|
Sinusubok ng nabubulok
at lumulubhang kalagayang pangkabuhayan ng mga mamamayan
ang kakayahan ng pamahalaan na ikubli pa ang ganitong
kasiraan sa isang bago at sariwang sisidlan.
Noong nakaraang
taon, naabot umano ng ating ekonomiya ang pitong bahagdan
ng paglago, ang pinakamalaki sa loob ng may tatlong
dekada. Patuloy din ang paglakas ng piso kontra sa dolyar,
umangat ang tiwala sa Pilipinas ng mga institusyong
nagpapautang, at papasok ang daloy ng mga mamumuhunan,
ayon sa Pangulo sa katatapos na World Economic Forum.
Nakasandig umano ang mga ito sa matatag na mga repormang
pampananalapi at pang-ekonomiya na inilatag ng kanyang
pamahalaan, na sila ring inaasahang makatutulong maibsan
ang maaaring maging bunga ng papahinang ekonomiya ng
Estados Unidos.
Ngunit agad maitatanggi ang ganitong
palara ng paglago ng pang-arawaraw na karanasan ng kalakhan
ng mga Pilipino. Sa pagtingin ng pamahalaan sa mukha
lamang ng ekonomiya na nais nitong makita, napag-iiwanan
ang Pangulo, na isa ring ekonomista, sa malaon nang
kinikilalang panukat ng pag-unlad ng ekonomiya ng anumang
bansa: ang pag-angat ng kabuhayan ng mga mamamayan.
Tunay mang batayang pananda ng pag-unlad ang gross domestic
product, na sukat ng kabuuang produksyon ng isang ekonomiya,
napawawalang-saysay ito kung hindi naisasalin sa pagpapababa
ng tindi ng kahirapan, pagpapaliit ng agwat sa pagitan
ng mahihirap at mayayaman, at pagkakaroon ng sapat na
pagkakataon upang makapagtrabaho ang mga mamamayan at
mapayaman ang kanilang pamumuhay at pagkatao.
Sa resulta ng pinakahuling Family Income and Expenditure Survey
ng pamahalaan, lumalabas na bumaba pa ang kita ng bawat
pamilyang Pilipino (average family income) noong 2006
mula 2003. Kaakibat nito ang lalong pagliit ng kita
ng pinakamahirap na 30 porsyento ng populasyon, na may
60 porsyento ng kita ang napupunta sa pagkain at wala
na halos maipantustos sa iba pang pangunahing pangangailangan.
Ayon pa sa hiwalay na pag-aaral, nasa pagitan ng 20
hanggang 45 porsyento lamang ng halagang kailangan ng
isang pamilya bawat araw ang napupunan ng minimum na
sahod ng manggagawa. Habang papahirap ang malaking bahagdan
ng mga Pilipino, kinikita naman ng 10 porsyentong pinakamayayamang
pamilya ang nasa ikatlong bahagi ng kabuuang kita ng
lahat ng pamilya.
Kaya tila magiging kalabisan na para
sa mga tao ang pagkakaroon pa ng mapagkukunan para sa
edukasyon, kalusugan at seguridad, na pawang mga batayang
serbisyong silang makapagpapaangat pa ng kanilang kabuhayan
at pagpapahalaga sa sarili. Isang siklo, ang kawalan
ng mga ito ang siya ring magbubunga ng lalong kahirapan.
Sa pagtaya naman ng pamahalaan ng dami ng mga Pilipinong
walang hanapbuhay noong 2007 sa 2.7 milyon, hindi pa
kabilang ang mga underemployed, o iyong napipilitang
tumanggap ng trabahong hindi akma sa kanilang kakayahan.
Sa lalong malaking bilang, hindi napapansing nangibang-bansa,
at patuloy pang nadaragdagan, upang maghanap-buhay ang
humigit-kumulang 10 milyong Pilipino, dahil sa pagkukulang
ng ekonomiya na mabigyan sila ng sapat na mapagkakakitaan.
Sa harap ng ganitong hungkag na pag-unlad ng ekonomiya
para sa karaniwang mamamayan, ang pamahalaan ang siya
sanang inaasahang bubuo at magpapatupad ng palisiyang
magpapaabot sa kanila ng nararapat na kaginhawahan.
Ngunit, sa pagkakaila man o sa pag-ampat sa kahirapang
pinagtatakpan, bigo ang pamahalaan, pangunahin dahil
saktong taliwas sa kailangang aksyon ang kanyang ginagawa
at pinahahalagahan.
Higit pang naiisip ng mga namumuno
ang magdagdag ng iba pang buwisan upang mapalaki pa
ang pondo ng pamahalaan para umano sa mga serbisyo nito,
sa halip na pahusayin ang paghabol sa malalaking negosyong
hindi nakababayad ng tamang buwis. Sa paniwalang tayo
ay napapaloob sa isang “free enterprise economy,”
hindi pinipigil ng pamahalaan ang walang habas na pagtaas
ng presyo ng mga bilihin, pangunahin na ang mga produktong
petrolyo; ang laksang pagpasok ng mas murang mga kalakal
mula sa ibang bansa, dahilan upang mamatay ang sarili
nating produksyon; at ang paglaking mga industriya ng
murang paggawa, gaya ng business process outsourcing,
sa halip na ng mga industriya at agrikultura.
Inuuna
rin ng pamahalaan ang pagbabayad ng utang panlabas ng
bansa sa pagbabahagi nito ng pondo sa iba’t ibang
ahensiya, kaya hindi napaglalaanan nang buo ang mgaserbisyong
may tiyak at pangmatagalang balik sa ekonomiya, kabilang
na ang edukasyon at kalusugan. Sa ikamumura pa umano
ng presyo ng mga serbisyo, at upang makadagdag din sa
kita ng pamahalaan, tuluy-tuloy ang pagsasapribado ng
mga pag-aari ng publiko gaya ng serbisyong pangkuryente.
Lahat ng ito ay kasabay
ng malawakang pangungurakot ng matataas na pinuno sa
malalaking proyektong pangkaunlaran. Sa huli, sa mga
nasa pamahalaan bumabalik ang kapakinabangang nakatalaga
para sa mamamayan.
Ibinabalik tayo ng lahat ng ito sa
katotohanang ang tunay na pag-unlad ay hindi nasusukat
sa mga talang batbat ng kasinungalingan, kundi sa kung
paano natutugunan ang mga karapata’t pangangailangang
makailang-ulit nang sa ati’y ipinagkait. At sa
harap ng ganitong mga mekanismo ng panlilinlang, wala
nang sasaklap pa sa pagpapatianod sa daluyong ng hungkag
na pagsulong.
Dahil hindi naman makapagbubulag-bulagan
ang mga Pilipino sa paghaharap sa kanila ng pamahalaan
ng huwad na kaunlaran.#Philippine
Collegian
<< back to home |