Mga Kwento Ni Lolo

 
 

Balik-Tanaw Sa Ibaan Ng Aming Panahon

 
     
  Kwento Tula Iba Pa Larawan  
           
 

Mga Kwento ni Lolo: Huling Yugto

O mga bata, narito na naman ang inyong paboritong Lolo upang kwentuhan kayo tugkol sa Ibaan noong panahon ng kabataan ni Lolo. Ito na ang huli nating leksiyon kaya makinig kayong mabuti. Sa mga una nating pag-uusap ay tinalakay natin ang anyong pisikal ng bayan ng Ibaan noon, ang mga bagay-bagay tungkol sa pag-aaral ng mga bata, ang mga ginagawa ng mga bata noon, ang mga tanyag na personalidad sa bayan, at ang mga matandang katagang ginagamit sa Ibaan noong panahon ng kabataan ni Lolo.

Sa leksiyong ito ay wala tayong partikular na pagtutuunan ng pansin kung kaya samut-sari ang paksang ating pag-uusapan. Handa na baga kayo? O sige.

Bago ang lahat ay idagdag natin sa ating listahan ng mga lumang katagang dating ginagamit sa Ibaan noong panahon ng kabataan ni Lolo.

Haribo
Walang habas na pananaga ng gulok o bagay na nakakasakit.
 
Pagat
Paghabol sa isang tumatakbo.
 
Wasiwas
Walang direksiyon na paghampas sa pamamagitan ng isang bagay na nakakasakit.

Mga bata, kayo baga ay mahilig mag-bulakbol o hindi pumasok sa paaralan at maglakwatsa na lamang kung saan-saan? Huwag ninyong gagawin ito dahil baka kayo ay mapagaya (mahalintulad) sa isang kamag-aaral ni Lolo noong siya ay nasa ikalawang baitang sa mababang paaalan. Itong si Rolando Serna ay sa halip na pumasok sa silid-aralan ay naligo na lamang sa ilog. Nalaman ito ng magulang kayat dali-daling nagpunta sa paaralan ang kanyang ina. Sa galit ng ina ay kinuha niya ang damit ni Rolando at iniuwi sa bahay.

Paano nakauwi ang kawawang Rolando Serna? Hubot-hubat at takip-takip ang kanyang pag-aari, si Rolando ay sa likod ng paaralan nagdaan at namaybay na lamang sa ilog kung saan walang gaanong makakakita sa kanya.

Mga bata, kayo baga ay mahilig kumain ng singkamas? Alam ninyo noong bata pa si Lolo ay pag nagugutom ang mga bata ay pumupunta kami sa mga magubat na lugar upang maghanap ng kung tawagin namin ay singkamas-basahan. Ito ay aming hinuhukay sa mga masusukal na bahagi ng mga lupang hindi sinasaka. Di-hamak na mas malalaki ito kung ihahambing sa ordinaryong singkamas at ang lasa nito ay kakaiba at mas matapang kaysa ordinaryong singkamas.

Kilala baga ninyo ang naging Presidente ng Senado ng Republika ng Pilipinas na si Senador Ernesto Maceda? Alam baga ninyo na si Senador Maceda ay nag-aral sa ating Mababang Paaralan ng Ibaan? Hindi kayo naniniwala? O sige, sabihin sa magulang ninyo na maghanap ng mga artikulo tungkol sa Ibaan sa "Internet". Doon ay makikita ninyo ang "bio-data" ng ating Senador Ernesto Maceda at doon ay matutunghayan na siya ay talagang nag-aral sa ating "Ibaan Central School" noong siya ay bata pa.

Kayo baga ay naniniwala sa anting-anting? Alam ninyo noong panahon ni Lolo ay marami pa ring tao sa Ibaan ang may sampalataya at naniniwala sa anting-anting. Ito ay naging lalong masidhi nang mapadpad sa ating bayan si "Ka Enteng Bingi", na nagtayo ng maliit na opisina doon sa tabi ng "studio"ng litratistang si "Mamay Adis". Sa kaunting halaga ay maari kang magpagawa kay "Ka Enteng Bingi" ng "talisman" na may espesyal na "birtud" o "galing". Ang mga halimbawa ay talisman upang maligtas ka sa panaganib o kaya nama'y para mapaibig mo ang babaing iyong napupusuan. Meron ding tinatawag na "galing" sa hanapbuhay o sa pag-aaral. Kasama ng talisman ay bibigyan ka ng mga dasal sa salitang "Latin" na hindi mo naiiintindihan at ito ay dadasalin mo ilang beses isang araw. Ang "mutya" ay isang uri ng "talisman" na kinapapalooban ng isang "buhay" na bagay (lumalaki daw) na mas matindi ang "birtud" kaysa ordinaryong "talisman". Si "Ka Enteng Bingi" ay maari mo ring hingan ng payo tungkol sa mga pangaraw-araw na problema sa buhay tulad ng problemang anak, asawa, o magulang.

