panimula |  apolohetiko |  panalangin |  links 




ang pagka-tao at pagka-Diyos ng Panginoong Jesus ayon sa turo ng...

Katesismo para sa mga Pilipinong Katoliko

501. Ang Banal na Kasulatan at ang hindi nagbabagong turo ng Simbahan ay nagkakaisa sa pagpapahayag na totoong tao si Jesus. Kaya't ipinahahayag ng ating Kredo: "Pinaglihi siya sa bisa ng Espiritu Santo at ipinanganak ni Santa Mariang Birhen" (tingnan CCC, 484-87). Upang maging Tagapagligtas natin "kinailangang matulad siya (Jesus) sa kanyang mga kapatid sa lahat ng paraan. Sa gayon, siya'y naging isang dakilang saserdote, mahabagin at tapat, naglilingkod sa Diyos at naghahandog ng hain sa ikapagpapatawad ng mga kasalanan ng tao" (Heb 2:17). "Isinilang siya ng babae, at namuhay sa ilalim ng Kautusan" (Gal 4:4). Si Jesus ay "umunlad sa karunungan at lalong kinalugdan ng Diyos at ng mga tao" (Lu 2:52). Naranasan niya ang kagutuman. Siya ay nagutom (Tingnan Lu 4:2), nauhaw (Tingnan Jn 4:7), tinukso (Tingnan Mt 4:1-11), mga matitinding damdamin (tingnan Jn 11:33), at nahabag sa mga tao (Tingnan Mt 15:32). Sa madaling sabi, ipinakilala ng Banal na Kasulatan si Jesus bilang ganap na tao.

502. Binigyang-diin ng Vaticano II ang pagkatao ni Kristo sa isang hindi malilimutang sipi:

Siya na 'larawan ng Diyos na hindi maaaring makita' ay ganap na tao...Sapagkat sa pamamagitan ng kanyang pagkakatawang-tao, nakipag-kaisa ang Anak ng Diyos sa bawat tao. Nagtrabaho siya sa pamamagitan ng kanyang mga kamay, nag-isip siya sa pamamagitan ng kanyang pag-iisip na pantao, kumilos siya sa pamamagitan ng kanyang pagpapasiyang pantao, at umibig siya sa pamamagitan ng kanyang pusong pantao. Ipinanganak ni Santa Mariang Birhen, tunay siyang naging kaisa natin, katulad natin sa lahat ng bagay, liban sa kasalanan. (GS, 22).

503. Kung gayon, hindi mapagdududahan ang pagbibigay-diin ng pananampalatayang Katoliko na taong tunay si Jesus. Ngunit para sa maraming Pilipino, si Jesus bilang totoong tao ay hindi pangkaraniwang larawan (tingnan NCDP, 182). Ang talagang problema ay hindi tungkol sa katotohanan na si Jesus ay tao, kundi kung paano ito isasabuhay sa isang tuluyang pinalalim na relasyon kay Jesus, sa ating pag-iisip, paggawa at pagdarasal.

504. Ang pananampalatayang Kristiyano ay tatayo o babagsak sa pagkilala na si Jesus ang bukod-tanging Anak ng Diyos, ang ating Panginoon (tingnan CCC, 441-50). Binibigyang-batayan ng Banal na Kasulatan ang pagpapatotoo na ito sa dalawang paraan. Una, si Jesus bilang walang pinagmula't walang-hanggang Salita ng Diyos na bumaba upang akuin ang kalikasang-tao sa Pagkakatawang-tao. "Naging tao ang Salita at siya'y nanirahan sa piling natin. Nakita namin ang kanyang kapangyarihan at kadakilaan, puspos ng pag-ibig at katapatan. Tinanggap niya mula sa Ama ang kapangyarihan at kadakilaang ito bilang bugtong na Anak" (Jn 1:14; tingnan CCC, 461-63).

Ikalawa, "itinaas" si Jesus sa Pasko ng Pagkabuhay. "Itong si Jesus ay muling binuhay ng Diyos at saksi kaming lahat sa bagay na ito. Nang itaas siya sa kanan ng Diyos...dapat malaman ng buong Israel na itong si Jesus na ipinako sa krus--siya ang ginawa ng Diyos na Panginoon at Kristo" (Gw 2:32-33,36).

