Pilipinismo at Demokrasyang Pilipino

Higit na umiinam ang pagkakataon sa pagtataguyod ng Pilipinismo at Demokrasyang Pilipino.

Higit kailan pa man ang mga Pilipino ay naghahanap ng pagkakaisa at paninindigan upang maibalik at maitanghal muli ang kanilang dangal sa pandaigdigang komunidad.

Ang Pilipinas ay isa sa itinuturing na pinaka-corrupt na bansa. Sa scale na 1-10, 9 ang Pilipinas!

Ang mga pagmamalupit at kahihiyang sinapit ng ating mga kababayan sa Sabah at sa iba pang panig ng daigdig ay bunga ng kahirapan na umiiral sa bansa.

Tatlumpung (30) milyong Pilipino ang nabubuhay sa halagang mababa pa sa P23 sa isang araw.

Mahigit sa 5 milyong Pilipino na may kakayahang magtrabaho ang walang trabaho.

Ang pinakamahuhusay nating mga propesyonal ay nasa ibang bansa na at ang halos lahat ng mga nagtatapos ng kolehiyo ay nangangarap na umalis ng bansa. May mga grupong Pilipino pa nga na nanaisin pang pasakop na lang tayo sa Estados Unidos.

P150 bilyon o 20% ng pera ng pamahalaan ang napupunta sa katiwalian. Ang halagang ito ay sapat upang maglunsad ng isang rebolusyonaryong agraryong pagbabago at pabahay para sa mga maralitang tagalunsod o informal settlers.

Ang masang Pilipino ay naghahanap ng gabay upang mapalaya nila ang kanilang mga sarili mula sa kahirapan. Ang Rebelyon ng Mahihirap ang sentrong usapin ng Pilipinismo sa panahong ito. Ito ang kasagutan sa tanong na kung ano ang interes ng Pilipino sa ngayon.

Maibabalik lamang ang dangal ng Pilipino kung ang kahirapan ay maigugupo sa bansa. Magagawa lamang ito kung mapapakilos ang higit na nakararaming masang Pilipino sa adhikaing ito. Ito ang esensiya ng Demokrasyang Pilipino sa panahong ito.

Demokratikong Rebolusyon Mula sa Gitna

Ang mga tagapagtaguyod ng Pilipinismo at Demokrasyang Pilipino ay nagpanukala ng Demokratikong Rebolusyong Mula sa Gitna, isang rebolusyong hindi nagpapanukala ng armadong pakikibaka o madugong tunggalian ng mga uri bilang pangunahing pamamaraan ng pagbabago.

Ito ay isang tipo ng parliamentary struggle na gumagamit ng mga legal na pamamaraan katulad ng eleksiyon at pangmasang pagpapakilos. Ang sunod-sunod na pag-aalsang EDSA mula I hanggang III ay kapupulutan ng maraming aral hinggil sa mga prinsipyo ng Demokratikong Rebolusyon Mula sa Gitna. Mula sa Gitna dahil hindi naman talagang maka-Kaliwa at hindi naman talagang maka-Kanan.

Ang Demokratikong Rebolusyon Mula sa Gitna ay naniniwala sa mga makabayang adhikain ng mga grupong Kaliwa, bagama't tinatanggihan nito ang mga prinsipyo at pamamaraang salungat sa mga prinsipyong maka-Diyos at makatao katulad na pagyakap nang walang pasubali sa armadong pakikibaka at marahas na tunggalian ng mga uri bilang pamamaraan at proseso ng pagbabago. Sa partikular tinatanggihan ng Pilipinismo ang pakikipagpatayan ng Pilipino sa kapwa Pilipino sa ngalan ng pagbabago.

Ang Demokratikong Rebolusyon Mula sa Gitna ay laban din naman sa pagsasamantala sa pagiging maka-Diyos ng mga Pilipino upang pigilin ang rebolusyonaryong pagbabago sa lipunan. Tinatanggihan din ng Demokratikong Rebolusyon Mula sa Gitna ang pagsupil sa karapatang pangtao sa ngalan ng pagbabago.

Ang malalim na pang-unawa sa pamamaraan ng Demokratikong Rebolusyon Mula sa Gitna ay makakamit lamang kung may masusing pag-aaral at pagsasabuhay sa mga batayang balyus ng Pilipinismo - maka-Diyos, makabayan at makatao.

Ang Usaping Pang-kadre

Ang susi sa epektibong pagpapakilos sa masang Pilipino ay mga kadre ng Pilipinismo at Demokrasyang Pilipino. Maaaring maantig natin ang mga damdamin ng masang Pilipino hanggang sa puntong mag-alsa sila nguni't kung walang mga kadreng magbibigay ng direksyon malamang na masayang lamang ang pagkakataong sinamantala ng kanilang malawakang pagkilos.

Bilang abanteng elemento ang isang kadre ay tagapagsalita, tagapag-ugnay, tagapag-organisa at tagapagpakilos ng Pilipinismo at Demokrasyang Pilipino.

