Text-only version

AKDANG PANDIGMANG BAYAN

Listahan ng publikasyong pampanitikan at pansining
sa Bagong Demokratikong Rebolusyon 1968-2000

inihanda ng IPASA


PALIWANAG

Ang listahang ito ng mga obrang pampanitikan at pansining ng bagong-demokratikong rebolusyon ay inihanda bilang pantulong sa pag-aaral sa larangang ito ng gawain sa rebolusyonaryong kilusan. Kasama rito ang mga programa, palisiya at gabay ng Partido Komunista ng Pilipinas at Pambansa-Demokratikong Prente kaugnay sa pagsusulong ng gawaing ito, gayundin ang pagtanggap ng mga organisadong pwersa at propesyunal sa mga akda.

Batay sa listahang ito, makakapamili ng materyal na maipapaloob sa balangkas ng kurso sa pag-aaral ng mga aktibistang masa, o kaya'y para sa ispesyal na kurso para sa mga manunulat at artista ng kilusan. Ang pagbibigay ng puwang para sa ganitong pag-aaral ay pagtiyak sa pamumuno ng proletaryado sa panitikan at sining bilang bahagi ng rebolusyonaryong pagkilos at transpormasyong panlipunan, at sa ibayong pagpapahusay ng gawain.

Makatutulong din ang listahang ito sa mga iskolar at mag-aaral sa pagsasaliksik ng mga materyal para sa kanilang pag-aaral tungkol sa panitikan at sining ng rebolusyonaryong kilusan.

Totoong ang mahahalagang akda at iba pang materyal ay nakatala na sa listahang ito. Gayunman, tiyak na marami pang hindi nakasama sa panimulang listahang ito. Ang problema ay hindi lamang sa pangangalap ng mga materyal na lumabas sa loob ng nakaraang tatlumpo't isang taon. Problema rin ang ebalwasyon sa mga akda, laluna yaong mula sa mga panggitnang pwersa at nakalimbag sa hayag o ligal na daluyan.

Tulad nang isinasaad sa titulo ng koleksyon, binigyang-diin ang mga materyal na nakaugnay sa digmang bayan. Ito'y pagkilala sa sentral na papel ng matagalang digmang bayan sa kasalukuyang yugto ng rebolusyon at sa pagsusulong ng mahigpit na ugnayan ng mga manunulat at artista at ng masang manggagawa at magbubukid.

Ang proyektong ito ay pagkukusa ng IPASA; ito ang responsable sa itinakdang layunin at paraan ng paggamit ng listahang ito, sa paglalahad ng mga materyal sa ganitong porma, at gayundin sa di-sinasadyang mga umisyon.

Mangyaring ipadala sa amin ang inyong mga mungkahing dagdag sa listahan para maisaalang-alang sa susunod na edisyon.

Gelacio Guillermo
Tagapangasiwa, IPASA
2003


Nilalaman

Mga impormasyon

Hosted by www.Geocities.ws

1