Mga Kwento Ni Lolo

 
 

Balik-Tanaw Sa Ibaan Ng Aming Panahon

 
     
  Kwento Tula Iba Pa Larawan  
           
 

Mga Kwento ni Lolo: Ikalawang Bahagi

Mga bata, narito na naman ang inyong Lolo upang magkwento tungkol sa bayan nating Ibaan noong bata pa si Lolo. Makinig kayong mabuti upang maunawaan nang lubos ang kwento at makapulot kayo ng aral na maaring ninyong gamiting gabay sa inyong buhay kapag kayo naman ang nagsitanda.

Nabanggit ko na nang huli tayong magkita na kakaunti pa lamang noon ang tao sa bayan ng Ibaan kung kaya ang bawat isa ay nakikilala halos ang lahat ng ibang tao dito sa bayan. Mula sa iyong hardin o balkonahe ay nakikita mo ang mga taong nagdaraan. Kaugalian ng magulang namin noon na batiin ang mga nagdadaan at yayain ang mga ito para makipag "huntahan". Sa "huntahan" ay napapagusapan ang mg mga maiinit na balita tungkol sa mga kaganapan sa bayan. May iba-bang paksang sumusulpot sa "huntahan" gaya ng mga mag-asawang naghihiwalay o nag-aaway, tungkol sa mga anak na nagbibigay suliranin sa magulang, sino na baga ang namatay, nagkasakit, nanganak o ikinasal. Kasama na rito kung sino ang pinakahuling "nagtanan".

Ang "pagtatanan" ay ang pagsama ng isang dalaga sa lalaking kanyang minamahal na hindi gusto ng mga magulang ng dalaga na maging asawa ng kanilang anak. Tunay na isang mainit na paksa ng "huntahan" ang tungkol sa mga bawal na pag-iibigan. Nariyan ang kwento tungkol sa isang maganda at mayamang dalaga na mistulang naging baliw dahil sa pagtutol ng magulang sa lalaking kanyang nagustuhan. Naging saksi si Lolo sa isang makabagbag-damdaming kasal sa simbahan na kung saan diumano ang binata ay "napikot" lamang at labag sa kanyang kalooban ang magpakasal sa dalagang ito sa kanyang tabi. Ang kasintahan naman ng binata ay walang tigil sa pag-iyak dahil sa kinahinatnan ng kanilang nabigong pag-ibig.

Sa panahon ng kabataan ni Lolo ay labis na pinahahalagahan ang malinis at maayos na pamumuhay na siyang basehan ng pagtanggap sa isang pamilya bilang kasapi ng pamayanan. Sa ganitong katayuan ay lubhang pinapahalagahan ang "hiya" o iyong tinatawag na "amor propio" sa salitang Kastila. May kasabihan na para sa Batangueno, mamatay na lamang huwag lamang mapapahiya. Ito ang dahilan kung bakit nagkakaroon ng mga insidente ng "pamimikot". Kinakailangan lamang na may makahuli sa isang binata at dalaga sa magkayakap o sa posisyong hindi maipaliwanag at kumalat ang balita sa buong bayan. Ito ang magiging sanhi upang hilingin ng magulang ng dalaga sa magulang ng binata na panagutan nito ang kaniyang kapangahasan.

Sa lahat ng pamayanan tulad ng Ibaan, ang mga taong nainirahan dito ang siyang nagbibigay kulay sa pangaraw-araw na buhay. Sa pamayanang Ibaan noong panahon ng kabataan ni Lolo ay may mga taong kilalang-kilala sa bayan. Pangunahin dito ay ang mga namumuno sa bayan tulad ng punong-bayan at ang kura (pari) sa simbahan. Ngunit mayroon ding mga karaniwang mamamayan na dahil sa kanilang hanapbuhay o pagiging lagalag ay palaging naroon kung saan may aksiyon. Ang mga ito ay maari nating tawaging "personalidad" ng bayan. Sinu-sino kaya ang mga tinutukoy ng Lolo?

Si "Iga" (utal na pagsabi ng salitang "siga") ay Anastacio ang tunay na pangalan. Siya ay hindi diretso kung magsalita at makikita mo sa halos lahat ng pagdiriwang tulad ng binyagan, kasalan, may namatay, at iba pa. Hindi pa uso ang palamigang de-kuryente noong bata pa si Lolo. Kung gusto mong makainom ng malamig na tubig ay bibili ka ng yelo kay "Ka Ute", doon sa malapit sa bahay ng "Poong Senyor", ang patay na Jesus na nakaratay. (Ssshh, mga bata, sa atin-atin lamang ito, ha? Dito sa bahay ng "Poong Senyor"ay nanirahan ang isa sa mga pinaka-magagandang dilag ng bayan. Ang pangalan niya ay Leonor Gonzales.) At kung talino naman ang pag-uusapan, dito rin tumira ang batang henyong hinangaan ni Lolo, si Efren Gonzales, kapatid ng Leonor.

