| Ilang
ulit na tayong nag-aaway nitong nakaraang mga araw.
Paulit-ulit ninyong tinututulan ang mga ginagawa ko
bilang isang mamamahayag. Hindi ko isinusuko ang mga
punto ko, pilit ninyo ring iginigigiit ang mga paniniwala
ninyo, kung kaya sa bawat pagtatalo natin, walang nananalo.
Kapwa lang tayo natatalo.
Naalala ko ang unang beses na nagkasagutan tayo. Hindi
ko na matandaan kung ano ang pinag-ugatan ng away natin,
ngunit nagulat ako nang kalagitnaan ng ating sagutan
ay nasama na sa usapan ang ginagawa kong pagsusulat
para sa Collegian. Naitanong ko sa inyo kung ano ang
kinalaman ng Collegian sa away natin subalit hindi ninyo
naman iyon nasagot.
Nagkapalitan tayo ng ilang masasakit na salita. Naghalu-halo
na ang lahat ng mga isyu natin sa isa’t isa, at
sa huli, naiwan tayong nanghihina at nanggigipuspos.
Sa bahagi ko, bagaman alam kong labag sa loob ninyo
ang pagsali ko sa pahayagang ito, masakit pa ring isipin
na hindi pa ninyo lubos na natatanggap ang pinili kong
landas.
Naulit nang ilang beses ang mga away natin sa loob
lamang ng ilang araw. Anumang kamalian at pagkukulang
ko, naiuugnay ninyo sa usapin ng pagsali ko sa pahayagang
ito, at maging sa kurso ko. Nariyang nagsimula tayo
sa computer at natapos sa Collegian at sa pagsasabi
ninyong itigil ko na ang ginagawa ko at magpalit na
ako ng kurso, na hindi ko naman balak gawin.
Alam ko namang sinusubukan ninyong maging masaya para
sa akin. Sa katunayan, sa tuwing mailalathala ang mga
isinusulat ko, humihingi kayo ng kopya at itinatago
ninyo. Kaya lamang, kung mayroon akong mga naisulat
na para sa inyo ay masyadong “radikal,”
muling bumabalik ang mga agam-agam ninyo.
Napagtanto kong nagiging paranoid kayo sa tuwing mayroon
akong isinusulat na artikulo, sa tuwing matagal akong
nawawala sa bahay at halos sa opisina na nakatira matapos
lamang ang isinusulat. Iyon ang mga panahong halos wala
na akong tulog habang panay ang tipa ng mga titik sa
keyboard. Lumalala ang pangamba ninyo kapag nababasa
ang mga kahanay na artikulo ng isinulat ko na tinatawag
ninyong “matapang,” ngunit alam kong ang
ibig ninyong sabihin ay mapanganib.
Nauunawaan kong nag-aalala lamang kayo sa akin, sapagkat
naiisip ninyo ang hirap ng ginagawa ko at na napapabayaan
ko na ang sarili ko. Bukod dito, nais lang naman ninyong
mapabuti ako, at nababahala kayo dahil dito sa Pilipinas,
mataas ang bilang ng mga mamamahayag na pinapatay dahil
sa kanilang propesyon.
May mga batayan naman kayo upang mag-alala, subalit
uulitin ko ang mga paliwanag ko sa inyo nang mapagpasyahan
kong nais kong maging isang mamamahayag—ito ang
gusto kong gawin dahil naniniwala akong dito ako mas
makakapagsilbi sa bayan. Naniniwala akong sa pamamagitan
ng pamamahayag, mabibigyang-tinig ang mga hinaing ng
taumbayan, na may kapangyarihan itong magpasimula ng
pagbabago sa lipunan.
Ang hiling ko lamang, unawain ninyo ang mga pananaw
ko. Huwag ninyong akalaing hindi ko lubos na naiintindihan
ang implikasyon ng pinili kong gawin sa buhay, sapagkat
alam ko ang mga maaaring mangyari sa akin sa hinaharap.
At aaminin kong may mga panahong tinatablan din ako
ng takot. Subalit kung magpapadaig ako sa takot, papagtibayin
ko lang ang mga birong-totoo ninyong hindi ako nababagay
maging mamamahayag dahil mahina ang loob ko.
Ako ang pumili ng landasing ito at malinaw sa akin
ang mga dahilan ko. Sana’y maunawaan ninyo, sapagkat
mahirap ipagpatuloy ang ginagawa ko kung wala ang buong
suporta ninyo. # Philippine Collegian
<<
back to home |