Balik sa Unang Pahina

Rebelyon ng Mahihirap, Diwa ng Pagiging Pilipino sa Kasalukuyan

Ika-1 ng Mayo 2002

Sa pagkakulong ni Ronald Lumbao, isang lider ng mga maralitang tagalunsod, ipinakita lamang ng pamahalaang Arroyo ang kawalan nito ng paninindigan para sa mga mahihirap. Samantalang ang mga elitistang miembro ng COPA ay nagpaplano nang ibagsak siya at palitan na ng isang military-civilian junta, minabuti pa rin ng pamahalaang Arroyo na makipagsabwatan sa kanila para pigilin ang rumaragasang alon ng pag-aaklas ng mga mahihirap.

Muli ang mga elitista sa lipunang Pilipino na pinamumunuan ng mga kumprador burgesya ay nagkakandarapa sa paghanap ng solusyon sa mga malalaking problema na kinakaharap ng pamahalaang kanilang iniluklok.

Nguni't hindi na makapapayag ang nakararaming mamamayang mahihirap na ang mga kumprador burgesya sa Makati ang magdikta ng kasaysayan ng lipunang Pilipino.

Sa simula't simula ang mga kumprador burgesya ang nagtatakda ng tahakin ng ating ekonomiya at ginagamit ang kanilang lakas pang-ekonomiya upang impluwensiyahan ang takbo ng pulitika sa bansa.

Sila ang dahilan kung bakit ang Pilipinas ay nanatiling tagaangkat lamang ng mga produktong banyaga. Sila ang dahilan kung bakit ang ating agrikultura ay napabayaan at milyung-milyong mga katulad nating maralitang tagalunsod ang napilitang umalis mula sa probinsiya at mamuhay bilang mga "squatter" sa sariling bayan.

Sa pamumuno ng mga kumprador burgesya naging bihag tayo ng mga malalaking negosyong dayuhan. Tubo lamang ang mahalaga sa kanila - tubo sa dolyar, tubo sa pagbebenta ng "stocks" at tubo sa pagmamanipula ng ekonomiya ng bansa!

Dahil sa mga kumprador burgesya nagkaroon tayo ng mga Presidenteng tulad ni Gloria Macapagal-Arroyo na sumasamba sa mga patakarang dikta ng mga higanteng negosyo sa mundo. Dahil sa kanila, naging matatakutin ang Pilipinas sa pagbaklas ng puhunang dayuhan. Anuman ang naisin ng mga dayuhang kapitalista nanginginig pa ang tuhod na sinusunod nila ang mga ito maging ito ay mangahulugan ng pagbalewala sa Saligang Batas ng bansa.

Bago pa man sumabog ang mga akusasyon ni Chavit Singson laban kay Erap noong 2000, nagliparan nang palabas ang kapital na dayuhan sa pamamagitan ng stocks exchange. Bakit umalis ang puhunang ito? Isa lang ang sagot -- mas malaking tubo sa labas. Sa loob lamang ng unang anim na buwan noong taong yaon P100 bilyong pisong halaga ng puhunan ang umalis ng bansa upang tumaya sa lumalakas na dolyar. Basta para sa kanilang tubo wala ni anumang katiting na konsiyensiya ang puhunang dayuhan. Ganoon pa man ang ekonomiya ng bansa ay lumaki pa rin ng mga limang porsiyento sa third quarter ng 2000. Ito ay pagpapatunay lamang na ang lakas ng ating ekonomiya ay nasa panloob na kaayusan na kung saan ang lahat ng puhunan, lokal man o dayuhan, ay konkretong nakataya sa produksiyong pinakikinabangan ng bayan. Mas mainam kung ang pambansang puhunan ay lagi nang nangingibabaw.

Huwag pagtakhan kung bakit ang mga alipures ng mga kumprador burgesya sa Makati ay nagwala at nakipagsabwatan maging sa mga grupong dati nang kalaban nila. Kailangan nila ng masisisi sa pagbagsak ng stocks market. Matapos nilang kumita sa paglipad ng dayuhang kapital pinapaniwala nila ang mga tao na ang pagpapatalsik kay Erap ang magpapabalik sa mga nagliparang puhunang dayuhan, at si Erap ang kontrabida at sanhi ng krisis sa ekonomiya.