Sa mga panahon ng tag-init ay tunay na napakasarap na uminom ng malamig na tubig. Ang yelo ay naging isa sa mga mahahalagang bahagi ng buhay noong kami ay mga bata pa. Si Lolo ay malimit masugo (mautusan) ng kanyang inay na bumili ng yelo kay "Ka Ute". Sa pagbili mo ng yelo ay madadaanan mo ang bahay ng "Ka Tarse" na dati yatang magpuputo na siya namang ina ni Ganda na asawa naman ni Talino. Si Ganda ay di-umano ay may di kagandahang reputasyon at si Talino naman ay masipag at matiyaga at maaasahan sa paglilinis ng bakuran.

Kung tag-init pa rin at ikaw ay nagugutom o nauuhaw, pumunta ka na lamang sa palengke at sa halagang singko sentimos ay makakabili ka ng "palamig", pinaghalong gulaman, sirup, sago, at tubig. Kung nagkataong Sabado at mas marami sa singko sentimos ang iyong pera sa bulsa ay sa bandang loob ka ng palengke pupunta at ikaw ay bibili ng tanyag na "halu-halo" ng "Nanay Angge", halaga: sampung sentimos. Si "Ka Pedro" At "Ka Ute" ay parehong may kariton na ginagamit sa pagtitinda ng sorbetes. Sa halagang singko sentimos ay makakabili ka na ng sorbetes kay "Ka Pedro" o kaya ay kay "Ka Ute". Ang paborito ni Lolo ay iyong sorbetes na naka-paloob sa tinapay. Ang kililing ng sorbetes ni "Ka Pedro" at "Ka Ute" ay karaniwang tunog na naririnig noong panahong bata pa si Lolo. Kung puto naman ang kinahiligan ng iyong dila ay dapat na bantayan mo ang pagdaan ni "Ka Lourdes" na siyang nagrarasyon ng puto sa bayan noon. Huwag lamang kalilimutan na palagyan ng kinayod na niyog ang puto upang ito ay maging mas masarap.

Upang mabawasan ang talamak na paglalayas ng mga bata ay may ginagamit na panakot ang aming mga magulang noon. Kapag ikaw ay "masutil" o ayaw makinig sa magulang, ikaw ay tatakutin ng magulang mo na ibibigay na sa mga nakakatakot na tao tulad ng sumusunod. Si "Ka Balar" ay hindi naman nananakit ng ibang tao ngunit kapag medyo naparami ang nainom na alak ay nagtatalumpati nang pasigaw, dahilang siya ay katakutan ng mga bata noon. Si "Ka Danoy" naman ay tila baga nahaling sa pagsusundalo at ito ay naglilibot na nakasuot ng uniporme ng sundalo at kuntodo naka-helmet pa. Pag dumaan na si "Ka Danoy" ay pulagasan na ang mga bata sa pagtatago. Ang isa pang panakot ng magulang ay ikaw daw ay dadalhin sa "Lolomboy", isang tila baga bahay-ampunan na pinagdadalhan sa mga masusutil na bata.

Isa sa pinaka ayaw naming gawin noon ay ang magpagupit ng buhok. Si "Ka Bidong" o kaya ay kay "Ka Felino" ang mga pinakaunang barbero na kinamulatan namin noon, ngunit nang maglaon ay pwede ka na ring magpagupit kay "Ka Leon", mas bata kaysa kay "Ka Bidong" at "Ka Felino". Bakit kaya ayaw ng mga batang magpagupit ng buhok noon? Ito ay dahil sa ang gupit na ginagawa noon ay ang tinatawag na gupit na "turtugo" o iyong tinatawag na "gupit-bao". Sa ganitong estilo ng pagugupit, may natitira lamang na kaunting buhok sa harapan at ang palibot ng ulo ay aahitin sa pamamgitan ng labaha. Ito ay masakit na pamamaraan kung kaya minsan ay nagkaka-habulan muna bago magupitan ang isang batang lalaki.

Isa pa ring palaging laman ng bayan ay si "Ka Baste" na malimit (madalas) ay naglilibot upang mangulekta ng taya sa loteriya. Siya ay matandang tomboy na laging naka-bestida, malagong ang boses, at laging nakatawa. Si "Mamay Gelacio" ay isang retiradong marinong Amerikano na umuwi na sa Ibaan upang dito manirahan. Siya ay may puting buhok at laging nasa bayan upang manood ng mahjong o larong "billard". Hindi naman siya nakikipaglaro kundi nanonood lamang. 29/31 ang paboritong numero niya sa "jueteng".

Masakit ang ngipin o kaya ay natinik ng isda ang lalamunan? Walang problema, sunduin lamang ang isa sa kambal na si "Ka Ambo" o si "Ka Peding". Ang tinik ay kaniyang hahagurin hanggang sa mawala at tungkol sa sakit ng ngipin, ang problemang ngipin ay kanyang kakantiin ng isang pako at pagkatapos ito ay ipapako sa isang haligi ng bahay. Presto, makakatulog na ang bata at wala na ang sakit ng ngipin.

