A Writer At Heart

Aureo P. Castro's Written Works

 


Categories

Front Cover

Computers

Internet

Life

Poetry

Just A Thought

In Filipino Language

Who This Work Is For

About The Author


Other Web Sites By The Author

Lifelong Learning

A Writer At Heart

Optional

LEDAC

 

 

 

 

   


Ang Tamang Paginom Sa Barakong Kape

Ganito Kami Noon, Paano Kayo Ngayon?

Ako po ay tubong Batangas na sa kabutihang palad ay ipinanganak sa bayan ng Ibaan noong dekada 1950. Dito po sa tahimik at munting bayan ako namulat sa paginom ng barakong kape. Matagal ko na pong nilisan ang bayan kong sinilangan ngunit sariwa pa sa aking ala-ala ang mga kaganapan noong aking kabataan.

Doon po sa amin sa dakong Batangan noong ako ay maliit pa ay bahagi na ng pang araw-araw na buhay ang barakong kape. Iniinom po ito ng madla sa almusal at meryenda at kung minsan ay pati na rin sa tanghalian o hapunan.

Noon pong aming kabataan ay hindi pa po uso ang sa ngayon ay tinatawag na instant coffee na mabibili sa bote o makintab na pakete. Kung ikaw ay bibili ng kape ay pupunta ka sa palengke at bibili ka ng kung ilang takal na butil ng kape at ito naman ay malugod na gigilingin ng nagtitinda habang ikaw ay nagmamasid at nilalanghap-langhap ang mabangong amoy ng barakong kape.

Maari kang bumili ng isang salop (parisukat na sukatan ng dami) o kalahating salop at ito ay matagal mo na ring gagamitin sa pamamagitan ng pagdadagdag ng tubig at pagpapainit na muli ng kape sa kalan. Kung isang salop ang iyong binili, ito ay ilalagay sa kulay krema o brown na papel na supot ngunit kung mas konti sa isang salop, ang giniling na kape ay ibabalot sa hugis tatsulok na lalagyan na sa bandang ibabaw ay inilulupi upang hindi matapon ang laman.

Ang giniling na kape ay inilalagay sa kaldero at sinasangkapan ng asukal na pula at tubig at ito ay pakukuluan ng matagal sa kalan gamit ang panggatong na kahoy. Mapapansin na ang labas ng kaldero ay nananatiling kulay itim dahil sa patuloy na pagpapainit. Kinakaskas na lamang ang itim na kulay kung matabang na ang kape dahil narating na ang sukdulan ng paggamit nito at panahon na rin upang hugasan nang lubusan ang kalderong lutuan ng kape.

Kapag ang kape ay nakuluan ng ilang minuto ay handa nang inumin ang barakong kape. Kukuha ka ng tasa sa paminggalan na gawa sa kawayan na matatagpuan mo sa bahaging batalan ng bahay. Ang tasa na mismo ang gagamitin mo na pangsalok ng kape mula sa pinglutuan na kaldero. (Matipid sa huhugasan ngunit hindi sang-ayon sa personal na kalinisan.)

Ikaw ay uupo sa mahabang hapag kainan habang hinihipan mo ang tasa upang lumamig ang lamang kape. Ang tamang pagupo ay iyong ang isang paa ay nakatungkod sa upuan habang ang isa naman ay nilalaro sa pamamgitan ng pagurong at sulong ng paa sa ilalim ng bangkong upuan. Tuloy pa rin ang inyong usapan ng iyong kasamahan sa bahay at ikaw ay palingon-lingon sa malaking bintana at inuusisa kung sino ang nagdadaan sa lansangan. Kung may nagdaan na kakilala ay iyong kakamustahin at uusisain kung saan patungo ang taong nagdadaan.


Halimbawa Ng Makalumang Bintana

Maya-maya pa ay maligamgam na ang kape at ito ay sisimulan mo nang inumin. Ang tamang paginom sa kape ay sa pamamagitan ng paghigop nito at sabay na patutunugin upang ipahiwatig ang iyong kagalakan sa sarap ng inuming ito.

Ang simpleng almusal at meryenda noong aming kapanahunan ay kinatatampukan ng kapeng barako sa sinasaliwan ng malambot na tinapay kung umaga at matigas na tinapay kung meryenda. Malambot man o matigas, ang tinapay ay pinupunit sa maliliit na piraso at ito ay isinasawsaw sa mainit na kape. Ang tinapay ay tipong hinuhugasan sa mainit na kape at pagkatapos ay iinumin ang pinaghugasan na kape. Tunay na lalong sumisigla ang lasa ng barakong kape kapag ito ay sinawsawan ng masarap na tinapay.

Maaari din naman na gamiting pangsabaw ang mainit na barakong kape sa malamig na kanin at ito ay sasaliwan ng piniritong isda o tuyo. Ito po ay paborito kong gawin noong ako ay musmos pa lamang. Ang masasabi ko lamang po tungkol dito ay sila po ay isang dakilang kumbinasyon para sa aking mapiling panlasa.

Salamat po sa pagbasa ninyo sa maikli kong sanaysay at hari nawa ay may napulot kayo na kahit kaunting aral tungkol sa makulay na kasaysayan ng ating sariling bayan.
 

     
       


Other Articles In The Same Category

Pagbabalik. Ito ang lansangan na dati ay iyong palaruan ngunit bakit paligid ay umiikot...

Ang Tamang Paginom Sa Barakong Kape. Doon po sa amin sa dakong Batangan noong ako ay maliit pa ay bahagi na ng pang araw-araw na buhay ang barakong kape.

Huwag Itapon Ang Pinaghugasan Sa Bigas. Kipkipin nang malapit sa puso ang mga magagandang ala-ala.

Mga Barako Ng Kanilang Panahon. Sana ay di mawaglit sa ating ala-ala silang mga nalugmok sa gitna ng dilim.

Walang Kahirap-hirap Na Pag Compose Ng Tula Para Sa Inyong Minamahal. Sikreto ng mga romantikong manliligaw..

Umuwi Na Ang Isang Anghel. Paalam na sa iyo, papauwing anghel. Langit ay nagliwanag sa iyong pagbabalik.

Pira-pirasong Daloy Ng Kamalayan. Hamog Sa Umaga, Hiwaga Ng Puso, Sa Ating Pagtanda.

     
               
       

Copyright 2008 Aureo P. Castro                                      Email: [email protected]

     
 
Hosted by www.Geocities.ws

1