panimula |  apolohetiko |  panalangin |  links 





Ang mga Deuterocanonico


Ang mga kasulatang Tobit, Judith, Baruc, 1 at 2 Macabeo, Ecclesiastico, Karunungan ni Solomon, mga bahagi ng Ester, at mga bahagi ng Daniel ay ang mga kasulatang tinatawag nating Deuterocanonico. Hango ito sa salitang Griego na deuteros na ang ibig sabihin ay "pangalawa". Ang mga kasulatang Deuterocanonico ("ikalawang canon") ay mga kasulatang Griego na kasama sa Septuagint, ang saling Griego ng mga banal na kasulatan ng Judaismo noong kapanahunan ni Cristo. Ang Septuagint ang ginagamit noon ng mga nakararaming Judio na nagsasalita sa wikang Griego. Ito rin ang ginagamit ng Panginoong Jesus, ng mga apostol ng Panginoong Jesus, at ng mga sinaunang Cristiano. Subalit noong 70 AD itinigil ng mga Judio ang paggamit nito, dahil sa bintang na nilapastangan na daw ng Cristianismo ang Septuagint. Noong 90 AD, nagpulong ang mga Pariseo sa Jamnia, at doo'y binuo nila ang Canon Hebreo--ang opisyal na tala ng mga kasulatang dapat tanggapin sa Judaismo. Sa naturang konsilyo itinakwil ang mga kasulatang Deuterocanonico. Sa paniniwala kasi ng mga Judio, hindi maaaring magsalita ang Diyos sa wika ng mga Hentil. Dahil wala ang mga Deuterocanonico sa mga umiiral na kasulatang Hebreo noon, kaya't itinakwil nila ang mga ito.

Bukod sa kontrobersyang ito tungkol sa mga Banal na Kasulatan ng Matandang Tipan, nagkaroon din ng problema sa mga kasulatan ng Cristianismo (ang "Bagong Tipan"). Noong una't ikalawang siglo, maraming nagsulputang mga pekeng Ebanghelyo at pekeng sulat ng mga apostol na sinulat ng mga sari-saring grupong erehe. Sa loob ng mahigit 300 taon walang katiyakan sa kung alin ba ang mga totoong Banal na kasulatan at kung alin ba ang mga huwad. Halimbawa, noong mga panahong ito'y pinagdududahan pa ng maraming Cristiano kung ang aklat ng Pahayag (Apocalypsis), Sulat sa mga taga-Hebreo, Sulat ni Santiago, atbp ay lehitimo o hindi. Mayroon namang ilan na kinikilala ang mga sinulat ni San Clemente bilang Banal na Kasulatan (si San Clemente ay ang ikatlong kahalili ni Apostol San Pedro sa pagka-obispo ng Roma). Bilang tugon sa mga kontrobersyang ito, nagpalabas ng dekreto si Pope Damasus noong 380 AD na nagtatakda ng canon ng Bibliang Cristiano. Sinundan ito ng mga konsilyo sa Hippo noong 393 AD, at ng konsilyo sa Carthage noong 397 AD. Noon lang binuo ang Bibliang Cristiano, at sa itinakdang canon ng Biblia, kasama doong kinilala ang mga kasulatang Tobit, Judith, Baruc, 1 at 2 Macabeo, Ecclesiastico, Karunungan ni Solomon, mga bahagi ng Ester, at mga bahagi ng Daniel na itinakwil ng mga Judio sa konsilyo ng mga Pariseo sa Jamnia noong 90 AD. Ang naturang canon ang siya ring itinaguyod sa Konsilyo ng Florence noong 1441, at bilang tugon sa pagmamarunong at pakikialam ng mga Protestante sa canon ng Biblia noong ika-16 na siglo, mas lalong binigyang-diin sa Konsilyo ng Trent ang orihinal na canon ng Bibliang Cristiano. Tinawag na "Deuterocanonico" ang mga kasulatang pinagmulan ng labis na kontrobersya upang magsilbing alaala.

Mas pinili ngayon ng mga Protestante na sumunod sa panuntunang itinakda ng mga Pariseo at sa mga opinyon ng mga naging pasimuno ng Protestant Reformation, kaya naman sa mga Bibliang ginagamit nila tinanggal ang mga Deuterocanonico. Para naman sa ating mga Katoliko, tinatanggap natin ang mga Deuterocanonico sapagkat kasama ang mga ito sa Septuagint na ginamit ng mga apostol at ng mga sinaunang Cristiano nang walang pagtatangi, at dahil na rin sa panuntunang itinakda ng mga sinaunang konsilyo ng Simbahan (saliksikin: Council of Hippo Canon 36; at Council of Carthage III Canon 47). Iginigiit ngayon ng mga Protestante na dinagdagan daw ng Simbahang Katoliko ang Biblia, subalit ang totoo'y ang mga Protestante ang nagbawas nito. Mayroon namang nagsasabi na sa Konsilyo ng Trent lang daw opisyal na kinilala ang mga Deuterocanonico, subalit maliwanag itong pinasusubalian ng kasaysayan.

pahina  1  2  3 



bumalik sa pahina ng Apolohetiko




Hosted by www.Geocities.ws

1