Mga Kwento Ni Lolo

 
 

Balik-Tanaw Sa Ibaan Ng Aming Panahon

 
     
  Kwento Tula Iba Pa Larawan  
           
 

Tayo Na Sa Maynila

Ang teknolohiya ng transportasyon at komunikasyon noong aming kabataan ay hindi pa gaanong maunlad katulad ng kalagayan sa ngayon. Dahil dito, ang Maynila ay tila baga isang napakalayong lugar.

Sa aming murang kaisipan, ang Maynila ay simbolo ng karangyaan at makabagong kaanyuan at dito matatagpuan ang mga bagay at kaganapang imposibleng mangyari sa ating bayan ng kapanganakan. At dala na rin ng makabatang kapusukan, ang Maynila sa aming kamalayan ay maharot, punung-puno ng kulay, at pinananabikan.

Bagama't ikaw ay kakainisan kung magsasalita ka ng "sawit" o puntong Maynila, ang bawat isa ay may lihim na pangarap na sa Maynila'y makatuntong kahit misan man lamang.

Noong aming kabataan ay bihirang bihira ang may sariling sasakyan at halos lahat ay gumagamit ng pampublikong sasakyan sa pagtungo sa paroronan. Hindi pa uso noon ang mga dyipni na pumapasadang diretso mula Ibaan hanggang Maynila. Kung gusto mong pumunta ng Maynila nang diretsahan ay sa "first trip" ka ng BTCO sasakay, ang alis nito ay 5:30 ng umaga. Pag-uwi naman ay gusto mo ring diretso sa Ibaan ay aabangan mo ang "last trip" na pa-Ibaan at 3:00 ng hapon naman ang alis nito sa Maynila.

Kung tanghali ka nang nagising ay sasakay ka ng maigsing BTCO bus na pa-Lipa at sa Lipa naman ay lilipat ka sa mahabang BTCO bus na pa-Maynila. Dito sa biyaheng pa-Lipa ng BTCO mo masusumpungan ang isang institusyon pag BTCO ang pinag-usapan, si Inspector Bicol na tatay ni Rogelio Bicol. Itong si Inspector Bicol ay napakahusay sumiste at umestima ng mga pasahero. Siya ay nakakatuwang kausap at napakadali mong makapalagayang loob.

Iyong iba nating kababayan na ayaw maiwan ng "first trip" papunta sa Maynila ay sa loob na lamang ng BTCO bus natutulog at doon ay naglalagay ng kulambo para hindi kagatin ng lamok. Noon ay wala pa ang "South Expressway" kaya tila yata sa Baclaran pa nagdadaan papuntang Pasay at Maynila.

Ang mahabang BTCO bus noon ay iyong mahahaba ang upuan na bukas sa magkabilang panig kaya lampas-lampasan ang hangin (Hoy, wala pang "air conditioned" na bus noon, ha?). Ang pamasahe ay wari ko'y kulang-kulang sa limang piso dahil ang bayad hanggang Lipa ay singkwenta sentimos lamang. Iyong maiigsing BTCO bus naman ay hindi na diretsahan ang upuan at saka sarado na ang magkabilang tabi. Mapa-mahaba o mapa-maigsi, ang bawat BTCO bus ay meroong tinatawag na kusina sa hulihan, dito inilalagay iyong mga malalaking bagahe na kalimitan ay produktong iniluluwas o kaya ay mga pinamili galing Divisoria.

Hindi pa karamihan ang sasakyan noon kaya ang hangin ay di hamak na mas malinis kung ikukumpara sa ngayon. Pag sinuswerte ka at may nakasabay kang kakilala ay di ayos ang huntahan at hindi ka maiinip. Pagdating ng bayaran ng pamasahe ay naguunahan na mai-libre ang kakilala, kahit paubos na ang pera sa bulsa. Pag minamalas ka naman ay wala ka nang makahunta ay makakatabi mo pa iyong mahilig matulog at habang natutulog ay ikaw naman ay susuungin nang susuungin. (Tunay ka naman ay tulo ang laway eh!) Pag ikaw naman ay pinalad na mapaupo sa tabihan ay kaiingat ka rin. Baka doon sa may bandang unahan ay may makadahak ay pagdura noon ay saboy na saboy sa iyong mukha. (Lintik na yan ah!).

Noong kami ay maliliit pa ay aming natatandaan na kung buwan ng Mayo ay usong-uso ang "excursion" kung saan ang mga magkakahanggan at magkakababayan ay nagtutungo sa iba't-ibang magaganda at makasaysayang lugar sa Pilipinas. Ang paborito nilang puntahan ay ang lungsod ng Baguio at ang paboritong sasakyan ay ang "Mapalad Liner", isang magara at modernong bus na bumibiyahe sa Maynila sa rutang Makati hanggang Quiapo. (Ang Makati naman noon ay kugonan pa at wala pa ang mga matatayog na gusali gaya ng sa ngayon.) Ang "Mapalad Liner" ay pag-aari ng angkan ng Mapalad na taga riyan sa atin sa Palindan.

