|
Ang Pilipinismo'y ang kaisipang magbubuklod sa atin bilang isang bansa, maghihiwalay sa interes natin at ng dayuhan, magtutulak at magbubunsod sa atin upang kumilos, magpunyagi, lumaban at magsakripisyo upang makamit natin ang mga pundamental na adhikain natin, ang kalayaang Pampulitika, Katubusang Pangkabuhayan at Panlipunang Pagkakasundo.
Ang Pilipinismo ay bunga ng ating pakikibaka simula pa noong dumating ang mga kastila. Sa tatlong daang taon ng pananakop halos isang daan ang mga pag-aalsa natin laban sa Kastila.
Ang Pilipinismo ay isang puwersang nabubuo laban sa paninikil, pagsasamantala at pananakop ng sinumang dayuhan sa ating bansa. Kahit na matatalino ang mga Pilipino, ang kanilang katalinuhan ay hindi natutuon sa pagpapalaya ng kanilang sariling bansa kundi sa kanilang mga personal na interes. Layunin ng Pilipinismo na linangin ang pagkakaroon ng maraming Pilipinong may malasakit, pakikisangkot at komitment sa interes ng kabuuan at hindi lamang pansariling interes na madaling kasangkapanin ng mga dayuhan laban sa pambansang interes ng mga Pilipino.
PARTIKULAR NA LAYUNIN NG PILIPINISMO
Ang nararapat na oryentasyon ng anumang ideolohiya na naglalayong maging siyang ideolohiya ng mga Pilipino at para sa mga Pilipino ay ang tunay na pagkamakabayan, ang ganap na esensiya ng pagiging isang bansa. Sa kasamaang palad, ang umiral na ideolohiya ng 'nasyonalismo' dito sa Pilipinas ay naging bihag ng mga dayuhang interes at pag-iisip lalung-lalo
na ng imperyalistang Amerikano at ng dalawang Partido Komunistang maka-Ruso at maka-Tsino. Ang katubusan at kaunlarang pambansa ay lagi na lang isinasabit sa pagkiling sa alin man sa kanila. Ang 'nasyonalismong' ipinangangalandakan ng bawa't isa ay mapanghati at hindi mapagkaisa.
Kailangang hubugin at buuing muli ang kilusang makabayan, palayain mula sa kamay ng mga dayuhan at dayuhang kaisipan at itatag ang isang panibagong kilusang ginagabayan ng Pilipinismo, isang malaya at demokratikong kilusang mangingibabaw sa makitid na pananaw ng mga partidong pampulitika.
Ang Pilipinismo ay bunga ng isang daang pag-aalsa laban sa Kastila at ng Rebulusyong 1896. Nagkaroon ito ng malinaw na porma at kaanyuan sa kamay ni Rizal, del Pilar, Bonifacio, Jacinto at Mabini at iba pang bayani na nagbuo at nagbalangkas ng ating kabansaan.
Nalugmok ang Pilipinismo pagdating ng kano at ang patuloy na paglalahad at pagsasabuhay dito sa publiko ay isinagawa ng mga lider Pilipino katulad nila Recto at Laurel. Isinabuhay din ito nina Diokno, Lichauco, Ta�ada at Constantino. Si Ta�ada sa bandang huli ay naging kiling sa kaliwa na nakahanay sa CPP, samantalang si Constantino ay tahasang gumamit ng Marxismo sa pagsusuri ng lipunan at naging higit na malapit sa pulitika ng liberal na paksiyon ng mga Marxista.
Nasapawan ang pag-unlad ng Pilipinismo ng paglakas ng kilusang komunista mula noong 50's hanggang sa panahon ni Marcos na kung kailan ang mga puwersang sumusuporta sa gobyerno ay nagsimulang bumanggit ng mga prinsipyo ng Pilipinismo sa pamamagitan ng Kaisipang Pilipino. Maging ang mga ideolog ng Reform the Armed Forces of the Philippines Movement o RAM na nagrebelde laban kay Marcos ay gumamit din ng Kaisipang Pilipino batay sa kanilang guidebook, Crossroads to Reform. Sa partikular, ay ginamit ng RAM ang prinsipyo ng Demokratikong Rebolusyon mula sa Gitna upang pumalaot sa proseso ng pampulitikang pagbabago sa bansa. Ang Rebolusyong EDSA ay matingkad na ehemplo kung papaanong ang esensiya ng Pilipinismo ay lumalagpas sa interes ng iisang partido.
Sa pamamagitan ng Kaisipang Pilipino, nagkaugat ang Pilipinismo sa hanay ng mga empleyado ng pamahalaan at mga kasapi ng barangay. Sa isang banda naman, maging si Cory Aquino noong kumakampanya pa lamang siya para sa pagkapangulo ay gumamit ng mga islogang batay sa Pilipinismo na ginagamit din ng Kaisipang Pilipino : Maka-Diyos, Makabayan at Makatao. Pati na ang Partido Demokratiko Sosyalista ng Pilipinas (PDSP) ay nagsimulang bumagay sa Pilipinismo sa kanilang programa. Ang kanilang demokratikong sosyalismo ay ginawa nilang Demokratikong Sosyalismong Pilipino. Maging ang muling pinag-isang Nationalista Party ng 1989 ay may programang Pilipinismo na nakabatay sa mga kaisipan nila Dr. Jose Laurel,Sr. at Claro M. Recto. Maging ang taktikal na programa ng CPP, ang pambansang demokratikong rebolusyon, ay pagkilala at pagsasamantala lamang sa pro-Pilipinismong tendensiya ng mga mamamayan. Sa katunayan, ang magiging pinakamalaking problema ng CPP ay kung papaano nila babasagin ang tinatawag nilang "makitid na nasyonalismo" ng Pilipinismo.
