Mga Kwento Ni Lolo

 
 

Balik-Tanaw Sa Ibaan Ng Aming Panahon

 
     
  Kwento Tula Iba Pa Larawan  
           
 

Mga Kuwento ni Lolo: Unang Bahagi

O mga bata, narito na si Lolo para kwentuhan kayo ng buhay sa ating bayan ng Ibaan noon siya ay bata pa. Pag uwi ninyo sa bahay ay itanong sa inay, tatay, lola, o lolo kung sino at ano ang mga pinagusapan natin dito para madagdagan pa ang inyong kaalaman, ha? Handa na baga kayo? O, sige.

Alam ninyo, noong panahon namin ay napaka simple lamang ng buhay. Walang gaanong mga makabagong kagamitan tulad ng mga nakikita natin sa ngayon. Ang matrikula namin sa paaralan ay halagang isang piso at limampung sentimos lamang at para sa buong taon na iyon.

May dalawang uri tayo ng mag-aaral sa mababang paaralan: iyong tinatatawag nating taga-bayan at ang isa naman ay iyong tinatawag nating taga-bukid. Ang taga-bayan ay sa Poblacion nakatira at ang taga-bukid naman ay sa baryo naninirahan. Ang mga taga bayan ay karaniwang pumapasok na may tsinelas na goma samantalang ang mga taga-bukid ay "tapak" o walang tsinelas kung pumasok. Ang mga taga-bayan ay umuuwi sa tanghali upang kumain samantalang ang mga taga-bukid ay may dalang baon at sa paaralan kumakain. Ang tawag sa kanilang baong pagkain ay "binalot". Ang "binalot" ay kanin at piniritong isda o itlog na binalot sa sariwang dahon ng saging na kung tawagin ay "inalab" o pinainitan sa apoy. Dahil dito ay nagiging mabango ang kanin at napakasarap kainin.

Ang aming upuan sa paaralan ay iyong tinatawag na "pupitre", dalawang bata ang nakaupo sa bawat "pupitre". Ang mga bata ay hinahati sa ilang pangkat upang maglinis ng silid-aralan. Kami ay gumagamit ng dahon ng "sunflower" upang pakintabin ang sahig ng aming silid-aralan. Kapag malapit nang matapos ang taon, ang mga "pupitre" ay aming dinadala sa ilog upang linisin sa pamamagitan ng paghagod dito ng buhangin o dahon ng halamang "asis", isang ligaw na halaman na may magaspang na dahon.

Noong batang mag-aaral si Lolo ay panahon ng sobrang produksiyon ng harina at gatas sa Amerika at ito ay ipinamamahagi sa mga bata sa paaralan. Ang "balisuksok" ay ang papel na inirorolyo upang maging korteng tatsulok na nilalagyan ng gatas na "powder". Ito ay binubutasan sa dulo at mula doon ay unti-unting kinakain ang gatas. Ang harina ay ginagawang tinapay ng mga panaderiya at ipinamamahagi sa mga bata. Sa mataas na paaralan, ito ay ginagawang "polboron" at ipinagbibili upang makaipon ng pera para sa "excursion" o iba pang pagtitipon.

Ano baga itong tinatawag na "bating"? Ang "bating" ay isang uri ng laro kung saan ang mga bata ay kapit-kamay na tumatakbo at hinuhuli ang ibang bata. Ang "luksong-tinik" naman ay ang pagtalon sa itaas ng patong-patong na mga kamay ng dalawang bata na siyang "taya". Para makapaglaro ng "sipa", namimitas kami ng malalking dahon ng ligaw na damo at ito ay tinatalian ng goma o "lastiko" kung aming tawagin.

Ano naman ang "ihip"? Bago kami maglaro ng "ihip" ay ibinababad muna sa gas (kerosene) ang lastiko sa loob ng ilang araw upang ito ay kumapal. Ang taya dito ay ilang bilang ng lastiko kung ano ang mapag-usapan. Kung sinong maunang makapatong sa lastiko ng kalaban sa pamamagitan ng pag-ihip dito ay siyang mananalo. Ang bawat bata ay may kanya-kanyang pamamaraan at estilo ng pag-ihip.

