14 Dis 07
Opisyal na lingguhang
pahayagan ng mga
mag-aaral ng Unibersidad
ng Pilipinas - Diliman
Search
 
Philippine Collegian

Issue 19 in PDF

   
Adobe Reader is required to access the file. If you don’t have this application, you may download it here.
 
On its 85th year, the Philippine Collegian looks back at eight decades of headlines that saw print on its pages & sent ripples within and outside the university.
 
10 Dec 1982
Sudden action sparks
speculation over trigger
WE Forum
printshop
raided by
military
Military authorities
raided the offices and printshop of We Forum and Malaya last Tuesday and arrested the publisher, Jose Burgos Jr., and 14 staffers and columnists for alleged subversive activities and conspiracy against the government.
 
 
 
Last week
 
Editoryal
Revolutions on a whim
Balita
Suspek sa pagpaslang kay Mendez, kakasuhan na

PL groups seek probe of C5 extension

CAL council, pub decry relocation

Solons file bills vs oil price hikes

Militant groups seek junking of JPEPA

Anti-TFI student pubs face repression

Theft tops UPD crime stats

Kultura
Sining Gerilya:sining ng pakikibaka ni Parts Bagani
The Doghouse Crumbles
Lathalain
Batas ng Armas: pagsipat sa tunguhin ng ugnayang US-Pakistan

Wasteland

Grapiks
Komiks : Tsupeyups

Sipat : Another Year Coming

Opinyon
A(d)VERTisements

Kina Sir Nic at Rene

s
Return to Sender

We don’t despair

 
Home
 
About
 
Downloads
 
Contact
 
Links
   
 

Krismas Special

John Francis C. Losaria
Philippine Collegian
Last updated December 9th, 2007

Nakaere na ang Christmas Special sa paboritong channel ng pamilya sa bahay. Kasabay ng pagsalubong sa kapanganakan umano ng tagapagligtas, sinalubong din kami ng bati at ngiti ng mga diva, komedyante, mga prinsesa ng soap opera, mga matinee idol, newscaster, staff at crew sa telebisyong tinututukan. “Parang kasama lang namin sila magdiwang,” kung sabihin pa nga ng iba.

Mula pa lang sa pagpatak ng Disyembre, katulad ng mga dekorasyon sa mall, sa mga kabahayan, at sa mga pangunahing kalsada, nagkukulay pula at berde rin ang telebisyon sa sunud-sunod na mga patalastas. Hamon, keso, spaghetti, soda, beer, shampoo, napkin, deodorant, may kaniya-kaniyang gimik at pakulong pamasko sa mga suking manonood.

At pagdating din ng Disyembre, nagpapabonggahan ang mga network ng kanilang mga Christmas Special Station ID. Magkakaibang tema, pagandahan ng konsepto, ilaw, set, at paramihan ng mga artista. Taun-taon may bagong istilo, pero wala rin namang bago sa mga eksenang gustong ipakita sa tatlong minutong pangangaroling ng network sa mga manonood nito.

Madalas nang makita ang mga artista sa telebisyon na nagpapamahagi ng mga aginaldo sa mga kabataan at nakatatandang kapos-palad. Mga artistang nakikipagdiwang kasama ng mga ordinaryong mamamayan. Eksenang ‘di nalalayo sa tunay na kalakaran pagdating ng Pasko. Nagbibigay ang mga may-kaya sa wala.

Sa maikling panahong ito, tila bumababa ang mga tala. Panandaliang pinabubulaanan ang marahas na reyalidad na may istrukturang nagtatakda kung sino ang pinagpala at sino ang hindi. Esensya umano ng Pasko ang pagbibigayan, lalo na’t buong taong ipinagkakaila sa nakararami ang pagkakataong makapamuhay ng matiwasay. Kung kaya’t kahit isang buwan lang, kailangang ipalimot ang karahasan ng isang buong taong tagibang na ugnayan.

Hindi kumpleto ang kathang-isip na ito kapag wala ang mga tatak ng isang “tunay” na pagdiriwang ng Pasko. Kailangang may Coke, diumano, dahil “iba na ngayon,” sabi ng commercial. May milagrong hatid pala ang isang bote nito. Napagbuklod nito ang isang pamilyang nagkawatak-watak dahil sa hindi ipinaliwanag na hidwaan. Dapat din may cake mula sa Goldilocks, para ipadama ang sarap ng pagdiriwang ng mga Pinoy ng Pasko.