Itong dalawang landas ay nauuwi kay JesuKristo, iisang persona na taong totoo at Diyos na totoo.

505. Ipinapahayag ng dalawang dakilang awit ng Bagong Tipan ang panghabang-panahong pagka-Diyos ni Kristo. Ang una'y nasa sulat ni Pablo sa mga taga-Filipos, kung saan inuulit niya ang isang Salmong pang-binyag na ginagamit na noon pa mang panahon ng sinaunang simbahan. Sinasaklaw ng Salmo ang tatlong kalagayan ni Jesus. Una'y ang kanyang naunang pag-iral na maka-langit: "Bagamat siya'y Diyos, hindi nagpilit na manatiling kapantay ng Diyos" (Fil 2:6).

Ikalawa, ang kanyang kalagayang makalupa. "Hinubad niya ang lahat ng katangian ng pagka-Diyos, nagkatawang-tao at namuhay na isang alipin...siya'y nagpakababa at naging masunurin hanggang kamatayan, oo, hanggang kamatayan sa krus" (Fil 2:7-8).

At ikatlo, ang kanyang pagkakatampok: "Kaya naman, siya'y itinampok ng Diyos at binigyan ng pangalang higit sa lahat ng pangalan. Anupat ang lahat ng nilalang na nasa langit, nasa lupa, at nasa ilalim ng lupa ay maninikluhod at sasamba sa kanya. At ipapahayag ng lahat na si JESU-KRISTO ANG PANGINOON sa ikararangal ng Diyos Ama!" (Fil 2:9-11).

506. Nilalagom sa ikalawang awit (Co 1:15-20) ang lumalagong pagkamalay sa persona ni Kristo sa panahon ng Bagong Tipan. Una, Siya ang "bagong Adan", Siya ang "larawan ng Diyos na di-nakikita, ang panganay sa lahat ng nilikha" (Co 1:15). Ikalawa, siya ay banal, "Sapagkat ang lahat ng nasa langit at nasa lupa...ay pawang nilikha ng Diyos sa pamamagitan niya at para sa kanya. Siya'y una sa lahat, at sa kanya nasasalalay ang kaayusan ng lahat ng bagay" (Co 1:16-17). Ikatlo, taglay ni Kristo ang pagkapangunahin at ang kaganapan: "Ipinasiya ng Diyos na ang kanyang kalikasan ay manatili rin sa Anak, at sa pamamagitan ng pagkamatay nito sa krus, nagkasundo nga ang Diyos at ang lahat ng nilikha sa langit at sa lupa" (Co 1:19-20).

507. Ang pagpapatibay ng Bagong Tipan sa pagka-Diyos ni Kristo ay nagdaang maligalig na kasaysayan noong panahon pagkatapos ng mga Apostol. Sa pagdaraan ng mga dantaon, unti-unting naging higit na malinaw at tiyak ang Simbahan sa pagpapahayag sa pagka-Diyos ni Kristo, at nilikha ang mga Kredo na siya nating ginagamit hanggang ngayon. Tinanggihan ng Konsilyo ng Nicea (325) ang maling pananampalataya ni Arius at inihayag ang pagsampalataya sa "iisang Panginoong Jesu-Kristo, ang Anak ng Diyos, ang bugtong na anak ng Ama, Diyos mula sa Diyos, Liwanag mula sa Liwanag, Diyos na totoo mula sa Diyos na totoo, isinilang kaisa ng Ama" (ND, 7).

508. Nagbigay ng mga paliwanag si San Agustin tungkol sa binabanggit na "Liwanag mula sa Liwanag" ng Kredo ng Nicea:

"Tulad ng Amang hindi tumatanda, hindi rin nadaragdagan ang gulang ng Anak; hindi tumanda ang Ama; gayundin hindi nadagdagan ang bilang ng Anak. Sa halip, iniluwal nang magkapantay ang magkapantay; walang hanggan ang walang hanggan. Tulad ng apoy sa lupa na nagluluwal ng liwanag sa lupa; gayundin ang apoy at ang liwanag ay magkasing buhay ng liwanag na iniluluwal ng apoy. Sa madaling magdingas ang apoy, naroon na ang liwanag. Ipakita mo sa akin ang apoy na walang liwanag at ipakikita ko sa iyo ang Ama na walang Anak"
(Mga Sipi tungkol sa Ebanghelyo ni Juan 20:8)

