|
Davide at Hustisya
Maraming kapupulutang aral ang masang Pilipino mula sa panayam na ginawa kay dating Senador Jovito Salonga sa ANC channel kagabi. Si Salonga ay tinitingalang eksperto sa batas ng marami lalong-lalo na ng mga kaalyado ng mga grupong EDSA I at II.
Sinabi ni Salonga na hindi daw dapat diktahan ng mga pangnegosyong interes ang pulitika at hukuman sa bansa. Ito ay binanggit niya bilang patutsada kay Danding Cojuangco na sinasabi nilang nasa likod ng impeachment na pinamunuan ng kanyang partido, ang Nationalist People's Coalition.
Ang hindi binanggit ni Salonga ay maaari ring sabihing ang nasa likod ng pagkakaupo ni Davide bilang Punong Mahistrado ng Korte Suprema ay pangnegosyong interes din. Hindi ba ibinulgar ni Erap na ang isang nagtulak sa pagkakatalaga kay Davide bilang Punong Mahistrado ay si Lucio Tan, isang kilalang malaking kakompetensiya ni Cojuangco sa negosyo? Alam ito ni Erap dahil siya mismo ang nagtalaga kay Davide.
Idinagdag ni Salonga na kaya raw hindi sinuportahan ng grupo ni Cojuangco ang naunang impeachment na inihain ni Erap laban kay Davide ay dahil daw madadamay ang ilang mahistrado na maka-Cojuangco. Ang ibig bang sabihin ni Salonga na sa Kataastaasang Hukuman ay may mga kinikilingang interes ng mga mayayaman at makapangyarihan?
Mula sa bibig mismo ng isang tinitingalang personahe ay natututunan ng masang Pilipino kung anong hustisya mayroon sa ating bansa!
Ang hinahanap ng masang Pilipino ay pantay na pagpapatupad ng batas kung isasantabi muna ang isyu ng mga batas na para sa kanila katig sa mga mayayaman at makapangyarihan.
Para sa masang Pilipino ang batas na ginamit kay Erap ay siya ring batas na dapat gamitin kay Davide. Hindi isyu para sa kanila kung anuman ang tunay na layunin sa likod ng impeachment laban kay Davide. Ang isyu ay kung nasusunod ba ang batas sa impeachment. Kung naaayon sa batas ang impeachment laban kay Davide, gaano man kaganda o kalinis ang kanyang nakaraan, hindi dapat ito pigilan ng sinuman. Kung hindi, lalong titibay ang paniwala ng masang Pilipino na ang hustisya sa bansa ay may kinikilingan, hindi ang mahihirap kundi ang mayayaman at makapangyarihan.
|