| Ipinasa na ng bicameral
conference committee (bicam) ng Kongreso ang panukalang
UP Charter noong Enero 28.
Sa isang closed-door session, pinag-isa ng Senado at
Kamara ang Senate Bill (SB) 1964 at House Bill (HB)
2845, upang maging isang panukalang magtataguyod sa
UP bilang “National University. ”
Kaiba ito sa HB 2845 na nagsusulong sa UP na maging
“National State University.” Ayon sa UP-Wide
Democratization Movement (UP-WIDEM) 3, isang alyansang
nagsusulong ng demokratisasyon sa pamumuno sa UP, bukod
sa itinataguyod ng HB 2845 na maging pangunahing unibersidad
ng bansa ang UP, “it also captures and retains
UP’s character as a state-funded tertiary institution
which ‘National University’ does not.”
Kapag natapos na ang pinal na kopya ng bagong panukalang
Charter, magkahiwalay itong pagbobotohan ng Senado at
Kamara, at saka isusumite sa Pangulo upang tuluyan itong
maisabatas.
Representasyon at konsultasyon
Sa panukalang bagong Charter, mananatili pa rin ang
Board of Regents (BOR) bilang pinakamataas na tagagawa
ng palisiya sa UP.
Sa pagkapasa ng bersyon ng bicam, tuluyan nang naibasura
ang panukala ng HB 2845 na magkaroon ng UP System Assembly,
na bubuuin ng 28 kinatawan mula sa iba’t-ibang
sektor ng UP at magiging tagapayo sana ng BOR. Subalit
ani Senator Allan Peter Cayetano, nagkaroon naman ng
probisyon para matiyak ang pagkakaroon ng konsultasyon
sa iba’t-ibang sektor ng UP sa paggawa ng desisyon.
Ayon sa pahayag ni Student Regent Terry Ridon, “This
provision is most important to keep the BOR grounded
in all its policy decisions especially as the sectors
involved in these consultative fora shall be the ones
most affected in the event of an ill-advised policy
measure.”
Kung maisasabatas ang panukala ng bicam, mababawasan
ng isa ang 12 miyembro ng BOR, magiging tatlo na lamang
ang kinatawan ng Malacañang sa halip na lima,
at madaragdagan ng isang staff regent na kakatawan sa
mga kawaning administratibo at research, extension and
professional staff.
Ani Clodualdo Cabrera, tagapangulo ng All-UP Workers’
Union, hindi umano ito maituturing na isang konkretong
tagumpay dahil may pagbabago man sa komposisyon ng BOR,
mananatili umanong nasa kamay ng maliit na grupo ang
pamumuno sa UP.
‘No outright UP land
sale’
Nabasura naman ang probisyon sa SB 1964 na nagpapahintulot
sa BOR na ipagbili ang mga lupain ng UP, bagamat, ayon
kay Senator Jamby Madrigal, nakasaad sa panukalang Charter
ng bicam na makapagpapasya pa rin ang BOR na paupahan
ang mga ito.
Sa pahayag ni Ridon, lilinawin ng bagong panukalang
Charter na tanging para sa demokratikong edukasyon nakalaan
ang mga lupain ng UP.
Samantala, ani Cayetano, magkakaroon ng isang “consultative
body” na binubuo ng mga kinatawan mula sa pribadong
sektor, na magpapayo umano sa piskal na pamamalakad
ng administrasyon ng UP.
Batay sa SB 1946, dapat manggaling ang mga miyembro
ng komite mula sa Bankers Association of the Philippines,
Investment Houses Association of the Philippines, Trust
Officers Association of the Philippines, at Financial
Executive Institute of the Philippines.
Subalit ayon sa UP-WIDEM 3, “There is ample expertise
in UP to manage and handle funds…the [financiers
and investors] only unnecessarily intrudes on the institutional
autonomy and independence of UP. The BOR should be made
accountable to its constituents and the public, and
not to private interests.”
Dagdag na pondo
Samantala, sinabi ni Cayetano na sakaling maisabatas
ang bagong Charter, tatanggap ang UP ng dagdag na P100
milyon kada taon sa loob ng limang taon simula 2009
bilang centennial fund.
Aniya, hindi pa tiyak kung kailan ihahain sa Kamara
at Senado ang bagong Charter para pagbotohan. “I
can honestly predict that it will be smooth sailing
because we feel that we accommodated the stakeholders,”
dagdag niya.
Subalit ani UP President Emerlinda Roman, “Matatandaan
na sa 13th Congress, nakapasa din sa bicam ang ating
Charter, naratify din ng Senado kaya lamang hindi naratify
ng House. Hangga't hindi tapos ang ratification mahirap
magsabi na tapos na.”
Samantala, para kay Cabrera, habang maituturing na
tagumpay ang ilang probisyon sa bagong saligang-batas
gaya ng dagdag na representasyon at konsultasyon, magiging
mapagbantay pa rin ang iba’t ibang sektor sa mga
pasya ng BOR.# Philippine Collegian
<<
back to home |