A Writer At Heart

Aureo P. Castro's Written Works

 


Categories

Front Cover

Computers

Internet

Life

Poetry

Just A Thought

In Filipino Language

Who This Work Is For

About The Author


Other Web Sites By The Author

Lifelong Learning

A Writer At Heart

Optional

LEDAC

 

 

 

   


Pira-pirasong Daloy Ng Kamalayan 

Hamog Sa Umaga

Ganito Kami Noon, Paano Kayo Ngayon: Isang Eksena Sa Ating Pag-ibig

Mahal, alam mo ba kung bakit may hamog ang dahon sa umaga?

Ganito kasi iyon. Pag malalim na ang gabi at tayong mga tao ay tulog na, nagtitipon-tipon ang mga anghel para mag compare notes kung ano ang nangyari sa natapos na araw.

Itong mga anghel na ito kasi, napaka emosyonal na creatures ang mga iyan. Ang nangyayari sa tuwing may naririnig sila na may isang lalaki na binigo ng isang babae, sobrang nagdaramdam ang mga anghel na iyan. Hindi nila mapigilan ang mapaiyak sa awa nila sa mga lalaki na nabigo sa araw na iyon. Kaya iyon, yung luha ng mga anghel na iyan ang pumapatak sa lupa at nagiging  hamog.

Kaya sa susunod na pag gising mo sa umaga, pansinin mo ang mga dahon at bulaklak, at kung hitik sa hamog ang mga iyan, ay siguradong marami na na namang kalalakihan ang binigo ng kanilang napupusuan noong gabi na nakaraan.

Pero ang nakakapagtaka ay kung bakit hindi umiiyak ang mga anghel pag ang lalaki naman ang bumigo sa isang babae. Bakit kaya? Hindi ko talaga alam ang sagot sa tanong na iyan.

Ewan ko pero sa tingin ko lang ay alam siguro ng nasa itaas na emotionally mas matatag kayong mga babae kay sa amin at mas kaya ninyong tanggapin ang hamon ng kabiguan.

Teka muna, gaano mo ba ako ka mahal? [Mahak na mahal (repeat 10 times) kita.]

Talaga? Siyanga pala, meron pala akong na-compose na poem para sa iyo. [Talaga?] Oo pero next time ko lang ipapakita, hindi ko pa kasi tapos kopyahin (from the book, ay buko!), hindi pala hindi ko pa pala tapos i-type, ha ha ha ha ha!

Hiwaga Ng Puso

Mayroon pong mga bagay na ang puso lamang ang nakakaalam. Masalimuot man po ang buhay, ang lahat sa puso ay simple lamang. Sa pamamagitan lamang po ng puso mauunawaan ang hiwaga ng pagmamahalan. Ang mahalaga, kung sa mata po lamang ay hindi matutuklasan.

Salamat Na Lamang At Naging Bahagi Ka Ng aking Nakaraan

Parang kailan lamang noong tayo'y nasa Ibaan. Tayo'y namamalibang ng mangga sa kabila ng tubog. Pinagtatawanan natin ang mga kakatwang pangalan ng patay sa kamposanto. Tayo'y nangangaluluwa at nagkakaroling pagdating ng Nobyembre at Disyembre. Tayo'y namiminit ng ibon sa looban.

Inaakyat natin ang kampanaryo at nakikita natin ang buong bayan. Nagbubunot tayo ng damo sa Ibaan Central. Tunuturuan tayo ng katekismo ni Miss Magtibay. Nanonood tayo ng tinda sa palanyag pag piyesta. Tinutugtog ang laruang pulang gitarang lata.

Naliligo tayo kasama ang kalabaw sa Pinagtipakan. Naghahanap ng kampupot para tuhugin sa tingting at ialay sa tuklong. Nagsasabog ng bulaklak pag turno mo na sa pag-aalay. Naglalaro ng taguan kapag maliwanag ang buwan.