Noong panahon na iyon, ang bata ay magsisimula sa unang baitang sa gusali sa bahaging timog ng paaralan. Pagtuntong niya sa ikatlong baitang ay lilipat siya sa gusali sa bandang kanluran at sa ika-apat na baitang naman ay lilipat siya sa tinatawag na gusaling Gabaldon. Ang ikalima at ikaanim na baitang ay gugugulin sa bagong gusali na may dalawang palapag. Ang palatuntunan ng pagtatapos (graduation) ay ginaganap sa entablado sa gawing malapit sa ilog na pinapalamutihan ng magagandang ligaw na halaman at katatampukan ng awit pagtatapos na ginagampanan ng lahat ng mga nagsisipagtapos. Isang bakod na alambre ay itinatayo sa paligid ng entablado at ang mga magsisipagtapos ay nagdadala ng upuan para sa kanilang magulang.

Ang panahon ng kabataan ni Lolo ay panahon ng kahirapan at kami ay salat sa mga bagay na sa ngayon ay itinuturing na payak na pangangailangan. Ganumpaman, ito ay napakasayang yugto sa aming henerasyon at kailanman ay hindi namin malilimutan. May mga lumang damit na galing sa Amerika na ipinamamahagi sa pamamagitan ng simbahan. Tuwing kami ay papasok sa klaseng katekismo, kami ay binibigyan ng tiket na may kaukulang puntos. Kapag nakaipon ka ng maraming tiket ay maaari mo itong ipagpalit ng mga lumang damit na ginamit na ng mayayamang bata sa Amerika.

Tuwing Linggo ay nagpupunta kami sa simbahan upang makinig ng misa. Ang misa noon ay ipinagdiriwang sa salitang Latin at ang sermon lamang ang bahaging ginagamitan ng salitang Pilipino. Si Lolo ay nagkapalad na maging sakristan sa pagmimisa ni Padre Guido Colleti. Pagkatapos ng misa ay pinagaagawan ng mga sakristan ang natirang alak na "Mompo" na napakatamis at masarap. Isinusuot namin ang aming pinakamagandang damit sa pagsimba at gumagamit kami ng pomada upang mapanatiling nakatayo ang buhok. Ang amin namang pantalon ay matigas at matulis ang piston dahil ito ay ginagamitan ng "gawgaw" kapag nilalabhan. Dito sa simbahan namin napapagmasdan kahit saglit lamang ang magagandang batang babae na aming napupusuan, ngunit kami ay hanggang sa tingin na lamang.

Malaki na ang ipinagbago ng pisikal na anyo ng bayan ng Ibaan kung ihahambing sa noong panahon ng kabataan ni Lolo. Ang pangkaraniwang bahay noon ay yari sa kahoy at ang sahig ay putol-putol na kawayan. Ang kisame ay yari sa sawali, hinabing dingding buhat sa maninipis na tabas ng kawayan. Ang hapag kainan ay mahabang mesa na may "plastic" na "mantel" at bawat bahay ay may banggerahan o hugasan at tauban ng mga gamit sa pagkain. Ang tubig na inumin ay nakalagay sa isang tapayan na may maliit na gripo sa bandang ibaba. Ang palikuran ay iyong tinatawag na estilong Antipolo at bawat bahay ay may "batalan", bahagi ng bahay na nagsisilbing hugasan o linisan ng kagamitan na ginagamitan ng tubig. Ang "balkon" ay bahagi ng bahay na matutunghayan pagka-akyat ng hagdanan. Sa likod naman ng bahay ay may hagdang kawayan na kaagapay ng "batalan". Ang ibaba ng bahay ay tinatawag na "silong" at dito natutulog ang mga alagang hayop ng pamilya tulad ng baka, kambing, aso, at iba pa.

Itinuturing namin na kami ay mapalad sapagkat kinamulatan na namin ay pagkakaroon ng ilaw dagitab o ilaw na pinatatakbo ng kuryente. Sa panahong iyon ay bihirang bayan pa ang mayroong lakas kuryente o "electric power". Dahil kakaunti pa lamang ang gumagamit ng tubig, ang tubig sa gripo ay malakas at ang mga bahay ay gumagamit ng "dutsa" o "shower" sa paliligo.

Ang mga mahalagang lansangan ay yari sa aspalto ngunit ang mga maliliit na kalye ay nilatagan lamang ng mga bato upang hindi magputik. Hindi naman kailangan ng magagandang lansangan dahil bihirang bihira lamang ang may sariling sasakyan. Ang pailan-ilan na sasakyan ay ang "jeep" na iniwan ng mga Amerikano pagkatapos ng digmaan laban sa Hapon. Ang madalas na ginagamit noon ay ang bisekleta. Ang mga bahay ay wala pang numero katulad ngayon dahil halos lahat ng tao ay kilala ng kartero at hindi na kailangan ang numero sa bahay.

