Mga Kwento Ni Lolo |
||
Balik-Tanaw Sa Ibaan Ng Aming Panahon |
||
Espesyal na Leksiyon: Mga Awiting BayanAlam ninyo, noong bata pa si Lolo ay hindi pa ganap ang pagpasok ng banyagang kultura sa ating bayan bagamat ito ay nagsisimula na. Sa mababang paaralan ay halos awiting Amerikano ang aming pinag-aaralan, ngunit may pailan-ilan ding katutubong awitin ang itinuturo sa ilalim ng araling pang-musika. Sa palatuntunan sa radyo ay madalas mong maririnig ang mga awiting galing sa Amerika. Ang buong bansa lalo na ang kabataan ay dagliang nabighani sa kakaibang tunog ng musikang banyaga kaya sa mga malalaking pagtitipon ay halos mga tugtugin at awiting "stateside" ang iyong maririnig. Ganumpaman, nananatiling nakakintal sa kamalayan ng aming henerasyon ay mga awiting bayang aming kinagisnan. Ito ay iyong matututunan sa pamamagitan lamang ng pakiki-halubilo sa iyong mga kababayan sa daloy ng iyong pangaraw-araw na buhay o sa pagdalo sa mga okasyong ipinagdiriwang. Ang pagka-alam mo sa mga awiting ito ay isang palatandaan na ikaw ay isang tunay na tubong Ibaan. Upang lubos na maramdaman ang damdaming ipinahahayag, pakiusapan na lamang ang inyong magulang o sino mang nakatatanda na kantahin sa inyo ang mga awiting nasasaad sa ibaba. Ang mga ito ay ilang lamang sa mga awiting bayang malimit naming kinakanta. Sa katagalan ng panahong ang mga ito ay hindi naririnig ay ipagpaumanhin kung hindi eksakto o tumpak ang mga liriko ng awitin. Sa pakikipaglaro mo sa ibang mga bata ay masasaulo mo na ang mga karaniwang binibigkas halimbawa kung paano malalaman kung sino dapat ang taya. Ang mga ito ay karaniwang binibigkas habang may aksiyong ginagawa at karaniwan ang mga salita ay magkaka-tugma. Halimbawa: Sirit-sirit mantika Giling-giling estatwa Ang katapusan ng klase sa paaralan ay dagliang nasusundan ng pagsapit ng tag-init sa buong bayan. Ito ay tanda na nalalapit na ang Mahal na Araw at kaagapay nito ang pagdiriwang ng "pabasa" o ang tuloy-tuloy o magdamagang pag-awit ng mga talata sa aklat na Mahal na Pasyon. Ito ay kinaugalian nang puntahan ng aming mga magulang ngunit ang mga bata ay sumasama din dahil sa libreng kape at tinapay. Sa gabi naman ay naghahanda ang may "pabasa" ng libreng "salabat", isang uri ng mainit na inumin na buhat sa ugat ng halamang luya. May iba-ibang estilo ng pag-awit ng pasyon at kung anu-ano ang tawag sa bawat estilo ay hindi alam ni Lolo. Ngunit sa isang estilo ay mapapansin na ang pinaka-unang pantig ng unang salita sa talata ay inaawit nang matagal at kalimitan ay umaabot ng ilang minuto. (Humingi ng "sample" sa mga matatanda sa iyong paligid upang lubos na maunawaan ang sinasabi ni Lolo.) Pagdating ng Mayuhan ay kakaibang awitin ang iyong maririning. Ang pagdarasal ng rosaryo at pagbasa ng aral at kwento ay sinasaliwan ng ibat-ibabang awitin sa hindi kukulangin sa tatlong lenguahe: Tagalog, Espanyol, at Latin. Ang awit ng pag-aalay sa salitang Tagalog ay tila baga may dalawang bersiyon; isang pang-ordinaryong araw at isang pang-espesyal na araw (halimbawa: piyesta). Ang isang koro ay wari bagang may ganitong liriko: Halina at ating ngayo'y ipagdiwang At ang isa naman ay tila ganito ang takbo: Tuhog na bulaklak Lubos ang pag-asa't Halina't tayo ay mag-alay Ang bahaging ito ay sa salitang Espanyol at kinakanta nang solo: O Maria, O Maria (Pasensiya na kayo't pasang-awa lamang si Lolo sa suhetong Espanyol noong siya ay nag-aaral pa sa kolehiyo. Maaaring mali ang ispeling o "wording" ng mga salita pero parang ganito ang tunog.) Tuwing sasapit ang Araw ng mga Patay ay usong-uso ang pangangaluluwa, ang pagbisita sa bahay-bahay upang maghandog ng ilang awitin kapalit ng limos na maaring pera o kaya ay ilang gatang ng bigas. Ganito ang "standard" na awit pangkaluluwa ng mga bata: (Sumangguni sa nakatatanda kung paano ang tono nito.) Kaluluwa'y dumaratal Maybahay kung lilimusan (Siya na nga ang nagpapalimos, minamadali ka pa!) Kapag nagbi-binata ay hindi mo maiwasan ang mapasama sa ilang inuman at pag medyo marami na ang nainom ay napakasarap magkantahan. Sa saliw ng gitara ni pinsang Chito Rivera, ang paborito naming awitin ay ang: Ay ya ya ya yay O Pag-ibig ("O, tagay muna, tagay muna, ika nga ng matatanda ay magtagal na raw ang kamay sa ibang bagay, huwag laang sa baso!") Sa kalimitan, ang kantahan sa inuman ay nauuwi sa pagdalaw sa isang dilag at ang awiting harana ang nagsisilbing panggising sa natutulog na dalaga. Ang liriko ng awiting ito ay walang kamatayan at sa dami ng inumang iyong nasalihan ay masasaulo mo na: Dungawin mo hirang Sapagkat ikaw lamang Ang tema ng kagandahan at pag-ibig ay walang pinipiling panahon. Sa ating munting bayan ay may isang awiting hindi mo maaring makalimutan hanggang ikaw ay nabubuhay. Ang himig at liriko ng awiting ito ay talagang kahanga-hanga at napakaganda. (Subukan ninyong ipakanta ito sa isang taong nakakaalam ng tono.) Kay ganda mo, hirang Sa saliw ng kundimang ito ay winawakasan na natin ang ating espesyal na leksiyon. Nagustuhan baga ninyo ang ating paksang-aralin sa araw na ito? Sana'y nadagdagan pa ang inyong kaalamang pangkultura hinggil sa ating munting bayan ng Ibaan noong panahong nakalipas. Ito muli ang inyong paboritong Lolo na umaasang magkikita pa rin tayo sa mga susunod na panahon. |
Kwento Espesyal Na Leksiyon: Katawagan Espesyal Na Leksiyon: Awiting Bayan Iba Pang Gawa Ng May Akda |
||||
Espesyal Na Leksiyon: Katawagan | Espesyal Na Leksiyon: Awiting Bayan |
|||||
Copyright 2008 Aureo P. Castro |
|||||