(Napagusapan na rin lamang ang paksang "dayo sa Ibaan" ay babanggitin na rito ni Lolo ang pagdating sa ating bayan ng isang napakagandang dilag. Ang pangalan niya ay Celeste Ruffy. Ito ay nang nag-aaral si Lolo sa St. James Academy. Siya ay huli ng isang taon kay Lolo at hindi malimutan ni Lolo nang siya ay kamayan ng dilag na ito nang gabi ng palatuntunan ng pagtatapos sa mataas na paaralan taong 1969. At habang nasa paksa na rin lamang tayo ng kagandahan ay banggitin na rin natin ang dalawang mutya ng kagandahan sa Ibaan noong kabataan ni Lolo: ang magkapatid na Ethel at Olivia Reyes na mga anak ng Amparing na taga riyan laang sa Alicague.)

Ang pagtatapos sa mataas na paaralan noong panahon ni Lolo sa bayan ng Ibaan ay isang napahalagang yugto sa buhay namin noon dahil ito na ang panahon ng tunay na paghihiwalay. Ang iba ay magpapatuloy ng pag-aaral sa kolehiyo sa Batangas City at ang iba naman ay magtutungo na sa Maynila upang doon magpatuloy ng kaniyang napiling kurso. Ito na ang pagsisimula ng pagkakawatak-watak ng pagkakaibigan. Dito na nagsisimula ang pagkalayo ng damdamin para sa kanyang bayang sinilangan.

Si Lolo ay nagkapalad na makapag-aral sa Unibersidad ng Pilipinas una sa Maynila at nang maglaon ay sa Diliman, Quezon City. Sa pagtuntong ni Lolo sa lupa ng pamantasan ay naging bagong tao na si Lolo. Sa loob ng pamantasan ay minasahe ang utak ni Lolo at dito niya nakita ang iba-ibang uri ng takbo ng kaisipan ng tao. Si Lolo ay na-"exposed" sa iba't-ibang pananaw at paniniwala tulad ng ideyang kanluranin at mga teoryang sosyal at politikal. Ang tungkol sa Ibaan ay naging isa na lamang "matter of minor academic interest" para kay Lolo. Habang nasa pamantasan ay napasama din si Lolo sa mga kilusang maka-kaliwa, katulad din ng ating kababayan na si Jimmy Perez na noon ay sa Unibersidad ng Pilipinas din nag-aaral. Dito nakilala ni Lolo si Medardo Arce, ang bantog na pulahang mandirigma kung kanino ipinangalan ang isang pwersa ng "New Peoples Army" sa katimugan ng Pilipinas, ang "Medardo Arce Command".

Kilala baga ninyo si Heber Bartolome, ang naging tanyag na mang-aawit ng mga "mulat" na awitin ("Tayo'y mga Pinoy, tayo'y hindi kano, Huwag kang mahihiya kung ilong mo ay pango."). Naging kasama sa dormitoryo ni Lolo si Heber noong sila ay mga mag-aaral sa Unibersidad ng Pilipinas. Si Heber noon ay wala nang ginawa kundi kumanta at mag-gitara habang nasa dormitoryo. Eh si dating Solicitor Frank Chavez, kilala din kaya ninyo? Inabutan din ni Lolo si Frank Chavez na residente rin sa dormitoryong "Narra" sa Unibersidad ng Pilipinas noong nag-aaral pa si Lolo dito. Noon ay nagrerepaso si Frank para sa "board examination" ng abugasya. Siya ang "tagapagtanggol" ng mga estudyanteng nagsasagawa ng "teach-in" o pagpapahayag ng mga maka-kaliwang simulain. Sa larangan naman ng kagandahan ay nagkapalad din si Lolo na maging kamag-aaral ang tanyag na dating "beauty queen" na si Nelia Sancho. Si Lolo at si Nelia ay parehong naging kasapi ng "UP Journalism Club".