Samakatuwid, kinakatawan ng Pilipinismo ngayon ang pinakamataas na antas at pinakamalawak na pag-unlad ng kaisipang makabayan at maka-Pilipino na ganap na pinalaya sa
kamay ng mga dayuhang makapangyarihan. Ang Pilipinismo ngayon ang may kakayahang sumagupa sa Komunismo at Imperyalismo na kapwa dayuhang ideolohiya. Para sa komunista, ang kanilang ideolohiya at partido lamang ang dapat umiral, habang para sa isang naghaharing imperyalista naman ang pagkakaroon ng marami at mapaghating ideolohiya at partido sa isang bayan ay pabor sa pagmimintina nila ng kanilang kapangyarihan dito. Ang Pilipinismo ay kumikilala sa ganap na demokrasya na kung saan hindi iisang partido lamang ang may laya at karapatan. Katulad ng nakagisnan sa Rebolusyong 1896, ang bandila ng Pilipinismo ay hindi pag-aari ng iisang partido o paksyon lamang. Matatandaan na nang magsimulang umiral ang paksyonalismo sa pagitan nila Bonifacio at Aguinaldo sampu ng iba pa, ang Pilipinismo ay nagsimulang mawalan ng buwelo at humina sa harap ng bagong dayuhang mananalakay.
Sa punto ng pagiging orihinal, batayan sa kasaysayan, pagiging tunay na Pilipino, pagtanggap ng tao at katumpakan sa pag-aanalisa sa kalagayan ng ating bansa, ang Pilipinismo
ang pinakasuperyor sa lahat ng mga ideolohiyang nagtutunggali ngayon sa lipunang Pilipino. Ang Pilipinismo ang pinakamapagkaisa sa malawak na hanay ng mga mamamayan.
Ang Pilipinismo ay nakaugat ng malalim sa proseso ng pagkatatag ng Kabansaang Pilipino noong 1896 at nang unang Republika ng Pilipinas noong 1898. Kahit na hindi nakumpleto, ito ang kauna-unahan, tunay na ekspresyon ng Nasyonalismong Pilipino sa panahon na iyon. Ito ay isang maikling panahon ng pambansang kadakilaan nang mahigitan natin ang lahat ng mga sakop na bansa sa Asya at Aprika sa pakikibaka laban sa kolonyalismo.
Upang hubugin ang lipunang batay sa Pilipinismo ay kailangang matukoy ang mga kamalian sa nakaraan at iwasto kaagad. Kung hindi, ang kilusang makabayan ay magpapatuloy na mabuway at bihag ng mga dayuhan laban sa ating tunay na pambansang interes.
MULA SA NASYONALISMO TUNGO SA PILIPINISMO
Ang Rebolusyong 1896 ay hindi nagkaroon ng pagkakataong magkabunga dahil sa pagdating ng isang bagong uri ng kolonyalismong salig sa kapitalistang sistema ng ekonomiya na mas maunlad sa kolonyalistang Kastila na salig sa piyudalismong sistema ng ekonomiya. Ito ang neokolonyalismong Amerikano o imperyalismong Amerikano. Ngunit bago nangyari ito nailatag ang pundasyon ng ating kabansaan at ideolohiya ng Pilipinismo. Ito ang di-mapapasinungalingang pruweba na mayroon tayong sariling ideolohiya. Sapagkat kung may bansang Pilipino na nabuo tiyak na mayroong ideolohiyang gumabay dito sampu ng mga pag-aalsa na naging malawak na pambansang himagsikan noong 1896. Ang pag-iral ng isangbansa'y kondisyon para sa pag-iral ng isang ideolohiya.
Sa ilalim ng pananakop ng mga Amerikano, sinikap ni Mabini na panatilihing buhay ang Pilipinismo. Ito ang gumabay at nagbunsod sa Rebolusyong Pilipino laban sa Amerikano na sana'y nagpatuloy sa isang gerilyang pamamaraan batay sa ideya ni Gen. Antonio Luna. Ang Pilipinas ang unang Biyetnam sa Asya na kung saan maraming pinaslang na mga Pilipino ang mananakop na mga Amerikano.
Ipinagpatuloy ni Recto ang tradisyong sinimulan ni Mabini pagkatapos ng halalan noong 1946. Ngunit naging malinaw lang sa kanya ang Pilipinismo noong 1950 hanggang 1962 noong mamatay siya. Ang pagkakamali ni Recto'y pagdepende niya sa kanyang personal na prestihiyo at hindi ang pagbubuo ng isang kilusang pangmasa na may pambansang saklaw na abot ang iba't-ibang sektor ng lipunan pati na ang pinakamahirap. Ang kanyang kakulangan at kahinaan ay ang kawalan niya ng pleksibilidad sa taktika bilang isang pulitiko at ang kanyang pagiging aristokrata dahil sa pagiging intelektual at uri niyang pinanggalingan na sadyang malayo sa masa.
Kahimat ang Rebolusyong 1896 at Republika ng Malolos ay hindi nakontrol ng mga dayuhan, nawala ang kanyang pangmasa at Pilipinistang karakter nang mapasakamay ng mga ilustrado sa pamumuno ni Aguinaldo ang rebolusyon ng masa na nagsimula sa ilalim ni Bonifacio. Ito ang nagpabilis sa pagkalaglag sa kamay ng Kano ng Rebolusyon sampu ng hukbo ni Aguinaldo. Ang mabuway na karakter ng mga ilustrado na madaling magpagamit sa dayuhan ay lumitaw sa mga umusbong na kilusang "makabayan."
|