Text-only version

Mulang Panitikan tungong Rebolusyon

ni Petronilo Bn. Daroy (1936-2000)

Habang ito'y sinusulat, patuloy na nagsasagupaan ang mga mag-aaral at militar sa mga kalsada ng Maynila. Nagpupulong ang mga propesyonal at manggagawa sa mga pulungang nakapinid ang pintuan, samantalang nagpalaganap ang namumunong diktadura, sa pagtatangka nitong hatiin ang hanay ng oposisyon , ng mga babala laban sa mga "radikal" at "subersibo." Dumadaan ang bansa sa isang "rebolusyonaryong sitwasyon," pinatitindi ng NPA, ang sangay-militar ng Partido Komunista ng Pilipinas, ang digmang gerilya sa kanayunan, sinasalakay ang mga outpost ng militar, at nagpaparami ng kasapian. Anim na taon na nang inaresto si Sison ng militar at sinampahan ng kaso ng militar sa paratang nang pagiging tagapangulo ng Partido Komunista ng Pilipinas. Naka-solitary confinement ngayon si Sison sa isang kampo ng militar. Kung papaniwalaan ang militar, patuloy na naiimpluwensyahan ni Sison ang mga pangyayari in absentia.

Maaaring walang ibang kontemporaryong manunulat na itinuturing ng Estado mismong nakapagdudulot ng ganitong kalawak na impluwensya sa pambansang kamalayan at mga pangyayari. Noong ika-19 na dantaon ang huling pagkakataong nagkaroon ng ganitong penomeno, sa halimbawa ni Rizal. Si Recto, na lumikha batay sa mga pamantayan ng mga intelektwal ng ika-19 na dantaon, ay hindi nakakamit ng ganitong kalawak na impluwensya.

Sinundan ni Sison sa Recto sa pagpapatuloy ng tradisyong intelektwal ng ika-19 na dantaon. Mahalagang bahagi ng tradisyong ito ang pagsukat ng manunulat, hindi sa dami ng kanyang nilikha kundi sa kanyang pakikisangkot sa mga pampublikong responsibilidad. Naipag-uugnay ang malasakit ng manunulat para sa literatura, sining at estetika, sa kanyang pagpupunyagi sa paglikha ng lipunan, pagtatag ng mga institusyon, at pag-aangat ng kalidad ng buhay ng isang bayan. Natutuklasan ng pang-estetikang usapin ang mga isyu nito, hindi lamang sa sining kundi sa pagrerebolusyon ng kultura at lipunan.

Ito ang mga usaping pinagbabatayan ng panulat ni Sison. Nakakapagtaka pa ngang ang pagkatuon sa usaping ito ang tila nagpawalay sa kanya sa dominanteng agos ng panitikan ng dekada 50.

Sa dekada 50, nakasalamin sa kalidad ng sining at panitikan ang mga pangamba at pag-aatubili na dinulot ng McCarthyistang witchhunt at ang patakaran ng policy of containment ng United States. Nagpalaganap ang imbestigasyon ng mga manunulat at akademiko ng Kongreso ng United States ng sobenistiko o walang-kinikilingang Liberalismo. Ang mga manunulat na dating nakipaglaro sa mga Marxistang ideya ay naging mga anti-komunistang nasyonalista, o kaya nagsulat ng mga "kumpisal" na nagtangkang ilantad ang mapanirang epekto ng ideolohiya sa sining. Ibinandila ng mga tagapagpalaganap ng walang-kinikilingang liberalismo bilang mga testimonya ng mga nakakubling kasamaang dulot ng ideolohiya sa pagkamalikhain at kalayaan ng artista ang mga halimbawa nina George Orwell, Stephen Spender, Andre Gide at Ignazio Silone.

