Mga Kwento Ni Lolo

 
 

Balik-Tanaw Sa Ibaan Ng Aming Panahon

 
     
  Kwento Tula Iba Pa Larawan  
           
 

Paano Gumawa ng Binit

Itong si Lolo ay ay nagbabalik-bata na yata ang isip at kung anu-anong walang kabuluhang bagay ang naiisip sulatin. Eto at itong binit naman ang napagtuunan ng pansin. Pagbigyan na nga natin ang matanda.

Alam ninyo ang binit ay matatawag nating "standard equipment" ng isang batang lalaki noong aming kapanahunan. Kumbaga, ito ay para na ring "extension" ng aming mga damit. At kung lalakad na ang bata papunta sa layasan ay hindi maaring makalimutan na isakbit sa kanyang leeg ang kanyang binit.

Tayka muna, ano baga itong tinatawag na binit. Ang binit ay kung tawagin sa Maynila ay tirador o "slingshot". Ito ay ginagamit para patamaan at palaglagin ang prutas o kaya ay ibon na maaring iluto at kainin. Ang pinaka-bala nito ay maliliit na batong napupulot sa kalye o sa mga looban. Ang mahusay na bala ay iyong tamang tama lamang ang laki at bilugan, mas maganda kung batong buhay.

Isa sa mga pinaka-magaling buminit noong kabataan ni Lolo ay itong si Efren Torino, nakatatandang kapatid ni Bernard Torino, na sa kasalukuyan ay siyang bise alkalde ng ating munting bayan. Itong bunga ng mangga ay bungkos-bungkos, minsan ay apat, lima, o anim sa isang bungkos. Alam baga ninyo na kayang-kayang patamaan ni Efren Torino ang nag-iisang sanga na naghahawak ng buong bungkos na ito?

Ngayon, nais baga ninyong matuto kung paano ang paggawa ng binit? Kung opo ang inyong sagot ay makinig na mabuti sa sumusunod na kwento ni Lolo.

Isang araw ng Sabado ay umaga pa lamang ay nagmamadali na ang batang umalis dala-dala ang gulok, habang hinahabol ng kanyang ina at ito ay sinasabihan na magsambalilo dahil maya-maya ay tunay na pagkakahitik na naman ang sikat ng araw. Ang bata ay tatawid ng tubog diyan sa tabi ng bahay ni Mamay Adis Papio at maghahanap ng puno ng bayabas. Habang naghahanap ng hugis "Y" na sanga ay isinasabay na rin ang paghanap ng hinog na bayabas. Kung hindi man makakita ng hugis "Y" na sanga ay busog naman sa bunga ng bayabas. Ang paborito ng bata ay iyong tinatawag na "kalambahin," iyong kulay pula ang mga buto.

Sa di kalayuan ay may madadaanan siyang mababang puno ng santol. Aakyatin niya ito at sa may di-kataasan ay kakaskasin ang balat ng puno. Sa pamamagitan ng kanyang gulok ay magdo-drowing siya ng dalawang puso na tinuhog ng palaso at mula sa sugat na tinamo ay may tumutulong dugo. Sa bandang ilalim nito ay kanyang iuukit ang pangalan ng isang batang babae. Palatandaan kaya ito ng lihim na pag-ibig na mistulang walang kinabukasan dahilan sa layo ng agwat ng katayuan ng bata at ng babaeng kanyang napupusuan?

Di maglalaon at makakasumpong rin ang bata ng sangang akmang-akma sa hugis "Y". Bandang katanghalian ay hila-hila na ng bata ang napiling sanga ng punong bayabas at sa kanilang bahay na niya ito aayusin.

Pagkakain ng tanghalian ay tuloy-tuloy na ang bata sa silong at maingat na puputulin ang sanga sa tamang-tamang sukat at pagkatapos ay kakaskasin ang balat nito. Ang sanga ay pansamantalang patutuyuin habang pinaplano ang susunod na hakbang. Mangagailangan na ng pera ang susunod na yugto.

Tityempuhan ng bata na malamig ang ulo ng magulang upang humingi ng perang pambili ng "interior," isang makapal na goma na may iba't ibang kulay at ang lastiko na siyang ggagamitin para ikabit ang goma sa hugis "Y" na kahoy. Ang "interior" ay magkakahalaga ng sampung sentimo at sa singkong sentimo ng lastiko ay dalawampung piraso na ang mabibili. Pag minamalas at hindi nabigyan ay susubukin uli sa ibang araw. Kung mabigyan naman ay takbo na ito sa tindahan ni Ka Virgilio at bibili ng "interior" at lastiko. Kung sobra ang naibigay na pera ay bibili na rin ito ng kending "Love-U" na noon ay mamera ang bentahan. Ang pinakamurang kendi noon ay ang "delimon" na mabibili mo sa halagang limang piraso ang isang pera. Ito ay maaari mong mabili sa tindahan ni Ka Sante diyan sa Ilaya na siya namang nagtatabas ng damo sa paligid ng paaralan.

