| Limang hinihinalang
miyembro ng Urban Poor Affairs Office (UPAO) ng Quezon
City Hall ang nagtangka umanong magsagawa ng census
ng mga residente sa Pook Dagohoy nang walang permiso
mula sa administrasyon ng UP.
Ayon sa mga residente, tumungo ang grupo sa kanilang
lugar noong Enero 15 at nagpakilalang mga ahente ng
lupa, subalit agad silang pinaalis nang mapuna ng mga
tao na kahina-hinala ang kanilang mga tanong.
Ayon kay Marlon Basilides, miyembro ng Save RIPADA
Movement, inalam ng grupo ang bilang ng mga naninirahan
sa mga bahay at iba pang impormasyon, gaya ng kung sino
ang may Social Security Service ID. Hindi naman nakasagot
ng grupo nang sila'y tanungin ni Victoria Francisco,
residente ng Dagohoy, kung para saan ang mga datos na
hinihingi.
Ayon pa sa mga residente, naghati sa dalawang pangkat
ang grupo at tumungo sa mga bahay sa Pook Dagohoy, kaya
hindi matiyak kung ilang tahanan ang maaaring nagawan
ng census.
Subalit ani Vice Chancellor for Community Affairs Cynthia
Grace Gregorio, “Anumang pagkilos sa RIPADA ng
anumang tanggapan ng pamahalaan ay walang pagpapaalam
na ginagawa sa unibersidad.”
Nauna nang ipinahayag ng mga residente ng Pook Ricarte,
Palaris at Dagohoy (RIPADA) ang kanilang pagtutol sa
anumang census, na gagamitin umano para sa demolisyon
ng mga komunidad, nang walang nagaganap na konsultasyon.
Ang nakaambang demolisyon sa RIPADA ay upang bigyang-daan
ang pagpapalawak ng Circumferential Road 5 (C-5), na
magdurugtong sa north at south Luzon expressways.
Sinubukang kunin ng Philippine Collegian ang panig
ng UPAO, subalit tumangging magsalita ang sinuman sa
ahensya.
Ayon kay Jonathan Beldia, tagapangulo ng Save RIPADA
Movement, ang tangkang pagse-census na ito ay isang
“paglabag sa proseso.”
"Bago magkaroon ng unang pagsasagawa ng konstruksiyon
ng C-5 ay dapat magkaroon muna ng mga housing kung saan
ililipat ang mga maaapektuhan," ayon kay Gregorio.
Ayon sa kanya, makailang-beses na itong binanggit ni
UP President Emerlinda Roman sa pulong ng Board of Regents
(BOR), ang pinakamataaas na lupong tagapagpasya ng UP.
Subalit nauna nang ipinahayag ng administrasyon na
magiging prayoridad sa relokasyon ang mga empleyado
at retiradong empleyado ng UP, habang wala pang tiyak
na relokasyon para sa mga hindi empleyado. Nilinaw rin
ni Gregorio na isa ito sa mga hinihiling ng BOR sa pamahalaan.
# Philippine Collegian
<< back to home |