| Nakatakda nang pag-isahin sa bicameral conference ng Senado at Kamara ang mga panukalang UP Charter sa pagbubukas ng sesyon nito sa Enero 28, matapos aprubahan ng Senado ang kanilang bersyon noong Disyembre 19.
Ipinasa ng Senado ang Senate Bill (SB) 1964 o “An Act to Streghthen UP as the National University,” na hinalaw mula sa walong iba pang panukala. Kaiba ito sa House Bill (HB) 2845 na nagtataguyod sa UP bilang “National State University” na nauna nang inaprubuhan noong Oktubre 12.
Matapos dumaan sa bicameral conference, magkahiwalay na raratipikahin ng dalawang kapulungan ang panukalang saligang batas bago ito pirmahan ng Pangulo upang maging batas.
Demokratikong pamumuno
Ani Prof. Judy Taguiwalo, tagapangulo ng All-UP Academic Employees’ Union, “Hindi pa rin spelled out ang usapin ng democratization [sa SB 1964].” Bagamat nakasaad sa SB 1964 na nararapat magkaroon ng “democractic governance” sa UP, tuluyan nang inalis sa pinal na bersyon nito ang probisyon sa pagtatalaga ng UP System Assembly (UPSA), na magsisilbi sanang tagapayo ng Board of Regents, ang pinakamataas na tagagawa ng palisiya sa UP.
Nanatili naman ang probisyon para sa UPSA sa panukalang charter sa Kamara.
Batay sa HB 2845, magkakaroon ang UPSA ng 28 kinatawan mula sa pitong constituent universities (CU) ng UP, na bubuuin ng mga estudyante, faculty, research, extension and professional staff (REPS), kawaning administratibo, at alumni.
Samantala, isinasaad sa SB 1964 ang pagbabawas ng miyembro ng BOR mula sa kasalukuyang 12 patungong 11. Magiging tatlo na lamang ang itatalagang rehente ng Malacañang mula lima at magkakaroon ng staff regent ang REPS at kawaning administratibo.
Sa HB 2845, tatlo rin ang itatalaga ng Malacañang at daragdagan ng tig-isang rehente ang REPS at ang kawaning administratibo ng UP. Parehas namang may probisyon ang dalawang panukalang charter hinggil sa karagdagang isang taon sa kasalukuyang isang taong termino ng faculty regent.
Proteksyon kontra komersiyalisasyon
Ayon pa sa pahayag ng UP-Wide Democratization Movement (UP-WIDEM) 3, isang alyansang nagsusulong ng demokratisasyon sa pagpasok at pamumuno sa unibersidad, “nakababahala pa rin ang kawalan ng sapat na probisyon upang maproteksyunan ang UP mula sa sagad-sagarang komersiyalisasyon.”
Binibigyang-kapangyarihan ng dalawang panukalang saligang batas ang BOR na paupahan o tuluyang ibenta ang lupa ng UP kung nakalinya ito sa “academic mission” at oryentasyon ng UP bilang National State University. Batay sa SB 1964, dapat umanong protektahan ang UP laban sa “influence and control of commercial interests.”
Panukala rin ng SB 1964 na maaari lamang magtaas o magpataw ng mga bayarin ang BOR matapos ang “due and comprehensive consulation” sa mga maaapektuhan nito.
Paglabas sa SSL
Kung maipapasa ang panukalang charter batay sa SB 1964 at HB 2845, labas na ang UP sa Salary Standardization Law (SSL), at ang BOR na ang magtatakda ng halaga ng sahod ng mga guro at empleyado ng UP. Wala na ring ipapataw na tax at import duties sa mga donasyon, at binibiling libro at kagamitan ng unibersidad.
Nagpahayag naman ng pangamba si Taguiwalo na sakaling maaprubahan ang paglabas ng UP mula sa SSL, maaaring magpataw ng mga dagdag-bayarin ang BOR na gagamitin upang itaas ang sahod katulad ng naganap sa Philippine Normal University.
Ani UP President Emerlinda Roman, umaasa sila na mananatili ang mga nabanggit na probisyon pagdating ng mga panukalang charter sa bicameral conference.
Samantala, isinasaad sa HB 2845 ang karapatan ng mga estudyante na maglimbag ng pahayagan, habang tinitiyak naman sa SB 1964 ang pagkakaroon ng pahayagan ng bawat kolehiyo at CU.
‘Arogante’
Pinuna naman ni Sen. Jamby Madrigal ang “arogansya” ni Roman at ng ibang opisyal ng UP, at ang pag-ako nila ng “eksklusibong karapatan na katawanin ang sentimyento ng komunidad ng UP,” ayon sa pahayag ng UP-WIDEM 3.
Pinaratangan umanong “traydor” ni Roman si dating Student Regent Marco delos Reyes, na miyembro ng staff ni Madrigal, nang lapitan ni Delos Reyes si Roman upang pag-usapan ang mga maaaring mapagkaisahang amyenda sa SB 1964 noong Disyembre 18.
Ani Delos Reyes, “I was yet to say my greetings to Roman when she started pointing finger at me, saying loudly that I was doing a “disservice to the University” repeatedly just because I have a different position with her as regards the UP Charter.”
Nauna na ring sinabi ni Madrigal na minamadali ni Sen. Francis Pangilinan, sponsor ng isa sa mga panukalang saligang batas, ang pagpapasa ng bagong charter ng UP matapos itong isama sa agenda ng Senado noong Disyembre 17 nang walang inihahandang committee report.
Ayon kay Roman, nagpasya ang administrasyon na hindi na maglabas ng pahayag ukol sa insidente. “[We] prepared a statement for posting on the website but in deference to Senator Madrigal, we decided not to upload it,” dagdag niya. # Philippine Collegian
<< back to home |