panimula |  apolohetiko |  panalangin |  links 





ANG SANTO PAPA


Si Apostol Simon Pedro ang pundasyong bato ng Simbahan sa daigdig. Maliwanag itong itinuturo ng Biblia: "At sinasabi ko naman sa iyo, ikaw ay Pedro, at sa ibabaw ng batong ito ay itatayo ko ang aking iglesya, at hindi makapananaig sa kanya kahit ang kapangyarihan ng kamatayan" (Mateo 16:18). Ang pangalang "Pedro" ay hango sa salitang Griego na "petros" na ang ibig sabihin ay "bato". Sang-ayon mismo sa Biblia, ang katumbas ng pangalang ito ay "Cefas" (Juan 1:42), at ang pangalang "Cefas" ay hango naman sa salitang Arameo na "kepha" na ang ibig sabihin ay "malaking bato". Maliwanag na ang batong pinagtayuan ng Simbahan na tinutukoy sa Mateo 16:18 ay si Apostol Simon Pedro.

Gayunman, sinasabi sa Biblia na ang nag-iisang "pundasyon" ng Simbahan ay si Jesu-Cristo (1 Corinto 3:9-11). Siya ang "batong panulukan" (Mateo 7:24-25, 21:42; Lucas 6:47-48, 20:17; Gawa 4:11; Efeso 2:21; 1 Pedro 2:4-8; atbp). Siya ang ating "pundasyong bato" sapagkat lumalapit tayo sa kanya, nakikinig sa kanyang mga salita, at isinasagawa ang kanyang mga itinuro sa atin (Lucas 6:47-48). Pero ang Ebanghelyo na siyang "saligan ng ating pananampalataya" (1 Corinto 15:1-2) ay nakarating sa atin sa pamamagitan ng mga apostol. Kaya naman, sila'y naging mga pundasyong bato rin ng Simbahan (Pahayag 21:14). Ang kanilang pagiging pundasyon ay hindi kumukontra, nakadadagdag, o nakababawas man sa pagiging Pundasyon ni Jesus, bagkus sila'y nakasandig pa rin kay Jesu-Cristo, ang batong panulukan ng Simbahan: "Kayo'y itinayo rin sa saligan ng mga apostol at mga propeta, na ang batong panulukan ay si Cristo Jesus." (Efeso 2:20). Sa mga apostol, bukod-tanging pinangalanan si Apostol Simon ng "Bato" ("Cefas"/"Pedro") sapagkat siya ang itinalagang Pinuno nila.

May kanya-kanyang opinyon ang mga tao tungkol kay Jesus (Mateo 16:13-14), subalit nang tinanong ni Jesus ang kanyang mga alagad kung sino ba siya para sa kanila, si Apostol Simon Pedro ang nagsalita para sa kanilang lahat: "Kayo po ang Cristo, ang Anak ng Diyos na buhay." (Mateo 16:15-16). Sinabi naman ni Jesus, "Mapalad ka, Simon na anak ni Jonas! Sapagkat ang katotohanang ito'y hindi inihayag sa iyo ng sinumang tao kundi ng aking Amang nasa langit. At sinasabi ko naman sa iyo, ikaw ay Pedro..." (Mateo 16:17). Si Apostol Simon Pedro ay pinagpahayagan ng Diyos Ama ng katotohanan tungkol kay Jesus, at binigyan siya ng kakayahang maipahayag iyon nang wasto para sa lahat ng mga apostol. Iyan ang dahilan kung bakit siya ginawang "Pedro", ang batong pinagtayuan ng Simbahan, at kung bakit ang Simbahan ay hindi mapananaigan ng "kapangyarihan ng kamatayan" ("pintuan ng Impyerno"- Mateo 16:18) habang nakasandig sa kanya. Ang Pananampalataya ni Pedro ay hindi nakasalig sa sinumang tao kundi sa Diyos, at naipapahayag niya ito nang walang pagkakamali; kaya't ang Simbahang nakasandig sa kanya ay hindi maibubulid sa kamalian. Si Apostol San Pedro ang Pangulong Pastor o Tagapagturo ng Simbahan sa daigdig. Ang iba pang mga apostol ay kailangang makiisa kay Apostol San Pedro sa kanilang mga pagtuturo. Kaya naman, bagama't tumanggap na si Apostol San Pablo ng derektang pagpapahayag mula kay Jesus (Gawa 9:1-19), kinailangan pa niyang tumungo sa Jerusalem upang makipagkita kay Apostol San Pedro (Galacia 1:18). Nang nagpulong ang mga apostol at mga "matatanda" (Presbitero) sa Jerusalem, ang desisyon ng kapulungan na pinangunahan ni Apostol Santiago (sapagkat siya ang Obispo ng Jerusalem) ay nakasalig sa mga itinuro ni Apostol San Pedro (Gawa 15:14).