Ito ang klima na humubog sa amin noong dekada 50, nang inuusig ang mga akademiko at intelektwal ng Committee on Un-Filipino Activities (CUFA), na pagkaraa�y naging Committee on Anti-Filipino Activities (CAFA). Naging paksa rin ng mahabang debate sa kongreso kahit ang pagbasa ng mga sulatin ni Rizal. Sa lugar ng panitikang may pulitikal na paninindigan, binaha ang eksenang pangkultura ng abstraktong modernistang sining, ng mga sulatin nina Freud, Jung at Kierkegaard; ng mga nobela nina Hemingway, Fitzgerald, Faulkner at Henry Miller.

Sa panahong ito nakilala ko si Jose Ma. Sison. Gumanap siya bilang andergradweyt sa ilang maliliit na papel sa mga produksyon ni Wilfredo Ma. Guerrero. Isang tag-init, pagkatapos niya ng kanyang AB sa Ingles, cum laude, binisita niya ako sa dormitoryo na may bitbit na manuskrito ng isang nobela.

Kahit ipinagmamalaki namin noon ang pagiging malay namin sa mga isyu ng panahon - kung kailan nagaganap ang pagtindi ng McCarthyistang witchhunt, na humantong sa suspensyon ng habeas corpus - hindi kami gaanong napukaw ng nobela ni Sison. May kinalaman ang nobela sa problemang agraryo sa Luzon, sangkot ang mga manggagawa sa tubuhan. Labis na nakalubog ang sentral na tauhan, kaharap ang realidad ng nabubulok na pyudalismo, sa mga ispesipikong detalyeng panlipunan at pangkasaysayan - mga eksena at pangyayari sa isang komunidad na agraryo na hindi maabot ng aming panlasa.

Ito ang unang pagkakataong nakilala ko si Sison. Napatuon nga ang aming atensyon sa witchhunt ng CAFA, ngunit, sa pagbabalik-tanaw, lumilitaw na labis na abstrakto ang aming naging tugon dito. Tinuring namin ang mga McCarthyistang imbestigasyon - kasama ang pagmanupaktura nito ng mga ebidensya; ang iresponsableng paninira sa mga tumututol at ang blaklisting ng mga naiiba ang pananaw - bilang isang uri ng baluktot na pulitika o simpleng kaso ng katangahan. Hindi tuloy namin magawang harapin ng seryosohan ang mga imbestigasyon ng kongreso - panatag kaming mapanghahawakan namin ang aming mga "pagpapahalagang sibilisado" laban sa mga paurong at Pilistinong tunguhin ng ilang mangmang na bahagi ng lipunan.

Labis pa kaming walang muwang. Kinailangan ng isang dekada para makita naming maskara lamang ang pulitika ng McCarthyismo, na kinukubli nito ang kongkretong realidad ng panunupil na sistematikong pinapakawalan sa mga magsasaka at manggagawa na lumalaban para sa desenteng pamumuhay. Makaraan lamang namin nagagap ang mga katotohanan at kongkretong detalye. Pero noong dekada 50 sa Maynila, lalo't higit sa akademya, tumugon lamang kami sa mga imbestigasyon ng kongreso sa napaka-abstraktong paraan, sa antas lamang ng mga prinsipyong pampulitika. Sanhi nito'y hindi namin naturol ang panlipunang realidad na pinagbabatayan ng nagmistulang personal na kabaliwan ng ilang mamamayan at pulitiko.

Tila nagagap na ni Sison - na nagmula sa Ilokos - ang realidad ng siwasyon at, sa kanyang nobela, gumawa ng pagsisikap na ipaloob ang mga prinsipyong pampulitika sa kanilang kontekstong panlipunan at pangkasaysayan - kahawig ng pagkaunawa ni Marx sa materyalismong istoriko sa loob ng diyalektika ni Hegel. Hindi ko nasakyan ang kanyang nobela sanhi ng labis na kongkretong pagkagagap nito sa mga problemang pulitikal ng panahon. Walang makikita doon na banta ng pagkitil ng pagkalalake ng isang Jake Barnes o damdamin ng kawalan ng Jay Gatsby.