Hindi mo alam pero pingamamasdan kita habang kumakanta ka sa tuklong. Nagle-lecture si Mr. Chavez sa Economics class pero ikaw ang nasa isip ko. Naiisip kita pag tutulog na ako sa gabi. Nakakatulog ako na ikaw ang nasa isip ko.

Ngunit pagkatapos ng high school tayo'y nagkawatak-watak na. Nagkaiba-iba na tayo ng landas at hindi na muling nagkita. Naglaho na ang aking mga pangarap at hinarap ang mga hagupit ng buhay. Umibig ng iba at nagkamali....

Hanggang sa ngayon ay naaala-ala pa rin kita paminsan-minsan. Nasaan ka na kaya ngayon at ano ang iyong naging kapalaran? Kung naging tayo hindi sana ako nagkamali. Ngunit hindi na maaring ibalik ang gulong ng kasaysayan. Salamat na lamang at naging bahagi ka ng aking nakaraan....

Sa Ating Pagtanda 

Sa ating pagtanda, may mga pagkakataon na bumabalik sa ating gunita ang ala-ala ng ating nakaraan, ang sarap ng pagmamahal, ang pait ng pagkabigo, ang hirap sa ating pakikibaka, ang kadakilaan ng ating pagtitiis, and dangal ng ating tagumpay.

Ngunit sa lahat ng ating mga ginawa ay iisang tema lamang ang nangingibabaw, at iyan ay ang tema ng pagbibigay. Binigyan natin ang ating sarili ng lakas ng loob at damdamin upang sagupain ang mga balakid sa ating tagumpay. Binigyan natin ng pagibig ang ating mahal sa buhay upang ang kanilang pagkatao ay mapunlaan ng mabuting hangarin. Binigyan natin ng talino ang ating mga anak upang sila ay magkaroon ng gabay sa kanilang pagtahak sa landas ng buhay. Inialay natin ang ating panahon, ang pinamahalagang yaman ng ating buhay, sa ating mga minamahal.

Minsan sa ating buhay ay ating naranasan na tayo ay bumili ng isang bagay ngunit nang ating tingnan ay mas malaki pa ang naisukli sa atin kaysa sa ating ibinayad. Ganyan ang nangyayari sa tuwing tayo ay nagbibigay ng kabutihan sa ating kapwa at ating mahal sa buhay. Tayo ay nasusuklian ng sobra-sobrang kaligayan! At ang kaligayang ito ay di matutumbasan ng kahit ano pa man. Ito ang nagsisilbing tungkod na ating inaasahan kung tayo ay nanganganib na mabuwal. At ang tungkod na iyan ay hindi maaring kunin ng sinoman at ito ay ating dala-dala hanggang sa huling hantungan. At sa ngiti sa ating mga labi ay mababakas mo ang nag-uumapaw na kaligayahan.....
 

     
       


Other Articles In The Same Category

Pagbabalik. Ito ang lansangan na dati ay iyong palaruan ngunit bakit paligid ay umiikot...

Ang Tamang Paginom Sa Barakong Kape. Doon po sa amin sa dakong Batangan noong ako ay maliit pa ay bahagi na ng pang araw-araw na buhay ang barakong kape.

Huwag Itapon Ang Pinaghugasan Sa Bigas. Kipkipin nang malapit sa puso ang mga magagandang ala-ala.

Mga Barako Ng Kanilang Panahon. Sana ay di mawaglit sa ating ala-ala silang mga nalugmok sa gitna ng dilim.

Walang Kahirap-hirap Na Pag Compose Ng Tula Para Sa Inyong Minamahal. Sikreto ng mga romantikong manliligaw..

Umuwi Na Ang Isang Anghel. Paalam na sa iyo, papauwing anghel. Langit ay nagliwanag sa iyong pagbabalik.

Pira-pirasong Daloy Ng Kamalayan. Hamog Sa Umaga, Hiwaga Ng Puso, Sa Ating Pagtanda.

     
               
       

Copyright 2008 Aureo P. Castro                                       Email: [email protected]

     
 
Hosted by www.Geocities.ws

1