14 Dis 07
Opisyal na lingguhang
pahayagan ng mga
mag-aaral ng Unibersidad
ng Pilipinas - Diliman
Search
 
Philippine Collegian

Issue 19 in PDF

   
Adobe Reader is required to access the file. If you don’t have this application, you may download it here.
 
On its 85th year, the Philippine Collegian looks back at eight decades of headlines that saw print on its pages & sent ripples within and outside the university.
 
10 Dec 1982
Sudden action sparks
speculation over trigger
WE Forum
printshop
raided by
military
Military authorities
raided the offices and printshop of We Forum and Malaya last Tuesday and arrested the publisher, Jose Burgos Jr., and 14 staffers and columnists for alleged subversive activities and conspiracy against the government.
 
 
 
Last week
 
Editoryal
Revolutions on a whim
Balita
Suspek sa pagpaslang kay Mendez, kakasuhan na

PL groups seek probe of C5 extension

CAL council, pub decry relocation

Solons file bills vs oil price hikes

Militant groups seek junking of JPEPA

Anti-TFI student pubs face repression

Theft tops UPD crime stats

Kultura
Sining Gerilya:sining ng pakikibaka ni Parts Bagani
The Doghouse Crumbles
Lathalain
Batas ng Armas: pagsipat sa tunguhin ng ugnayang US-Pakistan

Wasteland

Grapiks
Komiks : Tsupeyups

Sipat : Another Year Coming

Opinyon
A(d)VERTisements

Kina Sir Nic at Rene

s
Return to Sender

We don’t despair

 
Home
 
About
 
Downloads
 
Contact
 
Links
   

Prop. Monico M. Atienza, 60

Guro at rebolusyonaryo

Jerrie M. Abella
Philippine Collegian
Last updated December 10th, 2007

Gabi ng Disyembre 5, rumagasa ang mga mensahe ng pagpupugay at pakikiramay para sa pagpanaw ng isa sa mga itinuturing na haligi ng pambansang demokratikong kilusan. Kilala bilang magiting na guro at aktibista na dumanas ng matinding pagpapahirap sa ilalim ng Batas Militar, si Prop. Monico M. Atienza ay sumakabilang-buhay matapos ang halos isang taong pagkaratay sa sakit na kanser, at mahigit apat na dekada ng masigasig na pakikibaka’t pag-oorganisa.

“Lubos na pinahahalagahan ng Partido Komunista ng Pilipinas (PKP) at buong rebolusyonaryong kilusan ang maraming dakilang ambag ni Kasamang Monico M. Atienza sa pagtatatag at pagpapalakas ng Partido at rebolusyonaryong kilusan at sa pagsusulong ng rebolusyonaryong pakikibaka ng sambayanang Pilipino,” ayon sa partido sa kanilang pahayag ng parangal noong Disyembre 9 para kay Atienza.

Bago ang kanyang pagpanaw, si Atienza ay guro ng panitikan at araling Pilipino sa Departamento ng Filipino at Panitikan ng Pilipinas sa UP Diliman.

Si Atienza ay naiulat na isa sa mga lumahok sa muling pagtatatag ng PKP noong 1968, at nahalal bilang isa sa mga kagawad ng Komite Sentral ng partido. Kaya’t gayon na lamang ang pagpapahirap na dinanas niya nang siya’y arestuhin noong 1974 sa edad na 27: pamamaso ng ari, pangunguryente, at mga iniksyon ng “truth serum.” Pinalaya si Atienza noong 1980.

Noong 1987, naging biktima si Atienza ng tangkang pamamaslang ng militar sa mga pinuno at kasapi ng Partido ng Bayan, kung saan kabahagi siya sa pagtatatag. Namatay ang dalawa niyang kasama, habang malubha siyang nasugatan. Isang bahagi ng punglo ang permanenteng nakabaon sa kanyang batok, at hindi na gumaling pa ang sugat na tinamo niya sa kanyang binti.

Nagtapos si Atienza sa mataas na paaralan ng Far Eastern University noong 1964, kung saan siya ay class valedictorian, pinuno ng konseho, at naging kasapi at kalauna’y pangkalahatang kalihim ng Kabataang Makabayan (KM).

Sa UP kung saan siya kumuha ng kurso sa araling Pilipino, naging pinuno rin siya ng Student Cultural Association of the Philippines, kung saan naging malapit sila ni Prop. Jose Ma. Sison, tagapangulong tagapagtatag ng PKP. Si Atienza rin ang pangulong tagapagtatag ng First Quarter Storm Movement, na nagbigay-daan sa pagpapabagsak sa represibong rehimeng Marcos.

“Siya ay isang dakilang makabayang Pilipino para sa paglulubos ng pambansang demokratikong rebolusyon sa pamamagitan ng digmang bayan at isang matatag na komunistang mandirigma para sa pagpapatupad ng makasaysayang misyon ng uring
manggagawa sa pagtatayo ng sosyalismo,” ani Sison sa kanyang pahayag noong Disyembre 7.

Ilan sa mga isinulat ni Atienza sa kanyang pananaliksik sa kasaysayan ng rebolusyong Pilipino at sa pagpapaunlad ng wikang pambansa ay ang “Kilusang Pambansang Demokratiko: Mga Hakbang at Aktibidad sa Pambansang Wika,” “Filipino ng Kilusang Pambansa-Demokratiko (KPD): Pilosopiya at Pulitika sa Pambansang Wika,” “Ang Rebolusyong 1896 at ang Nagpapatuloy na Pakikibaka para sa Pambansang Dignidad at Solidaridad,” at “Ang Pulitika sa mga Tula ni Huseng Batute.”

Inatake sa puso si Atienza noong Disyembre ng nakaraang taon, at sa pananatili niya sa ospital napag-alamang may kanser siya sa lalamunan. Halos isang taong hindi nagkamalay si Atienza, hanggang sa kanyang pagpanaw.

“Ang kanyang kasaysayan sa pakikibaka ay patuloy na mag-iinspira, magpapasigla at magpapaunlad sa kilusang rebolusyonaryo… Walang humpay ang paglilingkod niya sa sambayanang Pilipino at rebolusyong Pilipino,” ayon kay Sison.  

Dalawang araw na ibinurol ang mga labi ni Atienza sa United Church of Christ in the Philippines at sumailalim sa cremation noong Disyembre 8.
# Philippine Collegian

<< back to home

 
    Prop. Monico M. Atienza
   
   
   
 
Home | About Us | Downloads | Contact | Links
All Rights Reserved. 2007 © Christianne Sintones Ursua
Hosted by www.Geocities.ws

1