Pag may maga-abroad naman ay sisita pa ng isang maliit na BTCO bus at ito ay lalagyan pa ng "streamer" na "Bon Voyage". Si Lolo ay isang paslit na bata noong unang umalis si "Ate Mameng" (Mrs. Juliana Carmen T. Mitra) na pinsan ng ina ni Lolo papuntang Canada at nagkapalad na makasama sa paghahatid sa kanya sa Manila International Airport (ngayon ay Ninoy Aquino International Airport). Habang nasa daan ay napakasarap ang huntahan, biruan, at tawanan. Mula iyong upuan sa loob ng BTCO bus kapag binagtas na ang kabukiran ng Laguna ay napakagandang pagmasdan ang mga batang puno ng palay na nagmimistulang umaalon at umaagapay sa bugso ng hanging amihan. Sa Maynila naman ay kami'y humahanga sa matataas at mararangyang gusali, sa ingay ng lungsod, at sa mga taong tila baga palagi nang nagmamadali. Ngunit ang paghihiwalay sanhi ng pangingibang bansa ay tigmak ng kalungkutan at ang luha'y di mapigilan sa tuwing maiisip ang napipintong matagalang pagkakalayo. Sa biyaheng pabalik sa ating bayan ay kapansin-pansin ang kawalang sigla at pangkalahatang katahimikan.

Noong si Lolo ay estudyante pa sa mataas na paaralan ng St. James Academy ay di minsang nakasama din siya sa "excursion" ng mga mag-aaral sa lungsod ng Maynila. Ang biyaheng ito ay pinanabikan ng mga mag-aaral at kahit salat sa salaping pambayad at pambaon ay pinagsisikapan pa ring makilahok sa taunang biyahe sa kalunsuran. Isinusuot ang pinakamagarang damit na "Hawaiian polo", kuntodo naka-pomada ang buhok, at bagong "shine" ang sapatos. (Siyempre pa, kasama rin sa "excursion" ang lihim na "crush" ni Lolo.) Habang nasa biyahe ay panay ang biruan at harutan. Para matigil ang kaguluhan, ang aming guro ay sabay-sabay kaming pakakantahin ng mga awiting simbahan na iniiba naman ang "wording" ng aming ilang makulit na kamag-aaral at pinapalitan ng pag hindi bastos ay walang katuturan.

Kami ay nagtutungo sa mga magaganda at makasaysayang lugar tulad ng "Fort Santiago", Luneta, "Las Piņas Bamboo Organ", at "Manila Zoo." Ang Luneta at "Fort Santiago" noon ay kung tagurian ay "Lovers' Lane" dahil sa maraming magsing-irog ang dito ay mahilig mamasyal. Ang lugar ay malinis at maayos pa di tulad ng sa ngayon na ang mga makasaysayang lugar na ito ay naging kuta na ng mga buwitre at mandarambong.

Bilang kasapi ng "student council" ng paaralan ay pinalad din si Lolo na makasama sa "excursion" ng mga guro ng "St. James" sa Maynila at medyo kaiba ng kaunti ang lakad na ito. Sa isang banda ay hindi kasing ingay at kasing harot ng lakad ng mga mag-aaral (medyo pino ang ating mga galaw) at iba rin naman ang pinupuntahan. Dito ay hindi na kailangang magbaon ng "binalot" dahil kami ay sama-samang kumakain sa isang tanyag na "restaurant" sa Maynila. At dahil kami ay kaunti lamang ay nakukuha pa naming bumisita sa magarang bahay ng ating tanyag na kababayan na si Ben Medrano sa Forbes Park sa Makati at ang bagong "Santuario de San Jose" sa Greenhills, Mandaluyong, isang makabagong simbahan na pinagsumikapang maitayo ng ating dating kura na si "Father Guido Colleti".

Nang lumaki na si Lolo ay sa Maynila na siya nanirahan at sa pagkalagas ng dahon sa tangkay ng panahon ay unti-unti nang nawalan ng dahilan upang siya ay magbalik sa kanyang bayang sinilangan. Ngunit sa kanyang kamalayan ang mga ala-ala ng masayang lumipas ay hindi pa rin nalilimutan.

   

Iba Pa

Pambungad

Paano Gumawa Ng Binit

Tayo Na Sa Maynila

Palatandaan Ng Tunay Na Taga Ibaan

Paalam Na Po


Iba Pang Gawa Ng May Akda


Hinagap


A Writer At Heart


Optional

 
           
 

Paano Gumawa Ng Binit  |  Tayo Na Sa Maynila  |  Palatandaan Ng Tunay Na Taga Ibaan

       
 

Pambungad  |  Paalam Na Po

       
           
 

Copyright 2008 Aureo P. Castro

       
           

 

 

 

Hosted by www.Geocities.ws

1