Tagos sa dibdib
ang kalabog ng tambol. Maingay at nagkakagulo sa entablado.
Habang lumalalim ang gabi sa UP Fair, dumarami ang tao
sa paligid ko.
Ilang tao ang nakausap ko sa gabing iyon. Sari-sari
at madalas katakot-takot ang mga porma nilang pinagpipyestahan
ng titig ng SSB. Itinanong ko sa mga punks, emo, at
ilang rock stars kung ano ang masasabi nila sa kasalukuyang
rock scene sa Pilipinas. Sari-sari ang kanilang sagot.
Marahil, katulad ko, hindi rin nila nakikilala nang
lubos ang bagong mukha ng Pinoy rock.
Ang Himig Natin
Unang narinig ng mga Pilipino ang rock sa radyo ng mga
Amerikanong sundalo sa mga base militar noong 1950s.
Nakahiligan ng mga Pilipino ang tugtugin nina Elvis
Presley, Johnny Cash, at iba pa.
Uso noon ang lantad na pangongopya ng kultura. Hindi
sumisikat ang mga artistang Pilipino kung walang kahalintulad
na Amerikanong modelo. Kabilang sa unang Pinoy rock
icons sina Victor Wood at Eddie Mesa na tinaguriang
Tom Jones at Elvis Presley ng Pilipinas.
Taong 1960 sumibol ang ‘golden age’ ng
Pinoy rock nang angkinin ng kabataang Pilipino ang hiram
na kultura at musika upang sumalamin sa sariling karanasan,
tulad ng simpleng pagsakay sa jeepney at pakikipagbunuan
sa mga kinatatakutang guro. Ipinauso ng bandang Juan
Dela Cruz at Sampaguita ang pagkanta sa wikang Filipino.
Samantala, ‘Freaks’ ang tawag sa kabataang
Pilipinong sumunod sa kanluraning kulturang hippie.
Ang bawat pagbabago sa kulturang rock ay tugon at madalas
pagtatakwil sa kaayusan ng lipunan. Ang malaya at mapayapang
pilosopiya ng hippie ‘flower power,’ halimbawa,
ay reaksyon laban sa karahasan ng Vietnam War.
Noong 1972, nakagawian ng mga sundalo ang magpatigil
ng mga jeepney at sapilitang gupitan ng buhok ang mga
pasaherong long hair upang umangkop sa Bagong Lipunan.
Sa represibong kondisyon ng Batas Militar umusbong ang
bagong mukha at tunog ng Pinoy rock.
Napalitan ang iconic peace sign ng mga freaks ng tatlong
letrang A na nakapaloob sa bilog—Against All Authority--
na naging simbolo ng punks. Sumalamin sa karahasan at
kawalang katiyakan ng panahon ang radikal na mga porma.
At dahil sapilitang pinatatahimik, natutong sumigaw
ang kabataang Pilipino. Mulat sa mga isyung panlipunan
ang mga kantang inilabas ng The Wuds, Philippine Violators,
at iba pang bandang sumikat sa panahong ito.
“Magulong musika para sa magulong lipunan,”
komento ng punk na si Alex na nakilala ko sa UP fair
na lumaki sa panahong iyon.
Ang Inyong Awitin
1990s ang sumunod na pagbabago ng Pinoy rock sa pagpasok
ng MTV Pilipinas at malalaking record label. Sa pagturing
sa musika bilang negosyo sa halip na sining, kinamkam
ng mga kumpanya ang palabang kamalayan ng kabataan,
ginawang mas matimbang ang imahe ng mga banda, at naging
radio-friendly ang mga kanta. Makikita ito sa popularidad
ng mga bandang mistulang ‘boys next door’
tulad ng Eraserheads at Rivermaya, bagaman nagawa pa
rin ng mga bandang ito na ipagsanib ang sining sa komersya.
Nagpatuloy ito sa taong 2000, sa pagsikat ng ‘pogi
rock’ na pinangunahan ng bandang Hale at Spongecola.
Sapagkat laging hinahanap ng kabataan ang kanilang
tinig, direktang binabangga ng mga nagsulputang independent
labels ang malalaking kumpanya. Dala ng murang teknolohiya,
nabigyan ng pagkakataon ang karaniwang musikerong magpasya
sa lalamanin ng kanilang mga kanta.