Nagsagawa kami ng mga diskusyon at simposyum tungkol sa kalaayan at karapatang sibil, ngunit lumitaw na walang bisa ang aming interes sa kalayaan sapagkat nakaugat sa aming kontra-kumpormismo kaysa sa mga kongkretong panlipunan at pampulitikal na interes.

Ang kahalintulad na diwa ng kawalang-pulitika ang dahilan kung bakit hindi ko kaagad na nakita ang makapangyarihang kalidad ng mga tula sa Brothers nang sinulat ko ang Introduksyon para dito noong 1960.

Marahil, sa pagsusulat ng mga tula sa Brothers, ginamit na ni Sison ang estetikang rebolusyonaryo. Nabibigyang-buhay ang mga tula, hindi ng mga kumbensyon ng panitikan, kundi ng pangangailangang umugnay sa mga realidad ng buhay panlipunan sa Pilipinas. Salungat sa mga kumbensyong pormal ng dekada, minsa'y di na lilikha si Sison ng talinghaga at tuwirang magpapahayag.

Doon sa gitnang dako ng bansa, ang walang masulingang
Bangkay ay pinaggugulpi sa tiyan ng mga puluhan ng riple
("Brothers"/Kapatid)

Ang mga taludtod na mismo ang nagsisilbi bilang mga obhetong korelatibo, sabay na pumapapel kapwa bilang midyum at mensahe. Nagsisilbi sila bilang mga sagisag, hindi ng mga ideya, kundi ng panlipunang aktwalidad.

Walang ibang aklat ng mga tula na sinulat o nilathala sa panahong ito na nakakamit ng kahalintulad na dokumentasyon ng realidad na kinaharap ng aming henerasyon na nasa ugat ng panlipunan at pampulitikang suliranin. Mas malalimang susuriin ang mga lilitaw pang isyu sa darating na mga dekada, at sentral na masasangkot si Sison mismo sa pagsusuri at paglilinaw ng mga kwestyong pampulitika at panlipunan.

Ngunit kahit sa dulo ng dekada 50 pa lamang, tila nagagap na niya ang mga ugat ng ating mga pampulitikang problema.

Mahalaga sa gayon ang Brothers sa komprehensibong pagpapahayag nito ng pagkakaabalahan ni Sison sa hinaharap, yaong kongkretong paglalahad ng mga kontradiksyon sa pambansang realidad, at ang pagtatanghal ng rebolusyon bilang lohikal na solusyon sa pambansang suliranin. Maaaring sabihin na ang mga tula sa Brothers ang nagsisilbi bilang panimulang pagpapahayag ng rebolusyonaryong artikulasyon ni Sison sa kalagayan ng Pilipinas. Mahihinuha na sa "The Imperial Game" (1960), "Last Sunday" (1958), "Carnival" (1959), "Across the Sun-Drenched Square" (1958) ang pambansang persepsyon ng mga panlipunang problema ng Pilipinas na tutugunan lamang ng Pilipinong manunulat sa hulihan ng dekada 60 at dekada 70, habang ang "One Nazarite Rebel" ang magpapakita ng direksyon tungo sa paglaya mula sa umiiral na kalagayang panlipunan.

Ang mahalaga sa "One Nazarite Rebel" ay hindi pa tampok sa kaisipan ng publiko noong 1959: ang ideya ng kakayahan ng mga inaaping iwaksi ang mga tanikala ng kanilang pagkaalipin. Halos nadurog na noong dekada 60 ang Partidio Komunista ng Pilipinas sa ilalim ng mga Lava, at itinuturing na lamang itong "istorbo" o dahilan upang dagdagan ang badyet ng militar. Hindi rin matugunan ng ligal na oposisyon sa mga partidong pulitikal ang papel ng pambansang pamumuno. Higit na nasalalamin ng mga maneobra ng mga partidong Nacionalista at Liberal ang hangarin ng mga oligarkiya na makuha ang panandaliang kapangyarihang pampulitika upang maisulong ang pang-ekonomiyang interes ng sektor nilang kinakatawan o nagtustos sa kanilang mga pampulitikang kampanya. Wala sa guni-guni man lamang ng bayan ang rebelyon o rebolusyon sa positibo't mapagpalayang anyo nito.

