|
Espesyal Na Leksiyon: Mga Katawagan
Mga bata, ang ating paksa araw na ito ay tungkol sa
mga salita o katawagang ginagamit sa pangaraw-araw na
pananalita sa bayan ng Ibaan noong bata pa si Lolo.
Ilabas na ang mga kwaderno (notebook) at sipiin
(kopyahin) ang smusunod na listahan ng mga salita at
kanilang kahulugan.
-
Ala
- Salitang madalas gamitin sa pag-uusap ng mga
taga-Batangas. Walang tuwirang ibig sabihin.
-
Apanas
- Maliliit na pulang langgam.
-
Apuyan
- Sa madaling salita ay posporo.
-
Asbar
- Palo ng magulang.
-
Aspike
- Tumanggap ng matinding pamamalo mula magulang.
-
Bahaw
- Malamig na kanin.
-
Bakas
- Salo sa pagkain o hati sa pag-aari ng bagay.
-
Baksa
- Piraso ng tela na korteng tatsulok na inilalagay
sa likod ng batang iskawt.
-
Balagwit
- Pagbuhat ng dalawang bagay na gumagamit ng
matigas na piraso ng kawayan na nakapatong sa
balikat.
-
Baliw
- Hindi ito iyong nasisiraan ng bait. Ang ibig
sabihin nito sa Ibaan ay mabagsik. Halimbawa: Ang
aming aso ay baliw (matapang, agad-agad ay
nangangagat).
-
Banas
- Pagka-maalinsangan ng panahon.
-
Banaw
- Pinaghalong alak at katas ng sinturis, isang uri
ng pomelo.
-
Baraka
- Araw ng palengke na ginanaganap tuwing araw ng
Sabado.
-
Barik
- Uminom ng alak.
-
Bastag
- Isa lamang sa dalawang numerong tinayaan ang
tumama sa jueteng.
-
Baysanan
- Mga seremonyas ng kasalan.
-
Bihasa
- Sanay sa paggawa ng isang bagay.
-
Binit
- Katawagan ng mga bata sa tirador (slingshot).
-
Bugok
- Bulok, partikular na tumutukoy sa bulok na itlog
ng manok.
-
Bulak
- Hindi ito iyong tinatawag sa salitang Ingles na
"cotton". pag sinabing nabulak sa
Ibaan, ang ibig sabihin ay kumukulo na ang
niluluto.
-
Bukana
- Malawak na ispasyo na nagsisilbing harapan o
pasukan.
-
Bulanglang
- Paraan ng pagluluto ng gulay na ginagamitan ng
pinaghugasan sa bigas bilang sabaw.
-
Buntal
- Katamtamang palo ng magulang.
-
Burbur
- Sinangag na kinayod na murang niyog na
pinagsasawsawan sa sumang lihiya.
-
Busa
- Pinabusang mais na balot ng pula o berdeng
manipis na papel at may lastiko sa isang
dulo.(Tigsi-singko ang isa.)
-
Dagim
- Madilim na ulap na nagdadala ng ulan.
-
Dagok
- Matinding palo ng kamay sa likod.
-
Dawit
- Laro ng palakasan ng kamay sa pamamagitan ng
paglalaban ng gitnang daliri.
-
Dukwang
- Ilabas ang kalahati ng katawan sa bintana.
-
Dumalaga
- Manok na malapit nang maging inahin.
-
Gahol
- Walang sapat na oras o panahon.
-
Gugo
- Ito ang ginagamit na "shampoo" noong
panahon ng kabataan ni Lolo.
-
Gulok
- Itak.
-
Guyam
- Langgam.
-
Hantik
- Malalaking langgam na pula. May tibo sa puwitan.
-
Hapay
- Malapit nang matumba.
-
Hawot
- Pinatuyong isda na masarap pang-ulam sa kanin.
(Tip: sabawan ng barakong kape ang bahaw na kanin
at mag-ulam ng hawot. Ito ay paborito ni Lolo.)
-
Hihip
- Gamit sa pagluluto para mas lumaki ang apoy sa
kalan.
-
Hikap
- Naglilibot sa buong bayan. Sa madaling salita ay
nasa layasan.
-
Humba
- Natitirang pagkain pagkatapos ng piyesta.
-
Hunta
- Usap-usapan ng mga magkakapit-bahay.
-
Ineng
- Pantawag sa batang babaeng hindi alam ang
pangalan.
-
Kalamaghati
- Malapot na nilutong katas ng niyog.Masarap
palaman sa tinapay. "Coco jam" kung
tawagin sa Maynila.
-
Kasaw
- Batihin ang itlog ng manok.