Ang puhunang dayuhan naman ay kailangan din ng palusot para mapagtakpan ang kanilang likas na katangiang mapagsamantala. Gusto pa nilang palabasin na sila'y kaisa sa isang kilusang reporma kaya ibig nilang tanggalin si Erap sa puwesto. Walang dudang babalik pa rin ang mapagsamantalang puhunang dinidiyos ng mga kumprador burgesya sa takdang panahong kikita na naman sila. Kung noon ang buhay ng mga kumprador burgesya ay nakasalalay sa pag-angkat ng mga produktong gawa sa labas ng bansa, ngayon naman ito ay nakakabit sa pagpasok-labas ng puhunang dayuhan.

Sino ang mga kumprador burgesya sa buhay nating maralitang tagalunsod? Sila ang humaharang sa isang rebolusyonaryong programa na tutugon sa magkakambal na usaping repormang agraryo at maralitang tagalunsod.

Sa dikta ng mga higanteng negosyong dayuhan sa pamamagitan ng World Trade Organization-General Agreement on Trade and Tariff at ng World Bank-International Monetary Fund hinaharang ng mga kumprador burgesya ang paggamit ng pondo at pag-aari ng gobyerno upang mabigyan ng sariling lupa ang mga magsasaka at mga tirahan ang mga maralitang tagalunsod.

Sa tingin ng WTO-GATT at WB-IMF ang paggamit ng pondo at pag-aari ng gobyerno para sa repormang agraryo at pabahay para sa mga maralitang tagalunsod ay "unfair trade practices" o pagbibigay ng ipinagbabawal na "subsidy" sa mga produktong Pilipino! Kaya dapat itong harangin sa anumang paraan!

Ang kinatatakutan ng mga dayuhang kapitalista ay ang repormang agraryo at pabahay para sa mga maralitang tagalunsod na magiging susi sa pagsulong ng ekonomiya ng Pilipinas! Ang repormang agraryo at pabahay para sa mga maralitang tagalunsod ang sikreto ng matagumpay na ekonomiya ng Japan, South Korea, Hong Kong, Singapore, Taiwan at lalong-lalo na ng China. Ayaw nila ng isa pang kakumpetensiya nila. Ayaw nila sa pag-unlad ng Pinoy. Gusto nilang manatili na lamang tayong tagabili ng kanilang produkto.

Dapat nang tigilan ang pagturing sa ating mga maralitang tagalunsod bilang basura ng lipunan.

Dapat nating ipagdikdikan na anumang pagtaas ng mga tradisyonal na sukatan ng ating ekonomiya ay laging nababale-wala ng mga larawan ng pagdarahop at karumihan sa mga "slums." Ilang beses nang siniraan ng Time o Newsweek ang anumang pag-abante ng ating bansa sa ekonomiya sa pamamagitan ng paglathala sa mga larawan ng Smokey Mountain o ng Payatas. Ginagamit pa mismo ng mga dayuhan ang kaso nating maralitang tagalunsod upang siraan ang bansa!

Dapat nating ipaglaban na ang magkatuwang na agraryong reporma at pabahay para sa mga maralitang tagalunsod ang susi ng pag-unlad ng bansa. Kinakailangang mabigyan ang mga ito ng pangunahing konsiderasyon sa pondo ng gobyerno. Ito ay magiging isang rebolusyonaryong panukala. Ito ay pagtaya sa nakararaming mahihirap hindi lamang upang higit na maging produktibo ang ating mga mamamayan kundi upang maging malaya din tayo mula sa dikta ng mga dayuhan.

Sa kontrobersiya na kinaharap ng administrasyon ni Erap, nagkataon lang kaya na ang mga nagsusulong ng programa para sa repormang agraryo at pabahay para sa mga maralitang tagalunsod na kinabibilangan din ng mga dating rebelde ang gumitna sa labanan? Sa palagay ko'y hindi.

Nang iniluklok ng masa si Erap sa Panguluhan ng bansa, ito ay isang tahasang pagsalungat sa dikta ng kumprador burgesya na nakasentro sa Makati. Hindi lingid sa masa ang mga isyung imoralidad at nakatagong yaman laban kay Erap. Mas binigyan lamang nila ng higit ng pangunahing pansin ang isyu ng kahirapan at ang mga batayang sanhi nito. Ilang Presidente na ang nangangalandakan na sila ay maka-Diyos at moral nguni't hindi nagkaroon ng lakas ng loob na manindigan para sa mahihirap sa harap ng pambabraso ng mga higanteng negosyong dayuhang pinamumunuan ng mga imperyalistang Amerikano. Ang kawalan ng lakas ng loob na manindigan para sa mahihirap sa oras ng pagtutuos laban sa malalaking kapitalista ang bumabalewala sa anumang sukatang pangmoral na ibinabandera ng mga nakakaangat sa lipunan. Sa pagmamaniobra ng mga kakampi ng walang patid na tubo sa negosyo ang mga mahihirap ay natutong kumapit sa patalim.