Marahil ay marami sa inyo ang nagtataka kung bakit baga itong si Lolo ay sumusulat ng mga artikulo tungkol sa nakalipas na panahon sa Ibaan na wala namang taong interesado sa kanyang mga sinusulat? Gusto lamang kayang magpasikat ni Lolo sa kanyang nga dating kaibigan o kasamahan? O meron kayang tunay na dakilang layunin si Lolo sa pagsulat ng mga artikulong ito? Ang sagot ni Lolo dito ay bayaan (hayaan) na lamang nating kasaysayan ang magpasiya kung ang mga impormasyong ibinigay ni Lolo ay magkakaroon ng kabuluhan o hindi sa mga susunod pang henerasyon sa bayan ng Ibaan. Alam ninyo, matuling tumatakbo ang panahon at sa malao't madali ay mamamatay din si Lolo. Sa isip ni Lolo ay isa sa mga magagandang maipapamana niya sa sa mga susunod na henerasyon ng Ibaan ay makapaglagak ng isang permanenteng tala ng ilang bagay tungkol sa panahong nakalipas na maaring magkaroon ng katuturan (halaga) sa kanila. Maaring hindi eksakto o may ilang maliliit na pagkakamali sa laman ng artikulo ni Lolo ngunit ang mahalaga ay mayroong mababasa ang mga susunod na henerasyon kahit matagal nang namayapa si Lolo.

Ang buhay ni Lolo ay kinapapalooban ng tagpi-tagping yugto ng tagumpay at pagkabigo kung saan sa hindi maipaliwanag na dahilan ay nangingibabaw pa rin ang pwersa ng kabiguan. Ngunit ito ay hindi dapat maging hadlang upang si Lolo ay makapag-ambag kahit sa maliit na paraan sa kaunlaran ng ating bayan. Matagal nang nalayo si Lolo sa munting bayang kanyang tiububuan ngunit ang ala-ala ng mga maliligayang araw ng kanyang kabataan ay nanatiling sariwa sa kanyang diwa't kaisipan.

Di kaila sa inyo ay mayroon nang bahay-gagamba ("web site") ang Ibaan sa Internet at ito ang ginagamit ni Lolo upang ipahatid at maitala ang ilang impormasyon tungkol sa kasaysayan ng bayan ng Ibaan. Dapat nating suportahan ang proyektong ito dahil ito ay nagbibigay daan upang makapag-ugnayan ang iba't-ibang sektor ng lipunan ng bayan ng Ibaan. Pag uwi ninyo sa bahay ay kulitin ninyo ang inyong mga magulang upang sila ay makibahagi sa kani-kanilang pamamaraan sa patuloy na pag-unlad ng ating "web site". Si Lolo ay nagpupugay sa henyo at talino ng pasimuno ng "web site" na ito na walang iba kundi ang ating kababayan na si Warly Guerra (anak sa Mateo Guerra ng Sandalan at Poblacion).

O sige, marami-rami na rin ang ating natalakay at sasamantalahin na ni Lolo ang magpaalam sa inyo kaagapay ang pag-asa na muli pa tayong magkikita sa mga darating na panahon. So Lolo ay umaasa na sa pamamagitan ng ating talakayan ay may napulot kayong halaga kahit munti lamang sa ating mga pinag-usapan. At kung wala man ngunit kayo ay naaliw sa inyong pagbabasa ay maligaya na rin si Lolo at nagkaroon din ng kaunting kabuluhan ang kanyang mga ginawa. Ngayon ay tatapusin na natin ang ating leksiyon sa papamagitan ng sama-samang pagsigaw ng ating "motto": Sulong Ibaan!

   

Kwento

Unang Bahagi

Ikalawang Bahagi

Huling Yugto

Espesyal Na Leksiyon: Katawagan

Espesyal Na Leksiyon: Awiting Bayan


Iba Pang Gawa Ng May Akda


Hinagap


A Writer At Heart


Optional

 
           
 

Unang Bahagi   Ikalawang Bahagi   Huling Yugto

       
 

Espesyal Na Leksiyon: Katawagan  |  Espesyal Na Leksiyon: Awiting Bayan

       
           
 

Copyright 2008 Aureo P. Castro

       
           

 

 

 

Hosted by www.Geocities.ws

1