Sentimental ang imahe ng mga naturang patalastas sa pagdiriwang ng Pasko. Ngunit sa taimtim na larawang ito, pabulong na inuudyok ang mabilisan at malawakang pagkonsumo. Inimbitahan na ng samu’t saring produkto ang kanilang mga sarili sa hapag-kainan ng milyun-milyong Pilipino.

Isang panahon din ng charity o pagkakawanggawa ang Pasko para sa karamihan, gaya ng kung paano ito naipapakita sa midya. At nakakapag-iwan ito ng imahe sa mga tao ng pag-asa sa tulong o kawanggawa ng mga nakaaangat sa lipunan. Dahil sa ganitong mga gawi, nabibigyan umano ng pagkakataon ang karaniwang mamamayan na makapaghanda’t makapagsaya katulad ng karamihan tuwing Pasko. Ngunit batid din naman nila na sa paglipas ng Pasko at pag-usad ng mga karaniwang araw, magbabalik sila sa pang-araw-araw nilang buhay na hirap din silang maitaguyod.

Sa pagpatak ng hatinggabi, magbabalik ang lahat sa diwa ng kapanganakan ng isang nilalang na kinilalang tagapagligtas ng mundo—magdarasal, magbibigayan ng regalo, magmamano, magyayakapan, magmamahalan. Hindi dapat nakakupot sa panahon ng Pasko ang panawagan para sa isang matiwasay, mapayapa, at makatarungang mundo. # Philippine Collegian

<< back to home


Despiriting Christmas

Glenn Paul L. Diaz
Philippine Collegian
Last updated December 11th, 2007

Historically a pagan festival honoring Sol Invictus, the sun god, Roman Emperor Constantine moved Jesus’ ‘true’ birthday to December 25 to coincide with the biggest feast of then the official state religion of Sun God Worship, also Constantine’s religion. It was a political rather than a religious move, with his desire of strengthening Rome’s feeble grip on the vast but religiously pluralist Roman Empire. In the legendary Council of Nicea, it was resolved that if the citizens had to have their superstitions, then better it was state-controlled. Constantine, it was said, turned a disorganized, persecuted faith into a respected, powerful institution.

It is still largely because of faith, however, that Christmas is as huge a tradition as it is here in the Philippines. With Roman Catholics accounting for around 90 percent of the population, the so-called Christmas spirit ripples through every aspect of society: business establishments, media outfits, even the police, who wear Santa Claus hats.

Such pressure to conform never leaves, says Cherie Ann*, a devout Iglesia ni Cristo (INC) member. With a 1.7 million membership, INC is one religious denomination that does not participate in the global frenzy that revolves around the 25th day of December. They claim that the designation of this date does not have biblical basis, citing its pagan roots. As a child, though, Cherie Ann still felt the need to partake in the other customs of Christmas, such as gift-giving and parties, customs which Christmas is more identified with than its intended religious connotation. Ask any child, Catholic or not, and, more than Jesus’ birthday, it has become synonymous with presents.

Clearly, such reveals the sweeping commercial quality of today’s celebrations. Malls try to outdo rivals by launching bigger sales, prices of popular gift items go down, and companies are mandated by law to provide its employees additional spending power via the 13th month pay. Malls and tiangges rival the attendance in churches. Remittances from OFWs reach record amounts and flood waiting families.

If money makes the world go round, it makes the world go round faster during December.

As such, religion becomes secondary to commerce. The poor tries to display a showcase of prosperity while the rich throws parties after another, each more lavish than the last. Even some animist indigenous groups partake in the festivities through specially prepared meals and parties. This homogenizing trait of dominant practices erases the cultural differences in society, such as religion. People now identify with the banners of capitalist consumerism, taking the “spirit” out of Christmas, and reducing everything to the empty, insatiable signifiers of holiday commodities. 

