| Rock is cool…
but the struggle is better. – Indigo Girls
Sawa na raw ang mga Filipino sa korupsyon ng pamahalaan.
Sawa na raw tayo sa isa pang pagpapatalsik sa isa na
namang tiwaling Pangulo na naluklok dahil sa Edsa 2.
Hayaan na lang daw natin na manaig ang Saligang Batas
sa ganitong pagkakataon. At mula mismo sa kaniyang bibig,
“hindi patatawarin ng mundo ang Edsa 3.”
Mapag-uusapan sa puntong ito kung alin nga ba ang mas
makatwirang solusyon: ang paglahok ng mabubuting tao
sa eleksyon upang mapalitan ang mga tiwali o isang himagsikang
naglalayong mapalitan ang kasalukuyang nabubulok na
sistema? At sa matagal nang usaping ito, nais makapag-ambag
sa diksurso ang rock musical na EJ: Ang Pinagdaanang
Buhay nina Evelio Javier at Edgar Jopson.
Landas
Kilala sina Jopson at Javier bilang mga tumutol sa diktadurang
Marcos, ngunit magkaiba ang kanilang landas. Hindi sang-ayon
si Gob. Javier ng Antique sa batas militar kaya’t
gipit ang lalawigan sa pondo mula sa diktador. Si Jopson
nama’y isang aktibistang mag-aaral noong Sigwa
ng Unang Kwarto ng 1970 at kapagdaka’y lumahok
sa armadong pakikibaka. Bagaman pareho silang nasa Ateneo
de Manila University noong huling bahagi ng 1960s, hindi
nagkakilala ang dalawang martir.
Sa rock musical na EJ, pinagtagpo nina Ed Maranan at
Chris Millado ang mga dakilang Atenean sa kabilang buhay.
Pinag-uusapan nina Jopson (Jett Pangan ng The Dawn)
at Javier (Ricky Davao) ang kinahinatnan ng kanilang
naging paglaban matapos nilang pumanaw. Nagbabalik-tanaw
rin sila sa mga pangyayari noong malupit na panahon
ng batas militar. Na sumunod sila sa turo at paniniwalang
Atenean na “maging tao para sa kapwa,” sa
magkaiba nga lang na paraan. Si Javier, sa pagiging
gobernador, sa loob. Si Jopson, sa pagiging rebolusyonaryo,
sa labas. Mahusay na naipakita ng EJ ang ganitong magkahiwalay
na landas ng pakikibaka ng dalawa.
Ngunit may pagkakatulad rin sina Javier at Jopson.
Naglunsad si Javier ng mga proyektong pangkabuhayan
para sa kaniyang mga kababayan. Nakikikain siya sa hapag
ng mga sakada’t dumaan. Minahal siya ng mga taga-Antique
dahil rito. Si Jopson nama’y nagpalalim ng kaniyang
pakikisangkot nang makapagtapos sa Ateneo. Naugnay siya
sa unyon ng mga manggagawa, naging organisador, at naging
kasapi ng Partido Komunista ng Pilipinas. Pinagsunod
ang mga tagpong ito sa EJ upang ipakita na may malasakit
ang dalawa sa mga tao.
Panahon
Napaghugpong ng EJ ang buhay at pakikibaka ng dalawang
martir. Bukod sa huntahan ng dalawa sa kabilang buhay,
napagtagni ni Jun Yango (Bong Cabrera) – na tila
isang dark angel o agent provocatuer– ang kapalaran
nina Javier at Jopson. Nagsilbi ang tauhang ito sa dula
bilang si Marcos, militar, at pragmatikong kritiko ng
dalawa.