“It’s better now,” sambit ni Francis
Reyes, gitarista ng beteranong bandang The Dawn, tungkol
sa kasalukuyang mukha ng Pinoy rock. “The kids
are doing their own thing. They do what they want. That’s
what rock is supposed to be.”
Samu’t saring tugtugin ang lumalabas dahil sa
indie scene. Lumalawak ang saklaw ng Pinoy rock sa pagdami
ng mga bandang ska, blues, o reggae. Dahil din dito,
muling naririnig ang mga progresibong tugtuging tumutuligsa
sa kaayusan ng lipunan.
“What else can we sing about?” tanong ni
Paolo Gonzales-Peralta, gitarista ng post-punk na bandang
El Mercurio nang inusisa ko kung bakit may ‘OUST
Gloria’ sa lyrics ng kanilang kanta. “Ano
ba ang nakikita sa paligid?” sambit niya.
Sa Langit ng Pag-asa
Ngayon, muling ginagaya ng kabataang Pilipino ang usong
musika sa Amerika.
Marami sa mga nakausap ko sa UP fair ang nagsabing
emo sila. Mainit ngayon ang salitang ‘emo’
na galing sa genre na emotional hardcore. Tulad ng mga
naunang freaks at punks, may sariling tunog at istilo
ng pananamit ang mga mahilig sa emo.
Isa sa kanila si Paolo na aminadong emo ngunit kabilang
sa ‘Punx ng Taguig.’ Tulad niya, makikitaan
ang mga emo ng itim at masikip na t-shirt, hapit na
pantalon, usong rubber shoes, at buhok na may bangs.
Maingay at pasigaw ang mga kantang madalas ay tungkol
sa sawing pag-ibig. Dalawa sa pinakasikat na bandang
emo sa Pilipinas ang Typecast at Chicosci.
Pinuna ko ang kasuotan at piercing sa mukha ni Paolo,
tinanong kung ganito rin ang itsura niya sa paaralan
o bahay. Hindi raw. Sa paaralan, naka-uniporme siya
at walang gel ang buhok. Sa bahay, bihis normal.
Sa ‘totoong buhay,’ normal na kabataan
si Paolo. Mayroon siyang problema sa pera, eskwela,
at pamilya. Ngunit nahahanap niya ang kakarampot na
kalayaan sa piling ng barkada at musikang kinahihiligan
niya. Sa labas ng kanyang pagiging emo, kabilang si
Paolo sa napakaraming kabataang Pilipinong pinatatahimik
ng lipunang ginagalawan niya. “’Pag concert
lang (ako) ganito,” sabi niya.
Tulad ng naunang freaks at punks, pinipintasan ang
mga emo dahil umano wala silang modo at magulo. Hindi
sila umaayon sa batayan ng ‘normal’ sa lipunan
at maraming hindi nakaiintindi sa musika nila.
Ang pagkakaiba ng emo sa mga naunang subkultura ay
ang kanilang mistulang pagkalito at pagkaligaw. Sa paraan
nila ng pananamit, maiisip na tulad ng mga punks, nais
nilang banggain ang sistemang nagdidikta kung ano ang
normal. Subalit tatak-American Boulevard ang mga t-shirt
nilang may mukha ni Che Guevarra. Sa panahong nangangailangan
ng mga kantang tumutugon sa kabuktutan ng lipunan, pinipili
nila ang mga himig tungkol sa pansariling hinagpis tulad
ng naunsyaming pag-ibig.
Pagkalito ang primaryang boses ng mga emo. Kahit malalaking
kumpanya, nakikisali sa kanilang mosh pit, sa mga concert
na itinalagang espasyo para sa malakihang pagkonsumo.
Samakatuwid, nakakulong pa rin sila sa kaayusang tinatangka
nilang banggain, sa pamamagitan ng balisang tinig.
Lumalalim ang gabi sa UP fair. Nang maglaon, iniwan
ako ni Paolo para sa barkada niya at pumaloob sa gitna
ng mosh pit habang tumutugtog ang paborito nilang banda.
Sa presyo ng entrance ticket, nabili nila ang ilang
oras ng kalayaan mula sa dikta ng mga magulang, guro,
pulis, at estado. Pagsikat ng umaga, huhugasan ni Paolo
ang gel sa buhok at magpapatangay sa bawat sumpong ng
lipunan.# Philippine Collegian
<< back
to home |