Bakit nga ba hindi babatain ng masa si Erap e bida nila ito sa pagsupalpal sa mga elitistang kumprador burgesyang tagasunod ng Kano! Kasama si Erap sa nagpatalsik sa mga base militar ng Kano. Inuna pang bisitahin ni Erap ang China kaysa US nang siya ay maging Pangulo. Sa umpisa pa lang tagilid na si Erap sa mga Kano at sa mga alipures nito.

Mukhang kinabahan ang mga burgesyang kumprador nang malaman nilang may seryosong galaw sa ilalim ng administrasyong Erap upang mapatupad ang isang maka-mahirap na programa ng gobyerno. Nagkataon lamang kaya na ang mga kaguluhan at pananabotahe ng mga burgesyang kumprador sampu ng kanilang mga kabig na pulitiko ay nag-umpisa matapos mailatag ang National Anti-Poverty Action Agenda na binuo sa pagkakaisa ng pamahalaan at ng mga basic sectors? Bagama't hindi perpekto, ito ay isang legal at lehitimong dokumento na magagamit ng sambayanang Pilipino upang itulak ang gobyerno na ikawing ang lahat ng gawain nito sa panig ng mahihirap bilang estratehiya ng pangkalahatang pag-unlad. (Binale-wala ng gobyernong Arroyo ang dokumentong ito dahil daw ito ay gawa ng mga bata ni Erap. Mga bata ni Erap? E pinaglaban din ng mga basic sectors ang dokumentong ito sa loob ng gobyerno ni Erap! Hindi ito basta ibinigay! Ginamit kami ni Erap? Ginamit din namin siya!)

Ang Pang-iinsulto sa mga Maralitang Tagalunsod

Tinawag tayong bayarang "lumpen" ni Joma Sison, pinuno ng CPP-NPA, dahil hindi sa mga rali ng kanyang mga tagasunod tayo sumasama. Kunwa ay hindi niya alam ang pagtanggap ng kanyang mga kasamahan ng kung ilang milyong piso buhat sa mga grupong laban kay Erap para sa pagdaraos ng walang tigil na kilos protesta at pananabotahe ng pang-araw-araw na pamumuhay sa mga sentrong bayan noon! Masama ang tingin ni Joma sa atin dahil ayaw nating yakapin ang kanyang ideolohiyang komunista at sumunod sa landas ng kanyang madugong pakikibaka. Hindi kailanman masosolo ni Joma ang kaalaman hinggil sa lipunang Pilipino o mararamdaman ang tunay na loobin ng mga mamamayan dito lalo na't walang kahirap-hirap siyang naninirahan sa kabilang panig ng mundo.

Tinawag tayong "istupido" ng mga nagdudunung-dunungang kolumnista dahil ayaw nating bigyan ng pansin ang anila'y mga mas mahalagang isyu sa ating lipunan. Pinipilit nila tayong tanggapin ang kanilang linya na si Erap ang naging pangunahing sanhi ng kahirapan sa bansa. Bagama't binabanggit nila paminsa-minsan ang pangkasaysayang ugat ng kahirapan, hindi naman nila matanggap na tayong mahihirap ay marunong ding maghanay ng mga estratehiya at taktika ng ating pakikibaka. Alam nating mahihirap kung ano ang kapaki-pakinabang para sa atin sa isang takdang panahon.

Sino silang magsasabi sa atin ng kasaysayan ng ating kahirapan! Walang higit na nakakaalam nito kundi tayo mismong mga mahihirap dahil ito'y naging buhay ng ating mga ninuno at pamilya na umusbong sa mga kanayunan at lumikas patungong kalunsuran dahil sa kakulangan ng ikabubuhay.

"Lumpen" o yagit ng lipunan. Iyan ang bansag sa ating mga maralitang tagalunsod. Hinahanay tayo sa mga kriminal, sa mga halang ang bituka, sa mga sugapa sa droga at sa mga walang direksyon ang buhay, mga taong nagkalat at namugad sa mga lugar na ating tinitirhan. Sila ang pinakamasamang produkto ng kahirapan. Nguni't hindi sila ang nangingibabaw sa hanay ng mahihirap.