Nakadadagdag pa sa emosyon ng dula ang musika ng The
Dawn sa mga dramatikong tagpo ng dula. Ginamit nila
rito ang kanilang mga awit tulad ng “Harapin,”
“Salamat,” at “Iisang Bangka”
bukod pa sa nasa iskrip. Aminado ang banda na hindi
sila maituturing na politikal na rock group subalit
nakita nilang ang ilan sa mga awit nila’y angkop
sa dula. “Salimpusa” ang nagsilbing awit
sa tagpong idineklara ni Marcos ang Batas Militar (Salimpusa!/
Bumaba ka sa trono mo!). May mga binago sa areglo at
liriko sa mga awit ng grupo, at pinagaan ang tunog upang
maging angkop sa damdaming nais ipahatid ng isang tagpo.
Bukod sa malikhaing imahinasyon nina Maranan at Millado
para sa EJ, hindi banyaga sa kanila ang naging panahon
at pakikibaka nina Javier at Jopson. Naging aktibo rin
ang dalawang dramaturgong ito sa mga grupong tumutuligsa
sa diktadura. Tulad ni Jopson, naging political detainee
si Maranan. Nahubog naman sa dulansangan ng UP Repertory
Co. si Millado.
Pangarap
Kakaiba ito sa mga dulang nasa anyo ng protesta at progresibo
sa panahon nina Javier at Jopson. Sa pagsasadula ng
buhay ng dalawang martir, hindi ito tahasang nagsasabi
kung ano ang dapat gawin ng manonood sa nangyayari sa
kasalukuyan. Kahit sa huling imahinatibong pag-uusap
nina Javier at Jopson, nagkakasundo ang dalawa na magkaiba
ang kanilang landas ngunit para sa katiwasayan ng bayan.
Kapwa nila nakita ang kabulukan ng kanilang panahon.
Kapwa nag-aatim ang dalawang martir ng pagbabago para
sa mga tao.
Hindi nga lang sila pinalad na makita ang kaganapan
ng kanilang mga pangarap, lalo na ang pagpapababa kay
Marcos na naging Edsa 1. Binistay ng 37 punglo si Javier
habang papunta sa plaza ng San Jose, Antique, sa kasagsagan
ng kampanya para sa malinis na 1986 snap election. Kinakampanya
ni Javier si Corazon Aquino. Nakubkob naman ng mga militar
si Jopson at mga kasama nito sa kanilang underground
house sa Davao. Siyam na punglo ang kumitil sa kaniya.
Para sa mga pragmatiko’t konserbatibo, nasayang
lang ang talino’t galing, lalo na ang buhay, nina
Javier at Jopson. Sa kanilang pagtuligsa sa isang diktador
ay naghanap sila ng batong ipinukol sa kanilang mga
ulo. Subalit sa mata ng mga anti-diktadura’t rebolusyonaryo,
hindi nasayang ang kanilang mga ipinunla. Sa imahinatibong
pag-uusap nina Javier at Joson, kapwa sila nagtanong
na “saan ba napunta ang ating mga pinagpaguran?”
na pagtatanong na rin sa mga manonood.
Sa isang banda’y maaaring akusahan ang EJ ng
pagroromantisa lamang sa naging marahas na dekada 70
at pakikibaka rito ng mga sumalunga. Walang pagdududang
naging dagdag na namukadkad na mga bulaklak sina Javier
at Jopson sa karimlan ng panahong iyon. Ngunit maaari
ring tingnan na ang dulang ito’y itinanghal upang
muling mamukadkad ang ating mga pangarap sa gitna ng
muling pagdilim ng kasalukuyang panahon.
“Kailan magbabago/ ang ihip ng panahon?”
Isa ito sa mga tanong na iniwan ng EJ. Maaari itong
sagutin sa pag-aaral ng buhay nina Javier, Jopson, at
iba pang tulad nilang tumuligsa sa diktadura. Na hindi
isang mesias ang kailangang hintayin. Na hindi magagawa
ang pagbabago ng iilang may dakilang hangarin para sa
bayan. Na ang pagbabago’y magagawa sa paglikha
ng bagong kasaysayan. Na isinasaalang-alang ang kabutihan
ng nakararaming mamamayan. Na ang makibaka’y makatwiran.
# Philippine Collegian
<< back
to home |