|
Ang Papel ng Demokratikong Oposisyon sa Demokrasyang Pilipino.Ang papel ng demokratikong oposisyon ang siya mismong batayan ng kanyang pananalig sa demokrasya. Ito ang manipestasyon ng kanyang pakikiisa para sa isang mapayapa at demokratikong kaayusan. Sa ayaw man natin o sa gusto ang pagsampa ni Gloria Macapagal-Arroyo sa kapangyarihan dahil sa EDSA II ay nasuportahan mismo ng pagtanggap ng kasalukuyang oposisyon sa kanyang papel na ito sa pumalit na gobyerno. Bagama't may mga elemento pa rin sa oposisyon ang hayagang nag-uungkat sa kontrobersyal na pagkakalagay ni Arroyo sa kapangyarihan, pumaloob naman sila sa istruktura ng gobyernong Arroyo at nagpailalim sa mga batas na pinaiiral nito. Sa isang demokratikong kaayusan, ang papel ng oposisyon ay mahalaga. Alisin mo ang demokratikong oposisyon at ang matitira ay diktadura at tiraniya, kalagayang nagbibigay katarungan sa rebelyon at marahas na tunggalian. Ang Pagkakaisang Pilipino ay hindi nangangahulugan ng pagkukutsaba ng mga partido para sa kanilang mga sariling kapakanan. Ang igiit na ang pagsama sa koalisyong pulitikal na sumuporta sa gobyernong Arroyo ay isa lamang pagsuporta sa pagkakaisa ng bansa ay may katuwiran. Sa isang banda may katuwiran din na sabihing ang pagtanggap ng demokratikong oposisiyon sa kanilang natatanging papel sa kasalukuyang kaayusan ay pagsuporta din sa pagkakaisa ng bansa. Ang pamimili ng panig ng mga partido ay may kaakibat na responsibilidad. Ang mga pumili sa panig ni Arroyo ay may pananagutang moral at pulitikal sa lahat ng mga katiwalian at maling patakaran at direksyon ng gobyernong pinamunuan nito. Ano ang dapat pagkaisahan ng lahat ng panig sa isang demokratikong kaayusan? Ang tanging kahilingan ng mahihirap ay sapat na proteksyon at nauukol na pakinabang mula sa mga umiiral na batas. Kung naibibigay ito ng gobyerno walang dahilan ang oposisyon upang mag-ingay at sumalungat. Nguni't kung ito ay hindi naibibigay, bagkus ang inuuna ay mga sariling kapakanan ng mga nanunungkulan at kanilang mga alipures, tungkulin ng oposisyon ang mag-ungkat at humingi ng pagtutuwid. Sa Demokrasyang Pilipino ang dapat pagkaisahan ay kabutihan ng bayan hindi ang partihan. Katiwalian o korupsyon ang pangunahing dahilan kung bakit ang mga batas ay hindi napapairal nang lubusan. Ang kakulangan sa pondo, ang talamak na pagsuway sa batas, at ang kawalan ng respeto sa gobyerno ay mauugat lahat sa katiwalian. Hindi ang porma ng pamahalaan ang mag-aalis sa mga problema ng bansa katulad ng laganap na katiwalian at kriminalidad. Hindi ang pagsasabwatan ng mga partido. Hindi ang pagmamanipula ng halalan. Ano ngayon ang mga pangunahing tungkulin ng demokratikong oposisyon hinggil sa gobyernong Arroyo? Matutukoy ang mga ito kung pag-aaralan ang mga sunod-sunod na pangyayari sa ilalim ng gobyernong ito. Ang unang dapat isipin ay ang pagbabago ng deklarasyon ni Arroyo hinggil sa pagtakbo sa 2004. Ayon kay Senador Pimentel na isinama ni Arroyo sa kanyang biyahe sa Estados Unidos, ang mga higanteng negosyong Kano ang nagtulak kay Arroyo upang bawiin ang kanyang pangako na hindi na tatakbo sa 2004. Pangalawa, kaalinsabay ng pagdedeklara ng kanyang pagtakbo sa 2004, ipinahayag ni Arroyo ang suporta niya sa pagbago sa Saligang Batas. Bagama�t sinasabi ng kampo ni Arroyo na uunahin muna nilang baguhin ang porma ng gobyerno bago ang iba pang nilalaman ng Saligang Batas, nagdeklara si Pangalawang Pangulong Guingona ng pagtutol dito dahil aniya ang talagang direksyon ay ang pag-aalis ng pinakahuling proteksyon ng bansa upang mapanatili ang likas na yaman nito sa kamay ng mga Pilipino. Pangatlo, may mga indikasyon na ang sistema ng hustisya sa bansa ay napasok na ng pulitika at nagagamit ito laban sa mga sumasalungat sa pananatili ni Arroyo sa kapangyarihan. Dahil dito lalong hindi napapatupad nang lubusan ang batas laban sa katiwalian at kriminalidad. Ang talamak na katiwalian sa gobyerno ang isang dahilan kung bakit si Guingona ay kumalas sa partido ni Arroyo. Pang-apat, sa mismong diyaryong sumusuporta kay Arroyo, ang Philippine Star, ay minsang naging headline ang sinabi ng isang opisyal ng Comelec na hindi binanggit ang pangalan, tungkol sa maaaring kaguluhan sa eleksyon ng 2004 dahil sa palpak na implementasyon ng programang modernization nito. Sa katunayan may mga kasong isinampa sa korte hinggil sa mga anomalyang pumapaloob hinggil dito. Sa maikling pananalita, si Arroyo ay gustong panatilihin sa kapangyarihan ng mga dayuhang interes at wala silang pakialam kung ang kanyang pinamumunuang gobyerno ay puno ng mga anomalya at katiwalian. Ang pangunahing tungkulin ng demokratikong oposisyon ay labanan ang pakikialam ng mga dayuhan sa mga panloob na usapin ng bansa. Kung si Arroyo ang pangunahing kaalyado ng mga nanghihimasok na mga dayuhan, ang pagpigil sa pananatili niya sa kapangyarihan ang kagyat na tungkulin ng demokratikong oposisyon. Hindi magagawa ito kung magpapatuloy ang pagsasabwatan ng mga partido para lang sa kanilang mga sariling kapakanan at babalewalain ang mga anomalya sa loob ng gobyerno. 6 Oktubre 2003
|