindi niya inalis ang ating responsibilidad na ayusin ang mga perwisyong dinulot ng mga kasalanan natin, (Mateo 18:33; Lucas 19:8-10) bagkus patuloy tayong itinutuwid ng Diyos upang tayo'y maging banal (Hebreo 12:5-11). "Itinutuwid naman tayo ng Diyos sa ikabubuti natin upang tayo'y maging banal, tulad niya. Habang tayo'y itinutuwid hindi tayo natutuwa kundi naghihinagpis. Ngunit pagkaraan niyon, lalasap tayo ng kapayapaang bunga ng matuwid na pamumuhay." (Hebreo 12:10-11).

Balikan na natin ngayon ang kahulugan ng purgatoryo ayon sa turo ng Simbahan. Ayon sa Katesismo para sa mga Pilipinong Katoliko, "Ang kahulugan ng Purgatoryo ay ang kalagayan ng huling pag-lilinis. Dito maaaring linisin ang mga namatay na nasa kalagayan ng grasya subalit nabibigatan dahil sa bahid ng kasakiman at kasalanan, upang sa gayon ay makapasok sila sa walang-hanggang kaluwalhatian kasama ng Panginoon." (KPK 2104) Ang sinasabi nating mga "bahid ng kasakiman at kasalanan" ay tumutukoy sa ating nalalabing pagkamakamundo (isa sa mga pinsala ng kasalanan sa ating sarili), sa mga kasalanang benyal na hindi pa naipapatawad, at sa mga temporal na parusa sa kasalanan na hindi pa lubusang napagbabayaran. Ang Simbahan ay bukas sa posibilidad na may mga Cristianong namamatay na bagama't karapat-dapat na sa Langit, ay hindi pa "perpekto". Kinakailangan nating maging perpekto--ganap na malinis sa mata ng Diyos--bago makapasok sa Langit sapagkat "hindi makapapasok doon ang anumang bagay na marumi sa paningin ng Diyos" (Pahayag 21:27). Sabi nga sa Biblia: "Mapalad ang mga may malinis na puso sapagkat makikita nila ang Diyos" (Mateo 5:8). Kailangan nating magpakabanal "sapagkat hindi ninyo makikita ang Panginoon kung hindi kayo mamumuhay nang ganito" (Hebreo 12:14). Maliwanag na sinabi ni Apostol San Pablo: "linisin natin ang anumang nakapagpaparumi sa ating katawan at espiritu" (2 Corinto 7:1).

Subalit may sinasabi ba ang Biblia tungkol sa paglilinis sa kabilang buhay? Meron. Sinabi ni Jesus: "Ang sinomang magsalita laban sa Espiritu Santo, ay hindi ipatatawad sa kanya, kahit sa sanglibutang ito, o maging sa darating" (Mateo 12:32 Ang Biblia). Walang katuturan ang mga sinabing ito ni Jesus maliban na lamang kung may mga kasalanang ipatatawad sa tao hindi lamang sa kanyang buhay kundi pati sa kabilang buhay--sa "sanglibutang darating". Sinabi din ni Apostol San Pablo na sa ating pagkamatay, tayo'y haharap sa Pantanging Paghuhukom: "Sapagkat bawat isa ay haharap sa hukuman ni Cristo upang tumanggap ng kaukulang ganti sa kanyang ginawa, mabuti man o masama, nang siya'y nabubuhay pa sa daigdig na ito" (2 Corinto 5:10). Anong ganti ang tatanggapin natin mula kay Cristo dahil sa mga nagawa nating kasalanang benyal? Sabi mismo ni Jesus: "Ngunit ang aliping hindi nakaaalam ng kalooban ng kanyang panginoon at gumawa ng mga bagay na nararapat niyang pagdusahan ay tatanggap ng magaang na parusa." (Lucas 12:48). Ang "magaang na parusa" na iyon ay purgatoryo. Ang purgatoryo ay inihalintulad ni Apostol San Pablo sa isang taong naligtas ngunit "parang nagdaan sa apoy" (1 Corinto 3:15):

"May magtatayo na gagamit ng ginto, pilak, o mahalagang bato; mayroon namang gagamit ng kahoy, dayami, o pinaggapasan. Makikilala ang uri ng gawa ng bawat isa sa Araw ng Paghuhukom. Sapagkat ang Araw na iyon ay ihahayag ng apoy na siyang susubok at maghahayag ng tunay na uri ng gawa ng bawat isa. Kung ang itinayo sa ibabaw ng pundasyon ay manatili, ang nagtayo nito'y tatanggap ng gantimpala. Ngunit kung masunog, mawawalan siya ng gantimpala; gayunman maliligtas siya, lamang ay parang nagdaan sa apoy."
1 Corinto 3:12-15

Ang purgatoryo ay pinatutunayan din ng sinauna't Biblikal na kaugalian ng pananalangin para sa mga yumao. Ang mga Judio mismo'y nagdadasal para sa mga patay, upang ang kanilang mga kaluluwa'y "palayain mula sa kasalanan" (2 Macabeo 12:40-45). "Huwag mong ipagkait ang tulong mo sa mga patay." (Ecclesiastico 7:33). Ang mga sinaunang Cristiano mula pa noong unang siglo ay nagdadasal din para sa mga patay upang ang mga nililinis sa purgatoryo ay "maginhawaan" at mapabilis ang paglilinis sa kanila doon. Walang katuturan na ipanalangin ang mga kaluluwang nasa Langit, sapagkat sila'y namamahinga na sa piling ng Diyos, at sabi nga, "di sila makararanas ng kamunti mang pahirap." (Karunungan 3:1). Wala ding katuturan na ipanalangin ang mga kaluluwang nasa impyerno sapagkat wala na silang pag-asa, at iyon ay walang hanggang kaparusahan (Mateo 25:46). Samakatwid, may dako sa kabilang-buhay na wala sa Langit at wala rin sa Impyerno. Sa Biblia, tinatawag itong Sheol o Hades: ang daigdig ng mga patay kung saan nasasadlak ang mga kaluluwa--mabuti man o masama--bago pa naging tao ang Panginoong Jesu-Cristo. Nang namatay si Jesus, tumungo ang kanyang kaluluwa sa Sheol upang pagpahayagan ng Mabuting Balita ang mga matutuwid na kaluluwang naroroon upang sila'y palayain at makapasok sa Langit kasama niya (1 Pedro 3:19-20, 4:6; Efeso 4:9-10). "Nabuksan ang mga libingan, at nabuhay ang maraming banal na namatay na. Lumabas sila ng libingan, at nang muling nabuhay si Jesus, sila'y pumasok sa Banal na Lunsod at nakita roon ng marami." (Mateo 27:52-53). Ito ang isa sa mga katotohanang ipinapahayag natin sa tuwing dinadasal natin sa Kredo Apostoliko na si Jesus ay "nanaog sa kinaroroonan ng mga yumao." Pinatutunayan nito na ang kabilang-buhay ay hindi lang Langit at Impyerno gaya ng ipinagpipilitan ng mga Protestante. Mayroong dako sa kabilang-buhay na tinatawag na "mga ilalim ng lupa" na kinahahantungan din ng mga Cristiano upang danasin ang panghuling paglilinis ng purgatoryo (Filipos 2:10; Pahayag 5:3,13).

pahina  1  2  3



bumalik sa pahina ng Apolohetiko




Hosted by www.Geocities.ws

1