Sa araw, kami ay umaalis ng bahay upang makipaglaro sa ibang mga bata. Pag wala kami sa bahay, ang tawag dito ng magulang namin ay kami daw ay nasa "layasan". Ang mga laro namin noon ay simple lamang: "bahay-bahayan", "holen", "turumpo" (tops), "taguan", "hulihan", "tubigan" o "patintero", baril-barilan, at titser-titseran. Ang matatawag naming barkada noon ay ang "kampo-kampo". Gumagawa kami ng bahay-bahayan na yari sa kawayan at dahon ng "cogon" at dito kami nag-iistambay at ang ibang pangkat naman ng mga bata ay ganoon din. Minsan ay nagkakainggitan na humahantong sa away at siraan ng kampo.

Pagdating ng buwan ng Mayo ay nagiging abala ang mga bata. Sa bandang hapon ay nagsisimula na kaming mamitas ng bulaklak na iniaalay kung gabi sa Birheng Maria. Ang pag-aalay at pagsasabog ng bulaklak ay ginaganap sa "tuklong", isang uri ng maliit na kapilya na itinatayo tuwing taon sa pagtutulungan ng aming mga magulang. Bago magsimula ang pagdadasal ay naglalaro muna ang mga bata ng "taguan" o di kaya'y "habulan". Sa matinding pagod ay nakakatulog kami habang ang mga matatanda ay nagdarasal. Magigising na lamang kami kung inaawit na ang awit ng pag-aalay. Ang mga dasal at awit ay magkahalong Tagalog at Kastila at ang awit ay sinasaliwan ng aming gitarista na si Bibing Patena.

Pagkatapos ng pag-aalay ay namamahagi ng kendi na inihahanda ng magulang ng tagapagtaguyod ng dasal para sa gabing iyon. Ang tawag dito ay "hermano" o "hermana". Ang listahan ng mga nagtataguyod ng dasal para sa buong buwan ay inihahanda ng isang "kapitana" at "bise-kapitana" sa tulong ng "kapitan" at "bise-kapitan", mga kabataang nahalal upang mamahala sa mga gawaing may kinalaman sa pag-aalay sa Mahal na Birhen. Ang katapusan ng pag-aalay ay kinatatampukan ng isang piyesta, kung saan ang bawat bahay ay naghahanda ng pagkain para sa mga bisitang dumarating. Masaya ang araw na ito dahil may mga palaro at may mga tugtugin at awiting nagbubuhat sa "loud speaker". Sa gabi ay may prusisyon na kinatatampukan ng mga piling batang kababihan at kalalakihan na nagsusuot ng magagandang damit. Dito ay itinatampok ang pinakamagagandang kababaihan sa aming lugar na tinatanglawan naman ng liwanag ng ilawang "Coleman". Sa sidhi ng paghanga sa kagandahan ng mga dilag ay hindi mo maiaalis ang pagnanasang makausap man lamang o mapalapit sa magagandang binibini. Kapansin-pansin na panay ang titig ni Lolo sa dilag na kanyang napupusuan.

Ang buwan ng Mayo ay tunay na napakasayang buwan noong panahon ng kabataan ni Lolo. Sa pagdating ng katapusan ng buwan, ang mga bata ay nalulungkot dahil tapos na ang maliligayang araw. Sa susunod na buwan ng Hunyo ay pasukan na naman.

O sige at nakakatulog na yata kayo sa pakikinig kay Lolo. Sa susunod nating pagkikita ay marami pa tayong pag-uusapan tungkol sa matagal nang panahon, noong kabataan ni Lolo sa bayan ng Ibaan. Babalik kayo, ha?

   

Kwento

Unang Bahagi

Ikalawang Bahagi

Huling Yugto

Espesyal Na Leksiyon: Katawagan

Espesyal Na Leksiyon: Awiting Bayan


Iba Pang Gawa Ng May Akda


Hinagap


A Writer At Heart


Optional

 
           
 

Unang Bahagi   Ikalawang Bahagi   Huling Yugto

       
 

Espesyal Na Leksiyon: Katawagan  |  Espesyal Na Leksiyon: Awiting Bayan

       
           
 

Copyright 2008 Aureo P. Castro

       
           

 

 

 

Hosted by www.Geocities.ws

1