| Madilim ang kahabaan ng Aurora Boulevard. Sa likod ng nagliliwanag na Araneta Center matatagpuan ang mga gusali ng lumang mga sinehan at ilang motel. Tanging malamlam na ilaw lamang mula sa mga poste ng Meralco ang nagsisilbing tanglaw ng lugar.
Marami pa ring mga babaeng nakatambay sa tapat ng mga gusali. May mga lalaking lumalapit panaka-naka at pasimpleng bubulong ng, “Miss, gumigimik ka ba?” Hindi magtatagal at aalis itong kasama ang isa sa mga babae. Hindi bago ang eksenang ito rito. Kilala ang Aurora bilang tambayan ng mga “gumigimik,” o mga babaeng bayaran.
Sa kasalukuyan, may humigit-kumulang 50 babaeng regular na nakapwesto sa Aurora. Matatagpuan sila sa tapat ng mga bangko, tindahan at sinehan. Kabilang sa kanila si Angie*, isang dalagang ina.
Kapit sa patalim
Dating saleslady si Angie sa Rustan’s Mall sa Araneta Center. Unang taon sa kolehiyo lamang ang kanyang inabot at napilitan siyang huminto dahil sa kakapusan ng salapi.
Nagsimulang gumimik si Angie sa edad na 23 upang ipagamot ang hika ng anak na mag-isa niyang itinataguyod. Katwiran niya, hindi sapat ang kinikita niya sa Rustan’s upang maipagamot ang anak. “Anim na buwan ang gamutan. Isang linggo pa lang, P1,500 na ang gastusin. Saan ko pupulutin iyon?” aniya.
Ayon kay Joan Salvador, National Secretary-General ng GABRIELA, kahirapan ang pangunahing dahilan ng mga kababaihang pumapasok sa pagpuputa. May ilang naloloko ng mga recruiter at bugaw dahil sa kawalan ng sapat na edukasyon, habang mayroon ding walang ibang trabahong mapasukan kaya nauuwi sa nasabing trabaho.
Noong 1998, tinatayang may 100,000 hanggang 600,000 babaeng prostituted sa Pilipinas. Bagaman walang opisyal na datos, dumami pang lalo ang bilang na ito sa kasalukuyan. “Dahil palala nang palala ang kahirapan ng mamamayan, hindi mahirap buuin ang konklusyon na dumarami rin ang bilang ng prostituted women. Dumarami ang bars at clubs na kilala o hinihinuhang fronts ng prostitution,” dagdag pa ni Salvador.
Hubad na kasaysayan
Subalit hindi lamang sa kasalukuyan nagsimula ang suliranin ng prostitusyon. Ayon sa Center for Women’s Resources (CWR), noon pa mang panahon ng Kastila, laganap na sa Pilipinas ang prostitusyon, bagaman itinuring itong maselang isyu sa lipunan. Ang mga Kastila ang nagbansag na “puta” sa mga babaeng prostituted.
Noon namang panahon ng mga Amerikano, ang mga lugar sa palibot ng mga itinayong base militar ang nagsilbing mga unang kilalang pugad ng prostitusyon, lalo na ang Olongapo na nagsilbing “rest and recreation area” ng mga sundalong Amerikano.
Samantala, dumami ang kaso ng prostitusyon sa Maynila noong dekada ‘80. Kasabay ng paglago ng turismo, lumaganap din ang mga pugad ng prostitusyon tulad ng mga bar na nakahahakot ng turista.
Ngayon, lalo pang umusbong ang prostitusyon sa tulong ng makabagong teknolohiya tulad ng internet at cellphone. Maaari nang maisagawa sa internet ang mga transaksiyon sa pagitan ng bugaw at kostumer. Mayroon na ring sex tours na lantarang ipinapatalastas sa mga website, tulad ng cebuanas.com na nag-aalok ng “romance tour” sa mga dayuhan.
Ayon sa CWR, maraming pagkukulang ang mga batas ng bansa laban sa prostitusyon, kung kaya nananatiling laganap ang nasabing gawain. Bukod pa rito ang lumalalang lagay ng kahirapan sa bansa na siyang nagtutulak sa mga kababaihang pumasok sa larangan ng pagbebenta ng aliw.
Alipin ng kalakalan
Dalawang taon na ang lumipas mula nang unang gumimik si Angie, subalit patuloy pa rin siya sa pagbebenta ng aliw. “Mabilis kasi ang pera dito,” aniya. “Kapag malakas kasi [ang kita], mga P1,500 hanggang P2,000; pero kapag mahina, P500 lang.” Ayon pa kay Angie, maraming kita tuwing Biyernes, Sabado at kinsenas, maging sa Disyembre.