Bukod sa pagiging "Bato ng Simbahan", kay Apostol San Pedro din ibinigay ni Jesus ang mga susi ng kaharian ng langit: "Ibibigay ko sa iyo ang mga susi ng kaharian ng langit: ang ipagbawal mo sa lupa ay ipagbabawal sa langit, at ang ipahintulot mo sa lupa ay ipahihintulot sa langit." (Mateo 16:19). Ang Panginoong Jesu-Cristo ang tagapagmana ng kaharian ni David (Lucas 1:31-33). Siya ang Hari na may hawak ng mga "susi ni David" (Pahayag 4:7). Sa Biblia, ang pagbibigay ng Hari sa isang tao ng mga susi ng kanyang kaharian ay nagpapahiwatig na ang naturang tao na iyon ang pinagkalooban ng kapamahalaan sa buong kaharian bilang Punong Ministro. Ang binigyan ng susi ay magiging "Katiwala ng Palasyo" at "Pinakaama ng buong kaharian". Bukod pa rito, ang pagbibigay ng susi ay pahiwatig din na ang kapamahalaan na iyon ay maaaring akuhin ng mga magiging kahalili. Maliwanag itong ipinakikita sa Aklat ni Isaias:

"Tatawagin ko sa araw na iyon ang aking lingkod,
si Eliaquim na anak ni Helcias.
Siya ang pagsusuutin ko ng iyong kasuutan,
Ibibigay ko sa kanya ang iyong kapangyarihan,
Siya ang magiging pinakaama ng Jerusalem at ng Juda.
Ibibigay ko sa kanya ang susi ng bahay ni David;
Ang kanyang buksa'y walang makapagsasara
At walang makapagbubukas ng ipininid niya."

Isaias 22:20-22

Tumutukoy ito sa paghalili hindi ng pwesto ng Hari kundi ng "katiwala ng palasyo" (Isaias 22:15). Si Eliaquim ang humalili kay Sabna: "Aalisin kita sa iyong katungkulan...Tatawagin ko...si Eliaquim" (Isaias 22:19-20). Kaya naman, nang ibinigay ng Panginoong Jesus ang mga "susi ng kaharian ng langit" kay Apostol San Pedro, Ipinahihiwatig nito na si Apostol San Pedro ang itinalagang Punong Ministro at Pinakaama ng Simbahan, at iyon ay isang ministeryo na ipagpapatuloy ng mga magiging kahalili niya. Kaya nga, sinasabi natin: si Apostol San Pedro ang unang Santo Papa ng Simbahang Katoliko. Maliwanag ngang itinuturo sa Katesismo para sa mga Pilipinong Katoliko: "...ang Pinunong nasa Roma, ang Papa, ang Kumakatawan kay Kristo at kahalili ni Pedro, ang siyang may lubos, pinakamataas at pangkalahatang kapangyarihan sa Simbahan." (KPK 1410).

Mapapansing ang kapangyarihang "magbawal at magpahintulot" ay ibinigay din kalaunan sa lahat ng mga apostol (Mateo 18:18), habang kay Apostol San Pedro lang bukod-tanging ipinagkatiwala ang mga "susi ng kaharian" (Mateo 16:19). Nangangahulugan lang ito na ang mga apostol ay mga "ministro" ng Simbahan (Lucas 22:28-30), habang si Apostol San Pedro ang "Punong Ministro". Ang kapangyarihan ng mga apostol ay nakasalalay sa kanilang pakikiisa kay Apostol San Pedro. Habang ang Panginoong Jesu-Cristo ang Panginoon ng Sambahayan na "umalis upang maglakbay" (dahil umakyat siya sa Langit), at ang mga apostol naman ay mga "alipin" na namamahala sa sambahayan ng kanilang panginoon, si Apostol San Pedro naman ang "alipin na namamahala sa iba pang mga alipin":

"Sino nga ang tapat at matalinong alipin? Hindi ba siya ang pamamahalain ng kanyang panginoon sa sambahayan nito, upang magbigay sa ibang mga alipin ng kanilang pagkain sa karampatang panahon?"
Lucas 12:42