Sa mga lugar tirahan ng mga maralitang tagalunsod, nangingibabaw pa rin ang damdaming kinikimkim ng mga nagbubungkal ng lupa at nagpapatakbo ng mga industriya sa ating lipunan. Dito nagkumpulan ang mga manggagawang kapos ang kinikita at mga magsasakang nahiwalay sa lupang kanilang pinagyaman. Ang mga lugar ng maralitang tagalunsod ay unti-unting naging larangan ng pang-araw-araw na pakikibaka para sa makataong pamumuhay.

Mula sa kaisipan ng mga magsasaka natutunan nating mga maralitang tagalunsod ang kahalagan ng pagkakaroon ng karapatan sa lupang kinabubuhayan. Mula sa kaisipan ng mga manggagawa natutunan naman natin ang kahalagahan ng pagkakaisa at sama-samang pagkilos upang maipaglaban ang mga karapatang ito.

Kaya nga ba iba't ibang samahan ng mga maralitang tagalunsod ang nagsulputan. Laha't ng mga ito'y naglalayong ipagtanggol ang kanilang mga tirahan at isulong ang pakikibaka para sa makataong pamumuhay.

Hindi dapat pagtakhan kung bakit ang mga maralitang tagalunsod ay tumangging puwersahin si Erap na magbitiw bilang Pangulo. Kalalatag lamang noon ng National Anti-poverty Action Agenda sa pagsisikap ng pinag-isang grupo ng mga kinatawan ng gobyerno at mga mahihirap. May konkretong pagkakataon sana noon ang mga mahihirap upang magtulak ng mga panukalang tutugon sa mga kagyat at pangmatagalang mithiin nila. Ito ang higit na mahalaga, hindi ang pag-upo ni Gloria upang paunlakan lamang ang mga kumprador burgesya na nakasentro sa Makati. Sawa na ang mahihirap sa mga pangako ng mga kandidato at aspirante sa gobyerno. Ang kailangan ng mga mahihirap ay mga desisyon ngayon hindi pagkatapos ng laban o eleksiyon! Naniningil pa ang mga mahihirap kay Erap kapalit ng suporta nila dito nang manggulo ang grupong Edsa 2.

Bakit ang mahihirap ba ay hindi rin naghahabol ng oras? Mayroon din silang dapat unahin. Kagaya ng sa kaso nating maralitang tagalunsod, magiging isang malaking tagumpay kung sa pinakamalapit na hinaharap o bukas makalawa ay makakuha tayo ng mga opisyal na komitment mula sa sa isang administrasyong katulad ng kay Erap (o ng kay Arroyo man) na nangangalandakang pabor sa mahihirap. Magkakaroon tayo ng pagbabasehan ng ating pagtulak sa pamahalaan upang kumilos hindi sa paraang ang mahihirap ay lalong mahihirapan kundi sa paraang ang mahihirap ay magiging kaagapay ng tunay na pag-unlad ng ekonomiya at ng bansa.

Dapat ipakita ng pinag-isang hanay ng mga maralitang tagalunsod na ang mga mahihirap sa lipunang Pilipino ay kayang manindigan hindi lamang para sa kanilang sarili kundi para sa buong bayan na rin.

(At ngayon naman ay walang pakundangang binale-wala ni Arroyo ang soberaniya ng bansa at pinayagan ang panghihimasok ng lakas militar ng Estados Unidos sa Mindanao. Ano ang kapalit nito? Konting pagluluwag sa pagkakasakal ng Estados Unidos at kanyang mga alipures sa ekonomiya ng bansa. Natuwa na naman ang mga komprador burgesya sa Makati at muli silang tumaya sa lokal na stocks market. Nguni't sa isang banda libo-libong mga manggagawa ang nananatiling walang hanapbuhay. At patuloy na namamatay ang mga negosyong Pilipino sa gitna ng pagbaha ng mga produktong gawa sa ibang bansa.)

REBELYON NG MAHIHIRAP, DIWA NG PAGIGING PILIPINO!

PILIPINISMO, SAGOT SA KAHIRAPAN NG BANSA!

Victorio Labrador
Maralitang Tagalunsod
Maynila

Balik sa Unang Pahina

Hosted by www.Geocities.ws

1