-
Kawa
- Higanteng kawali na iniwan ng mga Amerikano nang
matapos ang gera.
-
Kibal
- "Mini version" ng sitaw. Masarap isahog
(ihalo) sa bulanglang.
-
Kitse o Tapon
- Takip ng bote ng sopdrink. Sa madaling salita ay
"tansan".
-
Kuloong
- Isang malalim na balon.
- Kwitib
- Maliit na itim na langgam. Nangangagat.
-
Lako
- Pagtitinda sa pamamagitan ng pagpunta sa bawat
bahay at pag-aalok ng paninda.
-
Libag
- Dumi ng katawan.
-
Lintik
- Bulalas ng galit o pagkapoot.
-
Lipana
- Maraming nakikitang ganoon. Nagkalat.
-
Lipol
- Mawala o maglaho.
-
Liting
- Lubid na ginagamit sa pagpapalipad ng papagayo
(saranggola).
-
Lublob
- Ilubog sa tubig.
-
Luklok
- Maupo.
-
Malimit
- Madalas.
-
Mura
- Hindi ito iyong mababa ang presyo.Ito iyong pag
ikaw ay "masutil" (disobedient), ikaw
ay mamumura (mapapagalitan).
-
Mamulong
- Paghingi ng kamay ng dalaga upang pakasalan.
(Tandaan: Hindi mahina ang boses ng nag-uusap
dito. Kung minsan ay nagkakasigawan pa. Tip:
Lasingin muna ang magulang ng dalaga upang
madaling mapapayag sa gusto ng partido ng
lalaki.)
-
Nuno
- Maliliit na tao na nakatira sa ilalim ng lupa.
-
Pihol
- Ikuting pakaliwa o pakanan.
-
Pilansik
- Lumuluksong tapon ng mantika habang nagpiprito.
-
Pulangga
- Isang uri ng ibon na madalas tiradorin ng mga
bata.
-
Salikungkung
- Pinagtupi-tuping papel na may sinulid na
pinalilipad ng mga bata.
-
Samlang
- Maduming magtrabaho. (Halimbawa: Ang batang
madumi kung kumain ay tinatawag na samlang.)
-
Sibi
- Pansamantalang hapag kainan na itinatayo upang
magamit ng mga bisita ng ikinakasal.
-
Simbar
- Atakihin o targetin buhat sa itaas.
-
Sinturis
- Uri ng pomelo (orange) na tumutubo sa Ibaan.
-
Sipit
- Panghawak ng baga o mainit na kahoy sa lutuan.
-
Sipol
- Pagpito o "whistle".
-
Sumba
- Pampaugong sa saranggola. Hugis busog at yari sa
dahon ng buli, ito ay inilalagay sa likod ng
saranggola.
-
Suno
- Makisakay. (Halimbawa: Ang taong walang perang
pambayad ay nakikisuno na laang.)
-
Sutil
- Matigas ang ulo.
-
Talsik
- Tumilapon.
-
Tangwa
- Lugal na may panganib na mahulog ang bata.
-
Tari
- Maliit ngunit matalas na kutsilyo na ikinakabit
sa paa ng pangsabong na manok.
-
Tiping
- Isang uri ng manipis ngunit matamis na tinapay.
-
Tubog
- Maliit na batis.(Pumunta ka sa likod ng bahay ng
Mamay Adis Papio at iyon tubog iyon.)
-
Tuklong
- Pinagdadausan ng pag-aalay ng bulaklak sa Birheng
Maria tuwing buwan ng Mayo.
-
Tulyase
- Malaking kawali na pinaglulutuan ng mga pang-ulam
kung piyesta.
-
Umay
- Sawa na sa partikular na pagkain.
-
Umis
- "Smile".
-
Umpi
- Daglat sa "inang kumpil" (godmother).
-
Usngal
- Nakalabas ang ngipin sa unahan.
-
Utoy
- Pantawag sa batang lalaking hindi alam ang
pangalan.
-
Uyayi
- Malaking duyan na yari sa yantok.
-
Wari
- Parang o tila baga.
Mga bata, kung tapos na kayo ng pagsipi sa talaan ng
salita ay maari na kayong umalis. Ito muli ang inyong
Lolo na umaasang may natutuhan kayo kahit kaunti man
lamang dito sa ating espesyal na leksiyon hinggil sa mga
lumang salita na minsan ay ginamit sa ating bayan ng
Ibaan.
|
|
|
Kwento
Unang Bahagi
Ikalawang Bahagi
Huling Yugto
Espesyal Na Leksiyon: Katawagan
Espesyal Na Leksiyon: Awiting Bayan
Iba Pang Gawa Ng May Akda
Hinagap
A Writer At Heart
Optional
|
|