panimula |  apolohetiko |  panalangin |  links 




ang indulhensya ayon sa turo ng...

Katesismo para sa mga Pilipinong Katoliko

1820. Dahil sa katangiang-likas nito, ang kasalanan ay may dalawang epekto. Kapag malubha/mortal, sinisira nito ang ating kaugnayan sa Diyos, kaya't inaalis nito sa atin ang buhay na walang hanggan (parusang walang-hanggan). Ngunit pinahihina rin at sinasaktan ng lahat ng kasalanan ang ating kaugnayan sa Diyos at sa kapwa at sa pamayanan (parusang makalupa). Ang parehong parusang ito ay hindi ipinapataw ng Diyos bagkus dumadaloy ito mula sa katangiang-likas ng kasalanan.

Ang walang-hanggang parusa sa kasalanan ay naglalaho kapag ang bagabag sa ating pagkakasala ay pinatawad; at muli tayong nababalik sa pakikipag-isa sa Diyos. Subalit nananatili ang mga pinsalang temporal nito. Hinahamon tayong harapin ang mga epektong temporal na ito sa pamamagitan ng matiyagang pagbabata, pagsisikap, panalangin, at pagtanggap sa kamatayan bilang hangganan ng ating pantaong kalagayan sa lupa. Hinahamon tayong isantabi "ang dating pagkatao" na pinabubulok ng mandarayang pagnanasa, at "ang dapat makita sa inyo'y ang bagong pagkatao na nilikhang kalarawan ng Diyos, kalarawan ng kanyang katuwiran at kabanalan" (Ef 4:22-24).

1821. Ngunit ipinagpapatuloy natin ang pagsisikap na ito bilang mga kaanib ng isang malawak na pakikipag-isa, ang Katawan ni Kristo, ang Simbahan. Ngayon ang Simbahan, bilang "pakikipag-isa ng mga banal" ay tumutulong sa mga kaanib nito sa pagkakaloob ng mga indulhensya, ayon sa kapangyarihang italaga sa nangungumpisal ang bahagi ng kaban ng mga kapakinabangang tinamo ni Kristo at ng mga santo upang maibsan ang makalupang parusa para sa mga kasalanang napatawad na. Pinatatawad nang lubusan (plenary indulgence) o bahagi lamang (partial indulgence) ang makalupang parusa para sa mga kasalanang napatawad na.

Ang "kaban" ng Simbahan ay hindi katulad ng "kabuuan ng lahat ng mga kayamanang materyal na nilikom sa loob ng mga siglo, kundi ang walang-hanggan, at hindi maubos na kahalagahan ng mga kapakinabangang tinamo ni Kristo sa harap ng Diyos, alalaong baga'y, si Kristo ang Mananakop mismo na nag-alay ng ganap at nakaliligtas na sakripisyo ng pag-ibig para sa sanlibutan. "Kasama rin ang mga panalangin at mga mabuting gawa ng Mahal na Birheng Maria...mga banal, at lahat ng mga sumunod sa yapak ni Kristo ang Panginoon at sa pamamagitan ng kanyang grasya ay nabuhay nang banal sa pagtupad nila sa misyon na inihabilin ng Ama sa kanila. Sa ganitong paraan, naabot nila ang sariling kaligtasan at kasabay nito ang pagtulong sa pagliligtas ng kanilang mga kapatid sa pakikipag-isa ng Katawang Mistiko" (Pablo VI, Indulgentiarum Doctrina, 5. Tingnan CCC 1471-79).

1865.Ano ang mga "indulhensya"?
Ang mga indulhensya ay ang pagpapatawad sa lahat (plenaryo) o bahagi (partial) ng mga makalupang kaparusahan na dulot ng kasalanang napatawad na. Ipinagkakaloob ito dahil sa mga kapakinabangang nagmumula kay Kristong Manunubos at sa mga panalangin at mabubuting gawa ng Mahal na Birhen at mga Santo.

umakyat



bumalik sa pahina ng Apolohetiko




Hosted by www.Geocities.ws

1