panimula |  apolohetiko |  panalangin |  links 





Tradisyong Apostoliko at Mahisteryo


Sa Biblia mismo, sinasabing ang Simbahan, hindi ang Biblia, ang "haligi at saligan ng katotohanan" (1 Timoteo 3:15). Ang Espiritu Santo, hindi ang Biblia ang ipinangako ng Panginoong Jesus na "tutulungan niya kayo upang maunawaan ninyo ang buong katotohanan" (Juan 16:13). At bilang mga Cristiano, dapat tayong manatiling matatag sa mga TRADISYON na itinuro ng mga apostol "maging sa salita o sa sulat" (2 Tesalonica 2:15). Bilang isang Cristiano dapat nating sampalatayanan ang lahat ng mga katotohanang ipinahayag/ibinunyag sa atin ng Diyos, at dapat tayong tumalima sa lahat ng mga ipinag-uutos Niya sa atin. Subalit hindi lahat ng mga ginawa at itinuro ng Panginoong Jesus ay nasusulat sa mga Banal na Kasulatan (Juan 20:30, 21:25). Hindi lahat ng mga itinuro ng mga apostol ay matatagpuan sa mga sinulat nila (2 Juan 12; 3 Juan 13).

Sinabi ni Apostol San Pablo sa mga taga-Filipos na "Isagawa ninyo ang lahat ng inyong natutuhan, tinanggap, narinig, at nakita sa akin." (Filipos 4:9). Diyan makikita nating hindi lang ang kanyang mga "sinulat" ang dapat sundin at isagawa ng mga taga-Filipos.

"Alalahanin ang mga salita ng Panginoong Jesus: 'Higit na mapalad ang magbigay kaysa tumanggap' " (Gawa 20:35). Ang mga salitang iyon ng Panginoong Jesus ay wala sa apat na Ebanghelyo, nangangahulugang ang Gawa 20:35 ang UNANG BESES na iyon ay nasulat. Kung ang mga kasulatan lamang ang pinagbabatayan ng pananampalataya ng mga Cristiano noon, paano nila "aalalahanin" ang isang katuruan na isang beses lang nasulat at sa mismong kasulatan pa kung saan sinasabing "alalahanin" nila ito? Diyan makikitang ang Mabuting Balita ay nakarating sa mga tao hindi lang sa pamamagitan ng mga kasulatan, kundi sa pamamagitan din ng salita. Ang Mabuting Balita ay ipinalaganap ng mga Apostol hindi lang sa pamamagitan ng pagsusulat kundi sa pamamagitan ng pangangaral, ng pag-iiwan ng halimbawang dapat tularan, kapangyarihan at patotoo ng Espiritu Santo, atbp (2 Timoteo 3:14; 1 Corinto 15:1-2; 2 Tesalonica 2:15; Filipos 4:9; 1 Tesalonica 1:5). "...at naniwala sila sa Kasulatan at sa mga sinabi ni Jesus..." (Juan 2:22)

Ang kalipunan ng mga doktrinang Cristiano, katuruang moral, at pamamaraan ng pagsamba na ipinasa ng mga apostol sa Simbahan at nasa pag-iingat ng mga naging kahalili nila--ang mga obispo--ang tinatawag nating Tradisyong Apostoliko. Matatagpuan ang Tradisyong Apostoliko sa mga sinaunang Kredo, sa mga canon ng mga konsilyo ng Simbahan sa tanang kasaysayan, sa mga itinuro ng mga Santo Papa, mga "Ama ng Simbahan" (Church Fathers), at ng mga santo, at sa mismong Liturhiya. Ang Banal na Kasulatan at ang Tradisyong Apostoliko ang bumubuo sa Lagak ng Pananampalataya ("Deposit of Faith"), at ang tagapag-ingat at tagapag-paliwanag ng mga ito ay ang Nagtuturong Simbahan o "Mahisteryo". Ang Mahisteryo ay kinabibilangan ng Santo Papa--ang kahalili ni Apostol San Pedro--at ng mga obispong nakikiisa sa kanya. Ang Mahisteryo, hindi ang mga indibidwal na Cristiano, ang ginagabayan ng Espiritu Santo sa pag-iingat at pagpapaliwanag ng mga Pagpapahayag ng Diyos (Divine Revelation) na ipinasa sa Simbahan (Deposit of Faith) sa pamamagitan ng Biblia at ng Tradisyon (Mateo 16:18-19, 18:18; Lucas 24:49; Juan 16:12-13; Roma 10:15; 2 Timoteo 1:6-7, 13-14, 2:2; Tito 2:15; Hebreo 13:15; 2 Pedro 1:20-21, 3:16). "Paano kong mauunawaan ito kung walang magpapaliwanag sa akin?" (Gawa 8:31)--may mga bahagi ng Biblia na mahirap unawain kaya't kailangan natin ang Mahisteryo upang ipaliwanag sa atin nang wasto ang mga Salita ng Diyos (Nehemias 8:8; 2 Pedro 1:20-21, 3:16).

Ang "Biblia" ay nabuo lamang noong ika-apat na siglo, at ito'y binuo ng Simbahang Katoliko sa kanyang mga konsilyo. Ang Simbahang Katoliko ang nag-ingat sa Biblia sa tanang kasaysayan, at bago pa man naimbento ang mga makinaryang panlimbag noong 1450, ang mga mongheng Katoliko ang matiyagang gumawa ng kopya ng Biblia sa pamamagitan ng pagsusulat. Ang pag-iral ng Biblia sa kasalukuyang panahon ay utang na loob ng sangkatauhan sa Simbahang Katoliko. At bago pa man nagkaroon ng Biblia, ang Ebanghelyo'y matagal nang naipalalaganap ng Simbahan sa pamamagitan ng Tradisyon. Ang Simbahan ay hindi bunga ng Biblia, bagkus ang Biblia ay bunga ng Simbahan. At ang Simbahang Katoliko ang totoong nagmamahal at nagpapahalaga sa Salita ng Diyos, hindi ang mga anti-Katolikong "Cristiano".

Ipinagbabawal ba ng Biblia ang pagsunod sa Tradisyong Apostoliko? Hindi. Maliwanag na itinuturo ng Biblia na dapat nating sundin ang Tradisyon ng mga Apostol (2 Tesalonica 2:15, 3:6; 1 Corinto 13:1, paalaala: sa mga Bibliang Protestante ang salitang "tradisyon" sa mga nabanggit na bersikulo sa Biblia ay pinalitan nila ng "katuruan" o "katotohanan"). Ang mga masasamang tradisyon ng mga Pariseo at ng mga Pagano ang ipinagbabawal ng Biblia (Marcos 7:1-13; Colosas 2:8), hindi ang Tradisyong Apostoliko. Kung iisipin, ang doktrina pa ngang Sola Scriptura ay isang tradisyong makasanlibutan na ipinamamarali ng mga Protestante.

pahina  1  2  3 



bumalik sa pahina ng Apolohetiko




Hosted by www.Geocities.ws

1