Noong 1983, ginawa na ito. At ganito ang nangyari, ayon sa Bangko Sentral.
Una, hindi muna pina-utang ang Pilipinas mula nang ipatupad ang debt moratorium. Kasi nga, bakit pauutangin ang bansang hindi naman nagbabayad?
Ikalawa, kinailangang i-rasyon ng Central Bank noon ang supply ng dolyar dahil nga kakaunti na lang at hindi sapat ang dollar remittances galing sa mga OCW noon. Bilang resulta nito, ang pag-aangkat at pagluluwas ng mga produkto ay naapektuhan. Naging mabagal ang pag-unald ng bansa dahil dito.
Kung pagbabasehan ang ibang bansa, ang Peru, ayon pa rin sa Bangko Sentral, ay nagpatupad din nito. Pero ito ay nagresulta sa kaguluhan ng kanilang bansa at tuluyan nang napatalsik sa pwesto si Garcia na kanilang pangulo noon.
Ngunit ano nga ba talaga ang maaring alternatibo sa pagbabayad ng utang at pati na rin ang hindi pagpapabaya sa mga basic social services na kailangan ng mga mamamayan?
Maaring bawasan na muna ang halagang ibabayad sa mga pinagkaka-utangan natin. Kung mangyayari ito, magkakaroon ng balanse sa ibinabayad para sa utang at mga basic social services.
Maari ring kapag uutang tayo, dapat pag-aralang mabuti ang mga nakasaad sa kontrata ng pag-utang upang makita natin ang posibilidad ng pagbabayad sa kung gaano man kahabang panahon ito maaring mabayaran.
Kung uutang man, dapat maging malinaw kung saan ito gagamitin nang hindi mapasa-bulsa ng kung sino man. Dapat iwasan ang katiwalian, lalo na sa kasong ito na inutang na nga lang e pagkaka-interesan pa. Dapat maging alerto ang gobyerno rito.
At upang mabawasan ang pangungutang, kailangang pag-igihin ang paniningil ng buwis sa mga taong hindi nagbabayad ng buwis. Ang mga may utang na bilyun-bilyon sa pamahalaan ang siyang dapat singilin para magka-pondo ang pamahalaan.
Isang malaking hakbang at hamon ay ang paghahabol sa mga Marcoses. Dapat gawing puspusan at seryoso ang pamahalaan sa pagtugis sa tunay na may sala. Ang kanilang administrasyon naman ang nangutang, dapat sila rin ang singilin.
Bakit kailangang iatang ang halagang ito sa mga taong ngayon pa lang ipinanganak? Ang yaman ng Marcos ay sapat na upang mabayaran ng Pilipinas ang utang niya hanggang sa kahuli-hulihang sentimo.