509. Subalit nagpatuloy lamang sa sumunod na dantaon ang mga pagtatalo sa paglitaw ng iba't ibang lihis na paniniwala tungkol kay Kristo. Isang kilalang kasunduan ang nabuo sa Konsilyo ng Chalcedon (451) na siyang nagpaliwanag tungkol sa persona ni Kristo bilang:

Siya at siya ring Anak, ang Ating Panginoong Jesu-Kristo...ang magkasabay na tunay na Diyos at tunay na tao, siya at siya rin na kaisa ng Ama sa pag-iral bilang Diyos ang kaisa rin natin sa pag-iral bilang tao. Katulad natin sa lahat ng bagay, maliban lang sa kasalanan. Siya at siya ring iniluwal ng Ama sa pagka-Diyos, bago pa magkaroon ng panahon, ay siya ring isinilang para sa atin at sa ating kaligtasan, bilang tao, sa pamamagitan ni Maria, Birheng Ina ng Diyos, nitong mga huling araw. (ND, 614).

510. Maliwanag ang pahayag ng Banal na Kasulatan na "iisa ang tagapamagitan sa Diyos at sa mga tao, ang taong si Kristo Jesus, na naghandog ng kanyang buhay upang tubusin ang lahat" (1 Tim 2:5-6). Ipinakikita ng Pasko ng Pagkabuhay kung papaanong si Jesus ay kapwa sariling-kaloob ng Diyos sa atin at siya ring angkop na tugon ng tao sa Diyos. Sapagkat tiyak na si Jesus na ipinako sa Krus ang muling nabuhay (Tingnan Mt 28:5-6). Sinulat ni Pablo ang kamangha-manghang pagpapalitan: "Alam ninyo kung gaano kalaki ang pag-ibig ng ating Panginoong Jesu-Kristo na bagamat mayaman ay nagpakadukha upang yumaman kayo sa pamamagitan ng kanyang karukhaan" (2 Cor 8:9).

511. Tapat ang saligang pangangatwiran dito:

  • Maliban kung taong totoo si Jesus, hindi niya tayo maaaring iligtas. "Kinailangang matulad siya sa kanyang mga kapatid sa lahat ng paraan. Sa gayon, siya'y...naghahandog ng hain sa ikapagpapatawad ng mga kasalanan ng lahat ng tao" (Heb 2:17).
  • Maliban kung siya ay Diyos, hindi niya tayo matutubos, sapagkat tanging ang kabanal-banalan, walang-kamatayang Diyos lamang ang: 1)makapagpapalaya sa sangkatauhan mula sa kasalanan at kamatayan, at 2)makapagbibigay sa atin ng bahagi sa kaganapan ng buhay ng Diyos.

512. Kung gayon, hindi maaaring mahati si Jesus. Siya ay iisang persona, sapagkat ang taong si Jesus ang Walang-maliw na Anak ng Diyos na nagkatawang-tao. Ito ang "Mabuting Balita" na ipinahahayag ng ating pananampalatayang Katoliko. Ang taong si Jesus ang Anak ng Diyos na nakakikilala at nagmamahal sa atin. Maaari nating sambahin ang taong si Jesus, at paunlarin ang debosyon sa kaniyang Mahal na Puso sapagkat hindi siya nahihiwalay sa Diyos. Sa kanyang harap, kasama ni Tomas, tayo'y dumadalangin: "Panginoon ko at Diyos ko!" (Jn 20:28).


MGA DAGLAT:

CCC Catechism of the Catholic Church
GS Gaudium et Spes (Pastoral Constitution of the Churchin the Modern World)
NCDP National Catechetical Directory fot the Philippines
ND Neuner/Dupuis, Eds. "The Christian Faith" (A compilation of Church documents and pronouncements on matters of faith and morals)


umakyat



bumalik sa pahina ng Apolohetiko




Hosted by www.Geocities.ws

1