All these ironies seem lost in today’s flock of Roman Catholics. The merriment and lavishness that characterized such occasion in the past have conveniently persisted to the present. Then again, if it were true that Christmas used to be a pagan tradition, then we are on the right path. Excessive merry-making, after all, does not worship any god other than that of a consumerist society obsessed with deriving profit out of everything, even a supposedly somber occasion like Christmas. # Philippine Collegian

*not her real name

<< back to home


Pagsumamo sa White Christmas

Mixkaela Villalon
Philippine Collegian
Last updated December 9th, 2007

Nagkalat ang mga palamuting Christmas stocking sa mall. May nakasabit sa mga pekeng Christmas tree, o sa de-styrofoam na fireplace. Nakapagtataka kung saan pumapasok ang imahe ng Christmas stockings sa kamalayan ng karamihan ng mga Pilipinong naka-tsinelas buong taon. Kayumangging Santa Clause ang kinakalungan ng mga bata at binibulungan ng mga gusto nilang regalo sa pasko. Sa lansangan, hindi pa nakakakita ng reindeer ang mga batang nangangaroling para sa kaunting barya.

Dala marahil ng maginaw na hangin ang pag-iba ng disposisyon ng mga tao tuwing nalalapit ang pasko. ‘Tis the season ng iba’t ibang antas ng pagpapanggap, kumbaga. Tuwing pasko, nagkakaroon ng realisasyon ang palihim na dasal ng mga Pilipinong maging puti.

Nagkalat ang tema ng White Christmas sa buong siyudad. Sa mga bintana ng mga restaurant, may ‘frost’ na namumuo gawa ng spray paint. Dahil malamig ang panahon, nailalabas ng mga tao ang mga leather jacket, trench coat, at scarf na imposibleng isuot tuwing tag-init at galing pa sa ukay-ukay. Puno ng mga imahe ng niyebe ang mga Christmas songs at carols.

Pamana ng mga Katolikong Espanyol sa mga Pilipino ang tradisyon ng pasko, pero konsumerismong Amerikano ang paraan ng pagdiwang nito. Inangkop ng tropikal na Pilipinas ang imahe ng pamilyang nakapalibot sa pine tree na may mga tinsel at garland. Hindi patas ang mito ng Caucasian na Santa Clause para sa mga batang Pilipino na walang chimney. Nahihibang na marahil ang mga nagpupumilit maghalikan sa ilalim ng kinse-pesos na pekeng mistletoe.  

Nakalilikha ng ilusyon ng karangyaan ang dami at dalas ng mga regalong natatanggap tuwing pasko. Obligadong magbigay ng mga regalo sa mga kaibigan at kakilala, bagaman kapos para sa sarili sa buong taon. Ang hiwaga ng pasko ay mahahanap sa mistulang pagtigil ng paglubog ng piso at pagkalam ng tiyan. Napakabilis ng pagluwag ng bulsa ngayong nagkalat ang mga sale at bazaar.

Sa kabila ng ilusyon ng kasaganahan, hindi makakaila ang tunay na katayuang ekonomikal ng mga Pilipino. Dahil sa hirap ng panahon, hindi na base sa simpleng kagandahan ng loob ang pagbibigay ng regalo. Mayroong palihim na pagsingil sa kapalit na regalo. Nagmimistulang transaksyon ang naturang palitan.

Dahil sa pagkagipit ng mga Pilipino buong taon, natitipon ang paghangad makalayo sa bansa at sa mga problema ng kahirapan dito tuwing pasko. Bunga ng kawalan ng oportunidad sa Pilipinas ang pagluwas ng napakaraming Pilipino patungo sa mga First World na bansa. Nagpapatibay ng mito ng ‘greener pastures’ sa labas ng bansa ang pagpapadala ng mga mamahalin at de-tatak na pasalubong para sa mga naiwang kapamilya sa Pilipinas.

Hanggang pag-kopya naman ng estetika ng First World na pamumuhay ang kayang gawin ng mga naiwan sa Pilipinas. Dahil walang kakayahang magkaroon ng pisikal na kalayuan mula sa kahirapan ng bansa, inaangkop na lamang ang ilang mga palatandaan ng kulturang kanluranin. Makikita ito sa pagkalat ng mga ipinamimiling pampaputi ng balat at sa nangingibabaw na mentalidad na, katulad ng pagkuskos sa kayumangging balat, ang pamumuhay sa First World ang natatanging sagot. Para bang sa simpleng pag-angkop ng banyagang kultura ay mailalayo ang sarili sa mga problema ng kahirapan. Pinakamalakas ang manipestasyon nito tuwing Pasko.
 
