panimula |  apolohetiko |  panalangin |  links 





Ang Santo Papa at ang Mahisteryo ay hindi nagkakamali


Sa tuwing ang Santo Papa (bilang indibidwal) o ang Mahisteryo (bilang kalipunan ng mga Obispong nakikiisa sa Santo Papa) ay pormal na nagtuturo ng isang doktrina tungkol sa Pananampalataya at Moral, at nagpahayag sila ng malinaw na intensyong ipatupad ang mga ito sa buong Simbahan, pipigilan ng Espiritu Santo na makapagturo sila ng kamalian. Iyan ang karisma (kaloob ng Diyos o Grasya) ng Kawalang Pagkakamali o infallibility. Noong 1870 sa 1st Vatican Council nilinaw ng Simbahan ang kanyang doktrina tungkol sa Kawalang Pagkakamali ng Santo Papa o Papal Infallibility. Bagama't matagal na itong bahagi ng doktrinang Katoliko, noon lang nagkaroon ng pangangailangan na ito'y liwanagin ng Simbahan, bilang tugon sa mga sari-saring kontrobersya at lisyang pilosopiyang lumalaganap sa modernong panahon.

Maaari pa ring magkamali ang Santo Papa sa pagpapahayag ng kanyang mga personal na opinyon hinggil sa mga doktrina ng Simbahan at maging sa mga bagay na walang kinalaman sa Simbahan (Sa katunayan, ang mga papal encyclical ay hindi itinuturong infallible). Ang Kawalang Pagkakamali ng Santo Papa ay mabisa lamang sa tuwing opisyal siyang nagtuturo ng doktrina bilang Pangulong Pastor. Hindi lahat ng mga sinasabi ng Santo Papa sa lahat ng pagkakataon ay walang pagkakamali, at ang Hindi Pagkakamali ng Santo Papa ay walang kinalaman sa kanyang personal na moralidad. Kahit pa maging "imoral" at "makasalanan" ang Santo Papa, hindi ito magiging hadlang sa proteksyon ng Espiritu Santo sa Simbahan. Ang mga tagapagturo ng Simbahan ay ginagabayan ng Espiritu Santo upang pawang Katotohanan lamang ang maituturo nila (Exodo 4:11-12; Mateo 10:19-20; Juan 14:16-17, atbp). Iyan ang dahilan kung bakit ang Simbahan ang HALIGI AT SALIGAN NG KATOTOHANAN (1 Timoteo 3:15). Ang Pananampalataya ng Simbahan ay walang bahid ng pagkakamali sapagkat ang kanyang mga Pastor ay ginagabayan ng Espiritu Santo sa kanilang pagtuturo. Maliwanag na sinabi ni Apostol San Pablo: "Ang pangangaral nami'y hindi udyok ng kamalian, ng kahalayan, o ng hangad na manlinlang." (1 Tesalonica 2:3). Sinabi pa niya kay Timoteo: "Gawin mong batayan ang mga aral na itinuro ko sa iyo yamang ang mga ito'y pawang katotohanan. Manatili ka sa pananampalataya at sa pag-ibig na tinanggap natin sa pakikipag-isa kay Cristo Jesus. Sa tulong ng Espiritu Santong nananahan sa atin, ingatan mo ang lahat ng ipinagkatiwala sa iyo." (2 Timoteo 1:13-14). Kaya nga't sa pamamagitan ng Simbahan, talagang naipakikilala sa buong sangnilikha ang walang hanggang karunungan ng Diyos (Efeso 3:10).