Sa silong ng kanilang bahay ay palihim na maghahanap ang bata ng mga luma at inaamag nang sapatos ngunit siya ay mapamansin ng kanyang ina at mapapagsabihan na baka diyan ay may ahas at ikaw ay matuklaw ay siya sige. Ngunit ito ay hindi papansinin ng bata at tuloy pa rin kahit may mga ulahipan na siyang napapatay. Sa wakas ay makakakita rin siya ng sapatos na mahaba ang dila at ito ang pagkukuhanan niya ng pang-ipit sa bala para sa kanyang binit. Mula sa dila ng lumang sapatos ay gugupit ito ng isang malaking korteng parihaba at dalawang maliit na pahaba. Sa magkabilang dulo ng malaking parihaba ay gugupit siya ng butas.

Samantala, ang bata ay gugupit ng dalawang magkasinghabang piraso ng "interiror". Hihila-hilahin niya ang "interior" para matantya ang tamang-tamang haba. Sa pamamagitan ng lastiko ay ikakabit niya ang isang dulo ng "interior" sa parihabang balat at ang isa naman ay sa isang sanga ng hugis "Y" na kahoy. Gagamitin niya ang dalawang maliit na pahabang balat at ilulusot ito sa butas ng malaking parihabang balat. Ito ay uulitin niya sa kabilang sanga naman ng kahoy.

Kung marami ang natirang "interior" ay gugupit ang bata ng maninipis na piraso at ito ay ipapatong niya sa lastikong nakapalupot sa "Y" na sanga at pati na rin sa kabilang dulo. Sa gayon ay magiging mas matibay ang kabit ng "interior" maging sa kahoy o balat.

Yari na ang binit ng bata! Hahawakan niya sa balat ang binit at titiyakin na pantay ang bagsak ng hugis "Y" na kahoy. Tetestingin niya ang kanyang binit sa pamamagitan ng pagtarget sa ilang lata ng gatas na ihahanay niya sa harapan. Kung ilang bato lamang ang magmintis ay masaya na ang bata, tama lamang ang pagkakabit ng "interior" sa kahoy. Sa tanganan ng binit ay iuukit niya ang kanyang pangalan. Bilang pangwakas at upang ipagdiwang ang kanyang tagumpay, ito ay magpapalaog sa bubungan ng bahay ni Mamay Tasyo. Habang sumusigaw si Mamay Tasyo ay tatakbo na ang bata sa kanilang bahay para magtago.

Ang binit ay isang matulunging kasangkapan ngunit ito ay maari din namang makasakit ng ibang tao. Para maging ligtas sa kapahamakan ang paggamit natin ng binit, tandaan at laging sundin ang mga sumusunod na alituntunin:

  1. Ang binit ay ginagamit lamang sa pagpapalaglag ng bunga o ibon na maaring kainin at bilang pang-sanggalang laban sa masasamang loob o mababangis na hayop.

  2. Huwag na huwag itututuk ang binit sa mukha ninoman at baka mabitawan ang balat ay malaking disgrasya.

  3. Huwag bibinitin ang alagang hayop ng kahanggan at baka tayo ay mabaril ay hala!

  4. Huwag magpapalaog sa bubong ng bahay ng kahanggan at baka may natutulog ay sabi nga ng matatanda ay pumatol ka na sa lasing, huwag laang sa bagong gising.

Tandaan: huwag na huwag gagamitin ang binit para manakit ng ibang tao.

At dito nagtatapos ang isa na namang pagtalakay ng ilang bagay na may kinalaman sa taong nakalipas sa ating munting bayan ng Ibaan. Ito muli ang inyong paboritong Lolo na umaasang kayo'y may napulot na kaunting kaalaman at tayo'y muli pang makakaniig sa darating pang panahon.

   

Iba Pa

Pambungad

Paano Gumawa Ng Binit

Tayo Na Sa Maynila

Palatandaan Ng Tunay Na Taga Ibaan

Paalam Na Po


Iba Pang Gawa Ng May Akda


Hinagap


A Writer At Heart


Optional

 
           
 

Paano Gumawa Ng Binit  |  Tayo Na Sa Maynila  |  Palatandaan Ng Tunay Na Taga Ibaan

       
 

Pambungad  |  Paalam Na Po

       
           
 

Copyright 2008 Aureo P. Castro

       
           

 

 

 

Hosted by www.Geocities.ws

1