Ang araw ng Sabado ay tinatawag na araw ng "baraka" o araw ng palengke. Sa araw na ito ay mas marami ang nagtitinda ng mga gulayin, prutas, isda, at karne sa palengke. Si Lolo ay tumutulong sa kanyang ina sa pagbubuhat ng basket na nilalagyan ng pinamalengke. Di nakakilimutan ng inay ni Lolo na bumili ng nilagang mani at kung magkaminsan ay ng "pinindot", giniling na malagkit na binilog sa sabaw ng gata ng niyog. Ang palengke ay buhay na buhay kung araw ng Sabado at dito ay maririnig mo ang kani-kaniyang "gimmick" ng mga tindera o tindero. Isinisigaw nila ang presyo ng kanilang ipinagbibili at ang kanilang "promotion" na di kaya ay dagdag sa dami ng bininbili o bawas sa presyo.

Tuwing Sabado rin ay matutunghayan ang dayong maglalako ng mga gamot sa pangkaraniwang sakit tulad ng ubo, hika, sakit ng kalamnan, TB, at iba pa. Ang mga ito kadalasan ay may dala-dalang buhay na ahas na ginagamit na pang-engganyo sa mga tao. Pag bumuli ka ng gamot, ikaw ay bibigyan ng isang maliit na pirasong kahoy na diumano ay mula sa kahoy ng sinukuan at magaling na panlaban sa mababangis na hayop at may birtud din na maaring gamiting panggayuma sa mailap na dalaga.

Ang estilo ng pagluluto ng gulay noon ay ang tinatawag na "bulanglang" na kung saan ay hinahaluan ito ng sabaw ng pinaghugasan sa bigas. Ang lutong "adobo" naman ay hiahaluan ng katas ng buto ng asuwete na siyang nagbibigay ng kakaibang sarap at kulay. Isang kaugalian din noon ang pagbibigay ng sobrang nilutong pagkain sa aming "kahanggan" o kapitbahay. Pag sinabing ikaw ay nangangahanggan, ang ibig sabihin ay ikaw ay nakikipag "huntahan" (kwentuhan) sa iyong kapitbahay.

Kung magkakaroon ang pamilya ng importanteng okasyon, ito ay kinakailangang makuhanan ng larawan at ang nag-iisang litratista ng bayan noong aming kabataan ay si "Ka Adis", tatay ni Benny at Anie Perez (isa pang magandang binibini noong kabataan ni Lolo). Ang mga litrato naim noon ay kulay itim at puti dahil hindi pa uso ang larawan na may kulay. Di naglaon ay naging litratista din si Dante Semira noong si Lolo ay nasa haiskul na. Noon ay litratista lamang ang may kamera at walang nakakabili ng kamera na gagamitin mong pansarili lamang dahil ito ay napakamahal.

Ang isang kagimbal-gimbal na pangyayari noong kabataan ni Lolo ay ang pagpanaw ng "Mamay Isyo", tatay nina "Ka Oscar", "Ka Enie", Owel, Jun, at Yolly Patena sa isang lugar sa Maynila. Ang pangyayaring ito ay ipinahayag ng walang iba kundi ang bantog na "announcer" na si Johnny De Leon sa kanyang programang "Lundagin Mo Baby". Malungkot ngunit nagkaroon ng ilang kakatwang pagkakamali sapagkat ang ipinahayag na pangalan ng namatay ni Johnny De Leon ay ang pangalan ni "Ka Inggo Mercado", tatay ni Erie Mercado, na nang pagkakataong iyon ay buhay na buhay at abala sa kaniyang mga gawain sa bahay. Ang nagyari pala diumano ay dala-dala ng "Mamay Isyo" ang "pass" ni "Ka Inggo" sa "Batangas Tayabas Bus Co." (BTCO) upang ipabago sa tanggapan sa Maynila at ito ang ginamit ng mga awtoridad sa Maynila upang kilalanin ang namatay na si "Mamay Isyo".

O sige, kapos na naman tayo sa oras kaya ito nang muli ang inyong Lolo na umaasa na sana ay may napulot kayo kahit kaunting kaalaman tungkol sa buhay sa Ibaan noong kabataan pa ni Lolo. Hanggang sa muli nating pagkikita. Paalam na sa inyong lahat.

   

Kwento

Unang Bahagi

Ikalawang Bahagi

Huling Yugto

Espesyal Na Leksiyon: Katawagan

Espesyal Na Leksiyon: Awiting Bayan


Iba Pang Gawa Ng May Akda


Hinagap


A Writer At Heart


Optional

 
           
 

Unang Bahagi   Ikalawang Bahagi   Huling Yugto

       
 

Espesyal Na Leksiyon: Katawagan  |  Espesyal Na Leksiyon: Awiting Bayan

       
           
 

Copyright 2008 Aureo P. Castro

       
           

 

 

 

Hosted by www.Geocities.ws

1