Naglathala si Sison noong 1967 ng kalipunan ng mga sanaysay na pinamagatang, Pakikibaka para sa Pambansang Demokrasya. Tinitipon sa aklat ang ilang talumpating binasa sa iba't ibang okasyon hinggil sa mga ispesipikong isyu at problema ng lipunang Pilipino. Maituturing ang mga sanaysay bilang paglalapat sa prosa at sa mga terminong analitikal ng mga esensyal na problemang kinaharap na ng Brothers. Natukoy na ni Sison sa Pakikibaka para sa Pambansang Demokrasya ang tatlong pangunahing ugat ng pambansang problema� (1) Imperyalismong Amerikano (2) ang malapyudal na ekonomiya at relasyong panlipunan na namamayani sa bansa; at (3) ang papel ng burukrata kapwa sa pagsusog at pagdaragdag sa mga problema.

Noong 1971, nailathala ang librong pinamagatang Lipunan at Rebolusyong Pilipino (LRP) ng isang Amado Guerrero. Iginigiit ng militar na sagisag-panulat ni Jose Ma. Sison ang "Amado Guerrero". Kung totoo ito, masasabing si Sison, noong 1971, ang manunulat na may pinakamalawak na impluwensya kasunod ni Rizal.

Kaagad na isinalin ang LRP sa Tagalog at sa iba't ibang wika. Kumalat ang mga piniratang edisyon sa ibayong-dagat. Mabilis ang benta ng libro sa Maynila hanggang sa pagdeklara ng Batas Militar, nang naging mapanganib na mahuling may hawak na kopya nito. Nagmistulang Red book ang LRP sa mga kabataan.

Hindi ko nais magmalabis. Hindi ang LRP ang lumikha ng Sigwa ng Unang Kuwarto. Hindi ito ang dahilan ng pagsigla ng protesta at aksyong masa na binansagan ni Marcos na "national state of rebellion," na sinabi niyang nagtulak sa kanyang magdeklara ng Batas Militar. Nasa ugat ng mga organisadong protesta sa unang mga taon ng dekada 70 ang mga kalagayang pampulitika at pang-ekonomiya, at nang lumitaw ang LRP, masasabing sumiklab na ang Sigwa ng Unang Kuwarto. Ngunit malaki ang inambag ng LRP sa pagsusuri ng pangkasalukuyang mga probelema ng Pilipinas. Tinutulan ng mga akademiko ang sinasabi nilang �labis na simplipikasyon� sa pagsusuri ng mga problema ng Pilipinas sa LRP. Kung nagagap ng LRP ang mga problema ng Pilipinas sa simpleng mga termino, pinahintulutan din nito ang sapat na pag-unawa sa isang masalimuot na sitwasyon.

Nagbunsod nga ng eskwelahan ng kalituhan ang kwestyong kolonyal sa Pilipinas. Nanganak ito ng masalimuot na sanga-sanga ng mga partikular na usapin, na nagkaroon ng napakatinding epekto sa pangkalahatan kung kaya't nakayanan lamang tumugon ng sambayanag Pilipino, sa kabuuan, sa mga maliliit na detalye na tuwirang may epekto sa kanila.

