| “Ang maling
ginagawa ng matatanda, nakakatawa sa mata ng bata,”
hirit ng batang bihis bubwit sa telebisyon. Sa mga katagang
ito nagtapos ang episode ng Goin’ Bulilit noong
Linggo.
Gamit ang slapstick comedy at mga lumang joke, ito
na marahil ang pinaka-corny na palabas sa primetime.
Pero dala ng inosenteng hagikgik at ‘cute’
na mga bata, linggu-linggo itong tinatangkilik ng mga
manonood. Ayon sa opisyal nitong website, ang Goin’
Bulilit diumano ang pinakamatagumpay na programang pambata
sa lokal na telebisyon ngayon. Ito rin ang pinakahuling
anyo sa ebolusyon ng lokal na pambatang programang pantelebisyon.
Pagmulat ng mata, langit
nakatawa
Lumipas na ang panahon ng mga edukasyonal na pambatang
palabas sa telebisyon. Dekada 90 nagsimulang mawala
ang mga palabas tulad ng Batibot, Sineskwela, at ATBP.
Naglaho rin ang mga programang Bayani at Hirayamanawari.
Kapalit nito, mga banyagang cartoon na isinasalin sa
Filipino na lang ang kinakaaliwan ng mga bata.
Panganay sa mga programang pambata ang Batibot na unang
ipinalabas noong 1984. Nilikha upang mapunan ang mga
pagkukulang ng pormal na pag-aaral ng mga bata, sinikap
din ng Batibot na talakayin ang kultura at kasaysayang
Pilipino. Sa 18 na taong takbo ng Batibot sa telebisyon,
nakahakot ito ng maraming puri bilang isa sa pinakamahusay
na programang Pilipino. Kasabay ng pagbaba ng kalidad
ng edukasyon sa bansa ang dahan-dahang paglaho ng mga
edukasyonal na programang pambata.
Masisisi sa pagdami ng tagapagtangkilik ng cable TV
ang paglaho ng mga edukasyonal na programang pambata.
Sa kamalayan ng batang Pilipino, napalitan nila Dora
the Explorer at Johnny Bravo sina Pong Pagong at barkada.
Mahina rin ang ganitong mga programa sa paghakot ng
mga sponsor. Marahil dahil ang purchasing power ng mga
bata ay nakadepende pa rin sa mga magulang, hindi malakas
ang kita ng mga produktong inilalako kasabay ng programang
pambata. Hindi katakataka na tuluyan nang naglaho ang
ganitong mga programa sa telebisyon.
Sumulpot naman ang mga pambatang gag show mula sa mga
pangmatandang gag-show na popular noong dekada 90. Kabilang
dito ang Ang TV na sinundan ng Goin’ Bulilit.
Sa dalawang programa, inilalagay ang mga bata sa iba’t-ibang
sitwasyong ipinapalagay na katawa-tawa.
Maraming kilalang artista ngayon ang may utang na loob
sa mga children’s gag show. Dito unang lumabas
sina Paolo Contis, Katya Santos, John at Camille Prats
at iba pang sikat na pangalan sa showbiz ngayon. Nagpatuloy
ang popularidad ng pambatang gag shows dahil napakarami
pa ring mga bata ang pinapasubok maging artista ng mga
magulang. Ganito rin ang nangyayari sa Goin’ Bulilit,
kung saan gumaganap din sa ibang palabas ng ABS-CBN
ang mga batang regular sa programa. Nagiging ‘stepping-stone’
sa pagiging artista ng mga bata ang pambatang gag show.
Malalaking ratings ang hinahakot ng palabas, kaya naman
inilalagay ito sa primetime spot.
Kwela, Cute at Makulit
Ayon sa isang dokumentaryo ng National Geographic, ang
kamanghaan ng madla sa mga bata ay dala ng pagiging
‘labas’ ng mga bata sa mundo ng mga matatanda.
‘Labas’ ang mga bata dahil hindi naiuugnay
sa kanila ang mga katangian na iniuugnay ng mga matanda
sa kapwa matanda. Ang mga katangiang ito –oportunismo,
pandaramot—ay hindi malay na isinasaalang-alang
sa pakikitungo ng matatanda sa isa’t-isa.
Pinupuno rin ang imahe ng kabataan ng mga katangian
tulad ng kabaitan at pagka-inosente. Dala ito ng pag-iisip
na dahil kulang sa kaalaman at kapangyarihan ang mga
bata, wala silang kapasidad mang-abuso o manloko ng
kapwa.