Madalas, P400 kada dalawa hanggang tatlong oras ang napagkakasunduang presyo ng bugaw at ng bumibili ng aliw. Subalit sa karanasan ni Angie, karaniwang natatapos sa loob lamang ng 10 hanggang 15 minuto ang isang sex session. Kinakarinyo ni Angie ang kanyang mga kostumer gamit ang matatamis na salita at paghaplos-haplos. “Kadalasan mga P500, P400 [yung tip]. Naranasan ko nang mabigyan ng P2,000. Siyempre, kailangang lambing-lambingin mo siya para mataas ang tip niya,” dagdag niya. Mga estudyante at young urban professionals o yuppies diumano ang kalimitang kumukuha sa serbisyo niya.
Bagaman may ibang pinagkakakitaan ang ilang prostituted, hindi naman sapat ang kinikita nila bilang saleslady o factory worker. Kadalasan, may pamilyang itinataguyod ang mga nagpuputa, katulad ni Angie na may anak na binubuhay. “Kaya nagsa-sideline [sila] ng prostitution para kumita ng nakabubuhay na kita, ‘yung kayang sumuporta sa pamilya,” ani Salvador.
Suong sa panganib
Subalit mabilis man ang pasok ng pera sa paggimik, maraming suliraning kinakaharap ang mga prostituted, kabilang na ang panaka-nakang raid ng mga pulis. “Kapag nagkabagansiyahan, wala kang takas. Lahat ng pwede mong takbuhan, may nakabantay. Kahit nakatayo ka lang diyan sa labas, huhulihin ka,” ani Angie.
Bukod pa rito, malaki rin ang panganib na magkaroon sila ng mga sakit na nakukuha sa pagtatalik. “Kapag may kostumer ako na ayaw magcondom, ako ang nagpipilit. Kasi, sa ganitong uri ng trabaho, kailangan talagang gumamit ng proteksiyon, kung hindi, baka mahawa ka ng kung anong sakit,” ani Angie.
Nakaranas na rin si Angie na saktan ng lalaking sineserbisyo niya, partikular ng isang dayuhan. Matapos na sikapin niyang pigilan ang lalaki sa “pambababoy” sa kanya at kanyang kasama, nagsimula siyang dahasin ng dayuhan. “Tatawag na ako sa [room service] nang binunot niya yung wire ng telepono. Hinawakan niya ako at inihiga sa kama at [pinaso] ng sigarilyo. Sinipa niya ako at inilagay sa ilalim ng kama.” Sa kabutihang-palad, inawat ng Pilipinong umarkila sa kanila ang kasama nito. Nakatakbo si Angie palabas ng kwarto upang manghingi ng tulong.
Kadalasan, wala naman daw pagpipilian ang mga prostituted kundi manatili sa pagpuputa gaano man ito kapanganib, ayon kay Salvador. “May social stigma sa mga dating prostituted women, which also limits the options open to them. Kaya ‘yung iba, bumabalik pa rin sa prostitusyon.”
Sa kabila ng mga suliranin, wala pa ring balak na magretiro si Angie, bagaman nagnanais siyang makaalis ng bansa. “Lahat naman tayo, may pangarap. Lalo’t may anak ako,” aniya.
Subalit nakatali na rin sa pagpuputa ang mga pangarap ni Angie. Nais niyang magtungong Japan upang doon magbenta ng aliw. “Mahirap ang buhay ngayon. Kung dito rin lang ako magpapakapokpok, bakit hindi na lang sa ibang bansa?”
Mayroon ding panawagan si Angie sa pamahalaan. “Kung sana, may maayos lang na trabahong naibibigay ang gobyerno, walang mga kabataang pumapasok sa ganitong trabaho.”
Sa kasalukuyan, ilang libong kababaihan sa bansa ang nauuwi sa prostitusyon. Hangga’t walang malinaw na hakbangin ang pamahalaan upang masugpo ang dantaong-sistema ng kalakalan ng aliw, magpapatuloy ang prostitusyon sa susunod pang mga henerasyon. Patuloy ding darami ang mga tulad ni Angie na hindi inaalintana ang kinasadlakang buhay sa pagnanais na makaalpas sa kahirapan. #Philippine Collegian
*Hindi tunay na pangalan
<< back to home |