Inilantad ni Recto ang kalagayan ng patuloy na pagiging dependyente ng bansa pagkatapos nito diumanong makamit ang independensya, ngunit nakatutok lamang ang kanyang pagsusuri sa mga usapin ng ugnayang internasyonal at patakarang panlabas. Tumuon naman ang intelihensya, sa kabilang banda, sa istrukturang kultural, kung saan ipinakita nila ang idinulot ng kolonyalismo sa mga pananaw, kaugalian at alaala ng mga Pilipino. Pasalit-salit lamang inatake ng opinyong pampubliko, na tila kumikilos lamang sa mga usaping tuwirang nakakaapekto sa mga buhay ng mga indibidwal, ang pangungurakot sa gobyerno; masasamang kalsada; nakakalat na basura; abuso ng mga pulis; paglaganap ng kriminalidad, atbp.

Maaaring sabihin na nagbigay ang LRP ng direksyon sa pangmalawakang galit noong Sigwa ng Unang Kuwarto. Hinikayat nito tayong balikan ang kasaysayan ng bansa at ang landas na pinagdaanan ng lipunang Pilipino bilang resulta ng kasaysayan ng kolonyalismo.

Walang ibang aklat sa panahon pagkaraan ng digma na higit na naglantad sa katangian ng pyudal na mga kondisyon ng Pilipinas, ang suportang nakukuha nito sa mga imperyalistang interes at kung paano naapektuhan ng mga kondisyong likha ng pyudalismo at imperyalismo ang ating pag-uugali, pananaw, moralidad, at gawi. Walang ibang aklat, sa aking kaalaman, na nagbibigay sa atin ng susi sa pag-unawa ng lipunang Pilipino.

Itong simpleng paglalahad ng realidad ng Pilipinas, kasama ang pagtiwala sa kakayahan ng mamamayan na baguhin ang landas ng kasaysayan at, bilang implikasyon, ng kanilang mga indibidwal na landasin, ang mga dahilan kung bakit naging pangunahing gabay ang LRP sa Sigwa ng Unang Kuwarto at, kung papaniwalaan ang militar, ng kilusang rebolusyonaryo sa kabuuan.

Sa pagbabasa ng mga tula ni Jose Ma. Sison, sa gayon, kinakailangan nating lampasan ang mga katangiang pampanitikan lamang. Hindi ito nangangahulugang wala silang taglay na mga kalidad ng literatura. Nakaugnay ang kabuluhang pampanitikan ng mga tulang ito sa kakanyahan ng kaisipan at kamalayan na nakapaloob sa mga tula o nagbibigay-hugis sa bawat isa sa kanila. Hindi nakakaalpas sa personal na testimonya ng may-akda ang karamihan ng mga tulang nasulat sa loob ng piitan. Makikita ito sa "Kay Selya" ni Balagtas o sa "Mi Ultimo Adios" ni Rizal. Totoong naglalaman ng mga elemento ng personal na testimonya ang mga tulang nasulat sa piitan na kasama ng tomong ito. Ngunit kahit sa mga tulang mas-kumpesyonal, kung saan isinasalaysay ng may-akda sa tila patagong paraan (sa talinghaga ng bangungot) ang kanyang pagkakakulong, nakahiwalay pa rin sa sarili ang damdamin ng pangamba. Nagiging paraan ang pagsasalaysay ng kakila-kilabot na pagpapahirap ng pagtatanghal ng kakayahan ng taong mapangibabawan ang pagpapahirap at pagpapahiya, sa ngalan ng mga kasama, ng paninindigan at ng rebolusyon.

Naobserba dati ng isang kritiko na nanunuot ang diwa ng Diyos sa mga tula ni Teresa ng Avila. Sa kahalintulad na paraan, nanunuot sa panulaan ni Sison ang ideya ng rebolusyon. Maging sa mga tula lamang ng paglalarawan, o yaong nagmimistulang mga laro lamang ng pananalita't talinghaga, hindi maiiwasang maiugnay ang kalikasan o bagay o sitwasyon sa ilang aspeto ng pakikibakang rebolusyonaryo. Sa kilala na ngayong tula na "The Guerilla is Like a Poet," kahit ang mga teknika at taktika ng proseso ng paglikha ay naging mga posibilidad at mga anyo ng rebolusyonaryong armadong pakikibaka.