Ang Diyablo ay "kalaban ng katotohanan, at di matatagpuan sa kanya ang katotohanan kahit kailan. Kung siya'y nagsisinungaling, likas na ito sa kanya, sapagkat siya'y sinungaling at ama ng kasinungalingan" (Juan 8:44). Patuloy niyang dinadaya ang sangkatauhan magpasahanggang ngayon: nagpapanggap siyang "anghel ng kaliwanagan" at ang kanyang mga lingkod ay nagkukunwaring "lingkod ng katuwiran" (2 Corinto 11:14-15). Sinabi pa: "Maliwanag ang sinasabi ng Espiritu: sa huling panahon, iiwan ng ilan ang pananampalataya. Susundin nila ang magdarayang espiritu at ang mga aral ng diyablo dahil sa panlilinlang ng mga sinungaling na ang mga budhi'y may tatak ng pagiging alipin ni Satanas." (1 Timoteo 4:1-2). Kahit ang mga Banal na Kasulatan ay maaaring kasangkapanin ni Satanas para ibulid tayo sa kamalian (Mateo 4:5-7; 2 Pedro 3:16). Kaya't ang ating tanggulan laban sa mga pandaraya ng Kaaway ay ang Simbahan, ang "sambahayan ng buhay na Diyos, sa iglesya na siyang haligi at saligan ng katotohanan." (1 Timoteo 3:15). Naglagay ang Diyos sa Simbahan ng mga lingkod na ginagabayan ng Espiritu Santo sa buong katotohanan magpakailanman (Juan 14:16, 16:12-15; 2 Timoteo 1:14; Efeso 4:11-13; atbp), kaya't "Hindi na tayo matutulad sa mga batang nadadala ng bawat aral, parang sasakyang-dagat na sinisuklut-siklot ng mga alon at tinatangay ng hangin. Hindi na tayo malilinlang ng mga taong ang hangad ay ibulid tayo sa kamalian." (Efeso 4:14). Ang Simbahang nakatayo sa ibabaw ng Bato--sa ibabaw ni Pedro sa pamamagitan ng kanyang kahalili, ang Santo Papa--ay hindi mapananaigan ng mga "pintuan ng Impyerno" (Mateo 16:18). Ang Simbahan, sa pamamagitan ng kanyang mga inordinahang ministro, ay may kapangyarihang "yumurak sa kapangyarihan ng Kaaway" (Lucas 10:19). Nakasisiguro tayong matatamo natin ang Kaligtasan kung tatalima tayo sa mga itinuturo ng Simbahan sa atin (1 Timoteo 4:16), sapagkat alam nating ang kanyang mga doktrina'y walang bahid ng pagkakamali. MATIBAY ANG SALIGANG ITINATAG NG DIYOS. (2 Timoteo 2:19).

Aminado ang bawat denominasyong Protestante at di-Katolikong Cristiano na "wala silang takas" sa kamalian. Ang mga denominasyon nila'y maitutulad sa isang bahay na itinayo sa ibabaw ng buhanginan: "Umulan nang malakas, bumaha, at binayo ng malakas na hangin ang bahay. Bumagsak ang bahay na iyon at lubusang nawasak." (Mateo 7:27). Patuloy na "nawawasak" ang Protestantismo sa napakaraming denominasyon--na umaabot na ngayon sa mahigit 30,000--sapagkat wala silang matibay na batayan ng Katotohanan.

Mariing umaalma ang mga Protestante at mga di-Katolikong "Cristiano" sa doktrina ng Papal Infallibility sapagkat para sa kanila, ang hindi pagkakamali ay isang katangiang nauukol lang sa Diyos at hindi sa sinumang nilalang. Naniniwala sila na ang mga "ministro ng Simbahan", bagama't ginagabayan ng Espiritu Santo, ay maaari pa ring magkamali sa pagtuturo ng doktrina at pag-unawa sa mga nasusulat sa Biblia. Subalit kung maaari naman palang magkamali ang mga Protestante at mga di-Katolikong "Cristiano", ano pang katuturan na magtiwala tayo sa anumang itinuturo nila sa atin? Paano natin makikilala ang pagkakaiba ng tamang doktrina sa maling doktrina kung ang mga mismong nagtuturo sa atin ay nagkakamali sa pagtuturo? Paano natin malalaman ang tamang interpretasyon ng Biblia kung ang mismong mga "pastor" na nagpapaliwanag nito sa atin ay nagkakamali? At bakit buong pagmamalaking ipinagpipilitan ng mga Protestante na ang Simbahang Katoliko ay "mali" at sila ang "tama"? Kung maaari silang magkamali, wala silang kakayahan at karapatan na sabihin sa sinuman kung ano ang tama at mali sa Cristianismo. Ang ginagawa ng mga Protestante ay maling pagpapakumbaba, (na maituturing nga nating pagpapaimbabaw) dahil bagama't hindi nila maatim na sabihing "palagi silang tama", iba naman ang sinasabi ng kanilang mga gawa. Hindi man aminin ng mga Protestante, sila man ay nag-aangkin din ng pagiging "infallible" sa tuwing ipinagpipilitan nila sa atin ang mga sarili nilang opinyon at interpretasyon ng Biblia at sa tuwing tinutuligsa nila ang ibang relihiyon at itinataguyod ang sa kanila.

Sa mga Huling Araw lilitaw ang mga manlilibak at lumilikha ng pagkakampi-kampi. "Noon pa'y sinabi na nila sa inyo: 'Lilitaw sa huling panahon ang mga manlilibak, mga alipin ng kanilang masasamang pita.' Ito ang mga taong lumilikha ng pagkakabaha-bahagi, mga taong pinaghaharian ng kanilang mga pita at di pinananahanan ng Espiritu." (Judas v. 18-19). Ang naging katuparan ng hulang ito ay ang Protestantismo.

umakyat



bumalik sa pahina ng Apolohetiko




Hosted by www.Geocities.ws

1