Mga Kwento Ni Lolo

 
 

Balik-Tanaw Sa Ibaan Ng Aming Panahon

 
     
  Kwento Tula Iba Pa Larawan  
           
 

Mga Palatandaan ng Isang Tunay Na Taga Ibaan

Kayo baga'y tunay na taga Ibaan?

Alam ninyo, kung kayo ay mahilig mamasyal sa Internet ay walang salang makatatanggap kayo ng ilang liham na nagsasaad ng mga obserbasyon sa ibang bansa na magpapatunay na ang taong tinutukoy ay isang Pilipino. Pumapasok na dito ang ilang kaugaliang masama man o maganda, naiibang pamamaraan ng paggawa ng isang bagay, naiibang anyong pisikal, at marami pang iba. Bilang alagad ng sining ng Internet, si Lolo walang pasubaling nakatanggap din ng ganitong mga mensahe, at sa kanyang pagmumuni-muni ay naisipan niyang gumawa ng isang listahan na naangkop naman sa pagiging isang tunay na taga Ibaan ng isang tao.

Ang paksang ito'y hindi talalaga kasama sa plano ng ating aralin at kung baga ay pansingit lamang kung tayo ay may natitira pang oras. Ganumpaman, ito ay maaring makatulong upang ating matunghayan kung ano ang mabuti at masama o pangit at maganda upang maituwid kung tayo ay may kamalian.

Eto na ang listahan ng mga listahan, ang mga palatandaang magpapatunay na ikaw ay tunay na taga Ibaan. Kuhanin ang inyong kwaderno at sipiin ang sumusunod.

Ikaw ay tunay na taga Ibaan kung.....

  1. Alam mo kung nasaan ang Balindis at Pinagtipakan.

  2. Kilala mo si Iga pero hindi mo kilala ang meyor ng Ibaan.

  3. Alam mo na ang Tulay Na Patpat ay hindi talagang tulay (kung hindi tulay, ay ano ito?)

  4. Noong bata ka pa ay nag-iipit ka ng dahon ng "kataka-taka" sa iyong libro para maging magaling ka sa klase.

  5. Alam mo kung anong mga baryo ang tinutukoy pag sinabing "Kabila ng Ilog".

  6. Alam mo kung bakit December 30 ang piyesta at hindi July 25.

  7. Noong bata ka pa ay nagbabaon ka ng binalot kahit malapit lamang ang bahay ninyo sa paaralan.

  8. Alam mo kung ano ang burbur at sa anong pagkain ito inilalagay.

  9. Nakapasyal ka laang ng ilang araw sa Maynila ay "sawit" ka na!

  10. Noong bata ka pa ay meron kang bote na pinaglalagyan ng mga kendi na galing sa tuklong.

  11. Nagpapatabi ka sa nuno pag may nadaanan na punso ("Tabi po, nuno po!").

  12. Imbes na salitang "sana", ang ginagamit mo ay "haringa".

  13. Naniniwala ka na ang iyong tiyo ay iniligaw ng kapre sa gubat kaya gabi na nang dumating.

  14. Pag tinanong ka kung nasaan ang Ibaan, ang sagot mo ay: "Pumunta ka sa www.alaeh.com."

  15. Pag sinabing diyan laang sa "bayabasan" ay alam mo na ang ibig sabihin.

  16. Tinatanong mo kung saan nanggaling ang iyong kahanggan kahit alam mo na ito'y bagong gising. (Wala laang masabi.)

  17. Ang ginagamit mong kumot ay kulambo. (Hindi kaya magaspang ito?)

  18. Paborito mong santo si San Pedro dahil mahilig ka sa sabong.

  19. Mas maganda pa ang bahay ng mga patay kaysa bahay ng mga buhay.

  20. Pag kayong magka-kababayan ay nag-uusap, ang akala ng iba ay kayo'y nag-aaway dahil kayo'y gigilan nang gigilan at angilan nang angilan.

Sige, at sa muli nating pagkikita ay meron pa tayong ibang pag-uusapan. Ito uli ang inyong paboritong Lolo na nagpapaalam at lakip ang pag-asa na sana ay meron kayong natutunan kahit munting aral lamang sa ating pinag-usapan.

   

Iba Pa

Pambungad

Paano Gumawa Ng Binit

Tayo Na Sa Maynila

Palatandaan Ng Tunay Na Taga Ibaan

Paalam Na Po


Iba Pang Gawa Ng May Akda


Hinagap


A Writer At Heart


Optional

 
           
 

Paano Gumawa Ng Binit  |  Tayo Na Sa Maynila  |  Palatandaan Ng Tunay Na Taga Ibaan

       
 

Pambungad  |  Paalam Na Po

       
           
 

Copyright 2008 Aureo P. Castro

       
           

 

 

 

Hosted by www.Geocities.ws

1