Itong kalidad ng isip, itong obsesyon sa rebolusyon, ang nagbibigay ng kabuuan sa mga tulang ito. Nakikita na ang katangiang ito kahit sa mga tulang nasulat noong maagang bahagi hanggang katapusan ng dekada 50 at ang mga nalikha sa loob ng kulungan ni Sison.

Noong mga huling bahagi ng dekada 60, sa kanyang mensahe sa PAKSA, tinakwil ni Sison ang ilan sa kanyang unang tula. Ipinalagay niyang may mga tula sa Brothers na bahagi ng ibang panahon, at sa gayon, nagkukulang na sa pampulitika at rebolusyonaryong kabuluhan. Hindi ko matanggap ang ganitong paghusga. Ipinapakita ng lahat ng mga tula sa aklat na ito ang paraan ng pagbibigkis ng proseso ng paglikha sa praktikang rebolusyonaryo, ng pagtugon sa mga kahilingan ng sining at ng mga pangangailangan ng pulitika.

Palaging problematiko ang ugnayan ng panitikan at pulitika sa ating panahon, kahit hindi ito naging usapin para sa mga manunulat na hayagang gumamit ng mga panlipunan at pampulitikang usapin bilang sentral na paksa ng kanilang mga sulatin o para sa kanilang nangunguna ang kwestyong pulitikal sa kanilang estetikang pampanitikan. Totoo, hindi ito naging problema para kay Dante sa pagsusulat ng Divine Comedy, o sa panahong moderno, para sa mga manunulat tulad nina Wordsworth, Byron at, sa pangkasalakuyang panahon, para kina Silone, Sartre o Malraux. Gayumpaman, naging napakahalagang usapin na ito para sa pangkasalukuyang panitikan.

Pangunahing punto ng mga Pormalistang Amerikano ang pagkakahiwalay ng sining at mga usaping pampulitika - itong napakaliberal na grupo, na dahil sa takot sa McCarthyismo, ay nagsikap na siraan ang panitikang sosyalista bilang kategorya ng literatura.

Sa Pilipinas, pinagdebatehan ang isyu ng pulitika at sining mula nang kasuklan-suklam na panahon ng CAFA at lalo pang uminit mula nang Sigwa ng Unang Kuwarto. Sintomas ng kahinaan ng loob ng ilang manunulat, na pagkaraan ng Batas Militar, tila nalunasan na nila ang debate sa panig ng pagkakulong sa estetisismo. Bahagi ng kanilang panlilinlang ang kanilang pahayag na nakumbinse sila ng kanilang maikling karanasan sa pulitika na kailangang pagsilbihan ng manunulat ang mga kahilingan lamang ng estetika ng literatura at wala nang iba. Nawawalan ng kredibilidad ang mga pahayag na ito kapag naiisip ang kanilang pagmamadaling tapusin ang kanilang mga manuskrito para sa mga dedlayn ng mga kontest na inilulunsad ng rehimeng pasista.

Bahagi ng aking patuloy na paghanga kay Jose Ma. Sison ang kanyang katapangang manindigan para sa rebolusyonaryong estetika kahit sa likod ng mga pader ng kanyang solitary confinement at, kahit salungat pa ang mga namamayaning panlasang pang-estetika. Siya, kasama ang iba pang kapanahon tulad nina E. San Juan, Emmanuel Lacaba, Edel Garcellano, at Gelacio Guillermo ay patuloy na nagpunyagi sa paninindigang kailangang may lakas ng loob ang pagsasabuhay ng diwa ng panitikan tulad ng kinakailangan din ito sa mga usaping pampulitika. Kailangang may integridad upang maging manunulat.

Salin ni Bomen Guillermo ng "From Literature to Revolution"

Hosted by www.Geocities.ws

1