Dagdag pa ng dokumentaryo, isa pang katangian ng mga
bata na maaaring dahilan ng pagkaaliw ng matatanda ay
ang kanilang pagiging ‘sub-human.’ Inaakalang
karikatura ng tao ang maliit na pisikalidad ng mga bata.
Maliit na bersyon ng matatanda ang tingin sa mga bata,
kaya naman nakakatuwa. Makikita ito sa nakatutuwang
pagtingin sa mga unano sa media at lipunan. Tulad ng
mga bata, madalas comic relief ang papel na ginagampanan
ng mga unano, bakla, at probinsyano—mga marginalized
na sektor na inaakalang ‘sub-human’ sa batayan
ng naghaharing lipon ng tao. Isang halimbawa nito si
Dagul, ang nag-iisang matanda sa Goin’ Bulilit
dahil mas maliit pa siya sa mga bata sa palabas.
Ang pagpapalagay sa mga bata bilang walang malisya
at karikatura ng tao ay ang mismong dahilan kung bakit
mabenta ang mga pambatang programa. Ito ang esensya
ng ‘cute’.
Esmyuski
Kontradiksyon ang konsepto ng ‘children’s
show.’ Bata man ang gumaganap at nanonood, pinatatakbo
ng matatanda ang buong sistemang kinapapalooban nila.
Ang ideya ng programang pambata ay base sa pagpapalagay
ng matatanda kung ano dapat ang pambata. Matatanda rin
ang nag-takda kung ano ang nakakatawa at angkop sa mga
batang manonood.
Ang mga bata sa telebisyon, ayon sa pagtingin ng matatanda,
ay walang konsepto ng uri, relihiyon, sekswalidad, o
politika. Bata lang sila na walang alam kundi ang maglaro
at tumawa. Hindi sila nakararamdam ng pagod, gutom,
o hirap. Kung ikukumpara sa mga kabataan sa lansangan,
para lang cartoons ang mga bata sa telebisyon. ‘Sub-human’
at two-dimensional, hindi sila totoong tao.
Sadyang konserbatibo ang ideolohiyang ipinapalabas
ng mga programang pambata. Dahil tanging hangad ng mga
programang ganito ang mang-aliw ng manonood, sinasalamin
lang nito ang naghaharing kamalayan. Halimbawa nito
ang mga sketch sa Goin’ Bulilit kung saan katawatawa
ang pagtingin sa mga bakla, at may takdang papel ang
babae’t lalaki sa lipunan.
Sa kabilang banda, ang hindi seryosong pagtingin sa
mga children’s gag show ay nagiging malayang espasyo
sa pagtalakay ng mga usaping hindi karaniwang natatalakay
sa telebisyon.
Lahat ng katawa-tawang eksenang itinatanghal sa mga
children’s gag show ay hinuhugot mula sa mga eksena
ng buhay ng matatanda. Ang paggaya ng mga bata at paglantad
ng mga kamaliang ginagawa ng matatanda sa pinaka-payak
na paraan ang siyang nagiging katawatawa. Halimbawa
nito ang pasulpot-sulpot na sketch ng pagkutya sa mga
politikong tulad ni Gloria Macapagal Arroyo, Miriam
Defensor, at Erap Estrada sa Goin’ Bulilit. Kung
tutuusin, Malaya ang mga children’s gag show maging
satirikal gawa ng pagpapalagay na walang seryosong mapupulot
sa mga batang tila nagkukulitan lamang. Bagamat may
ganito itong kakayahan, nakukupot pa rin sa mga neutral
na pagpapatawa ang mga joke sa Goin’ Bulilit.
Sa pagganap at panonood ng mga bata ng mga programang
itinatakda sa kanila, nakikilahok na sila sa masalimuot
na mundo ng matatanda. Inilalahad sa kanila ang tagibang
na ideolohiya ng matatanda, ipinepresenta bilang katawa-tawa
at katanggap-tanggap. Gamit ang mass-media na may kakayahang
humubog ng kamalayan ng buong henerasyon, mabuti man
o hindi ang mga leksyong sadya o hindi sadyang mapupulot
dito, pasan ito ng mga bata hanggang sa kanilang pagtanda.#
Philippine Collegian
<<
back to home
|