Ngayong taon, pauulanan ng regalo ang mga batang may-kaya at hanggang panaginip na naman ang mga batang kapos. Sa lipunang binaha ng mga pampaputi ng balat, makikita ang pagkakaisa ng bansa sa sabay-sabay na pangangalumbaba sa bintana, at pagaabang sa pagbagsak niyebe.
# Philippine Collegian
 

<< back to home


Mararangyang Liwanag

Santa’s Patabaing Elf
Philippine Collegian
Last updated December 10th, 2007

Hindi pumapanglaw ang mga gabi ng Disyembre sa kahabaan ng Policarpio St. sa Mandaluyong City. Sumasaya ang buong paligid, salamat sa mumunting ilaw na may iba-ibang mga kulay. Bawat bahay ay napaliliguan at nadadamitan ng liwanag ng mga ito. At namamangha ang mga taong bumibisita sa naturang kalsada, silang nakokontento na lamang sa pagtingin sa mga diklap ng liwanag.

Ilang taon na ring nababalita sa TV at pahayagan ang lugar na ito kapag lumalamig na ang panahon. Kakaiba nga naman dahil sa tila hindi alintana ng mga tagarito ang gastos nila sa kuryente. Kung sa bagay, malalaki naman ang mga bahay dito, at ipinakikita ng kanilang mga kumukutitap na Christmas lights ang kapasidad ng sari-sarili nilang kuntador, at bulsa.

Nakita ko rin ang sarili kong magpunta rito dahil sa kabilang kalsada lang naman kami nakatira. Lalo na’t nang-aakit ang nagniningningang mga bahay kapag pauwi ako. Hindi naman masamang makiusisa. Ilang gabi pa bago tumuntong ang Disyembre’y usap-usapan na ang pagpapailaw sa Policarpio St.

Kulang-kulang dalawampung taon nang ginagawa ito ng mga residente ng naturang kalsada. Nagsimula ito sa unang bahay na pagmamay-ari ng isang negosyante. At kapagdaka’y nagsisunod ang mga kapitbahay at naging tradisyon na ang pagpaparangya ng lugar na iyon. Mula alas siyete hanggang alas dose ng gabi’y lumiliwanag na ang Policarpio St. Dahil dito’y taon-taong namamasyal ang mga tao mula sa kung saan-saan makita lamang ang maririkit at makukulay na mga dekorasyon at ilaw. Para na rin itong ritwal na kailangang daluhan at lahukan.

Kahit ako’y nagagandahan sa aking nakikita, datapwat hindi na lang ito simpleng paramihan ng Christmas lights. Sa pagdaan ng panahon, makikita na rito ang mga bahay na pinuno ng mga imahe ni Santa Claus, ng mga parol na tumutugtog ng pinakasikat na novelty song ngayon, at ang moving Belen na kinahihiligang balik-balikan ng mga bata. Pati nga ang kalapit na I. Lopez St. ay nakisama na rin sa kasiyahan. Dito naman nakapuwesto ang mga manininda ng mga kakanin, laruan, at maging mga damit. Hindi naman sila puwedeng pumasok sa Policarpio St. dahil, ayon sa mga residente, sisikip ang kalsada at posibleng magkalat pa ang mga taong gustong tingnan ang kanilang mga pailaw. Ngunit makikita ring may ibinebentang mga kakanin at laruan sa tapat ng ilang bahay rito.

Sa paglalakad-lakad ko sa Policarpio St., napapansin kong todo-bantay ang mga barangay tanod at security guards. Marahil ay dahil sa mga maykaya’t mayayaman ang nakatira rito, kailangang siguruhin ang kaligtasan nila, at ng kanilang mga pang-display na Christmas lights at iba pa. Kahit ang may-ari ng isang bahay doon nang magtanong-tanong ako tungkol sa kanilang mga pailaw, tila masama pa ang tingin sa akin.

Pagdating ko sa dulo ng Policarpio St., nilingon ko ang mararangyang bahay. Unti-unti  nang nababawasan ang liwanag. At sa aking harap, ang mga karaniwang liwanag ng bumbilya ng maliliit, simpleng bahay.
# Philippine Collegian

<< back to home

  Artwork : Janno Gonzales
   
   
   
 
Home | About Us | Downloads | Contact | Links
All Rights Reserved. 2007 © Christianne Sintones Ursua
Hosted by www.Geocities.ws

1