"Ang tapat at matalinong alipin ang siyang pinapamahala ng kanyang panginoon sa ibang mga alipin, upang bigyan sila ng kanilang pagkain sa karampatang panahon."
Mateo 24:25

Si Apostol San Pedro ang bukod-tanging inatasan ni Jesus na patatagin ang pananampalataya ng iba pang mga apostol: "Simon, Simon! Makinig ka! Hiniling ni Satanas at ipinahintulot naman sa kanya, na kayong lahat ay subukin. Subalit idinalangin ko na huwag lubusang mawala ang iyong pananampalataya. At kapag nagbalik-loob ka na, patatagin mo ang iyong mga kapatid." (Lucas 22:31-32). Kay Apostol San Pedro din ipinagkatiwala ni Jesus ang buong kawan ng Diyos, ang Simbahan, upang pamahalaan, pakanin, at alagaan: "Simon, anak ni Juan, iniibig mo ba ako nang higit kaysa mga ito?" "Opo, Panginoon, nalalaman ninyong iniibig ko kayo," tugon niya. Sinabi sa kanya ni Jesus, "Pakanin mo ang aking mga batang tupa." Muli siyang tinanong ni Jesus, "Simon, anak ni Juan, iniibig mo ba ako?" Sumagot si Pedro, "Opo, Panginoon, nalalaman ninyong iniibig ko kayo." Ani Jesus,"Pangalagaan mo ang aking mga tupa." Pangatlong ulit na tinanong siya ni Jesus, "Simon, anak ni Juan, iniibig mo ba ako?" Nalungkot si Pedro sapagkat makaitlo siyang tinanong: "Iniibig mo ba ako?" At sumagot siya, "Panginoon, nalalaman po ninyo ang lahat ng bagay; nalalaman ninyong iniibig ko kayo." Sinabi sa kanya ni Jesus, "Pakanin mo ang aking mga tupa." (Juan 21:15-17). Ang Panginoong Jesus ang "mabuting pastol", "Dakilang Pastol", at "Pangulong Pastol" ng Simbahan (Juan 10:11-16; 1 Pedro 5:4; Hebreo 13:20). Kaya't nang ipinagkatiwala niya ang buong kawan kay Apostol San Pedro, pinagtitibay lamang nito ang kapamahalaan na ipinangako niya sa kanya sa Mateo 16:18-19. Si Apostol San Pedro at ang mga magiging kahalili niya--ang mga Santo Papa--ang magiging KINATAWAN NG PANGULONG PASTOL. Sakop ng kanyang pamamahala ang iba pang mga alagad ("Iniibig mo ba ako nang higit kaysa mga ito" = "mga ito" = iba pang mga alagad na kasama noon ni Pedro). Ang mga "batang tupa" ay tumutukoy sa lahat ng mga Cristiano, habang ang mga "tupa" naman ay tumutukoy sa iba pang mga apostol, dahil ang tupa ang nagpapasuso sa mga batang tupa.

MAGPAPATULOY ANG PAGHALILI KAY APOSTOL SAN PEDRO HANGGANG SA DUMATING SI JESUS. pagbalik ng Panginoong Jesus mula sa langit, may madadatnan siyang pangulong alipin ng kanyang sambahayan (Mateo 24:45-51; Lucas 12:41-47). Parurusahan niya ang mga kahilili ni Apostol San Pedro na nagpabaya sa Simbahan at nang-abuso ng kapangyarihan, at gagantimpalaan naman ang mga naging tapat sa kanilang tungkulin.

Ang pagka-papa ang pinakamatandang institusyon sa mundo na nanatili magpasahanggang ngayon. Mas matanda pa ito kaysa sa alinmang gobyernong umiiral sa daigdig. Sa kabila ng mga sari-saring suliranin at kontrobersyang kinaharap nito sa tanang kasaysayan, ito'y nanatili pa rin at hindi natitinag. Sinabi nga ng Biblia: "Kaya't sinasabi ko sa inyo: huwag ninyong pakialaman ang mga taong ito; hayaan ninyo sila. Kung ang kanilang panukala o pagpupunyaging ito'y mula sa tao, ito'y mabibigo. Ngunit kung mula sa Diyos, hindi ninyo ito masasansala at lilitaw pang lumalaban kayo sa Diyos!" (Gawa 5:38-39).

umakyat



bumalik sa pahina ng Apolohetiko




Hosted by www.Geocities.ws

1