Balita
Sa isang position paper na may pamagat na Critical Agenda to Move our Country Forward sinabi ng may 42 batikang ekonomista ng bansa na kinabibilangan ng mga dating pinuno ng NEDA na sina Cielito Habito, Solita Monsod at Gerardo Sicat na ang mga sanhi ng mabagal na pag-unlad ng ekonomiya ng bansa ay kriminalidad, bureaucratic red tape at corruption, luma at masamang infrastructure, lumalalang problema sa kalinisan at kalikasan at mabagal na reporma sa ekonomiya. (The Philippine Star, Feb.13, 2002) Katiwalian at Kahirapan
Ang mga binanggit na sanhi ay maipagsasama-sama mo sa dalawang isyu: katiwalian at kahirapan.
Ang kriminalidad ay dulot ng kahirapan sa lipunan at katiwalian sa pamahalaan. Ganun din ang suliranin sa kalinisan at kalikasan. Ang masamang kalagayan ng mga kalye at ibang imprastruktura sa bansa ay dulot din ng katiwalian sa pamahalaan. Ang mabagal na reporma sa ekonomiya ay sanhi ng katiwalian sa pamahalaan at lipunan na pumapatay sa anumang inisyatiba na maisaayos ang takbo ng pamumuhay sa bansa.
Ang katiwalian ay kawalan ng pagmamahal sa bayan. Hangga't may katiwalian hindi epektibong malalabanan ang kahirapan. Kailangan ang pagmamahal sa bayan upang maigupo ang kahirapan.
Ang puso ng mga mahihirap ay may likas na pagmamahal sa bansa. Sila ang nakararaming mamamayan na umaasa lang sa anumang maibibigay ng isang malaya at malakas na bansa para sa kanilang kinabukasan. Di sila tulad ng mayayaman na maaaring mangibang-bayan upang umiwas sa gulo dito sa ating lipunan.
Kagaya ng dati, binanggit na naman ng mga ekonomista ang suliranin sa lumalaking populasyon bilang isang balakid ng pag-unlad ng bansa. Ang ibig nilang sabihin ay dumadami ang mahihirap. Dumadami ang walang hanapbuhay at kumakapal ang mga tirahan ng mga maralitang tagalunsod.
Tanging isang rebolusyonaryong programa lamang ng reporma sa lupa at pabahay para sa mahihirap ang susi sa matatag na pag-unlad ng ekonomiya ng bansa sa pangmatagalan.
Sa 35 bilyong pisong ibabayad ng gobyerno para sa Poverty Eradication Alleviation Certificates (PEACE bond) na pinakulo ng CODE-NGO ay marami na sanang tirahan para sa mahihirap ang magagawa! Kaya palang magtalaga ng pondong ganito ang gobyerno bakit di pa sa tamang paraan. Ito ay klarong halimbawa kung papaano ang katiwalian, anumang bihis na maganda nito, ay humahadlang sa pagsulong ng bansa. Sa pagkakataong ito sinangkalan pa ng katiwalian ang kahirapan!
Victorio Labrador
Maralitang Tagalunsod
Maynila
13 Pebrero 2002
Balik sa Unang Pahina
|