Ang kadre ng Pilipinismo at Demokrasyang Pilipino ay kumikilos saan man may masang Pilipino.

Bukod dito ang isang kadre ay isang mulat na mag-aaral, tagapagsaliksik at tagapagturo.

Kailangan ng kadre ang buhay kolektibo batay sa kanyang pangangailangang makipag-aralan sa mga abanteng elemento ng Pilipinismo at Demokrasyang Pilipino.

Ang pang-ideolohiyang gawain ang pangunahin at estratehikong batayan ng isang kolektibo o ugnayan ng mga kadre ng Pilipinismo at Demokrasyang Pilipino.

Ang pampulitika at pang-organisasyong gawain ay pangalawa at taktikal na batayan.

Ang taktikal na batayan ng kolektibo o ugnayan ng mga kadre ng Pilipinismo at Demokrasyang Pilipino ay seryosong gawain na kung saan maaaring makipagtagisan ng galing katapat ang ibang taktikal na kolektibo o ugnayang pangkadre.

Batay sa Pilipinismo itatayo ang Demokrasyang Pilipino na hindi kailanman didiktahan o kukubabawan ng isang naghaharing partido. Ang Pilipinismo mismo ay hindi puedeng ariin ng iisang partido o organisasyon.

Sa Demokrasyang Pilipino ang Pilipinismo ang tatahi sa hiwa-hiwalay na demokratikong partido na kinakaaniban ng mga mamamayang Pilipino. Pagalingan sa pagpapatupad ng Pilipinismo ang magiging relasyon ng mga partidong ito. Pilipinismo ang magiging batayan ng kanilang debate at labanan sa pulitika. Ito ang pagkakaisang Pilipino na ating pangarap - malaya, demokratiko at maka-Pilipino!

Ang mga kadre ay dapat malayang pumili ng kanilang kolektibo batay sa kanilang kalagayan. Pagkatapos pumili dapat silang maging bahagi ng demokratikong buhay ng kolektibo at lumahok sa mga taktikal na pampulitika at pang-organisasyong gawain nito.

Ang ugnayan ng iba't ibang kolektibo ay nakabatay sa mga pangangailangang maglagom ng karanasan at magkaisa batay sa mas mataas na interes ng bansang Pilipino.

Rebolusyon ang Susi sa Pag-unlad ng Bansa

Ang tunay na rebolusyon ay nasa isipan ng mga mamamayan. Kapag sa isipan ng mga tao ang mga batas, alituntunin, regulasyon o relasyon na kanilang dating sinusunod sa gusto man nila o hindi ay hindi na epektibong umiiral nagkaroon na ng rebolusyon. Ang mga pisikal na labanan o insidente ng karahasan ay resulta lamang ng proseso ng pagtatagisan sa larangan ng isipan ng mga tao na walang pinagkaisahan kundi ang pag-agawan ang pampulitikang kapangyarihan.

Ang pagsasarado ng isipan para sa mapayapang pagreresolba ng mga pagkakaiba sa ideya sa hanay ng nakararaming mga mamamayang Pilipino ang dapat labanan ng Demokratikong Rebolusyon Mula sa Gitna. Kaya nga ba mahalaga na sa simula pa lamang ay dapat nang iwagayway ang bandila ng Pilipinismo at Demokrasyang Pilipino na gumagarantiya sa pagkilala sa posibleng pagkakaiba ng opinyon sa hanay ng mga mamamayan hinggil sa taktika ng pakikipaglaban para sa interes ng Pilipino.

Dapat tandaan na para sa Pilipinismo, Demokrasyang Pilipino at Demokratikong Rebolusyon Mula sa Gitna ang pinakamataas na pagkakaisa ay Pagkakaisang Pilipino. Ang isyu ng porma ng gobyerno at ekonomiya ay dapat maresolba sa isang demokratikong pamamaraan - mapayapa at nilalahukan ng malawak na hanay ng mga mamamayang Pilipino. Pagkakaisang Pilipino ang daan tungo sa ating Kalayaang Pampulitika at Katubusang Pangkabuhayan.

Ang kritikal na yugto ng Demokratikong Rebolusyon Mula sa Gitna ay nakamit na kung ang paglawak at paglakas ng Pagkakaisang Pilipino ay umabot na sa puntong ang yaman at lakas ng bansa ay epektibong naitutuon na sa pagbaka sa kahirapan at sa pagtatayo ng isang mapayapa, tunay na malaya at may dignidad na bansang Pilipino.

Ang mga gawain ng mga kadre ng Pilipinismo, Demokrasyang Pilipino at Demokratikong Rebolusyon Mula sa Gitna ay dapat ihalintulad sa pagpupunla sa iba't ibang grupo ng mga mamamayang Pilipino upang umusbong at lumawak ang taniman ng Dakilang Lahing Pilipino!

Pulong ng mga kadre
21 Setyembre 2002
Marikina

Balik sa Unang Pahina
Hosted by www.Geocities.ws

1